dirleyla08
"O heto ang basket, magdali kayo ha at baka abutan kayo ng dilim"ani Mang Mario pagka abot niya nung isang basket kay Bino. Nagpresinta kasi ito na kukuha daw ng gulayin na pang hapunan namin doon sa kalapit na lupa nina Mang Mario.
"Arat na mga erp, at tayo'y makuha na ng gulayin, 'wag laang kayong maingay at baka tayo ay makita ng may ari, yari tayo niyan hahhahaha" ani Bino dahilan para bahagya siyang batukan ni Isay. Hindi ko alam kung doon ba ako matatawa o sa punto niya ng pagsasalita.
Hindi pa man kami nagtatagal sa lugar na ito ay napansin ko na kaagad ang kakaibang punto nila sa pagsasalita.
Nauna na ulit umuwi ang matandang mag asawa habang kaming apat naman ay heto at kanina pa naglalakad sa damuhan, 'di ko alam kung saan ba kami dadalhin nitong si Bino. Hanggang sa lumusot kami sa isang bakod na gawa sa mga kawayan. Para tuloy kaming mga magnanakaw neto.
"O Isay hawaki ireng basket at mapitas ako nireng sili"utos ni Bino sa kanyang pinsan na kaagad naman nitong sinunod. Malawak ang lupain na iyon dahil hindi na maabot ng aking panigin ang dulo ng bakod. Marami ring mga tanim doon at karamihan ay mga gulay. Siguradong hindi magugutom kung sino man ang may-ari ng lupang ito.
"Pogi, tulungi nga ako dini , makuha tayo ng kalabasa"utos ulit ni Bino, ngayon ay kay Lucas naman na feel na feel ang pagtawag sa kanya nito ng Pogi. Nakakabwisit.
Naiwan tuloy kaming dalawa ni Isay doon dahil nasa kabilang banda pa ang taniman ng kalabasa. Hindi ko masasabing tahimik kaming dalawa dahil sa mga huni ng mga ibon sa paligid namin.
"Uhmm, makuha ako ng sitaw sa banda doon, masama ka?" kapagkuway tanong ni Isay sa akin. At wala akong choice kung hindi ang sumama sa kanya dahil nakakatakot maiwan mag isa dito baka bigla na lang may tumuklaw sa akin na kung ano.
"Okay"sambit ko at saka sumunod sa kanya sa paglalakad. Hindi naman kalayuan ang pinuntahan namin at natanaw ko na kaagad ang tanim na mga sitaw. Dere deretso lang si Isay hanggang sa mamitas na siya ng mga sitaw habang ako naman ay nakasunod at nakapanood lang sa kanya.
"Baka gusto mong bitbitin ireng basket, wala ka rin laang namang inagawa diyan"sambit ni Isay hindi ko alam kung sarkastiko ba iyon o ano dahil wala namang ekspresiyon ang mukha niya.
Nakanguso kong kinuha sa kanya ang basket na may laman ng sili at ilang sitaw at saka muling naglakad kasunod niya. Habang patagal ng patagal ay pabigat ng pabigat 'yung basket dahil hindi lang sitaw ang pinitas at inilagay niya roon nadagdagan na ng ampalaya at talong.
What the heck ang sakit na ng kamay ko!
Hindi pa nakontento si Isay at balak talaga yata nitong pahirapan ako dahil pumitas pa ito ng dalawang malalaking upo. The heck?!
Parang gusto kong ihampas sa kanya lahat ng gulay na nilagay niya sa basket! Nakakainis.
Ilang minuto pa ang lumipas bago siya nakontento sa mga napitas niyang gulay. Saka kami bumalik ulit sa pinanggalingan namin kanina. At hinayaan na niya akong mag isa na magdala nung basket na punong puno ng gulay.
Kung nasa normal na buhay ko ako ngayon baka pinagbabato ko na si Isay ng mga gulay sa sobrang inis ko sa kanya. Kaya lang syempre kailangan kong magtimpi. Tulad nga ng sabi ni Lucas , kailangan kong matutong mag adjust. The heck?!
Nadatnan namin na naghihintay sina Lucas at Bino, pareho silang nakaupo sa nag iisang malaking bato doon.
"Andami naman niyan kulang na laang ay bahay kubo ah"ani Bino pagkahinto namin sa tapat nila. Ang tinutukoy niya ay ang mga gulay na nasa basket na dala dala ko.
"'Wag kang pakealamanin diyan, magaluto ako ng pakbet, paborito mo 'yun Lucas diga?"ani Isay at saka bumaling ikay Lucas . Paano naman kaya nalaman ng babaeng ito na paborito ni Lucas ang pinakbet?
Feeling ko hindi naman paborito ni Lucas 'yun.
"Ahh oo, ang sarap kaya 'nun"
Napasinghap na lang ako sa kawalan matapos sumagot ni Lucas . At mukhang napalakas pa yata iyon dahil sabay sabay silang tatlo na tumingin sa akin, nagtataka sa inasta ko.
"'Di pa ba tayo uuwi? Baka hinahanap na tayo nina Mang Mario"sambit ko na lang para hindi na sila makapagtanong pa tungkol doon.
"Arat na mga erp"ani Bino at saka bumaba doon sa kinauupuan niyang bato at nauna ng maglakad. Sumunod naman si Isay sa kanya.
"Akin na, ako na magdadala neto"ani Lucas at akmang kukunin ang hawak kong basket pero kaagad kong iniiwas iyon sa kanya at inirapan siya.
"No need"maarteng sambit ko sa kanya at saka naglakad kasunod ni Isay. Kaya lang sobrang bilis nilang maglakad palibahasa ay ako ang may dala ng basket kaya naman naiiwan ako at ang mas nakakairita pa ay naririnig ko ang pagtawa ni Lucas mula sa likuran ko. "Umuna ka nga"asik ko sa kanya pero hindi ito sumunod.
"'Wag ka ng marami pang arte diyan, maiiwan na tayo nung dalawa baka maligaw pa tayo dahil hindi natin alam ang daan sige ka"pananakot nito sa akin kaya naman nagpatuloy ako sa paglalakad habang nasa likuran ko pa rin siya.
Naabutan namin sina Isay at Bino dahil tumigil ang mga ito sa ilalim ng isang puno.
"Uhmm, Lucas gusto mo? Masarap 'to lalo na at maribalang palang" kapagkuwan ay sambit ni Isay habang inaabot kay Lucas ang isang mangga habang si Bino naman ay nakaakyat na doon sa puno at namimitas na ng mga bunga.
"Wow, mangga? Paborito ko 'to" nakangiting sagot ni Lucas saka kinuha 'yung mangga at kinagatan. Bakit ba parang lahat na lang ng sabihin na pagkain ni Isay sa kanya ay paborito niya?
At dahil sa selos.... este sa bigat pala ng dala dala ko ay nagpasya akong umuna na sa kanila. Madali lang naman ang daanan dahil kung saan hawan ang mga damo doon ang tamang daanan. Nakakatakot lang dahil ang daming mga nagtataasang mga damo sa gilid at hindi maiwasang mapalapat iyon sa katawan ko.
"Ouch!"daing ko matapos maramdaman ang paghapdi ng kabilang braso ko. Kaagad ko itong tiningnan at laking gulat ko ng makitang mamula mula na iyon at may malilit na pantal. Napapadaing ako sa tuwing mararamdaman ang pagkirot noon at lalo lang tumitindi ang hapdi sa tuwing kakamutin ko ito.
The heck?! Ba't ako nagkaganito?
Nabitawan ko na ang dala dala kong basket at nahulog na rin ang ilang laman noon. What the heck is happening to me? Abot abot na ang kaba sa dibdib ko dahil hindi ko alam ang kung anong gagawin ko.
"Help!"sigaw ko para humingi ng tulong, hindi ko alam kung may nakakarinig ba sa akin dahil medyo malayo na rin ang nilakad ko. "Lucas ! Help!" pagsigaw ko ulit. At ng makalipas ang ilang minuto na wala pa ring dumadating para mahingan ko ng tulong ay nagsimula ng magpatakan ang mga luha ko sa sobrang takot. Habang ang parteng iyon ng aking braso ay patuloy lang sa pagkirot at kumakalat na ang mapupulang pantal.
At nang wala talagang dumating para tulungan ako ay isa isa ko ng pinulot ang mga gulay mula sa lupa at inilagay ulit ang mga iyon sa basket. Walang mangyayari sa'kin kung iiyak lang ako dito at maghihintay ng tutulong sa akin. Hindi man sanay ay nilakasan ko ang loob ko at nagsimula muling maglakad, sinusundan ang daan na alam ko ay tama.
Sana nga tama.
Medyo dumidilim na ang kalangitan ng matanaw ko ang kalsada. Bigla tuloy gumaan ang pakiramdam,pero ang hapdi sa aking braso ay patuloy lang at lalong tumitindi.
Hindi naman kalayuan doon ang bahay nina Mang Mario kaya naman nakarating ako kaagad. At nadatnan ko ang nag aalalang mukha ni Mang Mario na kasalukuyang nasa pinto ng kanilang bahay.
"Leila, bakit ka nag-iisa? Nasaan ang mga kasama mo?"nagtatakang tanong ng matanda sa akin, at kaagad itong lumapit ng mapansin ang mukha ko na kagagaling lang sa pag iyak. "O ano g**g nagyari sa inyo, bakit pugto ang iyong mga mata?"nag aalalang tanong ulit nito sa akin habang pinapasadahan ako ng tingin.
Hanggang sa mapunta iyon sa aking braso na hindi ko alam kung anong nangyari at nagkaganun. Akma niya akong yayayain sa loob ng biglang may magsalita.
"Lolo Mario si Isay nahulog sa puno ng mangga!"dinig kong sigaw ni Bino, tumatakbo ito habang papasok sa bakuran nina Mang Mario.
"Ha? Ano?"naguguluhang tanong sa kanya ng matanda.
"Si Isay ho, umakyat doon sa puno ng mangga tapos biglang nahulog nabalian ho yata ng buto dahil hindi makalakad"pagpapaliwang ni Bino habang hinihingal pa pero hindi ko magawang magawang intindihin ang sinasabi niya dahil patuloy pa rin sa pagkirot ang braso ko.
"Ano bagang nangyayari sa inyong mga bata kayo, itong si Leila nalipa tapos si Isay nahulog sa puno? Haayyy jusmeyo maawain"di makapaniwalang ani Mang Mario na animo ay pinagsakluban ng langit at lupa ang buong pagkatao dahil sa mga nangyayari. "O eh nasaan na si Isay?"tanong nito kay Bino.
"Lo"sabay sabay naman kaming napatingin sa gawi ng pinanggalingan ng boses na iyon, kay Isay.
At para namang biglang lumipat lahat ng kirot at hapdi mula sa aking braso patungo sa aking dibdib ng makita kong pangko siya ni Lucas sa likuran. Hindi ko napigilan ang sarili ko na mapairap ng dahil doon. At ngayon ko lang narealize na siguro tama nga si Lola Claret sa sinabi niya sa akin kanina, na nagseselos ako.
The heck?!
Dahil sa halo halong kirot na nararamdaman ay iniwan ko na sila roon at pumasok na lang sa loob ng bahay bitbit pa rin ang basket na puno ng gulay.
Kaya pala wala siya kanina para tulungan ako dahil busy siya sa pagtulong roon kay Isay!
Magsama silang dalawa!
"O heto kalamansi, mabisa daw ito na gamot diyan sa braso mo sabi ni Lolo Mario"kapagkuwan ay sambit ni Lucas mula sa likuran ko. Pagkatapos kasi namin mag hapunan ay pumunta ako dito sa maliit na parang kubo nina Mang Mario walang dingding iyon at tanging bubong lang habang may mahabang lamesa sa gitna at upuan sa magkabilang tabi na pare parehong gawa sa kawayan. Bukod sa tahimik ay napaka presko ng hangin sa parteng ito. "Nalipa ka daw sabi ni Lolo Mario, napalapat daw siguro yang braso mo doon sa dahon ng lipa kaya nagkaganyan, mahapdi daw talaga yan pero mawawala daw kapag nilagyan nitong kalamansi, medyo masakit nga lang"malumanay nitong sambit at saka umupo roon sa tabi ko.
Pero hindi ko siya pinansin at nakatingala lang sa kalangitan.
Walang mga bituin! At isa lang ang ibig sabihin niyon.
"Anong tinitingnan mo diyan?"tanong ni Lucas at nakita ko sa gilid ng aking mata na sinusundan niya ng mga mata niya kung saan ako nakatingin. Pero hindi ko pa rin siya sinasagot.
Manigas siya!
Bakit ba kasi siya narito? Bakit hindi si Isay ang kausapin niya tutal mukhang nagkakamabutihan naman silang dalawa?
"Aray!"biglang daing ko ng biglang pisaan ng kalamansi ni Lucas ang parte ng aking braso na mahapdi, kaya naman pinandilatan ko siya ng mata. "Ano sa tingin mong ginagawa mo? Akala mo ba hindi masakit?"galit na singhal ko sa kanya pero higit pa yata sa hapdi ng braso ko ang kahulugan ng sinabi kong iyon. Galing sa puso eh!
Pero nginisihan lang ako ng walang hiya!
"'Wag ka ngang oa diyan, alam ko masakit yan syempre, pero pramis bukas wala na yan effective daw kaya itong kalamansi"aniya.
"Sana nga kayang alisin ng kalamansi ang sakit"makahulugang sambit ko at parang nahalata niya iyon kaya heto siya at nakatitig sa akin na parang may binabasa sa mga mata ko.
"Masakit ba?"tanong ulit niya habang malalim pa rin ang pagkakatitig sa akin.
"Try mong ikuskos yung dahon ng lipa sa balat mo para malaman mo--"
"'Yung nakita mo kanina.....yung kay Isay masakit ba?"pagputol nito sa sinasabi ko dahilan para mapatigil ako sa pagsasalita. Ang tinutukoy niya ba ay ang pagpangko niya kay Isay? O ang pagiging close nilang dalawa?
Syempre masakit!
"Ahh 'wag mo na palang sagutin, syempre hindi, dahil bakit ka naman masasaktan diba?"anito at saka umalis.