Chapter 5

2496 Words
LUNA "SIRA ka talaga! Bakit hindi ka na rin pumasok, Mayang? Diyos ko! Napakahirap maghanap ng trabaho ngayon. Nasa bayan ako 'nung isang araw at alam mo ba kung ilan ang in-applyan ko? Sampu! Inubos ko 'yung bio-data na binili mo. Ayun, may tumawag ba sa 'yo? 'Di ba wala? Kaya ba't sinayang mo 'yung sa Divi Mart?" sermon ko kay Mayang isang hapon nang magkita kami matapos kong maglaba sa kapitbahay nina Mrs. Ong. Ibinalita nitong hindi na rin ito pumapasok pagkatapos akong suspindehin ng Reagan na iyon.  "Wala. Marami namang iba riyan, e. Saka nagsawa na ako, Luna. Isa pa, wala ka naman na roon," balewalang sabi pa nito.  "Ano?! Luka-luka ka talaga! Palibhasa hindi kayo kinakapos. Masasarap din ang kinakain mo at kaya mong mabuhay kahit hindi ka pa magtrabaho." Public school teacher ang ina ni Mayang at ang ama naman nito ay isang seaman. Sa tingin ko pa nga ay ginagawa lang libangan ni Mayang ang magtrabaho. Likas kasing adventurous ito. Iyon nga lamang ay madaling magsawa.  "Hay! Pinaandaran mo na naman ako ng mala-Charo Santos mong banat, e. Oo na. Kasalanan ko na. Pero ikaw, friend, seryoso ka ba talaga sa paglalabandera mo? Hindi bagay ang beauty mo riyan, girl," patuloy ni Mayang na nagpabunghalit ng tawa ko. Heto na naman kasi ito, palalakasin na naman ang loob ko na palagi nitong ginagawa kapag nararamdaman na down na down na ako.  "What is beauty, bes? Bakit naman hindi, e, dito naman talaga ako bagay? Ang itim itim ko na nga, e," umiiling na sabi ko kay Mayang. Kahit pa ilang kaibigan ko na rin ang nagsabi noon, hindi ko naman magawang maniwala dahil bukod nga sa ako ang pinakamaitim sa aming magkakaibigan, ako rin yata ang walang self confidence sa kanilang lahat. Kahit pa magmula grade one ay ako ang muse namin sa classroom. Ilang liga na rin dito sa lugar namin ang kumuha sa aking muse at madalas rin akong maikarosa, hindi naging daan 'yon para lumaki ang bilib ko sa sarili.  "Luna, hindi ka maputi, oo. Pero hindi ka pangit 'no! Pwede ka ngang ihilera sa mga beauty queen na sina Venus Raj, Janine Tugonon at Shamcey Supsup e. Ano kaya kung 'yun na lang ang pasukin mong karera?" Seryoso si Mayang pero napatawa na naman ako. Napakataas kasi ng tingin nito sa akin. Pero iyon naman ang pinakagusto ko kay Mayang. palagi itong nakasuporta at handa akong patawanin.  "Naku! Tigilan mo ako, Mayang. May nalalaman ka pang beauty queen diyan. Magkapera ang prayoridad ko ngayon at hindi kung anu-ano," sabi ko habang dumudukot sa chips na hawak niya na kinakain namin habang naglalakad pauwi.  "Luna!" Pareho kaming natigilan at napalingon sa may-ari ng boses na iyon. Si Mang Damian na ngayon ay palapit na sa amin. Hindi ko mapigilang magtaka dahil sa isip ko ay ano na naman kaya ang kailangan nito. "Bakit ho?" alanganin kong tanong.  "Matutuwa ka sa ibabalita ko. 'Yung  nakabili ng lupa ninyo na nasa isa sa mga apartment ko, naghahanap ng maglalaba sa kanya. Ang sabi ko ay may kakilala ako. Gusto mo ba? Sayang 'yon, siguradong malaki siyang mag-upa," tuluy-tuloy nitong sabi. Nagkatinginan kami ni Mayang. Nabuhayan ako ng loob dahil panibagong customer na naman ang hatid ni Mang Damian kung sakali.  "O-Opo naman. K-kailan daw po ako pwedeng mag-umpisa?" nauutal kong tanong. Hindi ko alam pero sa tingin ko ay may itinatago naman palang puso si Mang Damian. Kasi kung hindi, iba ang irerekomenda nitong labandera sa nakabili ng lupa namin at hindi ako. Pero heto't ako pa rin ang naisip nito.  "Aba'y agad-agad daw. Kung gusto mo ay pumunta ka na bukas na bukas. Alam mo naman kung saan 'yung pinakamalaki kong apartment hindi ba?" "O-Oho. Sige po, Salamat." "Sige, maiwan ko na kayo." "Nakabili ng lupa n'yo? Are you sure na ipaglalaba mo ang taong 'yun, friend? Hindi mo ba naiisip na siya ang dahilan kung bakit nawalan kayo ng kabuhayan?" ani Mayang nang kami na lamang dalawa. Nakataas pa ang kilay nito at ang dalawang braso ay magka-ekis sa dibdib. Ilang saglit ko siyang tinitigan bago ako humugot ng isang malalim na hininga.  "Hindi na importante 'yun, Mayang. Ang mahalaga, magkakapera ako," tipid kong sabi. Sa mga panahong kagaya ng ganito ay hindi mahalaga ang pride. Mas mahalaga ang pang-laman sa kumukulong tiyan nina Papa.  "Kung sabagay," kibit balikat nitong tugon.  "O siya, diyan ka na at kailangan ko ng umuwi. Magkita na lang tayo ulit sa ibang araw. Salamat sa libre." Lumakad na ako palayo. Kilala ko kasi si Mayang. Kung hindi ako aalis ay malamang na mamayang gabi na ako makauwi dahil sa dami niyang kwento tuwing magkikita kami. Minsan nga ay natatawa na lang ako dahil talaga namang hindi napapahinga ang bibig nito. Dumaan ako sa tindahan ni Aling Monang para bumili ng dalawang kilong bigas at dalawang de-lata. Kasya na sa amin ito. Tutal ay marami namang bunga ang bayabas sa labas ng bahay namin. Mamimitas na lang siguro ako pandagdag sa ulam namin.  "Oy, Luna, balita ko nabili na raw ang lupa ninyo, ah. Gwapo raw 'yung nakabili sabi ni Damian. Hindi lang 'yon, ubod daw ng yaman, ah. May-ari raw 'yun 'nung bagong bukas na mall sa bayan, e," malakas ang boses na sabi ni Aling Monang---ang numero unong tsismosa sa lugar namin. Gusto ko siyang pagtaasan ng kilay pero pinakapigil ko ang sarili. Naisip kong baka bigla niya akong singilin sa mahaba haba na ring utang namin sa tindahan nito.  "Oo nga ho," tipid kong sabi. Ayoko ng mag-komento dahil hahaba pa sigurado ang usapan namin. "Balita ko pa na tatayuan daw ng malaking sabungan, ah. Kung nagkataon pala, e, pwede kang pumasok doon, Luna. Tutal ay sa inyo naman ang lupa na iyon," dagdag pa ni Aling Monang. Nabigla ako sa nalaman. Hindi namin alam ni Papa na ganoon ang plano ng nakabili sa lupa pero bigla ay kumirot ang dibdib ko sa nalaman. 'Di yata't nawalan kami ng kabuhayan para lamang sa isang sabungan? Gayunpaman, wala naman kaming magagawa dahil hindi na kami ang legal na may-ari noon ngayon.  "Wala naman na ho tayong magagawa roon, Aling Monang. Kahit ano ho ang gawin ng nakabili sa lupa ay malaya niyang magagawa dahil siya na ang legal na may-ari. Sige ho, mauuna na ho ako." "MANG DAMIAN, wala ho kasing tao doon sa apartment. Ayoko naman ho na basta na lang pumasok sa bakuran. Nag-door bell na ho ako pero walang lumalabas kaya pinuntahan ko na ho kayo," diretsong sabi ko kay Mang Damian nang puntahan ko ito sa bahay nang umagang iyon.  "Ay, e, talagang wala ng tao roon dahil nasa opisina na, Luna. Pero binilin naman sa akin na pwede ka ng pumasok anytime. Halika, ihahatid kita," ani pa ni Mang Damian. Hindi ko alam pero parang gusto ko siyang palakpakan. Parang naghimala ang langit dahil sa mga ipinapakita niya sa akin nitong mga nakaraang araw. Gahaman. Iyon ang tingin ko rito mula noon. Pero ano't tila nag-iba yata ang ihip ng hangin ngayon? "S-Sige ho," sabi ko na lang dahil wala naman akong magagawa.  Sinamahan nga ako ni Mang Damian at sa tagiliran ng bahay kami humantong kung saan naroon ang laundry area. Nakahinga ako ng maluwag dahil hindi ko naman pala kailangang pumasok sa loob. Baka may mawala pa roon at ako pa ang pagbintangan lalo at wala naman pala ang may-ari.  "Kaunti lang ang labahin mo, Luna. Saka hindi ka naman mahihirapan dahil hindi naman maruming magdamit si boss Reagan. 'Yung bayad sa 'yo ay hayun sa ilalim ng laundry basket, ibinilin na rin 'yan na ibigay sa 'yo." "Salamat ho, Mang Damian," sabi ko habang iginagala ang paningin sa paligid.  "Siya nga pala, walang pakain dito, Luna. Gaya nga ng sabi ko, wala si boss kaya ikaw na lamang ang bahala, ha?" "A-Ah...opo. Alam ko naman na po 'yon. Saka maaga pa naman po, baka bago naman ang tanghalian, e, tapos na ho ako," wala sa loob na sabi ko dahil pakiramdam ko ay mukhang atat sa pagkain ang tingin sa akin ni Mang Damian. Kung alam lang niya na kaya kong tiisin ang hindi kumain maghapon basta't busog lang ang mga kapatid ko.  "Mabuti naman kung gano'n. O, paano? Maiwan na kita rito, ha? Pagkatapos mo, e, maki-lock mo na lang 'yung gate." "Sige po."  Kaagad kong kinuha ang laundry basket at inihiwalay ko ang mga damit na puti sa mga de-kulay. Ang upa sa akin na nasa isang sobre ay inilagay ko kaagad sa bulsa ng suot kong jogging pants. At habang isa-isa kong inaalis sa basket ang mga damit, nanunuot naman sa ilong ko ang napakabangong amoy ng mga iyon na parang pamilyar sa akin. "Sigurado kaya siya na palalabhan niya 'tong mga 'to? E, mababango pa 'to kaysa sa damit kong suot ngayon, e," bulong ng isip ko. Naisip kong mukhang metikuloso ang Reagan na ito kaya dapat ay pagbutihin ko ang paglalaba. Nakahihiya rin dahil mabangong talaga ang mga damit kaya dapat ay wala itong masabi.  Maging ang Detergent at Fabric Conditioner na gagamitin ko ay nakahanda na rin. Kakaiba ang brand at mukhang mamahalin dahil wala akong nakikitang ganito sa mga tindahan. At tama si Mang Damian. Hindi ako nahirapan dahil halos walang dumi ang mga labahin pero pinag-igi ko pa rin lalo na ang mga puti na kinusot ko pa pagkatapos kong ahunin sa washing machine. At dahil iilan nga lamang halos ang mga iyon, bago mag-alas onse ay tapos na ako.  Tuwang-tuwa ako dahil maaga akong makauuwi. May oras pa para magluto ako ng paborito ng mga kapatid ko na ginisang gulay, na nakita kong pinitas ni Papa kaninang umaga sa mga tanim niya. Pero bago ako makalabas ng gate ay naalala kong buksan ang sobreng naglalaman ng upa ko para sa araw na iyon. At daig ko pa ang nanalo sa lotto nang makita ang tatlong lilibuhing papel sa loob niyon. Na-shock ako. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako literal na makahahawak ng ganitong pera. Natuwa ako. Pero maya-maya ay napaisip dahil pakiramdam ko ay sobra-sobra ito. Pinakamalaki na ang limandaang piso kung upahan ako ng mga nagpapalaba at ang halagang iyon ay katumbas ng ga-bundok na labahin. Pero ito ay wala pa yatang sampung pares na tops at bottoms ay ganito na kalaki ang ibinayad sa akin. Kung tutuusin dapat ay natutuwa ako. Pero may posibilidad din kasi na magkamali lamang ang Reagan na ito. "Hindi bale, siguro naman ay ipatatawag niya ako ulit. Noon ko na lang itatanong sa kanya ang tungkol doon." "LUNA! Luna! Aba, e, bilisan mo. Ang Papa mo, dali!" Humahangos na sinalubong ako ni Aling Teresa nang makita akong paparating. Bigla naman ay parang tinambol ang puso ko lalo at nakikita ko ang reaksyon ng mukha ni Aling Teresa. Tinakbo ko ang pagitan namin.  "Bakit ho?! Ano ho ang nangyari?" kinakabahan kong tanong. Sa isip ay lihim kong nahiling na sana ay walang masamang naganap. "Aba, e, nanikip ang dibdib kanina. Bilisan mo!" Tinakbo ko ang loob ng bahay namin. Pagdating doon ay nanlumo ako sa nakita. Si Papa ay diretsong nakahiga sa papag habang mariing nakapikit ang mga mata.  "Papa...Papa, ano ho ang nararamdaman ninyo?" hinaplos ko ang mukha ni Papa at dahil doon ay nagdilat siya ng mata. Pinilit ngumiti kahit sa tingin ko ay hindi maganda ang nararamdaman.  "Wala 'to, anak. Masyado lang kasing mainit kanina kaya parang nanikip ang dibdib ko," ani Papa na muling pumikit.  "Baka ho papunta na sa stroke 'yun, Papa. Teka ho, tatawag ako ng tricycle. Dadalhin ko ho kayo sa ospital." Muli akong pumihit para tunguhin ang pinto pero nahawakan ako ni Papa sa braso.  "Huwag na, Luna. Gastos lang 'yon. Tumaas lang ang presyon ko kanina pero ayos na ang pakiramdam ko dahil pinainom na ako ni Teresa ng kalamansi juice." "Kahit ako ay kanina ko pa sinasabing pumunta na kami sa ospital pero ayaw talaga ng Papa mo, e. Gusto na nga kitang sunduin kung may magbabantay lang sanang iba sa mga kapatid mo," ani Aling Teresa habang nakatunghay sa aming mag-ama.  "Papa, wala na si Mama at kayo na lang ang meron kami ng mga kapatid ko. Sana naman po ay gustuhin n'yo rin na makasama pa kami ng matagal," emosyonal kong sabi. "Tara na ho, may pera ho tayo dahil malaki ang upa sa akin ngayon kaya huwag ho ninyong alalahanin ang gastos." "Pangako ko naman 'yan sa inyo, anak. Pero huwag ka ng mag-alala. Maayos na ang pakiramdam ko at sasabihin ko sa 'yo kapag kailangan ko ng magpadala sa ospital," pagbibigay katiyakan ni Papa. Napa-buntonghininga na lamang ako. Batid kong hindi ako mananalo sa kanya.  "Sigurado ho kayo, ha?" Tumango si Papa kasabay ng isang tipid na ngiti. Bahagya namang napalagay ang loob ko dahil doon.  "Bumaba na ang presyon niya, Luna. Kaya lang ay huwag mo munang payagan na magkikilos at baka mahilo na naman." "Maraming salamat po talaga, Aling Teresa. Mabuti na lang ho at nandiyan kayo," bukal sa loob kong sabi rito. Nakakatuwa lang na kahit ganito ang lagay namin sa buhay ay mas isang kagaya nito na handa kaming damayan palagi.  "Ku! Sino pa ba naman ang magtutulungan kung hindi tayo tayo lang talaga." Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Maya't maya ang pag-check ko kay Papa dahil baka manikip na naman ang dibdib niya ay dadalhin ko na siya sa ospital. Gusto ko ng umiyak pero naisip kong kailangan kong magpakatatag dahil ako na ngayon ang magiging haligi ng pamilya namin.  Kinabukasan ay naging maayos naman na ulit si Papa. Tuluyan ko na ring sinabi sa kanya na huwag ng pumasok sa kiskisan ni Mang Fredie dahil hindi ako papayag.  "Papa, aalis na ho ako. Huwag ho kayong magkikikilos, ha? Huwag ho kayong pasaway, mata ko ho si Aling Teresa kaya alam ko kapag hindi n'yo ako sinunod." "Oo, anak. Siguro'y iyong gulayan na lang natin ang pagyayamanin ko," sagot ni Papa habang pinapanood akong nagsasangag ng tira naming kanin kagabi. "Mapapagod ka rin doon, Papa. Ang gusto ko, e, mamahinga ka na lang. Ako ng bahala sa lahat," lakas loob kong sabi kahit ang totoo ay hindi ko naman alam kung kaya ko nga silang itaguyod sa pamamagitan ng paglalabada ko.  "Luna! Lito!" mula sa labas ay tinig ni Mang Damian.  Sumungaw ako sa pinto. "Bakit po?"  "Nabalitaan ko ang nangyari sa Papa mo, kumusta na siya?"  "Damian, halika't pumasok ka," ani Papa nang maulinigan ito.  "Pasok daw ho kayo," sabi ko. Tumuloy ito at inabot kay Papa ang dalang supot na hindi ko alam kung ano ang laman. "Aalis na ho ako, Papa. Kumain na ho kayo, ha?" bilin ko bago tunguhin ang pinto pagkatapos makapasok ni Mang Damian.  "Mag-ingat ka, anak." "Siya nga pala, Luna. Nagustuhan ni boss Reagan ang laba mo. Mula ngayon daw ay ikaw na ang gusto niyang maglaba sa kanya. Ano, payag ka ba?" pahabol pang sabi ni Mang Damian bago ako tuluyang makalabas.  "Pakisabi po payag ako, Mang Damian."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD