Chapter 3

1621 Words
Chapter 3 Hindi nga siya nagkamali. Ang boses ng kanyang mga kapatid ang gumising sa kanya nang umagang iyon. Dinamba siya ng mga ito sa kanyang higaan at hinihila ang kanyang mga kamay upang siya ay tumayo. Antok na antok man ay napatawa si Sayah at nagpatangay sa mga ito.   "Ani at Aki, natutulog pa ang Ate Sayah ninyo ay ginising niyo na." Saway ng kanilang Ama na umiinom ng kape.   "Magandang umaga po, Nanay at Tatay." ngumiti sa kanya ang kanyang Ina. Nagluluto ito ng kanilang umagahan at tingin niya ay nilagang mais iyon at kamote dahil sa kanyang naaamoy.   "Magandang umaga rin, Anak. Lalabas ka ba para magbenta ng mga basahan ngayon?" tanong sa kanya ng kanyang Ama.   "Hindi po, may usapan po kami ni Pen na bababa ng 2nd district para kumuha muna ng mga tela na gagawing basahan. Baka maraming bumili bukas ng basahan. Dapat araw-araw nga po ang pagtitinda para mas maraming kita kaso nauubusan po kami ng panustos." napatawa ang kanyang Ama sa sinabi niya.   "Napakasipag mo talagang bata, manang-mana ka sa akin." wika ng kanyang Ama na ikinangiti niya.   "Hindi ba sa akin?" sabi naman ng kanyang Ina.   "Sa inyo pong dalawa." Sagot niya sa mga magulang na ikinatawa naman ng mga ito.   Pumunta si Sayah sa palikuran at naghilamos ng kanyang mukha. Bahagya pa siyang nanigas nang makaramdam ng matinding lamig. Hindi pa siya nakasuot ng damit panlamig kaya't sobra ang ginaw na nararamdaman niya.   "Ang lamig!"   Nang bumalik siya sa kanyang silid ay nagpalit siya ng damit. Mabuti na lamang at hapon na nila kukuhanin ang mga tela, sinabi rin ni Pen sa kanya na hindi magbubukas ng umaga ang patahian ng Aunty nito kaya't tamang-tama lang dahil makakalaro niya ang kanyang mga kapatid ngayong umaga.   Nang bumalik siya sa kusina ay nakahain na ang kanyang Ina, tama nga siya dahil ang umagahan nila ay kamote at nilagang mais.   "Gusto mo ba ng gatas, Sayah?" Tumango siya sa kanyang Ina at kaagad naman siyang pinagtimpla nito.   "Huwag kayong magpapatagal sa labas ha? Sobrang lamig. Ani, Aki. Huwag makulit." Wika naman ng kanilang Ina, habang nagtitimpla ito ng gatas niya, nang makatapos ay inilapag nito iyon sa kanyang tapat.   "Salamat po, nanay."   "Aalis ka ba ngayon, Jiro?" Tanong ng kanyang Ina sa kanyang Ama na abala sa pagbabasa sa dyaryo.   "Hindi, walang gawa ngayon. Ipinagpabukas dahil sa lamig ng panahon."   Masyado ngang malamig ngayon at kahit na tatlong patong na ang kanyang suot na damit ay giniginaw pa rin siya. Nang makatapos silang kumain ng kanyang mga kapatid ay saglit lamang silang nagpahinga at lumabas na sila para maglaro. Ang bawat ngiti at tunog ng pagtawa ng dalawa niyang kapatid ay nagbibigay sa kanya ng lakas para magpatuloy sa buhay. Ang pamilya niya ang dahilan kung bakit siya nagsisikap.   Alam niyang hindi sa kahirapan matatapos ang lahat, kailangan niya lang magtiyaga at magsumikap. Hindi man siya nakapag-aral o hindi man siya marunong magbilang ay hindi iyon dahilan para tumigil na siya at magmukmok na lang sa isang sulok ng bahay nila.   Maraming paraan, at iisa-isahin niya ang mga paraan na 'yon upang makatulong sa kanyang mahal na pamilya.   "Oh paano ba 'yan? Medyo matagal na tayong naglalaro at lumalakas na din ang hangin. Malamig na masyado dahil sa kapal ng nIyebe. Pasok na tayo?"   Sabi niya sa kanyang dalawang kapatid. Napasimangot ang mga ito ngunit kalaunan ay ngumiti rin sa kanya.   "Tara na sa loob, Ate Saya!" sabay na sabi ng mga ito at muling humawak sa magkabila niyang kamay.   "Naka sampu akong bato sa 'yo, Aki! Maliliit kasi ang pagbilog mo sa niyebe kaya hindi pa tumatama sa akin ay naghihiwalay na."   "Hmp! Naka-tsamba ka lang. Bukas babawi ako sa 'yo."   Nang makapasok sila sa loob ng kanilang bahay ay kinuha niya ang malaking bayong na paglalagyan niya ng mga tela na makukuha niya sa patahian.   "Aalis ka na, Sayah?" tanong ng kanyang Ina, nasa kusina ito at naghuhugas ng mga kasangkapan.   "Opo, nanay. Sisikapin ko pong makabalik rin kaagad. Sabi ni Pen ay hapon daw po kasi magbubukas ang patahian ng kanyang Aunty kaya hindi rin po ako nakaalis ng maaga."   "Mag-iingat ka ha?"   "Opo, si Tatay po nasaan?"   "Lumabas lang sandali, pumunta sa ibaba para kumuha ng kamote. Naubos na kasi iyong naipon natin dito."   Hindi nakasagot si Sayah sa sinabi ng kanyang Ina, palagi na lang kasing kamote ang kanilang kinakain dahil hinuhukay lamang ito ng kanyang Ama sa kagubatan. Mas makakatipid kasi sila kapag ganoon. Halos ang mga gulay at prutas ay sa ibaba ng kagubatan nakukuha at ang iba ay tanim nila.   Napabuntong hininga siya. Sana ay makahanap siya ng mapagtatrabahuan mamaya para may maiuwi siyang masarap na ulam sa kanyang pamilya. Siguro ay tatanungin niya si Pen.   Nagpaalam na siya sa kanyang Ina na aalis na. Pinuntahan niya si Pen sa 2nd district sa bayan dahil doon sila magkikita. Malapit din kasi ang patahian ng aunty nito doon. Habang naglalakad siya ay naririnig niya na nagbubulungan ang mga taong nadaraanan niya.   "May namatay nga daw, lalake. May kagat sa leeg at mukhang ubos ang dugo."   "Nakakatakot. Huwag na tayong magpagabi sa pagtitinda."   "Oo nga, mas mabuting isipin natin ang ating kaligtasan."   Ano kaya ang pinag-uusapan ng mga ito? At may gumagala ba na pumapatay sa 2nd district?   "Sayah! Dito! Ang tagal mo, ha!" Naagaw ang atensyon niya ni Pen nang tawagin siya nito. Kumakaway ito sa kanya.   "Nako, pasensya na. Naglaro pa kasi kami ng mga kapatid ko. Saan iyong patahian ng Aunty mo?"   Humingi siya ng paumanhin. Ito na nga ang tutulong sa kanya, nakakahiya dahil pinaghintay pa niya. Nang marating nila ni Pen ang patahian  ng Aunty nito ay tuwang-tuwa siya nang paglinisin siya nito. Ang sabi ay mamaya ibibigay ang bayad. Mabuti na lamang at dininig ng Diyos ang hiling niya na may mahanap na pagtatrabahuan para pambili ng masarap na ulam para sa kanyang pamilya.   Nang matapos siyang maglinis at makuha ang mga tela ay hindi niya inaasahan na isang buong inihaw na manok ang ibibigay ng may-ari.   "S-Sobra po ata itong kabayaran. Hindi naman po marumi masyado ang patahian niyo."   "Narinig ko kay Pen na napakasipag mong bata, tinutulungan mo ang iyong mga magulang sa pagtatrabaho. Wala ito kumpara sa ginagawa mong pagsisikap. Tanggapin mo na."   Tumulo ang luha ni Sayah, amoy pa lang ng manok ay hindi na siya makapaghintay na makauwi upang matikman iyon ng kanyang mga kapatid, hindi na siya makapaghintay umuwi para makakain na sila ng sama-sama. Ito ang unang beses na makakatikim sila ng inihaw na manok at tiyak siyang sobrang matutuwa ang mga ito.   "Uwi ka na, Sayah! Para umabot sa hapunan!" sabi ni Pen sa kanya.   Tumingin siyang muli sa Aunty nito at yumuko, pinunasan niya ang luhang patuloy pa rin sa pag-tulo. Masayang-masaya siya!   "Salamat po! Salamat, Pen!"   Nilisan niya ang patahian at tumakbo pauwi. Hindi na siya makapaghintay makita ang reaksyon ng kanyang pamilya sa pagkain na dala niya. Kahit sobrang lamig ng panahon ay hindi nagpatigil sa pagtakbo si Sayah, ang ngiti ay hindi mawala sa kanyang mga labi.   "Tiyak... tiyak na matutuwa sila!"   Nang matanaw ni Sayah ang kanilang bahay ay mas binilisan niya ang pagtakbo ngunit napahinto siya nang makakita nang pulang marka sa mga nyebe.   "Dugo?"   Nang papasok na siya sa loob ng bahay ay may nagtakip ng kanyang bibig. Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang kanyang Ina.   "S-Sayah."   Nagtaka siya dahil sa panginginig ng boses nito.   "Nanay, bakit po?"   Nang hilahin siya ng kanyang Ina sa likod ng kanilang bahay nakaramdam na siya ng hindi maganda. Iyong pulang marka papasok ng bahay nila... sariwa pa. Para itong dugo. Dumaan sila sa likod at dahan-dahan lamang ang pagpasok na ginawa ng kanyang Ina, malapit ang kwarto ng mga ito sa likod ng pinto at hindi matatanaw ang sala.   Nang makapasok sila sa kwarto ng mga magulang niya ay binuksan ng kanyang Ina ang cabinet nito at pinapasok siya sa loob.   "A-Anong nangyayari, nanay?"   "Naitago ko na ang mga kapatid mo, h-huwag na huwag kang lalabas dito ha?"   Naibagsak ni Sayah ang dalang pagkain.   "N-Nanay a-anong nangyayari?!"   Natutop ng kanyang Ina ang bibig nito at umiyak doon.   "N-Nasaan po si tatay? Bakit kailangan kong magtago? Si Aki? S-Si Ani-   "Ahh!!! Halimaw!"   "Tulong! Ahhh!"   Napaluhod ang kanyang Ina, siya naman ay hindi alam ang kanyang gagawin. Sumisigaw ng tulong ang kanyang mga kapatid.   A-Anong nangyayari?   Nang biglang bumukas ang pinto ng silid ng kanyang mga magulang ay nakita niyang may dugo sa damit ang kanyang Ama.   "S-Sayah, anak. Makinig ka kay Tatay." Sunod-sunod na umiling si Sayah, binabangungot ba siya? Anong nangyayari?   "W-Wala na sila… Si… Ani at Aki...."   "H-Hindi... narinig pa namin sila ni Nanay, b-buhay sila."   "A-Anak... kahit anong mangyari huwag mong bubuksan ang pinto ng cabinet. Kung a-ano man ang marinig o makita mo ay h-huwag na huwag mo itong bubuksan."   Hindi makapaniwala si Sayah sa nangyayari. Kanina ay masayang-masaya siya at hindi makapag-hintay umuwi ngayon ay hindi niya matanggap ang sinasabi ng kanyang Ama na wala na ang mga kapatid niya.   Bago isara ng kanyang ama ang pinto ay may isinuot na kwintas ang kanyang Ina sa kanya. Ang palawit non ay kutsilyo ngunit kakaiba ang hugis.   "Huwag mo iyang huhubarin. Ililigtas ka ng kwintas na 'yan. Anak, kailangan mong mabuhay... kailangan..."   Nang isara ng kanyang ama ang cabinet ay nakita niya mula sa butas ang pagluhod nito.   "Kahit anong marinig o makita mo, huwag na huwag mong bubuksan ang cabinet. Huwag na huwag kang lalabas."   "Nasaan na kayo?" Nang marinig niya ang boses na 'yon ay natutop niya ang kanyang bibig. Pinigilan niyang gumawa ng ingay.   Ang masayang gabi sana para sa kanyang pamilya ay nahantong sa isang hindi inaasahang trahedya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD