BRIELLA'S POV
Matapos naming kumain ng tanghalian ay bumalik na ako sa paglalaba ko. Sina Nanay at Senyorito Nyx naman ay masayang nagkukwentuhan sa may labas ng bahay namin. Kahit nandoon sila ay rinig na rinig ko dito sa likod ng bahay ang mga tawanan nila.
Napatigil ako sa aking ginagawa nang biglang mag-ring ang cellphone ko. Agad ko itong kinuha at halos mabitawan ko ito nang makitang si Gael ang tumatawag. Nag-alinlangan akong sagutin iyon ngunit naisip kong hindi ko maaaring iwasan ang kaibigan ko.
"Gael."
"Nasa inyo ka ba? Pwede ba tayong mag-usap?" seryosong tanong niya sa akin.
"Gael, kung tungkol ito sa nangyari noong nakaraan, hindi pa rin nagbabago ang isip ko," seryosong sabi ko naman.
"I know. I just want to talk to you. Papunta na ako sa inyo."
"What?"
"Yes."
Bigla akong nataranta. Hindi maaaring malaman ni Senyorito na magkaibigan kami ni Gael. Hindi kasi imposible na magkakilala silang dalawa. Agad kong ibinaba ang tawag nang makitang palapit sa akin si Senyorito. Nakangiti siya sa akin habang ako naman ay hindi na mapakali.
"Kailangan mo nang umalis," bungad ko sa amo ko.
Kumunot naman ang noo niya. "What? Why?" nagtatakang tanong naman niya.
"Baka biglang dumating sina Ate. Baka makilala ka nila," pagdadahilan ko pa.
Naningkit ang mga mata niya na waring nag-iisip. "Kilala nila ako pero ikaw, hindi mo ako kilala," sabi pa niya.
Napahinga naman ako ng malalim. "Iba ako sa mga ate ko, okay? May mga social media accounts sila dahil may mga cellphone silang touchscreen. Kaya sige na, baka maabutan ka nila, malalaman ni Nanay ang totoo mong pagkatao."
"O anak, may problema ba? Parang aligaga ka?" tanong sa akin ni Nanay na kararating lang sa likod bahay.
"Ah, Nanay, uuwi na raw po si Brandon."
Tumingin naman si Nanay kay Senyorito. "Magluluto pa ako ng sagobe para sa meryenda natin, Hijo. Mamaya ka na umuwi," pigil naman ni Nanay.
Tumingin naman sa akin si Senyorito. Bumuntong hininga siya. "Opo, Nanay Tere. E may gagawin pa po kasi ako sa bahay. Pasensya na po ha. Gustuhin ko mang matikman ang sagobe pero kailangan ko na po talagang umuw."
"Ay siya sige, Hijo. Hindi na kita pipigilan. Ella, ihatid mo si Brandon hanggang labasan."
"Bakit ako po?"
"Medyo masakit ang tuhod ko, Ella. Sige na, ikaw na ang maghatid sa kaniya," udyok pa ni Nanay na alam ko namang gumagawa lang siya ng paraan para ako ang maghatid kay Senyorito.
"Sige po," ang tanging nasabi ko na lamang.
Nagpaalam si Senyorito kay Nanay bago kami sabay na lumabas ng bahay. Pinagtinginan pa nga kami ng mga kapitbahay ngunit hindi ko na lamang pinansin iyon.
"Dahil hindi ako nakatikim ng meryendang lulutuin ni Nanay Tera, dalhan mo na lang ako bukas pagpasok mo," pagbasag ni Senyorito sa katahimikan habang naglalakad kami.
"Okay po," tipid kong sagot.
Huminga naman siya ng malalim. "May nangyari sa bahay kanina, and honestly, ayoko pang umuwi. Akala ko magtatagal ako sa bahay niyo," seryosong sabi niya.
Napakagat naman ako sa labi ko. Balak pa niya akong konsensyahin ngunit kahit anong gawin niya, kailangan na niyang umalis.
"Sana sa susunod na linggo ay pwede akong pumunta dito."
"Ha? Nawili ka naman yata," hindi ko napigilang sabihin.
Tipid na ngumiti sa akin si Senyorito ngunit bakas na bakas sa mga mata niya ang labis na kalungkutan. "Hindi naman kita pipilitin. Nakakatuwa lang kasi sa bahay niyo, naramdaman kong welcome na welcome ako. Hindi ko kailangang magpanggap dahil pwedeng pwede kong ipakita kung sino ako, well, except do'n sa kailangan kong itago kay Nanay Tere na isa akong Mallari."
Tumigil kami sa paglalakad dahil nasa gilid na kami ng kalsada. Humarap siya sa akin kaya napalingon din ako sa kaniya.
"Thank you, Briella."
With that ay pumara siya ng tricycle at agad na sumakay doon. Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na makapagsalita pa. Sinundan ko na lang ng tingin ang tricycle na sinakyan niya hanggang sa mawala ito sa paningin ko. Hindi ko alam ngunit bigla akong nakaramdam ng guilt. Pakiramdam ko ay may isang bagay akong ipinagkakait kay Senyorito. Bigla akong na-curious kung ano ba talagang pinagdadaanan niya. Ngunit natatakot din ako na baka sa oras na malaman ko ang side niya, hindi ko na magawang ituloy ang masamang balak sa kaniya ni Ma'am Callie.
