Chapter One

3219 Words
P O T R I C K NANDITO ako ngayon sa isang cheap na coffee shop, sa tapat ng school na pinapasukan ko. Hawak ang mumurahing chocolate shake, heto ako at dinadamayan ang kaibigan kong kanina pang nagdadamdam. Halata sa mukha niya ang pinagdadaanan, malungkot at halos hindi ginagalaw ang in-order niyang tig-40 pesos na regular size vanilla shake. Mukhang nasaktan talaga siya dahil sa break up nila ng boyfriend niyang si Fernan. Kawawang Dorothy, ngayon ay luhaan. I warned her pero hindi siya nakinig. Ayan tuloy! Minabuti ko munang uminom nang kaunti sa drink na hawak ko, baka-sakaling may masabi ako na pwedeng mag-lift up sa kaibigan ko na 'to. "Binalaan na kita tungkol sa pakikipag-relasyon mo do'n kay Fernan, 'diba? Ayan, sinasabi ko na nga ba't lolokohin ka lang niya." Pahabol kong paninisi kay Dorothy na hindi makatingin sa akin nang diretso. Daig ko pa kasi ang Kuya niya kung maka-sermon ako dito. "5 years ang tanda no'n sa'yo. High school ka, college siya. Marami kang hindi nalalaman sa kanya at kung anong trip niya sa buhay. Not to mention na iba ang trip ng mga lalakeng gano'n ang edad. Ikaw naman kasi," dagdag ko pa at magkahalong awa at inis ko siyang tingnan. Pa-singhot singhot ako nitong tiningnan. "Masisisi mo ba ako, Pot? Gwapo siya, malakas ang dating at siya 'yong tipo kong lalake. Nahulog ako sa kanya bigla. Hindi ko na inisip 'yong agwat ng edad namin kasi 'diba, age doesn't matter naman?" Depensa niya pa sa kanyang sarili bago simulang inumin ang vanilla shake niya for the first time. "Saka, 'di ko naman alam na gano'n siya eh. Hindi ko alam na manloloko pala siya. Ang tanga ko! Ang tanga ko talaga!" Mahina niyang pinalo ang kanyang cellphone sa ulo niya, baka kasi mabasag kung malakas. Wala pa naman siyang pang-bili ng bago. Napailing nalang ako kay Dorothy. Hindi muna ako nagsalita at hinayaan na maglabas siya ng kanyang sama ng loob. Hinayaan ko siyang mag-rant ng kung anu-ano tungkol sa magaling niyang ex-boyfriend. Baka-sakaling gumaan 'yong loob niya. Siya rin naman kasi eh. Makakita lang ng gwapong college guy, laglag-panty na agad. Hindi ko rin naman siya masisisi dahil gwapo naman talaga ang lalakeng 'yon. Iyon nga lang, mukhang hindi siya sineryoso nito. 16 years old lang si Dorothy at 21 naman si Fernan. See? Nakita niyo ba 'yong pagitan? Yes, age does not matter nga pero unang kita ko pa lang doon sa ex niyang 'yon ay hindi na maganda ang pakiramdam ko. Malakas ang kutob kong hindi 'yon basta-basta papatol sa isang teenager. Tama nga ako, pinaglaruan niya lang si Dorothy dahil ang totoo ay may girlfriend siya na ka-edad niya. At some point, naiinis din ako do'n kay Fernan eh. Sino ba siya sa akala niya para ganito-hin ang kaibigan ko? Babae pa rin siya at kahit teenager pa lang si Dorothy, marunong rin itong masaktan. Bakit ba kasi ang rupok-rupok ng mga teenager, eh? Ay, sorry. Teenager din nga pala ako. Let me rephrase that as 'ilan sa mga teenagers' not all, okay? Hindi lahat marurupok. Bumalik ako sa pagbibigay ng advice kay Dorothy. Hindi ako expert sa ganito dahil wala pa naman akong experience sa mga break up na 'yan pero bilang kaibigan niya, I need to comfort her. "Huwag ka nang umiyak dyan. Huwag mo nang iyakan 'yong limang buwan mo kasama 'yong lalake na 'yon. Alam kong hindi madali at wala ako sa posisyon mo pero you need to move on. Hindi lang siya ang lalake sa mundo, Dori." Sambit ko at seryoso siyang tiningnan na nakatingin lang sa kanyang drink. "Isa pa, graduation na natin next week. Ilang buwan nalang, papasok na tayo bilang college students. Mas malaking mundo 'yon for you. I'm sure, mas marami kang makikilala. 'Yong hindi ka sasaktan," pang-palubag loob kong sabi sa kaibigan ko na unti-unti akong tiningnan, huminga ito nang malalim at pinunasan ang luha sa mga mata niya. "Thank you talaga, Pot ah? Mabuti nalang nandyan ka for me. Don't worry, magiging okay na ako. I-iiyak ko nalang 'to mamayang gabi, last na 'yon at bukas ay okay na 'ko. Promise." Itinaas niya ang kanang kamay na tila nanunumpa. Ngumiti ako. "Siguraduhin mo lang," tugon ko at bumaling sa relo na suot ko. Alas cinco na pala ng hapon. May kailangan pa akong gawin. "May gagawin ka pa ba? Dadaan pa kasi ako sa grocery store dahil may pinapabili si Mama. Gusto mong sumabay?" Alok ko kay Dori at tumayo na mula sa pagkakaupo ko. Sinukbit ko 'yong backpack ko at inayos ang medyo nagusot kong uniporme. Umiling siya. "Hindi na. Mauna ka na, Pot. Dito lang muna ako. Mag-iisip isip." Ngumiti siya kaya't ako naman ang napailing. Ang dami niyang alam talaga! "Sure ka ba?" Tanong ko pa ulit. "Kapag ikaw, hinanap sa akin ni Tita Lourdes mamaya? Sumabay ka na. Sa bahay niyo ka na magdrama," pabiro kong sambit sa kanya. "Okay lang ako dito, promise. Kailangan ko lang ng moment alone. Sige na, pot. Uuwi na rin ako mamaya," ngumiti siya nang pilit at tumango naman ako. Sabi niya eh. "O sige, alis na 'ko ah." Paalam ko sa kanya at nginitian siya. "Ingat ka dyan," bilin ko at tuluyan nang naglakad palabas noong coffee shop. Mukhang mag-mo moment pa talaga ang isang 'yon. Ayoko namang istorbohin ang alone-time niya kaya hindi ko na siya pinilit pa. Isa pa, ang mga pinapabili sa akin ni mama ngayon ang kailangan kong intindihin. Lagpas 5 pm na at bago mag-alas sais ay dapat nasa bahay na ang mga bagay na pinapabili niya sa akin. Magluluto kasi siya dahil ngayon uuwi si Kuya galing sa dormitory nito. Lingguhan kasi kung umuwi siya sa bahay, every weekends lang tapos after no'n ay balik na ulit siya doon sa tinutuluyan niya. May kalayuan kasi 'yong unibersidad na pinapasukan niya kaya napilitan siyang mag-dorm. 4th year na siya ngayong darating na school year. Nilakad ko lang 'yong pinakamalapit na grocery store mula doon sa school namin dahil 'yon lang 'yong pinaka-convenient, nagmamadali kasi ako. Hassle lang dahil hindi ko dala ang bike ko, mukhang medyo mahihirapan akong dalhin ang mga pinamili ko mamaya. Kung hindi lang kasi na-flat-an ng gulong 'yon eh. Pinaayos ko muna kahapon tapos mamayang gabi, kukunin ko na. Anyway, kinuha ko mula sa bulsa ko ang may ka-habaang listahan ng mga pinapabili ni Mama. Toyo sa bote, mantika sa bote, ketchup sa bote, patis sa bote, suka sa bote at bagoong sa bote. Medyo napa-kunot 'yong noo ko nang mabasa 'yong unang bahagi ng listahan, anak ng?! Talaga bang gusto akong pahirapan ni Mama kaya puro de-bote 'yong mga pinapabili niya? Pwede naman kasing sa pouch o sachet 'yong iba, eh. Nataon pang wala akong dalang bike. Napailing ako sa pagka-dismaya. No choice kong kinuha 'yong mga 'yon at inilagay sa push cart na kinuha ko sa tabi. Sinunod ko naman 'yong mga breading mix, asin, bawang, sibuyas at iba pang sangkap na nakalagay sa listahan. Nakakahilo magpabalik-balik sa iba't ibang section nitong grocery store! Nang masigurong okay na ang checklist, kumuha ako ng ilang piraso ng junkfoods at idinagdag iyon sa push cart na tinutulak ko. Hindi 'yon kasama sa listahan. Trip ko lang talagang magdagdag ng mga 'yon. Syempre, reward ko na rin sa sarili ko dahil sa bigat ng mga dadalhin ko mamaya. Wais 'to! Matapos dalhin ang lahat ng mga pinamili ko sa counter ay binayaran ko na ito gamit ang pinadalang isang libo ni Mama. "Sir, one-thousand fifty-three pesos po lahat." Magalang na sabi sa akin noong nakangiting kahera. Kahit nagulat ako na lumagpas ng isang libo ang presyo ng lahat ng binili ko, hindi ko 'yon pinahalata sa kahera. Alam ko namang may pera akong extra dito sa mini wallet