“Sa ngayon ay hayaan mong maka isip ako ng paraan para mapaalis ang lalaking `yan,” ani Isagani habang pinagmamasdan si Diego habang papasok sa gusali kasama ang mga babeng kamag aral ni Eeya.
Sa pag uumpisa ng klase ni Eeya ay wala roon ang kanyang isip. Kailangan niyang makaisip ng paraan upang maibalik na si Isagani sa dati nitong katawan. Hindi niya maaaring hayaan na lang si Diego na umaligid sa kanilang paaralan dahil hindi lamang sila ang nasa panganib kundi maging ang kanyang mga guro at mga kamag aral din.
Palihim na kinuha ni Eeya ang isang rolyo ng binasbas na papel na kinuha niya sa mga gamit ng kanyang Tiyo Amil. Patungkol ito sa klase ng elemento na gumagamit ng kapangyarihang manghalina na ginamit ni Diego sa kanya. Nais niyang malaman kung paano iyon maiiwasan nang sa ganon sa susunod na gamitan siya nito ay hindi na siya maapektuhan.
Abala sa pagbasa si Eeya sa nakasulat sa sagradong rolyo nang maramdaman na lamang niya na papalapit na kanyang guro sa kanya. “Anong ginagawa mo sa loob ng klase ko? Hindi iyan ang leksyon natin sa araw na ito.”
Likas na masayahin ang kanyang guro ngunit nang kanyang tingalain ito ay nanlilisik ang kanyang mga mata. Mabilis na nirolyo ni Eeya ang papel saka ito ibinalik sa kanyang mga gamit. “Sinilip ko lang po sandali,” pagdadahilan niya.
“Ayos lang sa akin ang mga pasulot mo ngunit inabala mo ang klase. Hindi nagustuhan ng mga kaklase mo ang ginawa mo.”
Hindi maliwanag para kay Eeya ang mga narinig ngunit naramdaman niya ang biglaang pagbigat ng paligid. Alam niya ang pakiramdam na iyon. Binalot ng itim na prisensya ang buong silid aralan.
Nakatingin na ang lahat kay Eeya nang lingunin niya ang mga ito. Noon ay sumilip si Isagani mula sa bag ni Eeya. “Ginagamit sila ni Diego!”
Noon lamang napansin ni Eeya na sa likod ng klase ay nakaupo si Diego at pirming nakatingin at nakangiti sa kanya. “Hindi mo ako kagaya. Hindi ko gagamitin ang kapangyarihan ko para gumamit ng mga mortal. Hanggang ngayon ay malaki pa rin ang tingin mo sa sarili mo. HIndi mo pa rin ba napapansin na iyan ang ikinakatalo mo?”
“Eeya, umalis ka na rito,” ani Isagani nang makalabas ito mula sa gamit ni Eeya.
Tumango si Eeya at nagtiwala kay Isagani. Ngunit nang pahakbang na ito palayo ay hinila siya ni Rea upang pigilan siya. Alam ni Eeya na nakapalood rin ang kanyang kaibigan sa kapangyarihan ni Diego at hindi nito alam ang kanyang ginagawa.
“Rea! Bitawan mo ako!”
“Kaibigan mo siya hindi ba? Anong pakiramdam na pagtaksilan ka ng kaibigan mo para sa akin?”
“Nilinlang mo siya! Huwag mo silang idamay rito!” sigaw ni Eeya habang pilit na nagpupumiglas sa pagkakahawak sa kanya ni Rea.
“Eeya! Kailangan mong gumawa ng orasyon! Pilitin mong tandaan ang tamang orasyon!”
Batid ni Eeya na kung hindi niya magagawang masabi ang tamang orasyon ay maaaring mapahamak ang buong klase. Pinilit ni Eeya na tandaan ang mga binasang libro at mga itinuro sa kanya ng kanyang lola.
Itinukop niya ang mga kamay saka binulong ang orasyon na sa kanyang palagay ay tatapos sa panlilinlang ni Diego sa buong klase. Ngunit laking gulat niya nang ang orasyon na kanyang nasabi ay hindi akma para sa sitwasyon. Binigyan lamang ng orasyong kanyang nasabi si Isagani ng katuwang pintura sa kanyang mukha.
Napatayo na lamang si Diego na hindi napigilan ang tumawa sa kanyang nakita. “Kaawa awa kayong dalawa!” bulalas pa niya sa kanyang pagtawa.
“Lintik! Bakit ba makakalimutin ang mga mortal! Ano bang klaseng pag iisip iyan?!” Natigilan si Isagani at muling inisip ang kanyang nasabi. “Isip,” pag ulit niya.
Binura niya ang pintura sa kanyang mukha. “Hindi ako makalaban dahil sa ginawa mo sa katawan ko! Hindi ko na ito kaya!” PInakalma ni Isagani ang kanyang sarili bago tignan si Diego. “Kung nais mong mapa sa `yo si Eeya, kunin mo na siya. Wala na siyang silbi pa sa akin.”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Eeya nang marinig ang mga sinabi ni Isagani. Hindi niya magawang makapagsalita at tanging pagtitig lamang ang nagawa niya rito.
“A-anong--”
Hinila ni Diego ang dalaga patungo sa kanya. “Madali akong kausap. Wala ng bawian.”
“I-Isagani! Nagbibiro ka lang hindi ba?” maluha luhang wika ni Eeya. “Isagani! Sumagot ka!”
“Seryoso ba siya?” ani Eeya sa sarili. “Ang sabi mo puprotektahan mo ako! Ang sabi mo mahal mo ako! Sinabi mo ang lahat ng iyon! Ano itong ginagawa mo? Pinaniwalaan kita, Isagani!” Umagos ang luha sa mga mata ni Eeya. Hindi siya makapaniwala na ganon na lamang itinapon ni Isagani ang lahat.
“Huwag ka ng magmakaawa sa kanya. Sa akin ka na ngayon at ako na dapat ang iyong sundin.” Hinawakan ni Diego ang baba ni Eeya upang alisin ang pagkakatingin nito kay Isagani. Pilit pa rin isinisigaw ng isip at damdamin ng dalaga ang pangalan ni Isagani. Nanlambot ang buong katawan niya sa pagtulak sa kanya ng kanyang minamahal.
“Isagani. Sinungaling ka.” Tuluyang napapikit si Eeya hanggang sa mawalan ito ng malay.
Sa loob ng isip ni Eeya ay kalakip pa rin ang bigat ng kanyang nararamdaman. Naririnig niya ang pagtawag ni Isagani sa kanyang pangalan ngunit wala itong balak na kausapin ang binata.
“Eeya! Nasaktan ka ba?” Mabilis na tinakbo ni Isagani ang dalaga. Hinawakan niya ang magkabilang balikat nito upang pilitin ito na tignan siya.
“Wala naman masakit sa katawan ko pero mabigat ang pakiramdam ko. Bakit kaya?” ani Eeya.
“Kasalanan ko! Wala ng oras para magpaliwanag pa!”Inilapit ni Isagani ang kanyang mukha sa dalaga. “Tandaan mo ang ginamit mong orasyon nang lumiit ang katawan ko. Ikaw lang ang makakaalala ng mga bagay na nakalimutan mo.”
Hindi man maintindihan ni Eeya ang ginagawa ni Isagani ngunit nakita niya sa mga kamay nito na seryoso ang binata. “Lumiit ang katawan mo dahil.” Naalala ni Eeya ang araw na iyon. Nagulat siya dahil maging siya ay may naiisip na maaring gawin sa kanya ni Isagani. Alam niyang mali na isipin niya iyon ngunit ng dahil doon ay nabigkas niya ang orasyon sa kanyang isip.
“Napakaganda. Buo ang kapangyarihan ng babaeng ito.” Malaki ang ngiti ni Diego habang pinagmamasdan ang walang malay na si Eeya. “Magaling ang desisyon mo, Isagani! Hindi ka karapat dapat para sa babaeng ito!”
Tinukop ni Diego ang pisngi ni Eeya na bahagya ng nagkakamalay. “Halika, Eeya. Ngayon ay magiging kang akin.”
“Eeya! Gumising ka! Sabihin mo na ang orasyon!” sigaw ni Isagani na hawak na ang nirolyong papel na kanyang kinuha mula sa gamit ng dalaga.
“Huwag kang hangal, Isagani! Ikakamatay mo kung ibabalik ka niya sa dati!” bulalas ni Diego.
“Eeya!” Muling pagsigaw ni Isagani. Sa pagkakataong iyon ay tuluyan ng naalala ni Eeya ang orasyon.
“Natatandaan ko na!” sigaw ni Eeya. Itinulak niya si Diego saka ito mabilis na nagtukop ng mga palad. SInambit niya ang orasyon nang pabulong.
“Huwag mong sabihin ang orasyon!” sigaw ni Diego. Agad niyang hinilang muli ang dalaga upang takpan ang bibig nito ngunit nasambit na ni Eeya ang orasyon.
Umangat ang maliit na katawan ni Isagani sa ere nang balutin ito ng liwanag na unti unting nagpabalik sa kanyang tunay na katawan. Ramdam sa buong paligid ang pagbabalik ng lakas ni Isagani na siyang pinag alala ni Diego na bahagyang napaurong mula kay Eeya.
“Isagani!”
“Nagbalik na ako, sa wakas,” nakangising wika ni Isagani na matalim ang tingin sa kalabang elemento. “Hindi sapat ang paggamit ng kapangyarihan, Diego. Kailangan din ng isip at diskarte. Iyan ang kulang sa `yo. Ngayon ay ako naman!”
Walang anu ano ay nagpakawala ng kapangyarihan si Isagani na kanyang pinatama direkta kay Diego dahilan upang mabilis itong manghina.
“Sino ngayon ang mahina sa ating dalawa?” taas kilay na panunya ni Isagani.
Ramdam ni Diego ang mabilis na panghina ng kanyang kapangyarihan. “Katulad ka pa rin ng dati, Isagani.”
Batid ni Diego na walang patutunguhan kung kakaharapin niya ang kalaba. Minabuti nitong tumakas habang may oras pa siya.
“Nasaan siya?” ani Eeya nang biglang nawala si Diego sa kanyang paningin.
“Narito pa siya. Nagtatago lang. Hindi mo lang nakikita dahil hindi mo pa ako hinahawakan.”
“Hindi na ba natin siya mahahabol? Nanghihina siya! Madali na lang natin siyang matatalo ngayon!” bulalas ni Eeya.
“Naubos na ang lakas ko. HIndi pa ako tuluyang nakakabawi mula sa pinataw mong orasyon.” Bahagyang hinila ni Isagani ang kamay ni Eeya upang ilapit ito sa kanya. “Halikan mo ako.”
“A-Ano?!” Umakyat ang dugo sa mga pisngi ni Eeya na hindi inaashan ang hiling ni Isagani.
“Halikan mo ako. Kailangan ko ng lakas.”
“I-Iyan pa talaga ang nasa isip mo sa sitwasyon natin ngayon. Binalik na kita sa dati mong katawan. Bumalik na rin ang lakas mo panigurado.” Hindi napigilan ni Eeya na hawakan ang mukha niyang alam niyang namumula na. “H-Huwag mo akong daanin sa mga dahilan mong ganyan. Baka akala mo nakakalimutan ko na ang mga sinabi mo kanina. Kailanagan mo pang magpa--”
Natigilan si Eeya sa pagsasalita nang bigla na lamang siyang sinunggaban ng halik ng kanyang kasintahan. Hindi nagawang makagalaw ni Eeya sa pagkagulat. Ngunit dahil sa halik na iyon ay muli niyang nakita si Diego ngunit iba na ang itsura nito na kanyang ikinatakot.
Mabilis siyang kumawala sa mga labi ng kasintahan at itinuro ang nakakatakot na itsura ni Diego na nasa likuran na ni Isagani.
“Ganyan ang nangyayari sa mga elementong nagtatago lamang sa kanilang lakas. Sa oras na manghina sila ay babalik sila sa dati nilang anyo.”
“Lapastangan ka, Isagani! Tinanggal mo ang maganda kong mukha!”
“May nais ka pa bang sabihin sa akin ngayon bago ko tapusin ang laban?” ani Isagani kay Eeya na mabilis na umiling. Tinapik tapik ni Isagani ang ulo ng dalaga bago ito humarap kay Diego.
“Muntikan mo na akong matalo. Malas mo lang dahil kahit anong gawin mo, ako pa rin ang pipiliin ni Eeya!”
Kinailangan takpan ni Eeya ang kanyang mga mata nang magpakawala ng kapangyarihan si Isagani upang tapusin si Diego. Bago tuluyang mawala ang liwanag sa paligid ay mahigpit na yakap ang bumalot sa katawan ni Eeya. Hindi man niya nakikita ngunit alam niyang mga bisig iyon ng kanyang kasintahan.
“Ito ang magiging buhay mo sa piling ko. Hahabulin ako ng mga kalaban ko mula sa mundo namin. Handa akong lumaban basta ipangako mo na ako lang ang pipiliin mo hanggang dulo.”
Bahagyang pinisil ni Eeya ang braso ni Isagani bago ito humarap sa kanya. Tumingkayad ito upang maabot ang mga labi ng binata. Batid niyang isang malaking gulo ang pinasok niyang pakikipag relasyon sa isang malakas na elemento. Isa man iyong patibong sa isip ng nakararami lalo sa mga tulad niyang may kakayahan bilang tagapangalaga ng templo ngunit sa ngayon ay wala na siyang pakialam pa sa sasabihin nilang lahat.
“Wala akong pakialam sa iba, Isagani. Tanggap ko ang lahat. Kahit malunod pa ako sa pagmamahal. Ikaw at ikaw lang ang pipiliin ko.”