Chapter 1
CHAPTER 1
“Welcome sa Hacienda Romansa, kung saan matitikman ang sarap ng katas na nilalabas lalo na kung pinipiga at matigas,” sabi ni Tina habang hawak ang isang bote ng VCO, kunwari ay isang endorser ng Virgin Coconut Oil.
Mainit ang hapon sa Hacienda Roman, ngunit sa kusina, mas mainit ang tawanan. Parang may sumabog na paputok sa likod ni Tina dahil sa hagalpakan ng tawa mula sa mga kasamang helper. Ngunit agad iyong naputol nang isang pamilyar na tinig, kay Nanang Eva, ang mayordoma ng Hacienda Roman.
“Ay anak ka talaga ng kalbong itik na bata ka!” sigaw ni Nanang Eva, sabay hakbang papasok sa kusina na para bang may bitbit na pamalo ang kanyang matalim na tingin.
Napatakbo si Tina at nagtago sa likod ni Addie, isa ring silbidora ng hacienda. Kumunot ang noo ni Nanang Eva, nakapamewang habang pinagmamasdan ang dalagang si Tina na puno ng kalokohan.
“Anong roma-romansa, katas-katas 'yang pinagsasasabi mo?” tanong ng mayordoma.
Ngunit sanay na si Tina sa mga sermon ni Nanang. Si Nanang Eva kasi ang umampon sa kanya noong naging ulilang lubos na siya dalawang taon na ang nakaraan.
Inangat ni Tina ang mukha at ngumiti, nag-isip ng palusot. “Kasi po, ‘di ba? Hacienda Roman tayo. Romansa, kasi punong-puno ng pagmamahal dito. At yung katas, syempre... katas ng niyog. Number one exporter tayo ng VCO, remember?.”
Bumulong pa siya, “Hay, hirap talaga magpaliwanag sa matatanda.”
Napailing na lang si Nanang Eva. “O, siya. Magsikilos na kayo at darating na ang bisita.”
“Tapos na po kami rito sa kusina,” sabat ni Tina, proud na proud.
“Mabuti. Magdidilim na. Balik na kayo sa station niyo.”
Nagsi-alisan ang mga helper, kanya-kanyang bitbit ng gamit. Sina Tina at Addie ay nakatalaga sa front porch, kung saan sila maghihintay ng panauhin. Habang naglalakad sa kahabaan ng pasilyo, sumulyap si Addie kay Tina. “Sino ba ‘yung mahalagang bisita? Bakit parang piyesta?”
Hindi agad sumagot si Tina. Bagkus, tumingin siya sa malawak na damuhan sa labas kung saan unti-unting lumalalim ang hapon. Ang simoy ng hangin ay may dalang kakaibang excitement. Balita sa buong Hacienda Roman ang panganay ni Don Ricardo, sa wakas ay babalik na. Matagal itong nawala. At ngayon, isang engrandeng salubong ang inihahanda ni Senyorito Simon, ang kasalukuyang tagapamahala ng buong Hacienda Roman.
“Sikreto lang daw kung sino, pero besh, kilala mo 'ko, daig ko pa cctv, syempre kilala ko kung sino,” sagot ni Tina.
Bumulong si Tina kay Addie na waring bumubulong ng isang top secret ng gobyerno. “Yung panganay daw ng Don.”
Nabitawan ni Addie ang hawak niyang bulaklak para sa bisita. Siya kasi ang naka toka para mag bigay ng bulaklak sa pangunahing bisita. Agad na pinulot ni Tina ang nahulog na bulaklak ni Addie.
“Ang pangalan daw no’n eh, Senyorito–”
“Gabriel. . .” bulong ni Addie na waring nakakita ng multo. Napatingin si Tina sa kanya na tila nawala siya wisyo.
“Kilala mo si Senyorito Gabriel?”
“Ha?” Parang bumalik ang kaluluwa ni Addie sa tanong ni Tina.
