DANIELLA
HALOS maiyak ako habang palabas ako ng police station. Pakiramdam ko buong araw na ang nasayang ko. Tangína naman, nagmamadali na nga akong makarating sa job interview para hindi ma-late, tapos nasangkot pa ako sa gulong 'to.
Mabuti nalang at may dalawang retired army sa mga kasamahan naming pasahero kanina. Sa bilis ng galaw nila, naagaw nila ang baril mula sa mga holdaper. Sumugod naman agad ang ibang pasahero at kinuyog ang mga magnanakaw. Yung driver naman, walang sinayang na oras at dumiretso agad sa pinakamalapit na police station.
Lahat kaming pasahero tinanong ng mga police para kumuha ng impormasyon. Ni-review din ang CCTV sa bus para maging ebidensya ito laban sa mga holdaper. Nakita rin sa CCTV video na hindi pala si feeling CEO ang nanghipo sa'kin, 'yong lalaki din palang holdaper na nagpanggap na pasahero ang nanghipo sa pwét ko. Kaya sa inis ko, tatlong beses kong sinampal 'yong magnanakaw at gigil na sinabunutan.
Pagkatapos kong maibigay ang information ko sa mga police, nagmamadali akong lumabas dahil talagang late na ako sa interview.
Pero hindi pa ako nakakalabas nang biglang may humila sa braso ko mula sa likuran.
"Hoy babae, saan ka pupunta!?"
Kahit hindi ko siya lingunin, kilala ko ang nagmamay-ari ng boses na 'yan.
"Nasaan na 'yong pinatago kung diamond!"
Inis ko siyang nilingon. Ang kapal ng mukha ng lalaking 'to para sabihin niyang pinatago niya sa'kin 'yon.
"Anong sinasabi mong pinatago? Gago ka ba? Pinalunok mo 'yon sa'kin!"
"Ipinasok ko lang 'yon sa bunganga mo! Pero ikaw 'yong lumunok. Ngayon, iluwa mo."
"Nahihíbang ka na ba? Sa tingin mo ba ganon lang 'yon kadali na iluwa!?"
"I don't care your stupid reason. Ang gusto ko ibalik mo sa'kin ang diamond. Ipapalagay ko pa 'yan sa engagement ring at ibibigay ko kay Reina. Kung ayaw mong buksan ko ang tiyan mo, iluwa mo 'yan ngayon."
Reina pala ang pangalan ng bibigyan ng engagement ring. Ang malas naman ng babaeng yan. Napakayabang ng boyfriend niyang feeling CEO.
Sa tingin ko walang balak ang lalaking ito na bitiwan ang braso ko kaya agad akong nag-isip ng paraan paano makakatakas sa kanya. Kung sisigaw ako, baka isipin ng mga pulis na may bago na namang kaguluhan. Ayoko nang humaba pa ang araw na 'to, pero mukhang hindi rin ako basta-basta makakaalis sa sitwasyong 'to. Kailangan ng distraction para makawala ako sa kamay niya.
"Hala! Tingnan mo! Si Reina!" Itinuro ko ang direksyon sa likod niya na parang may nakita akong kilalang tao. Napakunot ang noo niya, pero natural na umikot ang ulo niya para tingnan kung totoo nga ang sinabi ko.
Sinamantala ko ang pagkakataon. Agad kong binawi ang braso ko mula sa pagkakahawak niya at kumaripas ng takbo palabas ng police station nang walang lingon-lingon.
"Hoy babae! Bumalik ka rito!" sigaw niya habang humahabol.
Pero wala akong oras sa kahibangan niya kaya mas lalo kong binilisan ang pagtakbo. Ang hindi ko inaasahan, bigla niyang nahila ang bag ko.
Napahinto ako at napalingon.
"Hoy! Anong ginagawa mo?!" sigaw ko habang hinihila ang bag ko.
"Ibalik mo ang diamond ko!"
"Siraulo ka ba?! Walang diamond diyan!" galit kong sagot sabay hablot ulit sa bag ko. Nagkakandahila kami, pero malakas siya. Sa inis ko, binigay ko ang isang malakas na sipa sa binti niya. Napamura siya at napakawalan ang bag ko.
"Tangína mo! Babawiin ko 'yan!" sigaw niya habang pilay-pilay na tumayo.
Hindi ko na siya hinintay pa. Tumakbo na ako ng todo. Mabuti nalang at may taxi sa kanto kaya nakasakay agad ako.
"Miss, saan po tayo?" agad na tanong ng driver nang makapasok ako.
"Sa Zaldivar group of companies po." Hinihingal akong napahawak sa dibdib ko.
"Manong bilis!" agad na utos ko sa Driver at nagmamadali niyang pinaharurot ang kotse palayo sa police station.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong naiwan sa kalsada si feeling CEO, galit na galit at sumisigaw ng hindi ko na maintindihan.
"Nag-away ba kayo ng boyfriend mo?"
"Po?" Naguluhan ako sa sinabi ng driver.
"Yong lalaking humahabol sa'yo kanina?"
"Hindi ko 'yon boyfriend. Stalker ko 'yon, baliw na baliw sa ganda ko," pagsisinungaling ko sabay hawi ng buhok ko. Minsan lang naman ako mag-feeling maganda.
"Ah akala ko boyfriend mo. Bagay pa naman kayo."
Hindi ko nalang pinansin ang sinabi ng driver. Pero isang bagay ang hindi maalis sa isip ko—paano kung totoo diamond nga 'yong nalunok ko at worth 5 million? Ibig sabihin instant millionaire na rin ako. Hindi ko na kailangan magtrabaho at mababayaran ko na lahat ng utang namin.
Pero hindi! Imposible. Gwapo lang siya pero mukhang hampaslupa din naman ang lalaking 'yon katulad ko.
Habang nakasakay, sinilip ko ang relo ko. Tangína, thirty minutes late na ako! Nagpapanic na ang utak ko. Pero hindi pwedeng matapos ang araw ko nang ganito lang. Kailangan ko pa rin subukan.
Ano ba naman kasing araw na 'to? Holdapan, harassment, at ngayon pati engagement ring drama? Malas ata itong red heels ng pinsan kong si Avianna.
Pagdating namin sa Zaldivar Group of Companies, nagmadali akong bumaba, pero bago ako tuluyang umalis, binigyan ko si manong ng bayad at dagdag na tip.
Pagpasok ko sa kompanya, agad akong lumapit sa receptionist. "Excuse me po, for OJT interview po."
Tiningnan ako ng receptionist mula ulo hanggang paa.
"You’re late." Tinaasan niya ako ng kilay.
"I’m really sorry po. May emergency lang po kasi kanina—"
"Tama na 'yan. Pumunta ka na sa Room 302."
Nakangiti pa rin akong tumango kahit mataray siya sa'kin.
Nagtungo ako sa elevator. At sa bawat hakbang, pilit kong pinapakalma ang sarili ko.
Okay, kaya mo 'to. Hinga lang Dani. Focus.
Pagdating ko sa Room 302, nakita kong kakalabas lang iba. Nagmamadali akong pumasok.
"Yes, miss?" Agad akong sinalubong ng isang babae na nakasuot ng professional na uniporme at may seryosong expression sa mukha.
"Good afternoon po. I’m here for the OJT interview."
"Oh I'm sorry to inform you, but the interview was already completed. You’re quite late, and unfortunately, we cannot accommodate you anymore."
Nanlumo ako sa narinig ko at hindi alam kung anong sasabihin.
"Ah… Sayang po. Sige po, salamat na lang," sagot ko, pilit na tinatago ang pagkadismaya sa boses ko.
Bumaling ako at naglakad paalis. Pakiramdam ko para akong binagsakan ng problema.
Ang plano kong magkaroon ng stable na trabaho para makapagbigay ng magandang buhay sa pamilya ko, nasayang lang dahil sa kamalasan sa araw na 'to.
"Dani!" Nahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang pamilyar na boses sa likuran.
Paglingon ko, nakita ko si Amara at Migz na naglalakad palapit sa'kin.
"Bakit ang tagal mo Dani Girl? Kanina pa kami naghihintay sa'yo," tanong ni Migz habang sumasabay sila sa paglalakad ko.
"Hays. Mahabang kwento," walang gana kong sagot.
"Bakit ganyan ang mukha mo. Hindi ka ba nakaabot sa interview?"
Naiiyak akong umiling. Paano na 'to ngayon. Kailangan ko pa naman ng pera. Ilang linggo ko pa naman na pinaghandaan ang interview.
"Wag kang mag-alala girl. Tutulungan ka namin maghanap ng ibang kompanya."
Nang makasakay kami sa elevator, hindi ko na nakayanan ang bigat ng dibdib ko at disappointment sa sarili. Tuluyan na nga akong naiyak.
"Dani, wag ka ng umiyak." Hinaplos ni Amara ang likod ko para aluin ako.
"Kasi naman Amara. Importante sa'kin ang interview na 'to. Kailangan ko ng pera, alam niyo naman 'yon di ba?"
"You can borrow money from me, Dani."
Alam kong galing sa mayamang pamilya si Amara. Pero nahihiya na akong umutang sa kanya. May utang pa ako sa kanyang 20,000 at 10,000 thousands naman kay Migz. Sa aming tatlo, ako talaga ang hampaslupa.
"Wag na Amara. Hindi ko pa nga nababayaran ang utang ko sa inyong dalawa ni Migz," paliwanag ko habang humihikbi. Para akong isang batang inagawan ng lollipop. Pero sa sitwasyon ko ngayon, pakiramdam ko inagawan ako ng isang magandang oportunidad.
Pinigilan ko ang mapahagulgol ng iyak nang bumukas ang pinto ng elevator. Pumasok ang isang lalaking matangkad at nakasuot ng pormal. Hindi ko alam pero parang nakita ko na siya dati.
"Amara?" ani ng gwapong lalaki nang makita niya si Amara katabi ko. Si Migz naman halatang nagpipigil ng kilig. Malandi talaga itong baklang 'to kapag nakakakita ng gwapo.
"Andriuz?" tugon ni Amara nang mamukhaan itong matangkad na lalaki.
Tama... natatandaan ko na, siya 'yong lalaking nakita kong naghatid kay Amara dati sa University, 'yong bestfriend ng kuya ni Amara.
"Is she okay?" tanong ni Andriuz kay Amara nang makita niyang nagpapahid ako ng luha sa pisngi.
"Not really," tipid na sagot ni Amara.
"Mga kaibigan mo ba sila?"
"Yes, this is migz and Dani. Guys, si Andriuz nga pala, bestfriend ni kuya at ang CE--" Hindi natuloy ni Amara ang sasabihin niya dahil pinutol ni Andriuz ang pagsasalita niya.
"Nice to meet you Migz and Dani." Nakangiting inabot ni Andriuz ang kamay niya para makipag-shake hands pero dahil wala ako sa mood, hindi ko inabot ang kamay ko. Si Migz lang ang makipag-shake hands at kinilig naman ang halíparot.
"What happened to her?" narinig kong tanong ni Andriuz kay Amara.
"She's just having a rough day. Hindi kasi siya nakaabot ng interview para sa OJT dito sa kompanya."
Napatingin si Andriuz sa akin, at hindi ko alam kung anong klaseng tingin 'yon—pagkaintindi o baka may malasakit. Pero hindi ko kaya magpanggap na okay ako ngayon. Hindi ko kayang magtago pa.
"Ah I see. How about you, Amara? Nakuha ka ba?"
"Oo, kaso hindi ako masyadong masaya. Gusto ko kasing magkakasama kaming tatlo dito sa Zaldivar Group of Companies. Kaso kaming dalawa lang ni Migz ang nakaabot sa interview."
Nilingon ko si Andriuz. Alam kong boyfriend ni Amara si Henry. Pero napansin kong kakaiba ang titig nitong si Andriuz kay Amara. Sa tingin ko may gusto siya kay Amara.
"Would you be happy kung magkakasama kayong tatlo?"
"Of course. 'Yon dapat ang usapan namin."
"Okay, then I'll call the HR Manager to give her a chance. Ms. Dani, bumalik ka ulit sa HR manager office for the interview?"
"Po?" Bigla akong naguluhan sa sitwasyon.
Lumapit sa'kin si Amara at bumulong. "Sorry hindi ko nasabi sa inyo, siya 'yong CEO dito sa Zaldivar Group of Companies, si Andriuz Zaldivar."
Nanlaki ang mga mata ko sa binulong ni Amara.
"Siya 'yong CEO? Dapat pala sir Andriuz ang tawag ko sa kanya."
"Thank you po sir, Andriuz!" yumuko ako sa kanya.
"You're welcome, Dani. I’m sure things will work out. Basta galingan mo sa interview para makuha ka. Ayaw kong nalulungkot si Amara at-----"
Tumunog ang cellphone ni sir Andriuz kaya sinagot niya muna ang tawag.
"Hey, Davidson. Bakit ka napatawag?" Seryoso ang boses ni sir Andriuz habang may kausap siya sa cellphone.
Kami naman nila Migz at Amara sa likuran, pinipigilan ang boses na mapatili dahil sa wakas, posibleng magkatotoo ang plano naming magkakasama kami sa isang kompanya.
"What?" gulat ni tanong ni Andriuz sa tawag kaya napatigil kaming tatlo.
"Nasiraan ka ng sasakyan sa daan? Then how come nasa police station ka ngayon?"
"Amara, sinong kausap ni sir Andriuz? Mukhang seryoso siya," bulong ko kay Amara.
"Si sir Davidson Zaldivar 'yong kausap niya, pinsan niya at Vice President dito sa Zaldivar of Group of Companies."
"Gwapo itong si sir Andriuz Zaldivar, siguro gwapo rin ang pinsan niyang si sir Davidson Zaldivar. Mine ko na ang pinsan niya," singit ni Migz.
"Tigilan mo nga ang kalandian mo Migz." Kinurot ko siya sa braso.
"Okay...pupunta na ako, Davidson. Send me the Address of the police station."
Kumunot ang noo ko nang marinig ko ang police station. Parang dejavu. Kanina lang galing ako ron.
Pagkatapos ng tawag, nilingon ulit kami ni sir Andriuz. "Okay, girls. Maiwan ko na kayo, may mga kailangan lang akong ayusin. Miss Dani, good luck on your interview."
"Thank you po, Sir Andriuz. I will do my best."
Nang makaalis si Sir Andriuz, naglulundag sa tuwa si Migz dahil kasali daw siyang tinawag na girls.
TO BE CONTINUED...