na dala ko, eh. Iyon nga ang ginawa ko. Dinukot ko 'yong wallet-walletan ko sa bulsa para kumuha ng perang pang-dagdag doon sa isang libong binigay ko, bigla akong nagulat sa laman nito. Twenty pesos at isang limang piso lang ang laman no'n. Saka ko lang naalala na ibinili ko nga pala ng chocolate shake 'yong 40 pesos kanina. Paano na 'to? Medyo kinabahan ako kaharap 'yong kahera. Hindi ko gustong ma-pahiya at hindi ko rin mate-take na bawasan ang mga pinamili ko kahit ang mga junkfoods na kakainin ko mamaya. Ano nang gagawin ko? Kung hindi dahil kay Dorothy at sa pagiging broken hearted niya over Fernan, hindi sana niya ako yayayain pumunta sa cheap na coffee shop na 'yon at ma-aakit na bumili ng shake. Hindi sana ako nalalagay sa ganitong sitwasyon ngayon! "Sir, kulang po ba?" Tanong noong babaeng cashier. Napangiti ako, awkwardly. "If you want, pwede naman nating bawasan 'yong mga items." Suhestyon niya pa pero no, hindi pwedeng ma-bawasan ang mga pinamili ni Mama. Lagot ako do'n if ever. Hindi ako makapag-decide agad kung tatanggalin ko ba 'yong chichiria or what. Ang hirap eh! "Ah, 'yong—" Hindi ko na naituloy ang dapat sana'y sasabihin ko nang may biglang kamay na sumingit mula sa pila sa aking likuran. "Miss, i-deduct mo nalang 'yong kulang niya dito. Heto 'yong sa akin," napatingin ako sa taong nagbigay noong five hundred pesos sa cashier at naglapag ng apat na in-can beer sa tabi ng mga pinamili ko. "Paki-una nalang nitong sa'min. Nagmamadali kasi kami." Isang lalakeng nasa edad 20's na ang taong 'yon. Nakasuot pa ito ng uniporme at kapansin-pansin ang amo ng mukha nito. Mabango siya at matangkad sa akin ng kaunti. Sa aking tantiya, isa siyang college student. Sa kanyang likuran, may isa pang tila college student rin na pumukaw sa atensyon ko. Kung ikukumpara sa nauna, moreno ang lalakeng nasa likuran niya. Iyong tipo ng moreno na malinis tingnan, may matangos na ilong at parang pinoy version ng isang hollywood actor. Mukha kasi siyang tisoy kahit hindi siya maputi. Bigla itong tumingin sa akin nang mapansing nakatingin ako sa kanya, kumunot ang noo niya at umiwas ng tingin. Judging by his facial expression, mukhang suplado ang lalake na 'yon. Ibinalik ko ang atensyon ko sa cashier at sa lalakeng sumagip sa akin sa labis na kahihiyan. "Heto po 'yong sukli niyo, sir." Sambit noong babaeng cashier doon sa lalake. "Thanks," iyon 'yong naging tugon niya matapos kunin ang sukli at 'yong kanyang mga binili na nakalagay na sa paper bag. Sinenyasan niya 'yong kasama niyang lalake sa likod at tuluyan nang lumabas ng grocery store. Hinintay ko lang 'yong resibo ng mga pinamili ko at kinuha na ang mga 'yon, agad rin akong lumabas. Hindi man lang ako nagpasalamat doon sa lalake kaya't minabuti kong habulin ito sa labas. Hinanap ng mga mata ko ang mga lalakeng college students na 'yon at sakto, nakita ko silang naroon sa may parking lot sa tabi nitong grocery store. Sa itsura no'ng kotseng nilapitan nila, mafi-figure out mo agad na mayaman sila. Akmang papasok na sila sa loob, nang patakbo akong lumapit doon. Medyo nahirapan pa ako dahil sa bigat ng mga paper bags na dala ko. Napatingin 'yong lalakeng maputi sa akin, nakangiti siya at natigilan sa pagbukas no'ng kotse. Gano'n rin 'yong isa pang morenong lalake na kumunot ulit ang noo nang makita ako. "Yes, may kailangan ka?" Tanong sa akin ng maputing lalakeng college student. Nakangiti siya at hindi ko mai-tatanggi na ang charming niya tingnan. Mukha siyang mabango. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at sinabi na ang dapat kanina ko pang sinabi doon sa loob ng grocery store. "Gusto ko lang magthank you sa pagbabayad mo no'ng kulang ko doon sa loob," usal ko at nahihiyang ngumiti. "Thank you po," magalang kong dagdag. Bago makapag-salita 'yong maputing lalake, sumingit naman 'yong lalakeng moreno at nagsalita. "Next time kasi, siguraduhin mo kung sapat ba 'yong pera mo bago ka pumunta sa counter. Okay ba 'yon, bata?" Ngumisi ito, bago tuluyang binuksan ang pintuan ng kotse. "Let's go, Nick." Pagtawag nito sa pangalan ng maputing lalake at tuluyan nang pumasok sa loob ng kotse. Medyo nakaramdam ako ng inis doon sa morenong lalake na 'yon. Mukhang hindi lang siya suplado, mayabang din siya. Gusto ko sanang magreact doon sa pagtawag niya sa akin ng 'bata' pero hindi ko na ginawa. "Pasensya ka na sa kanya," ngumiti 'yong lalakeng ang pangalan ay Nick at naglakad palapit sa kotse. "You're welcome." Iyon lang 'yong sinabi niya pa at sa huling pagkakataon, ngumiti ito bago pumasok sa loob no'n. Naiwan akong nakatayo doon sa may parking lot, nakangiti pa rin sa kawalan. Ilang saglit pa, nagpasya akong umalis na at sumakay ng jeep pa-uwi. Habang nasa byahe, pilit kong inaalala 'yong pangalan ng school na nakita ko sa badge ng uniform nila. Ano nga ulit 'yong nakalagay doon? Basta, may word na 'East' do'n eh. 'Di ako familiar sa mga university dito sa lugar namin pero parang 'Eastern Middleton University' 'yon. Oo, tama. Iyon na nga! Sa sobrang pagpiga ko sa utak ko para maalala ang pangalan ng univeristy na 'yon, hindi ko napansing lumagpas na pala ako sa ba-babaan ko. 'Nak ng?! "Manong, para po!" Inis akong bumaba doon sa jeep, muntik pang mahulog 'yong isang bote ng mantika doon sa paper bag na dala ko—mabuti nalang na-agapan ko agad. Kinailangan ko pang maglakad ng mga dalawang minuto pabalik doon sa dapat kanina ko pang binabaan. Masyado kasi akong distracted kanina sa jeep dahil sa pangalan ng university na 'yon kaya heto, mas lalo akong nahirapan. 6:20 pm na nang dumating ako sa bahay. Saktong nagse-set up na si Mama sa kusina ng mga rekados para sa pagluluto niya. Inilapag ko 'yong mga pinamili ko sa table at dumiretso sa tapat ng refrigerator para kumuha ng isang basong tubig. "Ang sabi ko bago mag-alas sais, eh." Ayan na naman si Mama. "Saan ka na naman ba pumunta pa?" Tanong niya habang hinihiwa 'yong karne ng baboy. Umiling ako agad matapos ibaba ang baso na hawak ko. "Ma, alam mo namang hassle umuwi kapag 'di ko dala 'yong bike ko 'diba? Plus, ang bigat pa nung mga bote ng mga pinapabili niyo. Hays," bumuntong-hininga ako at umiling si Mama sa akin. "Saktong isang libo lang 'yong pinadala ko sa'yo, ah. Bakit may mga chichiria dito?" Nagtatakang tanong niya nang masipat ang nangingibabaw na chips sa paper bag na nasa lamesa. Kaya naman pala saktong isang libo lang 'yong pinadala ni Mama, kompyutado na pala lahat 'yon. Napailing ako ulit. "Ah, sa akin 'yang mga 'yan Ma." Tugon ko at ngumiti bago kinuha 'yong tatlong medium size chips and crackers doon sa paper bag. "Akyat na muna ako sa taas Ma. Tawagin niyo nalang po ako kapag kakain na tayo," magalang kong sabi dito at nagsimula na akong pumanhik ng hagdan. "Ay, pot anak?" Pagtawag sa akin ni Mama kaya natigilan ako sa pagpanhik. "Ano po 'yon?" "Napag-usapan nga pala namin ng Papa mo na hayaan kang pumili ng university na gusto mong pasukan," nakangiting sabi ni Mama na naghihiwa na ngayon ng repolyo. Nagulat ako. "Bilang ga-graduate ka naman na Rank 3 sa klase niyo, payag na kaming ikaw mismo ang pumili ng gusto mong school. Private man or kahit ano pa 'yan." Muli, ngumiti siya at maging ako'y napangiti sa nalaman. Parang kailan lang noong sinabi nila sa akin na doon nila ako pa-paaralin sa university na pinapasukan ni Kuya Peter, tapos ngayon? Totoo ba 'to? "Talaga Ma? Okay po sa akin 'yon. Salamat!" Natutuwa kong tugon na mas excited na ngayong may right na akong pumili ng university na gusto kong pasukan. "Sige na, 'nak. Umakyat ka na sa taas," sambit ni Mama at tumango nalang ako bilang sagot, bago masayang nagpatuloy sa pagpanhik papunta sa kwarto ko. Finally, nagbago din ang isip nila. Hindi ko alam kung bakit biglang naging gano'n ang desisyon nila Mama pero masaya ako dahil hindi ko na kailangang pilitin ang sarili ko na pumasok sa school nila Kuya Peter. Bukod kasi sa malayo ang university niya na almost 3 hours mula dito sa amin, mahihirapan akong mag-adjust doon dahil wala akong kilala maliban kay Kuya Peter na laging seryoso. Isa pa, mas okay kung kasama ko si Dorothy sa university na papasukan ko—mas masaya! Nagpalit na ako ng damit pang-bahay at matapos 'yon, humarap na sa laptop ko para gawin ang isang bagay na kanina ko pa kating-kati na gawin. No, hindi ang manuod ng p**n, if that's what you're thinking. Agad akong nagpunta sa search box ng internet at nag-input ng words doon. East Middleton University. Sa pag-search ko sa university na 'yon, lumabas ang image ng bagde nito na nakita ko doon sa dalawang lalake sa grocery store kanina. Mukhang ito nga 'yong school nila. Matapos mag-scroll sa mga pictures ng university at makita ang uniform nila doon, napaisip ako. Private ang university na 'to at ang sabi naman sa akin ni Mama kanina, kahit private 'yong piliin kong school if ever na makapag-decide ako ay pu-pwede. Hindi ko alam kung bakit ganito nalang 'yong kagustuhan kong mag-enroll at pumasok sa EMU. May iba pa bang rason? Iniwan kong nakabukas 'yong laptop ko doon sa may study table at pumunta sa kama para humiga. Pumikit ako at dinama ang katahimikan ng kwarto. Bakit ganito? Bakit hindi ko maalis sa utak ko 'yong imahe ng mukha ng lalakeng college student kanina? Iyong smiling at charming niyang mukha. I just can't! Idagdag mo pa 'yong kabaitan niya noong bayaran niya 'yong kulang kong fifty-three pesos kanina do'n sa grocery store. Para siyang isang hero. My kind of hero. Sa kalagitnaan ng pagpikit habang nakangiti, biglang nag-flash sa utak ko ang isa pang mukha ng lalake. Napamulat ako nang maalala 'yong isang lalake na kasama niya kanina. Iyong moreno na suplado at mukhang malaki ang problema sa mundo. Nakakainis. Tinawag niya akong bata, sino ba siya sa tingin niya? Gwapo nga kaya lang, may attitude! Binalikan ko 'yong laptop sa may study table ko at tiningnan 'yong page ng East Middleton University. Matagal ko ring tinitigan 'yon, pilit na kinukumbinsi ang sarili ko na magdesisyon na ngayon palang. Mas na-pressure ako nang makita na 15 over 200 slots nalang pala ang available na pwede nilang tanggaping enrollees do'n. Mukhang ngayon pa lang, marami nang nag-avail ng slots doon. Mukhang maraming gustong pumasok sa university na 'yon. Kapag do'n ako nag-aral, may tyansang makita ko ulit 'yong nakita kong lalake kanina. Ano nga bang pangalan no'n? Nick? Tama, Nick nga 'yong pangalan niya kanina. Narinig ko do'n sa kasama niya. Parte no'n, kapag doon ko piniling mag-aral ay may tyansa ring makita ko 'yong mukha ng morenong lalake na 'yon. Hindi ko alam kung bakit ganito 'yong nararamdam ko pero hanggang ngayon, naiinis pa rin ako kapag naaalala 'yong lalakeng na 'yon. 'Di bale na. Mag-e enroll ako sa EMU dahil ito 'yong napili kong university. Hindi dahil kung ano man. But partially, sige—mag-e enroll ako do'n para makita ang charming na lalakeng 'yon kanina. Si Nick. Alam kong wala itong kasiguraduhan pero malay mo naman? I'll take the risks. Pinindot ko 'yong sign up button at nagsimulang magtype ng mga credentials ko at mag-fill up ng ilang details tungkol sa sarili ko. After that, okay na lahat. Isang confirmation ang nagflash sa screen ng laptop ko. "Congratulations! You've got your slot!" √
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD