CHAPTER 7
Pagkatapos ng bangayan ng magkapatid na Gabriel at Simon, muling bumalik si Gabriel sa kanyang kwarto. Madilim pa, alas kwatro pa lang ng madaling araw. Ganitong oras siya eksaktong gumigising para mag-trabaho. Ngunit ngayon na nagbalik na siya sa hacienda, gusto muna niyang magpaka-senyorito, maghari-harian na hindi niya nagawa noong narito pa siya. Bumalik siya sa hacienda na buo ang loob na babawiin niya ang lahat ng dapat ay kanya.
Kung titignan ng ordinaryong tao ang buhay niya bilang senyorito, tagapagmana ng hacienda, number 1 exporter ng niyog ang kumpanya nila, iisipin ng lahat ay nabuhay siya sa masaya at kuntento na buhay, pero hindi. Lingid sa kaalaman ng lahat, sa kabila ng marangyang buhay, maraming pera at sagana sa pagkain, nabuhay siya mundo na kung saan, ibigay man niya ang lahat ngunit kahit kailan ay hindi pa rin sapat. Nabuhay siya sa bigat ng presyon na siya ang tagapagmana ng hacienda kaya dapat ay siya ang pinakamagaling. Bata pa lang siya ay disiplinado na siya. Kung ang ibang bata ay tulog pa sa umaga at ginigising ng sikat ng araw sa kanya ay huni ng mga ibon at makagising-kauluwang tunong ng alarm clock. Eksakto alas kwatro.
Hinubog siya para maging mukhang perpekto sa mata ng mga amigo at amiga ng Don, sa mata ng board members, future investors, mga katiwala at tauhan sa hacienda at factory. Ngunit ang gusto lang naman niya ay maging perpekto sa mata ng kanyang ama. . . at ni Addie.
Kaya kahit napipilitan lang siya noon, umaktong maging ideal haciendero, binuhos niya ang buo niyang makakaya para ma-meet ang standard at hindi ma-dismaya sa kanya ang lahat, lalo na ang kanyang ama. Pero sa kabila ng lahat ng sakripisyo, marami pala siyang kahati. He felt betrayed. Ten years old nang malaman niyang meron pala siyang kapatid sa labas, si Simon. Tinanggap niya lang iyon dahil mabait naman ito nang dumating sa hacienda at pitong taong gulang pa lang. Thirteen years old naman siya nang isa pang anak sa labas ang dumating, si Alcyone na noon ay sampung taong gulang, kasing edad ni Simon. Lahat ng iyon ay tinanggap ni Gabriel dahil wala siyang karapatang mag-reklamo.
Pinalaki siya ni Don Ricardo sa palo ng sinturon. Hanggang ngayon ay dama pa rin niya ang hapdi sa bawat hagupit ng palo. Itinuon niya ang oras, lakas, at talino niya sa pag-aakalang sa kanya ipapamana ang buong hacienda. Inukit sa puso at isip niya ng kanyang mga magulang na kailangan niyang maging responsable at disiplinado dahil siya ang mamamahala ng buong hacienda at daan-daang pamilyang kanyang pamumunuan na nakatingin, at aasa sa makatwirang pamamalakad niya.
Pero sa kabila ng lahat, maging mabuting tao man siya pero hindi ito ang isinukli sa kanya, puro pagta- traydor ang natanggap niya. Sumisikip ang kanyang dibdib habang binabalik tanaw ang nakaraan.
Alas kwatro na, gising na ang diwa ni Gabriel pero gusto pa niyang humilata sa malambot niyang kama. Nakatulala lang siya sa mataas na ceiling ng kanyang modern room na siguradong si Addie ang nag disenyo. Napakaganda. Masarap sa mata ang mga kulay at ang disenyo. Alam na alam ni Addie kung ano ang gusto niya at kung paano makakapagpahinga ang pagod niyang katawan, puso, isipan, at buong kaluluwa.
Napaka lawak ng kwarto niya, pero mas malawak ang kay Simon dahil napunta rito ang master’s bedroom kung saan ito ang pinakamalaki at pinaka magandang kwarto sa buong hacienda.
Wala naman siyang pakialam kung angkinin man ito ni Simon, mas gusto niya ang kwarto niya dahil sa magandang scenery sa balcony. May customized size bed, may sala, may sariling jacuzzi sa banyo. Meron din siyang maliit na space para sa pag-aaral noon. Gusto sana niya ng mas malaki pang working station ngunit pinagawan siya ni Don Ricardo ng sariling office kung saan tadtad ng cctv. Ayaw kasi nitong nagtatagal si Addie sa kwarto niya kahit na nag-aaral lang naman sila. Nauunawaan naman ni Gabriel kung bakit mahigpit sa kanya ang Don lalo na nang tumuntong sila ni Addie ng high school. Iba ang iisipin ng mga tao kahit pa gaano kadalisay ang pagkakaibigan nilang dalawa. Hindi nga naman magandang tingnan na nasa loob sila palagi ni Addie ng kwarto niya.
Napatingin siya sa paligid, maraming nagbago simula noong huli niyang nakita ang kanyang kwarto. Bagamat mas moderno ang bahay niya sa Quezon City ay hindi pa rin mapapantayan ang ganda ng kwartong ito. Ang silid na ito ay nagpapakita ng isang moderno ngunit fusion ng provincial vibes na disenyo na talaga namang kaaya-aya sa mata. May wide rim na ilaw, isang hanging lamp na simple pero elegante.
Ang kama ay inayusan ng malalambot na kumot at unan sa kumbinasyon ng paborito niyang kulay- berde at krema, na nagbibigay ng preskong pakiramdam. May isang framed na larawan sa itaas ng kama na tila nagpapalalim sa katahimikan ng espasyo. Dati ay larawan nilang mag-ina ang naroon pero ngayon ay nasa Quezon City na ito. Ang tanging dala niya mula sa hacienda at wala na siyang ibang dinala pa noong nilisan niya ang hacienda.
Sa gilid naman, makikita ang isang wooden side table na may dekorasyong paso at palamuti, habang katabi nito ang isang modernong upuang kulay puti na pwedeng upuan kapag magbabasa o magre-relax. May indoor plant rin sa isang sulok na nagbibigay ng buhay at probinsya vibes. Ang kabuuang disenyo ay simple, malinis, at punong-puno ng aliwalas, perpekto para sa isang tahimik at maginhawang silid matapos ang nakakapagod na araw.
Napakagaling ni Addie. Mas matalino pa nga ito sa kanya. Siya ay aminadong masipag, disiplinado, at matiyaga lang sa pag-aaral pero si Addie ay natural. Fast learner at mataas ang IQ. Kay Addie siya nagpapatulong minsan kung hindi niya maunawaan ang aralin. Magkaklase sila simula grade school hanggang high school. Nagkahiwalay lang sila nang sila ay magkolehiyo dahil ang kinuha niyang kurso ay Business Management habang si Addie ay Interior Design.
Bagamat naging mahirap ang childhood niya dahil maaga pa lang ay namulat na siya sa mabigat na responsibilidad pero dahil kay Addie ay naging makulay ang kanyang kabataan. Marami silang masasayang alaala ni Addie.
Napangiti na lang siya nang maalala ang precious memories ng kanilang good old days. Bukod sa maganda si Addie ay napaka-lambing nito. Maalaga, mapagmahal, wala ka ng hahanapin pa sa babaeng ito. Kung bibihisan mo ng isang nightgown, papalamutian ng alahas, at ibabandera sa isang engrandeng social gathering, aakalain mong kabilang ito sa mga high profile clans. Lalo pa kung ilalatag mo ang educational background at career achievements nito bilang professional nterior designer. Huwag mo lang titignan ang family background at pagiging silbidora nito sa hacienda. Ito ang dahilan kung bakit pilit na tinutulan ni Don Ricardo ang kanilang pag-iibigan.
Sa kakabalik-tanaw sa nakaraan, nakatulog si Gabriel ng ilang oras pa. At pag gising niya ay naligo na siya sa napakagandang bathroom, moderno. Si Addie rin ang nagdisenyo. Nagtagal siya sa pag ligo dahil narelax siya sa pagbabad sa jacuzzi. Iniimagine na kasabay at katabi niya si Addie sa paglublob sa tubig na may fresh autumn scent. One of these days, matutupad iyon.
Pagtapos maligo at mag gayak, tinawagan niya ang maid’s quarter para dalhan siya ng kape. Doon kasi siya tatambay muna sa balcony. Gusto niya ‘yung timpla ni Addie ngunit ang sabi ng nakasagot ay wala na ito sa kusina. Nasa garden. Agad siyang pumunta ng balcony dahil tanaw doon ang garden at naroon nga si Addie. Kasama nito si Simon.
Parang may sumaksak sa puso niya habang pinagmamasdan ang dalawa na nag-uusap, seryoso ang usapan nila. Malamang ay pinagtatalunan nila ang pagtulog ni Addie sa kanyang kwarto. Nagdidilig si Addie ng mga halaman at inaayos ang garden. Marami pa rin kasing natirang design para sa party. Masaya man makita na nag-aaway ang dalawa at nagtagumpay siya sa pag papaselos kay Simon, masakit pa rin makita na nagpapaliwanag si Addie kay Simon. Bakit?
Napansin niya ang buhok ni Addie na hanggang balikat na lang. Nagalit siya. Ayaw niya ng ganito kaiksi. Alam iyon ni Addie dahil noong minsan na pinagupitan nito ng pixie cut ang buhok nito ay nagalit siya at sinabing magpapa-alam sa kanya kung gusto ng ibang gupit o kulay. Pero mukhang sinasadya ni Addie na gupitan ito ng maikli para iparating na hindi na siya ang masusunod sa buhay nito at wala na itong pakialam sa kanya.
Yes, there came a time that he was so damn possessive at naging diktador kay Addie na bawat kibot nito ay pinapapakialaman niya, ultimo ang buhok dapat ay nagpapa-alam si Addie. Nasakal na marahil noon si Addie kaya nagawa nitong makipaglandian kay Simon.
Habang tinatanaw niya ang dalawa mula sa balcony, may tumawag sa kanya sa cellphone. Isa lang naman ang inaasahan niyang tawag, ang tawag ng kanyang kanang-kamay na si Pancho.
“Boss, hawak ko na po ang result. Papunta na po ako para ibigay sa inyo.”
“Alright, meet me at the greenhouse. Bilisan mo.”
Resulta ng DNA test ang pinag-uusapan nila ng kanyang katiwala. Noong nakaraang buwan pa alam ni Gabriel na may ampon si Simon na bata. Pilit man niyang putulin na ang anumang ugnayan sa hacienda, gustuhin man niyang mamuhay ng payapa mag-isa dahil kaya naman niya pero binabagabag siya ng isang tao— si Jenny. Alam niya sa kanyang puso na anak niya ang batang iyon. Anak nila ni Addie. Bagamat hindi pa niya nakikita ang bata, may hinala na siya agad. Pinagtagpi-tagpi niya ang mga kwento, kinalkula ag mga taon, posibleng anak niya ang batang iyon at sa pagkakakilala niya sa traydor niyang kapatid, malaking posibilidad na kinuha ni Simon ang anak nila ni Addie at inangkin na parang kanya.
Ngayon malalaman na ng lahat kung ano ang resulta.
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER. . .