“Ok ka lang ba, Beshy? Masama yata pakiramdam mo. Sobrang sipag mo kasi, eh ang dami dami naman nating silbidora dito. Hinahayaan mo kasing api-apihin ka nung isang babae diyan na akala mo eh tagapagmana ng hacienda eh pare pareho lang naman tayong mucha mucha. Ikaw nga ang dapat mag reyna reynahan dito no. Dito ka na kaya pinanganak.” Natigilan si Tina at muling napatingin kay Addie. “Oo nga pala no, buong buhay mo nandito ka na sa hacienda. Nanilbihan sa mga Roman, eh ‘di kilala mo si Senyorito Gabriel?”
“Kilala ko. Marami naman kaming nakaka-kilala sa kanya, lalo na mga matatagal na sa hacienda.”
Lumaki ang mga mata ni Tina at kumikinang pa sa excitement. “Balita ko, ang gwapo gwapo raw ng panganay ni Don Ricardo. May mas ga-gwapo pa pala kaysa kay Senyorito Simon. Totoo ba ‘yon o chismis lang?”
Simula kasi nang umalis si Gabriel ay pinatanggal ni Don Ricardo ang mga larawan nito at lahat ng bakas na maaaring magpa-alaala sa kanya tungkol sa panganay na anak kaya walang ideya si Tina sa kung anong itsura ng senyorito. Napabuntong-hininga si Tina at nagpatuloy sila sa paglakad hanggang marating nila ang front porch. “Napakabait daw ng senyorito, palangiti, hindi suplado, walang bisyo, mapagbigay, at higit sa lahat, hindi babaero. My gosh, hindi ko pa nakikita si Senyorito Gabriel pero kinikilig na ako.”
Pagkarating nina Tina at Addie sa front porch, agad nilang nakita ang mga katiwala ng Hacienda Roman na nagtipon-tipon sa konkretong hagdan ng napakagarang facade ng hacienda. Nandoon na rin si Senyorito Simon, ang bunsong anak ni Don Ricardo, tahimik na nakaalalay sa tabi ng anak niyang si Jenny. Ampon niya ang batang ito na four years old na ngayon.
“Siguradong eto na ’yon,” bulong ni Tina kay Addie habang pasimpleng inaayos ang buhok. “Grabe, kinakabahan ako,” balik-bulong ni Tina habang pinipigilan ang kilig. “First time ko lang makakakita ng hacienderong mukhang artista raw at napaka bait, hindi matapobre, walang bisyo, at hindi babaero.”
Isang kakaibang katahimikan ang namayani sa mga trabahador nang pumarada ang isang itim na SUV sa harap ng hacienda. Lahat ay pigil-hiningang hinintay bumaba ang importanteng bisita. Bumaba ang isang lalaking naka brown fitted shirt lang at itim na pantalon na maong. Simple lang but it exudes so much intimidating aura. Ang mukha niya ay gaya ng inaasahan ni Tinay, gwapo! Artistahin. Matangkad, maputi, may matalim na tingin at matikas ang tindig. Suot niya ang isang mamahaling relo. Ang kanyang buhok ay hindi naka clean cut, may hawi sa gilid dahil mahaba ng kaunti ang kanyang buhok.
Ito pala si Senyorito Gabriel.
Napalunok si Tina. Totoo ngang makalaglag panga ang kagwapuhan. Pero bago pa man siya makapagsalita, nakita niyang lumagpas lang si Gabriel sa mga nakapilang trabahador, ni hindi man lang ngumiti o tumango sa pagbati ng mga ito. Pero nang makita nito si Addie ay huminto ito. Napansin ng lahat ang lalong pag talim ng titig nito at kumunot pa ang noo.
“W-welcome home po, Senyorito–” nauutal na bati ni Addie na hindi makatingin ng diretso sa bisita habang inaabot ang isang bungkos ng bagong-pitas na bulaklak.
Kinuha naman ni Gabriel ang bulaklak sa kamay ng dalaga, tiningnan ito saglit, at walang kaabog-abog na itinapon sa tabi ng daan.
Natahimik ang lahat. Maging si Tina ay hindi makapaniwala. Ito ba ’yung sinasabi nilang mabait at palangiti?
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER. . .