DANIELLE'S POV
Hanggang ngayon, naiinis pa rin talaga ako. Bakit kasi pumayag pa ako? Edi para ko na ring inamin na may gusto ako kay Neil. Aminado naman ako, kaya lang, nakakainis dahil si James Bond pa ang unang nakaalam! Close ba kami? Isa pa, ano namang maitutulong ko doon sa action research na iyun? Eh wala naman akong kaalam-alam doon!
Nag-open na lang ako ng f*******: ngayong gabi dahil baka sakaling online si papa. Yun lang naman palagi ang inaabangan ko dahil hindi naman ako mahilig sa mga social networking sites. Maya-maya, biglang may nag popped up sa message box.
Akala ko si papa, kaso nabadtrip lang ako kasi isang ‘Bhoxsz Suflahdito’ lang ang nagmessage sa akin nang hindi ko naman maintindihan,’Hai mixsz.’ Jejemon! Sa sobrang asar ko, maglalog out na lang sana ako kaya lang biglang may nagmessage ulit. Akala ko, yung jejemon na naman, pero thank God! Si papa ang nagmessage.
Agad-agad namang nagvideo call si papa. Breaktime niya raw kasi ngayon. Tuwang-tuwa ako kasi namimiss ko na talaga siya. Sobrang close lang talaga kasi ako sa papa ko. Nagkwento siya ng mga nangyari sa kanya at ganun rin ako. Siyempre, kasama doon si mama. Sinabi kong palagi pa rin akong pinapagalitan, pero ano pa nga ba? Ang sabi niya, hayaan ko na lang. Tsk.
“Anak, kamusta na pala ang pag-aaral mo?”
Natigilan ako sa tanong ni papa. Naalala ko yung sinabi sa akin ni Sir Domit. May tendency nga palang maging repeater ako.
“Pa, ang sabi, baka daw maging repeater ako.” nahihiyang sambit ko.
Bakas naman ang pagkagulat sa mukha ni papa. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ayokong madisappoint siya pero hindi rin naman ako pwedeng magsinungaling.
"Anak, kaya mo iyan! High school lang iyan. Ganito na lang, kapag nakapasa ka at tumaas ang mga grades mo, uuwi ako diyan sa bakasyon mo.”
Napaisip ako sa sinabi ni papa. Ilang taon ko na rin siyang hindi nakikita at gusto ko na rin siyang umuwi kaya pumayag na ako. Hindi ko alam kung paano ko gagawin yun. Ang pagkuha ng mataas na grades ang isa sa pinakaimposibleng bagay na magagawa ko, pero dahil si papa ang nagsabi, sisikapin ko.
Pumasok bigla si mama sa kwarto at nagsisisigaw na naman na magsaing ako. Gusto ko pa sanang makausap si papa nang mas matagal pero tinaboy ako ni mama. Sila daw muna ang mag-uusap. Nakakabwiset talaga!
Habang hinihintay kong maluto ang sinaing, nag-isip akong mabuti. Sinubukan kong pag-aralan ang mga nasa libro ko pero mukhang wala talaga akong pag-asa. Hindi ko maintindihan ang mga nakasulat doon hangga’t walang nagpapaliwanag sa akin.
Yung mga teachers naman, parang mas pinapakumplikado pa yung mga lessons. Hindi naman ako pwedeng magpaturo kila Neil dahil numero uno din ang mga iyun!
“Daniella! Yung sinaing mo, sunog na! Saing na lang, mali mali ka pa. Wala ka talagang kwenta!"
Hindi ko pinansin ang pagsigaw ni mama. Tapos na siguro ang breaktime ni papa kaya lumabas na siya sa kwarto at naghanap na naman ng maling nagawa ko.
Hindi ko muna iintindihin iyun. May naisip na ako. Kahit ayoko, wala naman akong choice. Kailangan ko talagang magpaturo kay James.
JAMES' POV
Andito kami ngayon ni amasonang tomboy sa school garden. Isang malawak na part ng school na carabao grass ang nakapaligid at may mga kubo na parang pahingaan. Nakiusap siya sa akin kaninang umaga na kung pwede ko siyang turuan ulit. Noong una, ayoko, pero nakita kong nalungkot talaga ang mukha niya. May narinig pa akong bulong niya na gusto niya lang namang umuwi ang papa niya, kaya NAPILITAN akong pumayag. Oo! Napilitan lang ako.
Tuturuan ko siya ngayon dahil nagkaroon ng biglaang meeting ang mga faculty members kaya wala kaming klase. Gagamitin namin ang vacant time na iyun para mag-aral. Goodluck na lang talaga sa akin! Actually, kanina pa kami dito at hanggang ngayon wala pa rin siyang natutunan. Ewan ko ba sa tomboy na ito, parang hindi naaabsorb yung mga sinasabi ko.
“Kailan ba exam mo?”
“Friday pa.”
“Nakakainis ka naman kasi eh! Wala ka namang natututunan sa mga sinasabi ko.”
“Nakakainis ka rin!”
“Bakit?!”
“Iyang mukha mo! Nakakainis.”
“Ang kapal mo ha? Sa gwapo kong ito, maiinis ka?”
Hindi na siya sumagot at inirapan lang ako. Badtrip ito ah? Ilang minuto kaming natahimik at nag-isip.
“Tsk. Magtanungan na lang tayo! Malay mo, may bagay tayong mapagkasunduan.” suhestiyon ko kaya nabaling sa akin ang atensiyon niya.
“Duda ako diyan.” sagot niya habang tumatangu-tango pa.
“Kaya nga susubukan eh! Bwiset ito!”
“Sige na! Alam mo, hindi rin kita maintindihan eh. Kapag sa iba, tahimik ka at poker face palagi, kapag ako ang kasama mo, ang ingay ingay mo! Ang sakit sa tainga!”
“Nahiya naman ako sa iyo!”
“Simulan mo na nga, ang bagal bagal mo eh!”
“Tsk! Makautos ha? Game na nga! Birthday mo?”
“September 12. Ikaw?
“August 21. Ikaw naman ang magtanong.”
“Favorite color? Sa akin, fuchsia white and baby black.”
“Wala namang color na ganyan!”
“Wag mo akong papakialaman ha? Hindi lang pink ang may karapatang magka fuchsia at baby!”
“Tsk! White and Green.”
Nagpatuloy kami sa pagtatanungan hanggang sa nalaman ko na ang favorite anime character niya ay si Daddy Long Legs dahil astig daw ang haba ng legs, ang favorite movie niya ay transporter dahil ayaw niya sa mga horror at love stories, hobby niya ang pagtulog kahit mukha namang hindi hobby yun, favorite food niya ang beef kare-kare, ang sports niya ay jackstone kahit hindi naman iyan sports at favorite subject niya ang recess. In short, walang kwenta lahat ng nalaman ko!
“Ideal girl?”
Napaayos ako ng upo dahil sa tanong niya.
“Bakit mo tinatanong iyan? Sabi na nga ba, interesado ka sa akin eh!”
“Encyclopedia ka no! Complete volume pa!”
“Bakit, dahil matalino ako?”
“Hindi! Ang kapal kasi ng mukha mo!”
“Tsk! Lahat ng ugaling wala sa iyo, yun ang ideal girl ko!”
“Same.” maikling sagot niya na parang walang pakialam.
“Talents mo? Ako, singing, dancing, drawing, marunong din akong gumawa ng mga kanta, maggitara, many to mention na nga lang!”
“Sagad ka talaga sa kayabangan! Tsk. Ako? Impersonating.”
“Impersonating? Seryoso ka?”
Tumayo naman siya at parang bumwelo pa. Maya-maya lang, nagsimula na siyang gayahin ang mga teachers namin. Nakakatawa, grabe! Gayang-gaya niya. Halos sumakit na ang tiyan ko kakatawa dahil sa ginagawa niya. Pati kasi pamamaraan ng pagtuturo ng teachers namin, ginagaya niya. Alam ko na kung bakit wala itong natututunan sa klase. Busy kakapansin sa mga ginagawa ng teachers eh.
“Wait, ako din. Kaya ko yan!” tumigil naman siya at humarap sa akin. Tumayo din ako at bumwelo.
"Sorry Maam , but anyway , I RECLAME!” kahit nakakahiya, ginaya ko ang boses niya pati ang pagpukpok niya sa hangin nang mga oras na yun. Nagsimula na naman akong tumawa at ngayon, nakahawak na talaga ako sa tiyan ko dahil hindi ko na kinakaya.
“Ang galing mo talagang mang bwiset no?*Malay ko bang hindi reclame ang English ng reklamo! Declamation kasi, declame, Oration, orate, reklamo, reclame!”
Hindi ko na siya sinagot at nagpatuloy na lang sa pagtawa. Ang huling sinabi niya ang lalong nakapagpalakas ng tawa ko. Ang sakit na ng tiyan ko. Joker din pala ito eh.
“Mamatay ka sana katatawa! Sabi sa iyo, wala talaga tayong mapapagkasunduan eh!”
DAREN'S POV
Ako si Daren L. Herrera,16 years old, section F. Ang sabi nila, ako yung pinakamapang-asar at babaero sa tropa, pero kung alam lang nila.
Naglalakad-lakad ako sa school ngayon hanggang sa napadpad ako sa school graden. Wala nga kasing klase samantalang sila Neil naman ay hindi pumasok at hindi ako nasabihan! Nag-iisip ako ngayon kung dapat na ba akong umamin kay Danielle. Matagal ko na kasi siyang gusto pero hindi ko masabi-sabi. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin, kaya nagpapanggap akong laging naghahanap ng babae para hindi sila maghinala.
Nagpatuloy ako sa paglalakad pero hindi ko inaasahan ang nakita ko. Si Danielle at James na magkasamang nagtatawanan. Mukhang masaya talaga sila. Hindi ko maiwasang makaramdam ng inis.
Magiging makasarili ba ako kung ayaw ko siyang makitang tumatawa kapiling ang iba? Hindi. Mali ang iniisip ko. Alam kong kahit kalian, hindi maiinlove si Danielle kay James. Sigurado ako doon.