"Kuya, nasaan ka na? Hindi na raw kaya ni Jake."
Mas lalong binilisan ni Angelo ang pagpapatakbo sa motor niya matapos marinig ang sinabi ni Tonya sa kanya mula sa kabilang linya. Suot niya ang earphone sa kanyang magkabilang tainga at katawagan si Tonya, habang nagmamadali siya sa pagmamaneho patungo sa eskwelahan ng mga bata.
"Sabihin mo malapit na ako. Ayaw naman niya kasing dyan na maglabas. Kaya ayan at magtiis siya," sagot niya kay Tonya saka niya tinapos ang tawag.
Pagkadating niya ng eskwelahan ay kaagad niyang nakita ang magkapatid na sina Tonya at Jake na kapwa nakaupo sa tabi ng gate.
"Kuya!" masayang sambit ni Tonya, habang si Jake naman ay tila namimilipit sa sakit ng tyan.
Kaagad na lumapit si Angelo sa dalawang bata. "Ano? Kaya mo pa?" tanong niya kay Jake.
"Hindi na po, kuya. Tara na po!" sagot ni Jake sa kanya na ikinatawa niya saka ito naunang umangkas sa motor niya.
"Napakatakaw mo kasing bata ka. Iyan tuloy ang napala mo!" naiiling at natatawang sabi niya rito saka sila tuluyang umalis.
Magkapatid ang dalawang batang si Tonya at si Jake, na inampon ng lolo ni Angelo dahil ulilang lubos na ang mga ito. Mangingisda ang ama nina Tonya at Jake, na nasawi dahil sa paglaot kahit na bumabagyo. Hindi iyon natanggap ng kanilang ina kung kaya't nagkaroon ito ng malubhang sakit na siyang naging dahilan na rin ng pagpanaw nito. Dahil walang ibang kamag-anak ang kumukuha sa dalawang kaawa-awang bata, ay napagpasyahan ng lolo ni Angelo na kupkupin na lamang ang mga ito, kaysa mapunta sa bahay-ampunan na pwede pang maging dahilan ng pagkakahiwalay ng dalawa.
Kaagad namang sumang-ayon si Angelo sa naging desisyon at sa kagustuhang iyon ng kanyang lolo. Tutal ay dalawa lang din naman silang nakatira sa kanilang bahay, dahil bibihirang umuwi ang kanyang Kuya Archer dahil sa trabaho nito. Isa kasi itong bodyguard at driver ng isang mayamang matandang lalaki sa kabilang baryo.
Kapatid ni Angelo si Archer sa ama. Magkaiba ang kanilang ina dahil maagang nawala ang ina ni Archer dahil sa panganganak dito. Pagkalipas ng ilang taon ay nagkakilala naman ang ina at ang ama ni Angelo at siya ang naging bunga ng pagmamahalan ng mga ito. Ngunit sa paglipas pa ng ilang taon ay pumanaw rin ang kanilang ama dahil sa malubhang karamdaman. At magmula no'n ay hindi na rin nakasama pa ni Angelo ang kanyang ina dahil pinili na nitong lumayo at manirahan sa ibang lugar.
Pilit naman siyang sinasama nito sa siyudad, ngunit hindi niya kasi kayang iwan at talikuran ang alaala ng kanyang yumao na ama, at hindi niya kayang iwan ang kanyang Kuya Archer at ang kanyang Lolo Gener. Kung kaya't mas pinili niyang manatili sa mga ito kaysa sumama sa kanyang ina.
Pagkarating ng bahay ay mabilis na tumakbo patungo ng banyo si Jake upang maglabas ng kailangan nitong ilabas doon.
"Ayan, katakawan mo kasi. Takbo ka ngayon sa banyo!" pang-aalaska ni Tonya sa kapatid nito.
Paano'y nagdaos kasi ng kaarawan kahapon si Chuchay na kaibigan at kababata ni Jake. Tila naparami yata ang nakain nito sa handaan at hindi natunawan kaya inabutan na ng pagsakit ng tyan.
"Nasaan si lolo?" pagkuwan ay pasok at tanong ni Angelo kay Tonya.
"Kuya naman. Magkakasama po tayong umuwing tatlo ni Jake, hindi po ba?" tila sarkastik na tugon ni Tonya kay Angelo.
"Oo sabi ko nga," sagot na lamang ni Angelo saka siya lumibot sa buong bahay nila para hanapin ang lolo niya. Nagtungo siya sa kusina, bawat kwarto, at maging sa bakuran ng kanilang bahay pero bigo siyang matagpuan ang matanda.
"Ano po, kuya? Nakita mo na po si lolo?" pagkuwan ay tanong ni Tonya sa kanya.
"Hindi eh. Wala talaga siya," tugon niya kay Tonya.
"Eh saan naman po kaya siya pupunta ng ganitong tanghaling tapat at kainitan? Baka naman po nasa kapitbahay lamang, kuya," ani Tonya.
"Baka nga. Teka at titingnan ko—"
"Ako na lang po ang titingin, kuya," mabilis na sabi ni Tonya sa kanya saka ito lumabas ng bahay.
"Success!" pagkuwan ay labas naman ni Jake sa banyo. Kaagad siyang napatakip sa ilong.
"Pasabog ang amoy huh," pang-aasar niya sa bata saka siya nagtungo sa kusina para sana maghanda na ng pananghalian. Pero wala pa palang pagkain na naluluto ang lolo niya at wala pa ring sinaing. "Nasaan na kaya si lolo?" alalang tanong niya sa sarili dahil hindi naman siya sanay umuwi nang hindi nadadatnan ang kanyang lolo.
Panggabi kasi siya sa pinapasukang hotel at tuwing nag-o-out siya ay sinusundo na rin niya ang dalawang bata na si Tonya at si Jake sa eskwelahan. Pareho kasing hanggang tanghali lamang ang pasok ng dalawa, kaya naisasabay na niya ang mga ito pauwi ng bahay.
Ilang sandali pa ang lumipas nang biglang may kumatok sa pintuan ng bahay nila. Dali-dali niya iyong binuksan sa pag-aakalang si Tonya at ang lolo na niya ang mga dumating. Ngunit nadismaya siya sa bumungad sa kanya.
"Hi, Gelo! Para sa iyo, ginisang pechay! Ako mismo ang nagluto niyan kaya paniguradong malinamnam at masarap ang pechay ko," malanding sabi ni Rowena sa kanya na may pagkindat pa.
Anak si Rowena ni Aling Wenky na kapitbahay nila. At hindi niya alam kung bakit halos araw-araw na lamang siyang dinadalahan nito ng ulam. Ilang beses niya na itong sinabihan na hindi na nito kailangang mag-abala pa pero patuloy pa rin ito sa pagbibigay sa kanya. Nang minsan namang tanggihan niya ang binigay nito ay nagtampo at umiyak ang dalaga kaya no choice siya kung 'di ang tanggapin na lamang lahat ng binibigay nito sa kanya.
Madalas na nga siyang asarin at tuksuhin ng kanyang mga kaibigan sa dalaga dahil doon. Ayon sa mga ito ay halatang-halata naman daw na gusto siya ng dalaga. Bagay na ayaw niyang bigyan ng pansin at halaga dahil wala siyang panahon para sa mga ganoong bagay.
Aminado naman siyang marami talaga ang nagkakagusto at nagpapapansin sa kanyang mga babae, pero hindi niya alam kung bakit kahit wala pa man din siyang nagiging karanasan sa larangan ng pag-ibig, ay tila naging bato na kaagad ang puso niya para dito. Siguro'y marahil iyon sa nasaksihan niyang pagkawasak ng puso ng kanyang ama bago ito mawala sa kanila. Nagkakalabuan na kasi ang kanyang mga magulang noon at nakita niya kung gaano iyon dinibdib ng kanyang ama hanggang sa magkaroon na ito ng malubhang sakit.
"Salamat at nag-abala ka pa," tugon niya sa dalaga kasunod ng maliit na pag ngiti niya rito saka niya tinanggap ang ulam na bigay nito.
"Alam mo namang anything for you eh," nakangiting sabi ni Rowena sa kanya. "Siya nga pala, pwede ka ba bukas ng gabi?" pagkuwan ay tanong nito sa kanya.
"Bukas ng gabi? Naku, sorry. Hindi ako pwede dahil may pasok ako niyan sa trabaho," sagot niya sa dalaga.
"Hindi ba pwedeng... mag-absent ka na lang muna?" malambing na tanong nito muli sa kanya.
"Huh?" Marahan siyang napakamot sa kanyang ulo. Hindi siya pwedeng um-absent dahil hindi pa naman siya regular sa kanyang trabaho. Wala pang isang buwan siya roon kaya naman gusto niyang magsipag sa pagpasok para ma-regular siya.
"Sige na, Gelo. Birthday ko kasi bukas kaya pumayag ka na," pagpupumilit ni Rowena sa kanya.
"Ah, birthday mo pala..."
"Oo. Ano ba naman 'yan? Taon-taon kita ini-invite sa birthday ko tapos hanggang ngayon ay hindi mo pa rin tanda," malungkot na sabi ng dalaga sa kanya, tila nagpapaawa at nangongonsensya sa kanya.
"Okay sige, gagawan ko na lamang ng paraan na makapunta sa birthday mo. Pero kailangan ko pa rin kasi talagang pumasok no'n kaya sasaglit lang ako. Okay lang ba 'yon?"
"Hmm... sige na nga. At least mag-e-effort ka na dumalo sa birthday ko. At alam ko namang lagi mong inuuna ang trabaho para sa pamilya mo."
Matamis siyang ngumiti sa dalaga. "Salamat."
"Wala iyon. Kaya nga love na love kita eh!" pahabol pa nito sa kanya na ikinakamot na lamang niya sa ulo niya. "Ako ba? Hindi mo pa rin ba ako love?" pagkuwan ay tanong pa nito sa kanya na bahagyang ikinatigil niya.
"H-Huh?"
"Sige lang! No pressure, Gelo. Willing to wait naman ako," pagbawi nito na siyang ikinahinga niya ng maluwag. "O siya sige, mauna na ako. See you tomorrow night na lang. Bye!" paalam nito kasabay ng muling pagkindat bago ito tuluyang umalis.
"Sino po 'yon, kuya?" biglang sulpot naman ni Jake mula sa kung saan. Nakita nito ang hawak niyang mangkok na may lamang ulam. "Ah... si Ate Rowena, nagbigay na naman ng ulam mo," sagot din nito sa sarili nitong tanong.
Hindi siya umimik at sa halip ay dumeretsyo siya sa kusina para dalhin doon ang ulam.
"Kuya, paano kung hindi mo alam tapos may nilalagay pala dyan si Ate Rowena?" pagkuwan ay tanong bigla ni Jake sa kanya.
"Huh?"
"Paano po kung may gayuma pala ang mga pagkain na binibigay niya sa iyo?" pang-aasar ng bata sa kanya.
"Hindi tatalab sa akin ang kahit na anong gayuma," mayabang na tugon niya rito.
"Talaga? Bakit naman po?"
"Syempre, bato 'to eh."
Naputol ang usapan nila nang bigla na lamang bumukas ang pintuan ng bahay nila at iniluwa no'n ang hinihingal na si Tonya.
"Ate, nakakagulat ka naman!" ani Jake na napahawak pa sa dibdib nito.
"Kuya..." tila nababahalang usal ni Tonya sa kanya. Kaagad na kumabog dahil sa kaba ang dibdib niya at rumehistro ang pag-aalala sa mukha niya.
"Bakit? Anong problema? Anong nangyari?" sunod-sunod na tanong niya rito.
"Kuya si lolo..."
"Bakit? Anong nangyari kay lolo? Nasaan na siya?"
TAAS-BABA ang dibdib ni Angelo habang mabilis niyang tinatahak ang lugar na sinabi ni Tonya sa kanya kung saan nito matatagpuan ang lolo niya. Labis ang pag-aalala niya para sa kanyang Lolo Gener, dahil sa balitang nakarating sa kanya.
"Kuya... si lolo raw po kasi—"
"Gelo! Ang lolo mo nasa ilalim ng bangin! Duguan!" agad na dating ng isa sa mga kapitbahay nila.
Iyon ang balitang nakarating sa kanya tungkol sa kanyang lolo kung kaya't ganoon na lamang ang kaba at takot niya.
Pagkarating niya sa bangin na sinasabi ng kapitbahay nila, ay bumungad nga sa kanya ang kanyang lolo na may mga dugo sa damit, kamay, at noo.
"Lolo!" Kaagad siyang lumapit dito. "Ano pong nangyari—" natigilan siya sa pagtatanong nang sa paglapit niya ay makita niya ang isang nakahandusay at duguan na babae. Nanlaki ang mga mata niya sa takot at gulat. "Lo! Ano po 'yan? Anong nangyari? Sino siya?!"
"Apo! Tulungan mo ako, dalian mo!" pagmamadali ng kanyang lolo sa kanya.
"Lo, sino po siya? Ano pong nangyari? Bakit may mga dugo sa damit ninyo?"
"Apo, mamaya ka na magtanong. Ang mahalaga ay maialis na muna natin siya sa lugar na ito," sabi ng lolo niya sa kanya.
Hindi siya nakapagsalita nang mga sandaling iyon at sa halip ay nakatitig lamang siya sa babaeng duguan at nakahandusay sa harapan niya.
"Apo, dalian mo na, tulungan mo ako habang hindi pa huli ang lahat. Alisin natin siya rito habang may pulso pa siya," muling sabi ng lolo niya sa kanya saka lamang siya nakabalik sa kanyang sarili at agad na kumilos para tulungan ang lolo niya.
"Lo, aabot pa ba siya? Malayo pa ang hospital dito—"
"Sa bahay natin siya dadalhin," mabilis na sabi ng lolo niya sa kanya.
"Ano po?"
"Bilis na, Gelo, at wala na tayong oras!" sigaw na nito sa kanya na ikinataranta niya.
"Opo!"
Naguguluhan man ay dinala nga nila sa kanilang bahay ang walang malay at duguan na babae.