Chapter 6

2854 Words
Matinding pagkahilo ang naramdaman ni Ashleigh nang tumama sa kung saan-saan ang katawan niya. Nang imulat naman niya ang kanyang mga mata ay kulay pula ang nakikita niya. Dugo. Maraming dugo sa kanyang noo na tumutulo pababa sa kanyang mga mata. Mas lalo siyang nanghina sa kanyang nakitang mga dugo sa sarili. Lalo pa nang maramdaman niya ang pagkirot at ang pagsakit ng buo niyang katawan. Pinilit niyang makakilos hanggang sa unti-unti niyang maramdaman ang nanghihinang paggalaw ng kanyang katawan. Sa lakas ng pagkabagsak ng sinasakyang taxi ay tumilapon siya sa labas at mabuti na lamang at puro lupa at damo ang sumalo sa kanya. Iyon nga lang at tumama rin ang katawan niya sa ilang sanga ng punong-kahoy roon. Kaya naman puro sugat at galos din ang natamo niya sa kanyang buong katawan. Ang buong akala niya kanina ay katapusan na niya. Pero salamat sa Diyos dahil humihinga pa rin siya hanggang ngayon. Kaya kahit na labis siyang nanghihina ay pinilit niya ang sarili na muling makakilos at makatayo. Hinanap ng mga mata niya ang sinakyang taxi maging ang taxi driver na kasama niya. Hanggang sa matagpuan niya ang sira-sira at durog ng taxi sa mas malalim pang bahagi ng bangin. Hirap siyang napalunok nang maisip na baka naroroon ang taxi driver na kasama niya kanina. Nang akmang hahakbang siya palapit doon ay kaagad na nagliyab ang unahang bahagi ng sasakyan. Natigilan at napaatras siya dahil doon, at sa pagkataranta niya ay napasigaw siya ng malakas. "Tulong! Tulungan niyo po kami! Tulong, parang awa n'yo na! Tulong!" paulit-ulit na sigaw niya hanggang sa takasan na siya ng luha dahil sa takot nang makitang unti-unti nang kumakalat ang apoy sa sasakyan. Labis niyang ikinatatakot ang pwedeng mangyari sa taxi driver kung naroroon pa ito hanggang ngayon. Ngunit tila walang ibang tao sa lugar at walang ibang nakaririnig sa pag-iyak at paghingi niya ng tulong. Kung kaya't nagpasya na siyang puntahan ang nagliliyab na sasakyan kahit pa hirap siya sa paglalakad, hanggang sa isang malakas na pagsabog ang nangyari nang tuluyan nang lamunin ng galit na apoy ang buong sasakyan na iyon. Napaupo siya dahil doon at mas lalong tumindi ang pagsakit at pagkirot ng ulo niya. "Aba't buhay ka pa rin?" Nagitla siya nang marinig ang isang hindi pamilyar na boses ng lalaki. Pilit siyang nagtaas ng tingin dito hanggang sa makita niya ang lalaking sumusunod sa kanya mula pa kagabi. "I-Ikaw?" takot at nanghihinang usal niya. Sunod-sunod siyang napalunok nang makitang may binunot ang lalaki mula sa likuran nito hanggang sa bumungad ang isang baril. Nanlaki ang mga mata niya dahil doon at nabuhay ang kakaibang takot at kaba sa loob niya. Mariin siyang napailing sa lalaki at kahit na gusto niyang magmakaawa rito ay walang ano mang salita ang makalabas sa kanyang bibig. Tila sa isang iglap ay napipi siya. Hindi niya kilala ang lalaki. At ang buong akala pa nga niya'y tauhan ito ng kanyang ama na sumusunod lamang sa kanya. Pero hindi niya alam na kaya pala siya nito sinusundan ay dahil gusto nitong wakasan ang buhay niya. Wala siyang ideya sa kung anong dahilan nito sa motibong pagpatay sa kanya dahil sigurado naman siyang wala siyang nakakaaway para gawin sa kanya ang ganito. Nang itutok ng lalaki sa kanya ang hawak nitong baril ay nakapagsalita siya sa wakas. "H-Huwag! Huwag po..." takot at nanghihinang pakiusap niya rito. "Pasensya ka na, Ija. Napag-utusan lang ako," wika nito saka nito kinalabit ang gatilyo ng baril. Napapikit na lamang siya dahil doon at kahit na ayaw niya ay tinanggap na lamang niya ang masaklap na kapalaran niya. Ngunit... "Hoy!" Nagulat silang pareho sa malakas na sigaw na iyon na nagmula sa kung saan. Kung kaya't sa halip na sa ulo siya tamaan ng bala ng baril nito ay dumaplis lamang iyon sa kanyang kaliwang balikat. Bukod doon ay sunod-sunod na may mga lumipad na bato mula sa kung saan patungo sa lalaking nagtatangka sa buhay niya. "T*ng***! Magpakita ka!" galit na sigaw ng lalaki sa harapan niya sa kung sino mang nagpapaulan ng bato sa kanya ngayon. Pero walang tigil kung sino man ang tao na iyon sa pagbato sa lalaki hanggang sa matamaan ito sa ulo. Kasunod no'n ang narinig nilang ingay mula sa pagdating ng tila grupo ng tao mula sa kung saan. Dahil doon ay wala nang nagawa pa ang lalaki sa harapan niya at tuluyan na lamang itong umalis at tumakbo palayo sa lugar. Hindi niya alam kung sino ang mga taong paparating para iligtas siya o kung sino ang taong nagpaulan ng bato sa lalaking papatay sana sa kanya. Pero salamat sa Diyos dahil nakaligtas siya sa tulong ng mga taong iyon. Gusto pa sana niyang tumayo at hanapin ang mga taong iyon, ngunit sa sobrang panginginig niya at panghihina ay tuluyan na siyang bumagsak at napahiga. "Ija! Ija, ayos ka lang ba?" lapit sa kanya ng isang matandang lalaki. "Diyos ko! Napakarami na yatang dugo ang nawal sa iyo. Dadalhin kita sa hospital. Kapit lang, Ija, at huwag kang susuko—" Natiilan ang matandang lalaki sa pagsasalita nang pilit niya itong inabot at hinawakan sa dulo ng manggas ng suot nitong damit. "P-Pakiusap... h-huwag niyo po akong dalhin sa hospital. Huwag niyo po akong dalhin sa kahit saan," nanghihina niyang bulong at pakiusap sa matandang lalaking nagligtas sa kanya. "A-Ano?" "P-Please... m-mahahanap nila ako..." usal niya saka tuluyang nagdilim ang buong paligid niya. "ANO PO BA talaga ang nangyari, lo? Sino po siya? Ano pong nangyari sa kanya?" sunod-sunod na tanong ni Angelo sa kanyang Lolo Gener matapos nitong lumabas mula sa silid na kinaroroonan ng babaeng duguan na inuwi nila sa kanila. Pagkarating nila sa bahay nila ay kaagad na nagpatawag ng manggagamot ang lolo ni Angelo para sa babaeng iniuwi nila. Humigit ng malalim na paghinga ang lolo ni Angelo saka ito seryosong tumingin sa kanya. "Makinig ka, apo. Huwag na huwag ninyong ipagsasabi kahit na kanino ang tungkol sa kanya." "Po?" kunot-noong tanong ni Angelo rito. "Walang pwedeng makaalam na nasa atin siya hangga't hindi pa siya nagkakamalay." "Pero bakit po, lo? Anong dahilan at walang pwedeng makaalam na narito siya sa atin? Hindi ba at mas mabuti nga na malaman ng iba para maiparating sa pamilya niya ang kalagayan niya?" naguguluhan na tanong ni Angelo sa kanyang lolo. "Nasa panganib ang buhay niya," deretsyong sagot ng lolo ni Angelo na ikinatigil ni Angelo. "Po?" "Kaya hindi natin siya pwedeng dalhin sa hospital dahil mas madali siyang mababalikan doon ng mga taong gustong manakit sa kanya," paliwanag ng lolo ni Angelo sa kanya. "Pero, lo. Mas makabubuti para sa kanya kung magagamot siya ng ayos at ng tama. Mas mabuti kung dadalhin natin siya sa hospital at ipagbigay alam sa mga pulis ang nangyari sa kanya—" "Hintayin na lang muna natin na magising siya, apo," mabilis na putol nito sa kanya. "Kapag nalaman na natin mula sa kanya kung sino ang taong nais na magpapatay sa kanya ay saka tayo pwedeng gumawa ng hakbang para sa kanya." "Pero, lolo, delikado naman kasi ang gusto mo. Ikaw na mismo ang nagsabi na may taong gustong pumatay sa kanya. Paano kung nakita ka ng taong iyon na tinulungan siya? Paano kung matunton nila tayo?" punong-puno ng pag-aalalang tanong niya sa kanyang lolo. "Apo, kailangan natin siyang tulungan—" "Opo, alam ko. Kailangan natin siyang tulungan pero hindi po sa ganitong paraan. Dalhin natin siya sa hospital at ipagbigay alam sa mga pulis ang nangyari," desididong sabi niya sa kanyang lolo. Hindi naman sa ayaw niyang tulungan ang kawawang babae, ngunit natatakot lamang siya para sa kaligtasan ng kanyang lolo dahil sa sitwasyon. Humigit ng malalim na paghinga ang Lolo Gener niya saka ito muling nagsalita. "Okay sige. Dadalhin natin siya sa hospital at sa mga pulis kapag nagising na siya." "Pero lo—" "Apo, hindi natin alam kung sino ang taong humahabol sa kanya. Kaya hindi natin siya pwedeng basta na lang ipagkatiwala sa iba," putol nito sa kanya at sa huli ay wala na nga siyang nagawa pa. Ilang sandali pa nang bigla namang lumabas ang manggagamot na ipinatawag ng lolo niya para tumingin sa babaeng iniligtas nito. "Kumusta na siya?" tanong ng lolo niya sa manggagamot. "Nalinis ko na ang lahat ng sugat niya. Sa tingin ko'y mamaya o bukas ay magigising na rin siya," sagot naman ng manggagamot. "Salamat. At kung pwede sana ay huwag mo na lang ipaalam kahit na kanino ang tungkol dito," pakiusap pa ng Lolo Gener niya sa manggagamot. "Huwag po kayong mag-alala at makakaasa po kayong wala akong pagsasabihan na kahit sino na nanggaling ako sa lugar na ito," sagot muli ng manggagamot saka ito tuluyang umalis. Lumipas ang ilang sandali hanggang sa tuluyan nang magdilim. Labis na nababahala si Angelo dahil sa pasyenteng nasa kanilang tahanan. Nababahala siya para sa lolo niya lalo pa at nalaman nitong may mga taong gustong manakit sa pasyenteng kinupkop nila. Ayaw na sana niyang umalis at pumasok muna sa trabaho pero kailangan. "Uy, Pare! May chicks na naghahanap sa iyo kanina," bungad na bati ni Rome pagkalapit nito sa kanya. 'Huh? Anong chicks sinasabi mo dyan?" "Ito oh. Nahulog mo daw ito sa room no'ng magandang babaeng nag-check in dito sa atin kahapon," saad ni Rome sabay abot sa kanya ng name tag niya. "Ah. Si Ms. Birthday Girl," usal niya. "Birthday niya kahapon?" mabilis na tanong ni Rome. "Noong isang araw," simpleng sagot naman niya. "Sayang at hindi ko alam. Hindi ko tuloy siya nabati," panghihinayang na sabi nito sa kanya. "Ang ganda niya, 'no?" dagdag pa nito sa kanya. Nagkibit-balikat siya sa kaibigan. "Hindi ko alam." "Huh? Anong hindi mo alam? Hindi mo ba nakita gaano siya kaganda?" "Hindi," simpleng tugon na lamang niya saka niya iniwanan ang kaibigan at nagpatuloy na sa pagtatrabaho. Lumipas ang magdamag at nang mag-umaga na ay nagmadali na sa pag-uwi si Angelo dahil hindi pa rin nawawala ang pag-aalala niya dahil sa inuwing pasyente ng lolo niya sa kanila. Habang nasa byahe ay nadaanan niya ang bangin kung saan niya nakita ang lolo niya kahapon kasama ang babaeng inuwi nila sa kanila. Maraming tao ang naroroon sa bangin na tila may pinagkakaguluhan. Inihinto niya ang motor niya saka siya bumaba at lumapit sa mga taong naroroon. Bukod sa kumpulan ng mga tao ay nagkalat din ang mga pulis doon. "Kawawa naman 'yong babae, hindi siya nakaligtas." "Oo nga raw eh. 'Yong driver lang daw ang nakaligtas pero nasa masama rin daw ang lagay." "Ang sabi nga rin nila ay dayo lang daw dito ang dalaga na iyon. Nakakaawa nga at mukhang nasama siya sa pagsabog ng sasakyan." Narinig ni Angelo ang ilan sa mga usapan ng mga taong nagkukumpulan doon. "Excuse me po, totoo po bang... may natagpuang bangkay ng babae sa loob ng sasakyan na iyon?" usisa niya sa mga narinig niyang nag-uusap-usap. "Ay, hindi pa naman confirm, ijo. Pero may nakakita kasi na may sakay na babae raw ang taxi na ito. 'Yong driver kasi ay nakaligtas pero inoobserbahan pa rin sa hospital. Sana nga ay maka-survive rin siya." "Ganoon po ba? Salamat po..." aniya saka siya tuluyan nang umalis sa lugar na iyon at tuluyan nang umuwi. At dahil sa may kalayuan ang lugar na pinagtatrabahuhan niya sa kanilang tahanan ay halos isang oras din bago siya makarating sa kanila. Hindi na rin siya dumaan ng eskwelahan dahil nalaman niyang hindi pumasok sina Tonya at Jake. "Lolo, nandito na po si Kuya Gelo!" malakas na sigaw ni Jake mula sa bakuran nila pagkakita nito sa kanya. "Gising na ba 'yong babae?" bungad na tanong niya kay Jake pagkababa niya ng motor niya. "Hindi pa po, kuya, eh," tugon naman ni Jake na ikinadismaya niya. "Hindi pa rin? Ang akala ko ba ay magigising na rin siya." "Baka kailangan niya pa ng pahinga, kuya. Kasi sobrang dami niyang mga sugat at pasa," ani Jake na ikinabuntong hininga na lamang niya. At sa huli ay tuluyan na nga siyang pumasok sa loob ng bahay nila. "Oh, nandyan ka na pala, apo," bati ng lolo niya sa kanya habang nagluluto ito ng pagkain. "Lo..." Lumapit at nagmano siya sa matanda. "Magpahinga ka na muna at kaunting minuto na lang ay maluluto na ito. Kumain ka na muna bago ka matulog," sabi nito sa kanya habang abalang-abala ito sa pagluluto. "Hindi pa rin po ba siya nagigising?" "Hindi pa, apo." "Lo, alam ko pong napag-usapan na natin ang tungkol dito pero... may mga pulis nang nag-iimbestiga sa nangyari sa kanya. Sa tingin ko po'y mas mabuti talaga kung dadalhin natin siya sa hospital at sasabihin natin sa mga pulis ang buong nangyari—" "Apo, hindi mo ako naiintindihan," putol ng lolo niya sa kanya kasabay ng paghinto nito sa pagluluto. Kumunot ang noo niya. "Lolo, hindi po sa hindi ko kayo naiintindihan. Pero—" "Nakiusap siya sa akin," putol muli nito sa kanya na siyang ikinatigil at bahagyang ikinagulat niya. "P-Po?" "Nakiusap sa akin ang babaeng iyon na huwag ko siyang dalhin sa hospital. Nakiusap siya sa akin na huwag ko siyang dalhin sa kahit na saan sapagkat mahahanap daw siya." "Ano po?" "Iyon ang sabi niya sa akin bago siya tuluyang mawalan ng malay. Na huwag ko raw siyang dalhin sa hospital o sa kahit na saan dahil mahahanap daw siya. At sa palagay ko ay ang taong gustong pumatay sa kanya ang tinutukoy niya," mahabang paliwanag ng lolo niya sa kanya. "Kaya kailangan na muna niyang magising bago natin siya dalhin sa hospital o sabihin sa mga pulis." Napalunok na lamang siya matapos marinig ang mga sinabi ng lolo niya sa kanya. "Apo, buhay niya ang nakasalalay rito. Kaya kailangan natin siyang tulungan," dagdag pa nito sa kanya. Sa huli ay wala na talaga siyang nagawa pa kung 'di ang sumang-ayon na lamang sa kagustuhan ng kanyang lolo. Nagtungo siya sa silid na kinaroroonan ng babae at nakita niya roon si Tonya na abala sa paglilinis dito sa pamamagitan ng pagpupunas ng basang bimpo sa mukha at mga baso't kamay nito. "Kuya..." usal ni Tonya sa kanya. Pinagmasdan niya ang walang malay na babae. "Sana'y gumising na siya," saad niya. "Huwag kang mag-alala, kuya. Nararamdaman ko pong malapit na siyang magising," ani Tonya sa kanya. "Sigurado rin po ako na nag-aalala na ang pamilya niya sa kanya. Kaya sana ay magising na po talaga siya," dagdag pa nito saka ito lumabas ng silid. Napahigit na lamang siya ng malalim na paghinga habang nakatingin lamang sa dalaga. Hindi naman sa ayaw niya itong tulungan. Ngunit nag-aalala lamang talaga siya para sa kaligtasan ng lolo niya, lalo pa at may tao talagang gustong pumatay rito. Nag-aalala lang siya na baka madamay ang lolo niya sa huli rito. "Kuya, Gelo! Kakain na raw po," tawag ni Tonya sa kanya mula sa labas. "Oo, susunod na ako," tugon niya rito. Pero bago siya tuluyang umalis ay muli niyang tinapunan ng tingin ang dalaga. Lumapit siya rito saka niya inayos ang kumot nito, pero kaagad siyang natigilan nang mapatitig siya sa maamo at magandang mukha nito. Hanggang sa namilog ang mga mata niya nang unti-unting nagmulat ng mga mata ang dalaga. Nasalo nila ang tingin ng isa't isa at tila may kung anong gumalaw sa dibdib niya na siyang hindi niya maipaliwanag. Para bang sandaling huminto ang lahat at tila wala siyang ibang nakikita, kung 'di ang magandang mga tingin lamang nito. "Kuya Gelo, tawag ka na ni lolo kakain na raw. Sabi mo susunod ka na—" Natigilan si Tonya sa pagsasalita nang makita nitong gumising na ang babaeng pasyente nila. "Gising na siya?" pagkuwan ay excited na sabi nito kasabay ng mabilis na paglapit dito. "Oo nga at gising ka na po!" anito saka ito mabilis na lumabas para ipabatid ang magandang balita sa matandang si Gener. Hirap na napalunok si Angelo saka siya mabilis na kumilos palayo sa dalaga at nag-iwas ng tingin dito. "Uhm... b-buti gising ka na," marahang usal niya sa dalaga na nananatiling nakatingin lamang sa kanya. Maya-maya pa ay dumating na nga ang lolo niya kasama ang dalawang batang si Tonya at si Jake. "Ija, salamat sa Diyos at nagising ka na," saad ng lolo ni Angelo kasabay ng paglapit nito sa dalaga. "Huwag kang mag-alala at ligtas ka rito. Ano ba ang pangalan mo? At sino ang taong gumawa sa iyo nito? Sabihin mo rin sa amin kung nasaan ang pamilya mo para maibalik ka namin sa kanila ng maayos at ligtas." Gumalaw ang lalamunan ng babae saka niya tinapunan ng tingin isa-isa ang bawat naroroon sa kanyang harapan. "Ija, sige na. Huwag kang mag-alala dahil ligtas ka rito. Kaya sabihin mo sa amin kung sino ang nagtangka sa buhay mo. Sabihin mo sa amin kung paano ka namin matutulungan... ano ba ang pangalan mo, ija?" ulit na tanong ng lolo ni Angelo. "H-Hindi ko alam," usal ng babae na ikinakunot ng noo ng matandang si Gener maging ni Angelo. "Ano?" tanong ni Gener. Muling gumalaw ang lalamunan ng babae. "H-Hindi ko alam kung sino ako. At hindi ko alam kung ano ang sinasabi ninyo..." pahayag ng babae sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD