Nakarating na rin sila sa bahay ng kaniyang ama pagkatapos ng sampung minuto. Nagtataka ang kaniyang ama dahil tahimik na tahimik si Queenie. Kadalasan ay maraming naikwekwento ito, pag sinusundo niya galing sa school. Tumigil sila sa harap ng garahe. Bumukas ng kusa ang automatic door ng garahe. Ipinasok na ang kotse sa garahe. Noong pinatay na ang makina. Lumabas na si Queenie sa kotse at kinuha ang bag sa likod. Dumeretso na ito sa loob ng bahay at hindi na bumati kay Manang Mona.
Pumasok na rin sa loob si Mr. Navarro. Ang pintuan sa garahe kasi ay papunta sa kusina kaya pagpasok niya ay nakita niya si Manang Mona na nagluluto.
"Ano pong niluluto niyo?" tanong ni Mr. Navarro kay Manang Mona.
"Sinigang na baboy po, sir."
"Asiman niyo po. Mas gusto ni Queenie ng maasim."
"Sige po sir."
Umakyat na si Mr. Navarro sa kanilang kuwarto. Nagbihis ng pambahay pagkatapos ay kumatok sa kuwarto ni Queenie.
"Kakain na. Paborito mo ang ulam, sinigang na baboy."
"Sige Pa, mauna ka na muna sa baba. Mag-aayos lang ako dito."
"Sige pero wag magtagal. Lalamig ang pagkain."
"Sige po."
Bumaba na si Mr. Navarro sa kainan. Hindi pa nakahain ang pagkain kaya pumunta muna siya sa sala para manood ng balita. Samu't-saring nakawan na naman sa gobiyerno ang iniimbestigahan ng kongreso. Nakawan sa PhilHealth at SSS. Pati sa customs ay hindi pa rin natatapos ang pagkamkam ng pera. Magkakasunod na mga balita ang tungkol dito pero pagkatapos ng mga sampung coverage ay naiba ang ibinalita. Tungkol sa isang transgender na pinatay sa Manila ng mga kalalakihan. Hindi pa matukoy kung sinu-sino pero sigurado na ang pulis na kalalakihan ang pumatay. Narinig ni Mr. Navarro ang yabag ng mga paa ng kaniyang anak sa hagdanan at agad na nilipat ang channel sa HBO. Ang palabas ay Pretty Woman.
Hindi pa nakahain ang pagkain kaya umupo muna sa tabi ng kaniyang tatay. Natutuwa si Queenie dahil isa sa mga paboritong pelikula niya ang Pretty Woman. Gusto niya iyong ideya na isang mayaman na lalake. Isasama sa kaniyang kandungan at dadamitan ng maraming magagandang damit at alahas. Kinikilig siya sa ganoong pag-iisip. Kilala ni Mr. Navarro ang kaniyang anak at alam niya na ikatutuwa nito ang panonood.
"Nakahain na po" panawag ni Manang Mona.
Tumayo na si Mr. Navarro papunta sa mesa pero si Queenie ay tutok na tutok sa pinapanood. Hindi man lang niya narinig ang tawag ni Manang Mona.
"Tama na yan. Kain na tayo." pagtatawag ni Mr Navarro kay Queenie.
Narinig naman iyon ni Queenie dahil iyon ang seryosong boses ng kaniyang tatay. Pag hindi siya sumunod doon ay sisigawan na siya. Tumayo na ito sa sofa at pumunta sa hapag-kainan. Amoy na amoy niya ang pagkaasim ng sinigang. Naglaway na siya. Sumandok na siya ng kanin.
"Anong ginagawa mo?" pagalit sa kaniya ng kaniyang tatay.
Hindi na sumagot si Queenie. Binitawan niya ang sandok at naupo na lang. Nag-antanda na ang kaniyang tatay at nagsimula nang magpasalamat sa pagkaing nakahain sa kanila ngayon. Nagpasalamat din siya na mayroon pa silang damit na nasusuot, bahay na natutulugan at kotseng nasasakyan.
"Hindi mo ba tatanungin kung nasaan ang nanay mo?" pagpapaalala ng tatay niya. May nakaumang na kutsara sa kaniyang bibig. Sabik na siyang matikman ang maasim na sabaw pero ibinaba niya ito. "Nasaan po si, Mama?"
"Gagabihin siya. May kailangan pang gawin sa opisina."
"Dito po ba siya kakainin o ma-oorder na lang po sa opisina."
"Doon na daw siya kakain. Mag-fofoodpanda na lang daw siya. Tumawag po siya dito kaninang hapon." sagot ni Manang Mona.
"That's good." sagot ng ama.
Sinubo na ni Queenie ang kanin na may sabaw. Nanginig ang kaniyang panga sa sobrang asim pero iyon ang gusto niya. Tila natanggal ang mabigat na pasanin niya kanina pa. Nakangiti na ito habang halinhinang humihigop ng sabaw at kanin. Nakita naman ito ng kaniyang ama. Mission accomplished! Pinaalis niya muna si Manang Mona gamit ng senyas.
"Ano ba nangyari sa iyo? Bakit nagkaganoon ang timpla mo kanina?"
"Wala po iyon."
"Sabihin mo na."
"Huwag niyo na po pansinin."
"Sabihin mo na!" medyo malakas na pagkakasabi ng tatay niya.
"May nangyari po kasi sa school."
"Bakit binully ka na naman?"
"Hindi yun."
"Ano nga?"
"Ayaw ko sabihin, Papa."
"Sabihin mo na. Paano natin masosolusyonan yan?"
"May bago kasi akong kaklase."
"Binubully ka?"
"Papa, hindi ganun."
"Ano nga kasi."
"Crush ko siya." mabilis na sinabi ito ni Queenie. Hindi niya gustong aminin sa kaniyang ama na may crush siya sa school.
"Bakit malungkot ka? Dapat masaya ka diba? Pag may crush."
"Eh kasi eh....." Hindi makasagot ng maayos si Queenie. Hindi siya komportableng pag-usapan ang ganoong aspeto ng kaniyang buhay. Hindi nagsalita ang kaniyang ama.
"Crush ko siya." binagalan na ang pagsasalita "Kaso lang kasi sabi nung isang kaklase ko masyado ko daw inaangkin ang atensyon niya. Masama daw iyon, Natatakot ako na baka nasaktan ko siya o nabastos."
Tinawanan siya ng kaniyang tatay. Hindi inaasahan na problemang pag-ibig na pala ito. Nag-iba ang tingin niya sa kaniyang anak. Noon ang tingin lang niya ay isang bata na kailangan arugain at proteksiyonan laban sa mundo. Ngayon may pagtangi na sa ibang tao ang kaniyang anak.
"Bakit mo ako tinatawanan, Papa?"
"Wala lang. Ever since talaga napaka-passionate mo."
"Hindi ko maintindihan, Papa."
"Pag gusto mo walang makakapigil sa iyo. In the future, kailangan mong maintindihan na kailangan mong irespeto ang mga tao sa kapaligiran."
"Nirerespeto ko naman sila. I don't discriminate them or forget their needs."
"Pag tinamaan ka na kasi ng bugso ng damdamin mo, nabubulag ka na. Nabubulag ka na sa mga pangagailangan ng mga tao sa kapaligiran mo."
"Hindi ako ganoon, Papa."
"Talaga?"
"Oo, Papa."
May narinig sila sa may garahe. Bumukas ang pintuan ng garahe at may pumasok na kotse.
"Baka Mama mo iyan." sabi ng kaniyang ama.
Paglaon ng ilang minuto ay pumasok nga si Mrs. Navarro galing sa trabaho. Mukha siyang pagod at hingal na hingal. Mukhang tumakbo siya para makauwi kaagad pero nakakotse naman.
"Bakit hingal ka?" tanong ni Mr. Navarro.
"Tumakbo ako papunta sa car park ng opisina. May narinig kasi akong nakawan daw ng kotse sa car park. Chineck ko kaagad kung nandun pa iyong kotse ko."
"Eh kamusta.....sinong nakuhanan?"
"Si Jordan muntik nang madekwat ang kotse pero naharangan ng mga guards."
"Buti naman nakuha pa ang kotse niya."
Umakyat na si Mrs. Navarro sa kanilang kuwarto para magbihis. Habang naghihintay ay sumubo na lang ang mag-ama. Mabilis na nagbihis si Mrs. Navarro. Kumuha ng plato at pinggan si Mrs. Navarro. Nilagay iyon sa isang placemate at nagsimulang magsandok ng kanin.
"Akala ko sa office ka na kakain?"
"Wala nagkagulo na. Hindi na naka-focus mga tao sa trabaho. Pinauwi ko na lang muna mga tao."
"Paano iyong i-oovertime niyo?"
"Next week pa naman ang presentation."
"May iba bang nanakawan ng kotse?"
"Wala. Buti nga hindi nakuha. Hindi din alam kung paano nakapasok."
"May ibang labasan ba bukod doon sa gate?"
"Wala naman. Ang pwedeng entrance and exit doon ay ung gate at elevator."
"Hindi nakita ng mga guards na dumaan sa gate?"
"Hindi daw pero ichecheck ung CCTV bukas ng security department."
"Sige balitaan mo rin ako bukas. Nakakapagtaka iyang nangyari diyan."
Napangiwi sa asim si Mrs. Navarro. Hindi niya inakala na ganoon kaasim ang sinigang. Kumalat pa ang asim sa kaniyang buong katawan dahil nanginig pa ang kaniyang balikat hanggang paibaba. Natawa si Queenie sa itsura ng kaniyang ina.
"Manang, bakit ganito kaasim ito?" pasigaw na tanong ni Mrs. Navarro kay Manang Mona.
"Huwag mo na itanong iyan. Kumain ka na lang." sabi ni Mr. Navarro. Dumating naman si Manang Mona sa kainan para sagutin si Mrs. Navarro.
"Ah...eh...ahh....kasi po" Hindi makasagot si Manang Mona dahil hindi niya alam kung isusumbong ba ang kaniyang sir o hindi. Hindi niya alam paano magpapaliwanag.
"Pinaasiman ko kay Manang Mona para kay Queenie." sinagot na ni Mr. Navarro ang tanong ng kaniyang asawa.
"Bakit?" tanong na may kasamang emosyon ni Mrs. Navarro
Hindi kaagad makasagot si Mr. Navarro hindi niya alam kung ikekwento na ba agad sa kaniyang asawa ang nangyari kay Queenie ngayong araw.
"May nangyari kasi sa school ngayong araw, Ma. Pinaasiman ni Papa para naman matanggal ung stress ko." si Queenie na ang sumagot.
"Anong nangyari sa school. Muntikan ka na naman bang bugbugin?"
"Ma, hindi iyon ganun." Sumubo uli si Mrs. Navarro pero sa pagkakataong ito isinama na niya sa kanin ang sabaw kaya nabawasan ang asim. Ikinwento na ni Queenie ang buong pangyayari sa school kung paano niya nakilala si Michael. Ano ang naging asal niya. Ang sinabi ni Luisa pagkatapos.
"Gago, pala ang lalakeng iyon eh. Bakit hindi na-appreciate ang attention mo?" sabi ni Mrs. Navarro pero sinutsutan siya ni Mr. Navarro at masama ang tingin sa kaniya.
"Bakit mo ko tinitignan ng ganiyan?" tanong ni Mrs. Navarro sa kaniyang asawa. Hindi nagsalita si Mr. Navarro. Sumenyas siya gamit ng labi na ayusin niya ang sinasabi niya sa kaniyang anak.
"Alam mo anak. Wala kang ginawang mali. Hindi mo dapat crush ang lalaking iyon. Dapat tutok ang atensyon niya sa iyo. Dapat walang ibang tao sa " sabi uli ni Mrs. Navarro. Iniapak ni Mr. Navarro ng malakas ang kaniyang kanang paa. Ang pinakamalapit na paa kay Mrs. Navarro. Parehas na nagulat si Mrs. Navarro at Queenie. Ang mukha ni Mr. Navarro ay seryoso na. Wala ng bahid ng kalokohan. Hindi na nagsalita si Mrs. Navarro pero nagtataka siya sa ginagawa ng asawa.
Hinintay ni Mr. Navarro ang susunod na sasabihin ng kaniyang asawa pero hindi na ito nagsalita. Patuloy na lang na tinitiis ang asim ng sinigang.
"Tatandaan mo Queenie. Hindi ka nga sigurado kung gusto ka niya. Hindi pa kayo mag-boyfriend tapos hinohorde mo na iyong attention niya. Paano kung mag-boyfriend na kayo? Kailangan mong maintindihan na hindi umiikot ang mundo niya sa iyo. Meron din siyang mga sarili niyang kaibigan, pamilya at buhay." paalala ni Mr. Navarro. Sa wakas ay naintindihan ni Mrs. Navarro ang ibig sabihin ng kaniyang asawa.
"Oo, alalahanin mo na tao din siya na may iba't-ibang gusto sa buhay. Hindi siya bagay na kailangang mapanalunan o maangkin." dugtong ni Mrs. Navarro. "Iyon ay kung gusto mo siyang ligawan."
Si Angie ay naglakad na papuntang sakayan pagkatapos ng dismissal. Malayo-layo ito at kailangan lumiban ng mga kalsada. Ang daming dumadaang kotse dahil oras na ng labasan. Nakita niyang dumaan ang kotse ng tatay ni Queenie. Nainggit siya ng bahagya. Gusto niya magkaroon ng kotse para komportable ang biyahe. Hindi katulad sa jeep na siksikan at mainit. Bumuntong-hininga siya at nagkibit-balikat na lang. Sa takdang panahon magkakaroon din siya ng kotse, ngayon ay magsisipag muna siya para sa pamilya at sarili niya. Lumiban na siya ng kalsada at naghintay doon ng jeep. May ilan na dumaan pero iba ang daan ng jeep. Mapapalayo siya pag doon siya sumakay. Maya-maya naman ay puno na ang mga jeep na ruta niya. Kinakabahan na siya dahil baka gabihin siya doon sa pwesto. May nabalita pa naman sa subdivision na ito na nabibiktima ng r**e. May lalake na biglang tumigil sa may tabi niya. Nag-cecellphone din ito. Natatakot na siya baka kung anong gawin sa kaniya ng lalake.
May mga ilang jeep pa na dumaan na puno. Nanginginig na siya sa takot at sakto naman na may dumating na jeep na maluwag na ruta niya. Agad siyang sumakay sa tabi ng driver dahil walang nakaupo dito. Binuksan niya ang pinakaunahang bulsa ng kaniyang bag at kumuha ng barya. Ibinayad niya ang sais pesos sa driver.
"Sa Labasan lang po." sabi niya pagkaabot ng bayad. Naging kalmado na siya dahil finally nakasakay na siya ng jeep. Tinignan niya ang oras sa kaniyang cellphone, 5:30 PM na. Kalahating oras siya doon naghihintay buti na lang walang nangyari sa kaniya. Pagkatapos ng ilang minuto, may sumakay sa tabi niya kaya nasiksik na siya sa may kambyo. Kaya minsan pag kumakambyo ang driver ay sumasayad ang kamay nito sa may tuhod at binti niya. Tinitignan niya kung sinasadya ba ng driver, mukhang hindi naman. Nakadiretso lang ang tingin ng mama. Kahit ganoon ay hindi mapigilan ni Angie, na maramdaman ang pandidiri. Tinry niya na ilayo ang tuhod niya kaso lang dahil siksik na siya ay pati paghinga ay kinokontrol niya para maipit niya ang sarili niya.
Bago makarating sa Labasan ay buti na lang bumaba na ang kaniyang katabi. Lumayo siya sa kambyo para hindi na masagi ang kaniyang tuhod. Idinantay niya ang ulo sa malamig na bakal. Naging komportable na siya doon hanggang makarating sa Labasan. Bumaba na siya at agad na sumakay sa jeep na papunta sa kanila. Maluwag pa ang jeep na ito kaya naghihintay pa ng mga pasahero. Nagmuni-muni muna siya habang nagpupuno ang jeep. Inilista niya ang mga kailangan gawin pagkauwi sa bahay. Inisip niya kung may makakain para sa hapunan. May tirang kanin pa yata.
Mabilis naman napuno ang jeep at siksikan na uli. Traffic ng lang kaya kahit hindi sobrang layo ng bahay nila ay natagalan. Nagpawis din siya ng todo dahil sa lala ng siksikan at hindi paggalaw ng hangin sa loob ng jeep.
