“Sinabi ko naman na sa inyo, siya mismo ang sumunod sa akin sa banyo at bigla na lang akong sinunggaban!” Pigil na pigil ang panggigigil ko sa mga baranggay officials na nasa harap ko. “Ano ba ang mahirap intindihin doon?”
Mga leche sila. Alam kong madumi ang mga kamay ng mga namumuno rito pero hindi ko lubos akalain na ganito iyon kadumi. Paanong mas paniniwalaan pa nila itong walang hiyang Peter na ito na kilalang medyo bastos kaysa sa akin na nananahimik lang na nagtitinda?
Halos mamuti ang mata ko kakatitig kay Peter na nakaupo sa tapat ko, hindi makatingin sa akin.
“Naiintindihan ka namin, Miss,” ani ng isang lalaking hindi ko alam kung anong posisyon dito sa baranggay. Basta ang alam ko, hindi siya kapitan. “Pero tingin naman namin ay mareresolba pa ninyo ito ng kasintaha-“
“Putangina, hindi ko nga iyan kasintahan! Nanliligaw siya, oo pero hindi ko pa siya sinasagot at dahil sa ginawa niya,” binaling ko ang tingin kay Peter na nakatitig na pala sa akin ngayon, “wala na akong balak na sagutin pa siya. Hindi niya deserve ang ganda ko, leche.”
Malakas na tawa ang iginawad ng mga kasama namin sa loob ng baranggay hall. Ngumisi lamang ako, ipinapakita kay Peter na halos malukot na ang mukha sa sobrang simangot, na totoo ang sinabi ko.
Akala ba niya ay mapapatiklop niya ko kaya niya ginawa iyon kanina? Hindi ba siya nag-iisip? Bobo ba siya?
Halos araw-araw ay nakikita niyang bwisit ako kay Junia na ipinangangalandakan sa buong lugar namin na ginagamit ko raw ang katawan ko gayong wala namang katotohanan iyon tapos siya, ganoon ang gagawin sa akin? Sinubukan talaga niyang gawin iyon sa akin?
Aaminin ko, gulat ako. Alam kong bastos siya ngunit hindi ko alam na kaya niyang gawin iyon. Masyado ko ba siyang minaliit? Masyado ba akong naging komportable kahit na alam kong may ugali siyang hindi kaaya-aya?
Lahat naman ng tao, may tinatagong baho. Kahit ako, marami akong sikreto na ikamamatay ko kung malaman ng iba at kailanman, hindi ko gugustuhing ilabas ang mga iyon para sa panandaliang kasiyahan.
“Patawarin mo ko, Tivona.” Sa ilang oras naming tinagal dito, iyan pa lang ang kauna-unahang sentence na sinabi niya at mukha pang hindi totoo.
Ang mga mata niya ay nakatitig sa akin, walang emosyon at halos tumagos sa kaluluwa ko iyon. Malakas ang pakiramdam ko na ang paghingi niya ng tawad ay hindi sinsero kaya bakit ko siya patatawarin? Isa pa, kung patatawarin ko siya, paano ko masisigurong hindi niya gagawin sa iba ang ginawa niya sa akin?
Tingin ko ay kailangan ko siyang turuan ng leksyon.
Marahan ang pag-iling ko sa kaniya. “Pasensiya na pero kailangan mong matuto, Peter,” usal ko. “Alam ko namang mabuti kang tao, sadyang nalalamon lang ng makamundong pagnanasa na sana, hindi mo hinahayaang mangyari. Pinapatawad kita pero hindi ibig sabihin no’n, hahayaan na kitang makalabas dito ng basta-basta.”
Bahagya pa kaming nagtagal sa baranggay para pag-usapan ang mga gusto kong gawin. Originally, plano kong kasuhan sana siya pero hindi ko na itinuloy. Hindi ko maiwasang hindi maawa sa kaniya at sa kaniyang mga magulang na tiyak na mahihirapan oras na makulong siya. Hindi ko kaya iyon lalo na’t mabait sa akin ang mga magulang niya.
Pinapirma ko na lamang siya ng kasulatan na hindi na niya gagawin ang ginawa niya kanina, sa akin man o sa ibang tao. Oras na mahuli ko siyang nilalabag iyon, hindi na ako magdadalawang isip pa na kasuhan siya.
Bumalik ako sa pagtitinda nang hapon ding iyon. Dinatnan kong prenteng nakaupo si Junia sa madalas niyang pwesto habang nakatulala’t tila malalim ang iniisip kasabay ng marahan niyang pagpaypay sa sarili gamit ang paborito niya yatang pamaypay. Lagi niyang dala iyon, eh.
Tahimik lang akong nakaupo sa pwesto ko. Maya-maya ay uuwi na ako dahil kailangan ko pang mag ayos ng bahay at magluto ng pagkain, kung hindi pa nakakapagluto si nanay.
“Ineng, pabili nga nitong langis ng niyog. Naubos na kasi iyong binili ko noong nakaraan,” anang matandang palaging bumibili sa akin. Magiliw kong ibinalot sa plastic ang kaniyang binili at mabilis din siyang sinuklian.
“Salamat po!” Ngumiti lamang siya saka mabagal na tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad.
“Oh?” Nilingon ko si Junia na mabilis na tumayo at nakangangang nakatitig sa akin.
“Bakit? Nagtataka ka bakit bumili ‘yung matandang babae sa akin gayong iniisip at pinagkakalat mo na pawang mga lalaki kang ang customer ko? O gulat ka dahil kahit na kanina ka pa nandito, hanggang ngayo’y kakaunti pa lang ang inyong benta?”
“Hindi. Nagulat lang ako na nandiyan ka na. Akala ko kasi, magtatagal kayo ni Peter sa banyo…”
Mabilis na kumunot ang noo ko sa narinig. Paano… Hindi kaya magkasabwat sila ni Peter?
Iyon ang bumagabag sa isipan ko buong oras na paglalakad ko pauwi. Bitbit ang malaking kahon kung saan nakalagay ang mga tirang paninda na kailangang iuwi, hirap kong tinahak ang maputik na daan papasok sa isang kanto kung saan sa dulo ay makikita ang bahay namin.
Dulo na iyon at ang katabi ay pawang mga bukid na. Nasa ilalim na gilid din ng isang maliit na tulay kaya naman dinig na dinig ang ingay ng mga sasakyang dumadaan, lalo na ang malalaki.
“Ubos ba, Tivona?” Sigaw ni Mang Henry, isa sa mga kapitbahay namin, habang nakahiga sa ilalim ng punong mangga sa may bukid niya. “Na huli ka yata ng uwi?”
“Opo, nagkaroon lang po ng kaunting problema. Ubos naman po ang mga paninda kaya ayos lang.”
Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa bahay. Dinatnan kong nakahiga si Inay sa kaniyang papag at nakatanaw sa malayo. Luminga-linga ako sa paligid ngunit wala si Itay roon. Siguro’y namasyal o ‘di kaya ay tumakas na naman para magsaka.
“Si Itay po?” Tanong ko pagkatapos magmano sa Inay. Mabilis ko siyang inalalayan nang umambang tatayo. “Bakit mag-isa po kayo rito? Asan si Itay?”
Ang pinakawalang malalim na hininga niya ang naging hudyat ko upang malaman kung nasaan si Itay. Tumakas na naman.
“Makulit, hindi ko napigilan.” Itinuro ni inay ang kaniyang salamin na nasa isang gilid kaya naman walang alinlangan kong kinuha iyon. “Hayaan mo na lang at iyon na lang ang kaligayahan ng itay mo, Tivona. Baka lalo lang siyang magkasakit kung ikukulong dito sa bahay.”
Imbes na umalis at hanapin ang itay, mas pinili ko na lang na magluto ng hapunan. Kung ipipilit kong hanapin siya ay siguradong mapapagalitan lang ako ni Inay at isa pa, mahihirapan din akong pauwiin ang itay kaya hahayaan ko na lang siyang umuwing mag-isa.
Nagpunta ako sa likod bahay kung nasaan ang iba’t ibang gulay na tanim ni Itay. Kumpleto nga yata ang mga gulay na nasa bahay kubo, eh.
Kumuha ako ng ampalaya, sitaw, talong at okra. Kaunti lang dahil tatlo lang naman kaming kakain.
“Wala pa po palang bunga iyong kalabasa ni Itay,” ani ko habang hinuhugasan ang mga gulay na nakuha.
Magluluto ako ng pinakbet. Gusto ko pa sanang lagyan ng kalabasa kaso, walang bunga kaya hindi na lang. Wala rin akong sahog na karne. Sana pala ay bumili ako kanina sa palengke para naman hindi puro gulay ang kakainin namin.
“Oo, nanghingi si Marites kanina.”
Alas siete na nang makauwi si Itay kaya naman late na rin kaming nakakain ng hapunan. Kaming dalawa lang naman dahil si Inay ay maaga kong pinakain para maagang makapagpahinga dahil may tatahiin pa yata siyang mga order bukas.
Kinabukasan, maaga akong nagising para magsiang at magluto ng tortang talong. Ito ‘yung tirang talong na na-harvest ko kahapon kaya gagawin ko na lang torta ngayon tutal, nangitlog na rin naman ‘yung manok ni Itay.
Pagkatapos magluto ay naligo na ako saka mabilis na inayos ang mga ititinda ngayon. Hindi gaya kahapon, mas kaunti ang ngayon dahil hindi pa nakakagawa ng mga gamot si Inay. Abala kasi siya at maraming nagpapatahi ngayon.
Nagpaalam ako sa dalawa saka muling nilakad ang palabas ng baryo namin. Nakakapagod ang ganito, ‘yung sa araw-araw ay paulit-ulit na lang ang ginagawa ko ngunit bawal magreklamo dahil hindi naman kami mayaman.
Pagdating ko sa palengke ay sinalubong ako ng maiingay na mga tindera habang pinapanood ang tatlong lalaki na nagtutulungang maglagay ng malaking banner.
“Ano na namang mayroon? Wala pa namang eleksyon pero bakit parang may nanganampanya na?”
Nilingon ako nang katabi kong babae. Hindi ko siya kilala sa pangalan pero nakikita ko siyang nagtitinda sa may karnehan.
“Hindi iyan kampanya, ineng. Darating daw kasi iyong mga doktor na magsasagawa ng eksperiment patungkol sa isang halaman. Hindi mo alam?”
Ano? Patay…