BRIELLA'S POV
Natapos ang maghapon na wala akong nakita o nakilalang kahit na sino sa mga amo namin. Ang sabi sa akin ni Ate Jenny ay sobrang busy daw talaga ng mga Mallari. Nang dumating ang mag-asawa kanina ay hindi na kami pinalabas ng kwarto. Alas otso kasi ang tapos ng trabaho namin habang alas nwebe naman nakauwi ang mag-asawa. Hindi na kami pinalabas pa dahil wala naman daw ipag-uutos ang mag-asawa. Panigurado rin daw kasi na kumain na ang mga ito sa labas at deretso na lamang sila sa kwarto nila.
Ang anak naman nila na si Nyx na siyang ex ni Ma'am Callie ay nakauwi na rin daw. Nasa kwarto na raw ito kaya bukas ko na talaga sila makikilala. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubusang matanggap na nandito na ako at kailangan kong paibigin ang lalaking iyon. Hanggang ngayon ay hindi ko alam kung paano at saan magsisimula.
Alas onse na ng gabi at mulat na mulat pa rin ako dahil hindi ako makaramdam ng antok. Maaga pa akong babangon bukas ngunit kahit anong gawin kong pikit ay hindi talaga ako makatulog. Ramdam kong tulog na ang mga kasamahan ko sa kwarto at nahihiya na akong magpapaling paling sa higaan. Nasa taas pa naman ako.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago ako magpasyang bumangon. Dahan dahan akong bumaba ng double deck upang hindi ko magising si Ate Jenny. Nagawa ko naman iyon dahil mahimbing na talaga ang tulog niya. Maingat akong lumabas ng kwarto. May mga maliliit na ilaw ang bukas kaya hindi ganoon kadilim. Tulog na ang lahat habang ako ay gising na gising pa.
Kailangan ko muna sigurong makalanghap ng sariwang hangin upang ma-clear ang isipan ko. Ang dami kasing gumugulo dito at isa na doon si Gael. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ako mine-message. Walang nakakaalam sa mga kaibigan ko na dito ako nagtatrabaho sa mga Mallari. Hindi rin nila alam na stay-in na ako.
Pumunta ako sa may kusina dahil mayroon din ditong pinto. Dito na lamang ako dadaan dahil nakakahiya naman kung sa main door pa ako dadaan. Baka magising ko pa ang lahat dahil napakalaki ng main door ng mga Mallari. Tiyak akong makakalikha ito ng ingay kapag binuksan.
Paglabas ko sa may pinto ng kusina ay nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang lalaki na akmang bubuksan ito. Sisigaw na sana ako ngunit mabilis niyang tinakpan ang bibig ko at hinatak ako papunta sa gilid ng mansion. Nagpupumiglas ako ngunit di hamak na mas malaki at mas malakas siya.
"Bibitawan kita kapag hindi ka nag-ingay," seryosong sabi niya.
Kumunot ang noo ko. Parang pamilyar ang boses niya ngunit hindi ko masyadong maaninag ang mukha niya dahil hindi ganoon kaliwanag. Ngunit amoy na amoy ko ang pinaghalong amoy ng alak at pabango niya. Nanunuot ito sa ilong ko. Ilang saglit pa ay binitawan na niya ako kaya mabilis akong humarap sa kaniya.
"Ikaw na naman?" hindi makapaniwalang tanong ko. Hinding hindi ko malilimutan ang mukha niya dahil sa ilang beses ko na siyang nakita. Siya lang naman kasi ang lalaking muntik na akong masagi ng sasakyan niya. At siya rin ang lalaking nasa ospital at ang lalaking muntik nang mabiktima nina Rico.
Napangisi naman siya. "Anong ginagawa mo dito?" imbes ay tanong niya sa akin.
Bahagya akong napaisip. Imposible namang ang lalaking ito ang ex ni Ma'am Callie dahil sabi ni Ate Jenny ay nakauwi na ito, samantalang itong lalaking ito ay nakapang-alis na damit pa. At isa pa, bakit naman sa gilid ng bahay dadaan ang anak ng mga Mallari. It doesn't make any sense.
"Hindi ba ako dapat ang nagtatanong niyan sa 'yo? Ang alam ko ay mayaman ka pero bakit para kang magnanakaw? At ang bahay pa ng amo ko ang napili mo?" litanya ko sa kaniya.
"What?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Muling kumunot ang noo ko. Kahit amoy alak ang lalaking ito ay hindi naman siya lasing.
"Ano? Sino ka bang lalaki ka?" tanong ko pa.
Marahang napailing naman siya. "Hindi mo pala talaga ako kilala. Buong akala ko ay pinagti-trip-an mo lang ako," hindi makapaniwalang sabi pa niya.
Hindi na ako nag-isip pa. Kinuha ko ang balisong ko na nakatago sa may gilid ng short ko. Lagi ko itong dala bilang proteksyon ko sa mga hindi inaasahang panganib na nakaamba sa akin.
"Magnanakaw ka ba o ano?" tanong ko pa.
"Wow! Is that a knife?"
"Huwag mo akong ma-English English ha. Sagutin mo ang tanong ko!"
Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob para gawin ito. Ngunit mas lalo kasing lumalakas ang hinala ko na hindi siya mabuting tao dahil hindi niya masagot ang tanong ko. Baka mamaya ay may dala na pala siyang baril lalo na at nakasuot pa siya ng jacket.
Humakbang ako palapit sa kaniya habang siya naman ay humakbang paatras.
"Miss, can you just calm down?" tila natatakot na sabi niya sa akin.
Hindi ko siya sinagot. Hindi ko alam kung bakit ba lagi na lang kaming nagkikita ng lalaking ito ngunit sisiguraduhin kong ito na talaga ang huli. Ipinagpatuloy ko ang paglapit sa kaniya habang siya naman ay nagpatuloy din sa pag-atras.
"Sinasabi ko sa 'yo, Miss, itigil mo na ito habang maaga pa," tila nagbabantang sabi niya sa akin.
"Alam mo, pikon na pikon na ako sa 'yo. Hindi ko alam kung sinusundan mo ba ako dahil lagi na lang kitang nakikita. Pero sisiguraduhin kong huli na talaga 'to," sabi ko naman.
Bahagya naman siyang napangiti na bahagya kong ikinatigil. Ngayon ko lang napansin na may kagwapuhan pala siya ngunit sayang dahil isa siyang akyat bahay.
"Are you sure you can do that?" nakangising tanong niya sa akin.
Muli akong humakbang palapit sa kaniya kaya naman napaatras naman siya. Ngunit hindi na namin napansin na nasa may pool area na pala kami.
"What is the meaning of this?"
Kapwa kami nagulat ng lalaking ito sa biglang nagsalita sa may likuran ko. Hindi ko na nagawang lingunin pa kung sino iyon dahil bigla na lang humakbang ang lalaki sa harap ko at saktong sa pool na pala ang bagsak niya. Sa kasamaang palad, bago siya mahulog ay nahawakan niya ang kamay ko dahilan para pareho kaming mahulog sa pool.
Bigla akong nag-panic at nabitawan ko na ang balisong na hawak ko. Hindi makapa ng paa ko ang sahig ng pool indikasyon na malalim ito. Mas lalo akong nag-panic dahil hindi ako marunong lumangoy. Pinilit kong ikawag ang mga paa ko ngunit dahil nga sa hindi ako marunong lumangoy ay lumulubog akong lalo sa tubig.
Hanggang sa may isang pares ng kamay ang humawak sa may baywang ko at hinila ako paangat sa pool. Dinala ako ng lalaki sa gilid ng pool at agad naman akong kumapit upang hindi na lumubog pa ulit.
"The two of you! Change your clothes and go to my office!" maawtoridad na sambit ng lalaking sumigaw kanina. Kung hindi ako nagkakamali ay siya ang amo ko, si Mr. Mallari. Base na rin kasi sa edad at itsura niya.
"Hindi ko akalaing mahuhuli ako ni Dad nang dahil sa 'yo," sabi ng lalaking nasa tabi ko.
Mabilis akong lumingon sa kaniya. "Ikaw ang anak ng mga Mallari?"
"Yes, Baby. I am Nyx Brandon Mallari."