"Bayad po." May nag-abot ng bayad galing sa dulo ng jeep. Pinag-aabot ng mga pasahero hanggang makaabot kay Angie. Inabot din niya ito sa pasaherong nasa unahan niya. Hindi nito inabot ang bayad. Tinignan niya ang pasahero naka-ear phones ito at hindi naririnig ang nangyayari sa kaniyang paligid.
"Bayad po." Nilakasan na ni Angie ang kaniyang pagkakasabi. Hindi pa rin inaabot ng pasahero sa may harapan niya. Nangagawit na ang kaniyang kamay sa tagal ng pagkakataas nito. Buti na lang inabot ng isa pang pasahero. Naibaba na niya ang kamay at naipahinga na ito. Lumala ang traffic sa kanilang pagbiyahe. Kanina ay gumagalaw pa ng unti pero ngayon sampung minuto na ay hindi pa rin umuusad ang mga kotse. Napabuntong-hininga uli si Queenie. Matatagalan ang kaniyang pag-uwi.
Nilabas na niya ang cellphone sa bulsa. Mag-aala-sais na. Malaking problema ito baka wala pang kainin ang kaniyang mga kapatid. Inimagine na lang niya ang crush niyang si Piolo Pascual. Napangiti na siya lalo na noong iniisip niya ang bagong teleserye nito. Sana mapanood niya iyon mamaya pero ibinalik niya sa pag-iisip ang mga assignments din niya. Ang daming kailangang gawin. Biglang umusad ang daloy ng trapiko.
Unti-unting gumagalaw ang daloy ng trapiko kahit isang dangkal. Gumaan na rinn ang pakiramdam niya dahil at least gumagalaw na. Maya-maya ay napadaan sila sa may banggaan.
"Kaya naman pala." sabi ng isang pasahero. Ngayon lang siguro naayos ng mga pulis kaya ngayon lang nakagalaw. Pagkatapos nilang lagpasan ang banggaan ay mabilis na ang daloy. Malapit na siya at nakahanda nang bumaba. Noong nakita na niya ang kanto nila pumara na siya. Tumigil naman ang jeep na sakto sa harap ng kanto. Naglakad na siya papunta sa kanila. May estudyante din siyang kasabay na naglalakad pauwi galing school.
"Angge, kamusta ka naman? Kailan mo ba ako mamahalin?" sigaw ng isang manginginom sa kaniya. Si Charlie iyon, ang matagal nang may gusto sa kaniya kaso lang matapang lang iyon pag nakakainom. May trabaho naman ito sa malapit na factory sa kanila pero tuwing day off ay lumalaklak ng alak.
"Marami ka pang kakaining bigas, Charlie." sabi ni Angie sa kaniya. Patuloy ang paglalakad ni Angie papunta sa kanilang bahay. Napadaan siya sa tindahan ni Aling Nena.
"Angge, kumuha na pala dito ng isang sardinas ang mga kapatid mo. Kailan niyo babayaran iyon?" sigaw ni Aling Nena.
"Magkano po ba?" Lumapit si Angie sa tindahan at sinipat ang laman ng kaniyang wallet. May natitira pa naman sa kaniyang stipend.
"Kinse pesos" Inabot na ni Angie ang kinse pesos kay Aling Nena. "Alam mo buti na lang matalino ka. Natutulungan mo ang pamilya mo ngayon. Kung wala anong kakainin nila."
"Sige po salamat po, Aling Nena."
Naglakad na uli si Angie papunta sa kanila. Pagdating sa pang-apat na kanto, pumasok na siya doon. Masikip na dito, pang-isang tao lang espasyo kaya pag may kasalubong kailangan may magparaya at magparaan. Ngayon naman ay mag-isa lang siya na dumadaan. Ang mga kapitbahay ay nasa labas ng mga bahay dahil mainit ngayon. Ilang linggo nang umuulan pero itong nakaraang tatlong araw ay maaraw.
"Ate, inaaway ako ni Jan-jan." paghingi ng tulong ng kaniyang bunsong kapatid na si Claring. Lumabas na din ng pintuan si Jan-jan at sinalubong siya.
"Siya nanguna ate." sumbong naman ni Jan-jan na onse anyos na.
"Pasok na tayo sa loob. Doon tayo mag-usap. Nandiyan ba si Inay?" tanong ni Angie. Pumasok na sila sa loob ng bahay. Nandoon nga ang nanay niya. Nagkukuwenta ng pera na kinita sa palengke ngayong araw. Nagtitinda kasi ng gulay ang kaniyang ina sa palengke. Nakasimangot ito na paulit-ulit pinipindot ang lumang calculator. Bumati siya sa kaniyang ina at nag-mano.
Pinapasok niya ang kaniyang mga kapatid sa loob ng kuwarto at pinaupo ang dalawa. Sinara niya ang pinto para hindi marinig ng kaniyang nanay na mukhang bugnutin na. Umupo na ang magkapatid dahil alam na nila na seryoso na ang kanilang ate. Umupo na rin si Angie.
"Ano ba ang nangyari?" tanong ni Angie sa kaniyang mga kapatid.
"Ate, siya kasi. Inagaw niya iyong Stick-O ko. Nakadalawa na siya. Pasalubong iyon ni nanay iyon eh." sagot ni Claring.
"Ate, masarap eh tapos sinuntok niya ako sa ulo." sagot naman ni Jan-jan.
"Kayong dalawa talaga. Hindi maganda iyong ginawa niyo sa isa't-isa." Napabuntong-hininga uli si Angie. Humugot siya ng lakas ng loob. Kinalma ang sarili.
"Hindi mo dapat sinuntok si Jan-jan. Ikaw naman Jan-jan, matuto ka namang mag-share kay Claring. Tig-dalawa naman pala kayo ng Stick-O eh. Matuto kayong dalawa na respetuhin at mahalin ang isa't-isa."
"Ang sarap kasi ate. Hindi ko mapigilan." pagrarason ni Jan-jan pero nagsimula na itong umiyak. Umiyak na rin si Claring. Napangisi si Angie. Parehas niyang niyapos ang kaniyang dalawang kapatid.
"Tumigil na kayo sa kakaiyak. Ang ingay." sigaw ng kanilang nanay na patuloy na nagkakalkula ng budget nila para sa susunod na mga araw.
"Oh, tahan na. Narinig niyo si nanay. Wag na umiyak. Basta respetuhin niyo ang isa't-isa. Wag kayong magsakitan." Ibinulong ni Angie sa kaniyang mga kapatid. Pinunasan din niya ang mga luha nila gamit ang kaniyang uniporme. Tumigil na sila sa pagluha.
"Oh labas na muna kayo. Buksan niyo na lang ang TV. Manood kayo ng kung ano." Binuksan na ni Angie ang pinto. Lumabas na ang kaniyang mga kapatid at nanood ng TV. Isinara na ang pinto at nagbihis na ng pambahay. Lumabas na rin sa kuwarto at nagplano na mag-luto na. Nakita niya sa lamesa ang delatang sardinas.
Pumunta siya sa taguan nila ng sibuyas. Isa na lang ito kailangan makabili na para bukas. Igigisa na lang niya ang sardinas sa sibuyas para maging espesyal ang lasa kahit papaano. Lalagyan niya rin ng unting tubig para dumami tapos aasnan para hindi matabang.
Tinignan naman niya ang lagayan nila ng bigas. Marami pa naman siguro bumili ang kanilang nanay pagkauwi ngayon. Nagsaing na siya para sa kanilang hapunan. Tumutugtog ang theme song ng Spongebob SquarePants sa TV. Iyon ang paborito ng kaniyang mga kapatid.
Habang nagsasaing ay nagsimula na siyang magluto. Mabilis lang naman. Ginisa lang ang sibuyas tapos iyong sardinas ay nilagay na niya. Tapos ay nilagyan niya ng tubig para dumami ang sabaw. Nilagyan din ng asin para lumasa. Tinignan niya ang kanin at hindi pa ito luto. Pumunta muna siya sa may harap ng TV. Sinamahan ang kaniyang mga kapatid sa panonood. Tapos na ang kaniyang nanay magkuwenta ng pera.