"Ella."
Naputol ang pag-iisip ko nang biglang sumulpot sa harapan ko si Gael. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko dahil sa gulat.
"G-gael," nauutal kong sambit.
Ngumiti siya sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko at hinila palayo sa lugar namin. Hindi na ako pumalag pa at tahimik na sumunod na lang sa kaniya. Habang naglalakad kami ay bigla siyang nagsalita.
"I need to get married."
"Gael."
"Pero hindi kita pipilitin na pakasalan ako. Kinakailangan ko lang magpakasal sa lalong madaling panahon dahil iyon ang kahilingan ni Lolo bago siya tuluyang mamahinga. Malubha na ang sakit niya kaya sinabihan na ako nina Mommy at Daddy. Binigyan nila ako ng pagkakataon na pumili ng babaeng papakasalan ko. Pero kung wala akong maiharap sa kanila, sila mismo ang pipili ng mapapangasawa ko."
Marahan akong napailing. "Hindi ko talaga ma-gets ang mindset niyong mga mayayaman. Ganoon na lang ba kadali sa inyo ang kasal?" hindi ko napigilang sabihin.
"Ella, sa huling pagkakataon, gusto ko lang malaman kung wala na ba talaga akong pag-asa sa 'yo?" seryosong tanong pa niya.
"Gael, napag-usapan na natin ito."
"Gusto ko lang marinig ulit. Gusto kong masiguro upang hindi ko pagsisihan ang magpakasal sa iba."
Tumingin ako ng deretso sa kaniya. "Gael, I'm sorry. Pero hanggang magkaibigan lang talaga tayo."
Marahang tumango si Gael at muli kong nakita sa mga mata niya na nasasaktan siya. Ngunit hindi ko kayang magsinungaling sa kaniya.
"Ella, si Freya ang napili kong pakasalan."
Hindi makapaniwalang tumingin ako sa kaniya. "Si Freya? Nahihibang ka na ba? Pangarap ni Freya na makapagtapos ng pag-aaral at wala sa isip niya ang ganyan."
"Napag-usapan na namin ito dahil sinabi ko sa kaniya ang problema ko. Nag-volunteer siya na maging asawa ko."
"Gael, hindi mo pwedeng gawin 'yan sa kaibigan natin."
"Wala na akong choice, Ella. Dahil wala naman akong ibang gustong pakasalan kundi ikaw. Pero dahil ayaw mo, at si Freya ang handang tulungan ako, sa kaniya ako magpapakasal."
Marahan akong napailing. "Okay sige. Wala naman akong karapatan na tumutol dahil pareho niyong ginusto iyan. Ang ikinatatakot ko lang ay baka magkaroon ng lamat ang pagkakaibigan nating apat dahil sa gagawin niyo. Pero isa lang ang hiling ko, Gael, don't ever hurt her."
Iniwan ko si Gael at naglakad na ako pabalik sa bahay. Hindi naman na ako hinabol pa ni Gael na ipinagpasalamat ko. Pagkarating ko sa bahay ay nagluluto na si Nanay ng sagobe.
"Naihatid mo ba su Brandon?" nakangiting tanong sa akin ni Nanay.
"Opo," tipid kong sagot.
"Alam mo, Hija, bagay kayo ni Brandon."
"Nanay naman!"
"O bakit? Aba, binata 'yang si Brandon at walang nobya. Bukod sa napakagwapo, napakabait at napakasipag pa."
Napailing na lamang ako. Kung alam lang ni Nanay ang tunay na pagkatao niya, tiyak na si Nanay mismo ang maglalayo sa akin kay Senyorito.
"Nanay, wala po sa isipan ko ang mga ganyang bagay. Kaya kung ano man po ang binabalak niyo, huwag niyo nang ituloy. Hinding hindi ko magugustuhan si Brandon."
Naglakad ako papunta sa likod bahay upang ipagpatuloy ang paglalaba ko. Kailangan ko na kasing matapos ito na mas maaga upang makapagpahinga ako ng maaga. Madaling araw kasi akong aalis bukas upang maaga akong makarating sa mansion ng mga Mallari.
"Pero, Hija, kung may gugustuhin man akong makatuluyan mo, si Brandon iyon. Kilala ko na siya kaya alam kong magiging maayos ang kalagayan mo sa kaniya," sabi ni Nanay na sumunod pala sa akin.
"Nanay, may mga bagay na mas dapat ko pong unahin kaysa sa mga pag-ibig na 'yan. Kaya tigil na po," nakangiting sabi ko.
"Ang totoo kasi niyan, Ella, nagpaalam sa akin si Brandon. Gusto ka niyang i-date sa isang linggo. E sabi ko, ako na ang bahalang magpapayag sa 'yo."
"Nay!"
"Isang date lang naman 'yon, Ella. Pagbigyan mo na ako," nangungusap na sabi pa ni Nanay.
Magandang pagkakataon naman iyon para magpapansin kay Senyorito. Ngunit mas lalong ma-iinvolved si Nanay. At natatakot akong pati siya ay maapektuhan sa mga mangyayari.
"Pumayag ka na ha," pag-uulit pa ni Nanay.
"Sige na po, Nanay," ang tanging nasabi ko na lamang.