Chapter 3

1968 Words
LUBUSAN kong ininda ang pagkakasuspinde ko sa trabaho. Isang linggo ko rin iyong iniyakan dahil sa halip na nakatutulong na ako kahit paano kay papa ay balik na naman kami sa pag-intindi kung saan kukuha ng ipangtutustos sa araw-araw. Sobrang sakit para sa akin. Sobrang hirap na bilang panganay na anak ni papa ay wala akong magawa.  "Papa, pasensiya na ho kayo, ha? Sasandali ko pa lamang kayong natutulungan pero heto't pabigat na naman ako sa inyo ngayon." Mula sa tinatahi kong shorts ni Konor ay tumayo ako at tinabihan si Papa sa pagkakaupo nito sa duyan namin na yantok.  "Ano ka bang bata ka! Kailanman ay hindi ko inisip na pabigat kayong magkakapatid sa akin. Kayo na lang ang mayroon ako, Luna. Kayo ang kayamanan ko na tanging mayroon ako. Ayoko na ulit maririnig sa 'yo 'yan, ha?" may himig pagbabanta sa tinig ni Papa.  "O-Opo. Pero huwag ho kayong mag-alala. Hahanap ako kaagad ng pamalit doon, Pa. Marami naman hong nanananggapan sa bayan sabi ni Mayang." Sinikap kong pasiglahin ang tinig para kahit paano ay pareho kaming magkaroon ni Papa ng pag-asa.  "Kinukuha ako ni Pareng Fredie. Pwede raw akong mag-extra roon sa kiskisan nila. Sayang din ang kikitain ko roon," anito sa halip na tugunin ako. Natigilan ako.  "Kaya n'yo pa ho ba ang trabaho roon?" nag-aalala kong tanong. Matanda na si Papa at kung magtatrabaho ito sa kiskisan ay hindi maiiwasang magbuhat ito ng magbuhat. Nito ngang huli ay palagi ng sumasakit ang kanyang likod pero wala naman kaming pera gustuhin ko man na ipagamot si Papa. "Kaya ko pa 'yon, anak. Ang mahalaga ay hindi tayo magutom." Akma akong sasagot nang bigla akong matigilan pagkatapos kong mapatingin sa bakod naming gawa sa kawayan. Naglalakad papunta sa kinaroroonan namin si Mang Damian. Bigla akong kinabahan habang iniisip kung ano kaya ang pakay nito. "Magandang hapon, Lito, Luna," alanganing nakangiti na sabi nito.  "Magandang hapon din naman, Damian. Ano ba ang sadya mo?" tanong ni Papa pero ilang beses ko muna siyang nakitang napalunok bago iyon. "Maupo ka muna," sabi pa ni Papa saka tumayo at ikinuha ng mauupuan si Mang Damian.  "Gusto ko sana kayong kausapin. Tungkol dito sa lupa ninyo. Alam ko naman na ganap ninyong nauunawaan kung ano ang naging pag-uusap natin, hindi ba?" mahinahon nitong sabi nang ganap ng makaupo. Mas lalo ng tumindi ang kaba ko sa panimula ni Mang Damian.  "A-Ano ho ba ang tungkol dito sa lupa namin, Mang Damian?" hindi nakatiis na tanong ko. Kumakalabog na nang mga sandaling iyon ang dibdib ko.  "Tama ba ang kutob ko na may buyer na ang bukid, Damian?" tanong ni Papa. Blangko ang ekspresyon nito at hindi ko mahulaan kung ano ang iniisip nang mga oras na iyon.  "Tama ka, Lito. May interesado ng bumili ng bukid ninyo. Ang totoo ay baka maisama ko siya rito sa mga susunod na araw. Malamang ay hindi ka maniwala pero sa tingin ko ay mga nasa treinta lang ang edad nang batang 'yon. Gwapo at mukhang galing sa mayamang pamilya." Nagniningning ang mata nito habang tila binabalikan sa isip kung anong klaseng tao ang bibili ng lupa namin na nakasanla rito.  "Kung gano'n ay isama mo na lang siya rito. Tutal ay amanos naman na tayo pagdating sa bayaran," malungkot na sabi ni Papa. Saksi ako sa pagpapaunlad niya sa bukid namin simula noong bata ako. Hindi ko lubos maisip na darating kami sa puntong ganito. Ang masaklap pa, wala na kahit isang piso kaming matatanggap dahil nakuha na namin lahat noon pa.  Tumango si Mang Damian saka isang ngisi ang pinakawalan. Hindi ko mapigilang hindi makaramdam ng inis. Tila kasi tuwang-tuwa pa ito sa lahat ng nangyayari sa amin.  "Tutuloy na ako. Sadyang inihatid ko lamang sa inyo ang balita." Tumayo ito at pumihit pero mabilis ko siyang tinawag.  "Sandali lang ho, Mang Damian." Muli itong lumingon at kunot-noo akong binalingan.  "May sasabihin ka ba, Luna?" Hindi ako nakasagot agad.  "H-Hindi na po ba pwedeng bigyan ninyo pa kami ng pagkakataon? A-Alam ninyo ho kasi ay iyon lamang ang mayroon kami." Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para isatinig iyon. Pero sa tulad kong desidido ay gagawin ko ang lahat. Saglit na natigilan si Mang Damian at maya-maya ay napabuga ng hangin kasabay ng isang nakalolokong tawa. Iiling-iling pa ito bago tinapunan ng tingin si Papa.  "Luna!" mariing bulalas ni Papa.  "Hindi yata naiintindihan ng anak mo ang lahat, Lito. Kung ako sa 'yo ay ipaliliwanag ko sa kanya habang maaga pa," tila nang-u-uyam na dagdag pa nito.  "A-Alam ni Luna ang lahat, Damian. Pasensiya ka na." Tuluyang umalis si Mang Damian. Naiwan kami ni Papa na parehong walang imik at tila nagpapakiramdaman sa isa't isa.  Kinagabihan ay napansin kong hindi siya halos nakakain. Sigurado ako, labag na labag sa loob nito ang pagkawala ng bukid namin na minana lamang din nito sa mga lolo at lola ko.  KINABUKASAN ay nagsimula akong suyurin ang lahat ng tindahan at establisimyento sa bayan para maghanap ng trabaho. Sampung bio-data ang dala ko na binili lamang ni Mayang sa Divi Mart at dinala sa bahay namin para hindi na raw ako bumili. Mabuti na lamang talaga at may mabait akong kaibigan na gaya niya na nakahandang tumulong sa akin simula noon sa abot ng makakaya.  Inabot na ako ng hapon sa pagbabaka-sakaling may mahahanap ako na pag-uumpisahin ako kaagad, pero ang lahat ay sinabing tatawagan na lamang daw ako kapag kailangan na. Mabuti na lamang at ipinagpauna ni Mayang na numero ng cellphone niya ang ilagay ko sa bio-data. Umuwi akong bigo. Hanggang gabi ay hindi ako makatulog. Bago sumapit ang umaga ay desidido na ako. Mamamasukan muna siguro akong labandera sa mga pinaglalabahan ni ima noon. Tutal ay sanay naman akong maglaba. Bata pa lamang ako ay tinuruan na ako ni ima kaya siguradong kayang-kaya ko iyon.  "PAPA, aalis ho muna ako." Tumayo ako matapos higupin ang kapeng tinimpla ni Papa para sa akin. Alas sais pa lamang ng umaga noon at kaming dalawa pa lamang ang gising.  "Saan ka ba pupunta?" nagtatakang tanong nito dahil simula nang mahinto ako sa trabaho ay hindi naman ako ganito kaaga kung gumising.  "Sa bahay ho nang mga pinaglalabahan ni ima noon, Papa. Baka pwede akong maglabada rin muna sa kanila. Dati naman akong isinasama ni ima kapag marami siyang nilalabhan lalo na kina Mrs. Ong."  "Ano kamo? Maglalabada ka?!" gulat na gulat na tanong ni Papa. Kagabi pa lamang ay naisip ko ng baka hindi ito pumayag pero desidido na talaga ako. Tutal ay marangal na trabaho naman 'yon at wala pa akong boss. Sukat sa isiping iyon ay tila naman tuksong bumalik sa balintataw ko ang imahe ni Reagan De Alba na kinamumuhian ko. Dahil sa pagiging hindi niya makatao, kaya kami lalong nalugmok.  "Wala naman hong masama roon 'di ba, Pa?" "Aba'y wala, anak. Kaya lamang ay inaalala kita. Hindi iyon ang pangarap ko para sa 'yo. Gusto kong---"  "Papa, ako rin naman ho ay hindi. Pero wala na ho tayong pagpipilian sa ngayon. Kayo na rin ho ang may sabi na ang lahat ng bagay ay hindi permanente. Malay ho natin kung sa mga susunod na panahon ay tayo naman ang nasa itaas," paliwanag ko kay Papa. Isang malalim na buntonghininga ang hinugot niya. Tumalikod siya sa akin at saka namintana. "Kung nabubuhay lang ang ima mo ay hinding-hindi siya papayag sa gusto mong mangyari, anak," ani Papa pagkatapos saglit na matigilan.  "Pa, ayan na naman ho kayo, e. Wala na si Mama. Tayong apat na lang at naaawa na ako sa mga kapatid ko. Hindi ko na ho kaya na kahit biskwit na tig-piso ay hindi ko sila maibili," madamdaming sabi ko. Ayokong umiyak pero hindi ko napigilan ang pag-garalgal ng boses. Dahil doon kaya napaharap si Papa sa akin. At alam ko, tanda iyon ng pagsuko nito.  "Patawarin mo ako, Luna, anak. Hindi ko nagawang ibigay ang buhay na inasam namin ng ima mo para sa inyong magkakapatid. Alam ng Diyos na hindi paglalabandera ang hinangad ko para sa 'yo," lumuluhang sabi ni Papa. Nilapitan ko siya at niyakap.  "Papa, desisyon ko ho ito. Saka ano ba kayo! Maging dito naman sa atin ay naglalaba ako, ah. Wala hong masama roon. Kayang-kaya ko 'yon." Pinilit kong langkapan ng sigla ang tinig saka kunwa'y inilabas ko ang mga muscle sa braso. Natawa naman si Papa dahil doon.  "Kung aalis ka ay kainin mo na itong dalawang pandesal. Baka magutom ka sa daan," sambit nito pagkatapos kumalas sa akin.  "Hindi na ho, Papa. Ibigay n'yo na lang ho kina Nene at Konor." SA BAHAY nina Mrs. Ong ako unang dumiretso. May kaya ito sa buhay dahil nakapangasawa ito ng intsik at ngayon ay nagtitinda ng mga totoong alahas. May pagka-masungit ito pero hindi naman matapobre kagaya ng mga ibang mayayaman. Tila nagdadalawang isip pa itong pagbuksan ako ng gate nang una akong makita pero nang sabihin kong baka kailangan nila ng labandera ay bigla itong naging magiliw. Tamang-tama raw dahil nangangailangan nga ito at noong araw din na iyon mismo ay nagsimula na ako.  "Gusto ko ang laba ninyong mag-ina dahil malinis at mabango, Luna," papuri ni Mrs. Ong nang nagsasampay na ako.  "Salamat ho, Mrs. Ong. Sa ima ho ako natuto," sagot ko.  "Maswerte ang papa mo sa 'yo. Masikap at maabilidad kang bata," patuloy nito.  "Salamat ho." "Buweno, mula ngayon ay ikaw na ang taga-laba ko, ha? 'Yung mga nakaraan ko kasing labandera, e, hindi man lang mag-amoy sabon ang mga damit. Hindi ko alam kung iniuuwi ang mga sabon kong binili o ano," himutok pa nito na ikinangiwi ko.  "Salamat ho, Mrs. Ong. Malaking tulong ho ito sa amin." "Walang anuman, Luna. O siya, ang mabuti pa ay tapusin mo na 'yan at nang makauwi ka na." "Sige po." ALAS TRES ng hapon nang makauwi ako. Dinatnan kong wala si Papa sa bahay at ang mga kapatid ko ay naiwan lamang sa pangangalaga ng isa naming kapitbahay.  "Kasama ni Damian ang Papa mo, Luna," ani Aling Teresa nang sunduin ko roon sina Konor at Nene.  "Saan daw ho nagpunta?" "Aba, e, sasamahan daw yata sa bukid ninyo 'yung interesadong bumili. Nagpunta kanina sa bahay ninyo, a. Mukhang mayaman at gwapo nga, Luna," maluwang ang ngiting sabi ni Aling Teresa. Hindi ko mapigilang mapangiwi. Halos lahat kasi ng mga tao rito sa amin ay biglang nagliliwanag ang mukha kapag nakakikita ng mayayaman.  "Malamang ho ay mayaman talaga iyon, Aling Teresa. Mabibili nga niya ang bukid namin, e," hindi ko napigilang sabi. "Salamat ho sa pagbabantay ninyo sa mga kapatid ko. Uuwi na po kami." "Walang anuman, Luna. Nakalilibang nga kapag nandito sila." Mag-isa sa buhay si Aling Teresa kaya rin marahil gusto nitong kahit paano ay may nakakasama.  "Salamat ho ulit." Pagdating sa bahay ay kaagad kong tiningnan ang bigasan namin kung mayroon pa kaming isasaing. May dalawang gatang pa at sa tingin ko ay kasya na iyon. Bukas na lang siguro ako bibili. Inuunaban ko na ang bigas nang dumating si Papa. May dala itong supot at napansin kong bahagyang masaya ang kanyang aura.  "Pa, mabuti ho at dumating na kayo. Mano po." Kinuha ko ang kamay ni Papa at saka ako nag-mano bagay na kinasanayan ko. "Kaawaan ka ng Diyos. Kanina ka pa, anak?" Kumuha ito ng plato at saka binuksan ang supot na dala.  "Medyo lang ho. Ano ho iyang dala n'yo?"  "Ah, tira naming lechong manok kina Damian. Nagpakain doon 'yung bumili ng lupa natin, e. Maraming natira kaya pinag-uwi ako. Mabait naman pala ang Reagan na iyon." "Reagan ho?" gulantang kong tanong.  "Oo. Siya ang nakabili ng bukid, Luna." Napaisip ako. Pero imposible. Hindi lang naman si Reagan De Alba ang tao sa mundo. Mayaman man si Reagan De Alba, mukhang wala naman sa hitsura nito ang magkaka-interes sa bukid namin.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD