Kapitulo V - Eurynomos Guild

1832 Words
Oleyvia Halcon Manalo. Eighteen years old. Grade 12 - ABM (Accounting, Business, and Management) senior high school student ng Ylijah Orpheus University.  "May bago na namang biktima si Eye Catcher," gigil na sabi ni Inspector Espanto habang matama niyang binabasa ang impormasyong nakalap niya kanina lamang. Natagpuan ang bangkay ng dalagang si Oleyvia sa loob ng isang itim na kotseng nakaparada sa gilid ng JoDin Library Cafe, na may plakang EC 1313. Ayon sa impormasyong mula sa LTO, matagal nang na-carnapped ang sasakyang iyon kaya malabo nilang maiugnay sa nasabing krimen. Ayon pa sa mga magulang ni Oleyvia, napag-alaman nila mula sa kaibigan nitong si Jannea Rose Garalda na naroon ito sa coffee shop nang gabing iyon dahil makikipagtanan sana ito sa kasintahan nitong si Xierulf Solito. Hindi lang ito sinipot ng lalaki kaya nagkaroon ng pagkakataon ang suspek na gawin iyon sa dalaga. Sinuri niya ang mga cctv na malapit sa pinangyarihan ng krimen pero hindi man lang nahagip ang suspek. Talagang sinigurado nitong hindi ito mahuhuli sa akto. May ilang taong nakakita sa pag-uusap ng biktima at ng suspek pero inaakala nilang magkasintahan ang mga ito, na may hindi pagkakaunawaan nang mga sandaling iyon. "Hindi ako titigil hangga't hindi kita nahuhuli," giit niya habang sinusuri ang posibleng pagkakakilanlan ng suspek ayon sa mga impormasyong mula sa mga nakakita rito.  Nasa limang talampakan at pitong pulgada (5"7') ang taas ng lalaking iyon. May payat na pangangatawan at may kayumangging balat. Ayon sa mga kuha ng cctv mula sa Victorique Mall, tugma ang hitsura nito sa suspek na posibleng kumuha ng mga mata ng binatilyong si Heriel Rosales. Sa dalawang krimeng iyon, lagi itong nakasuot ng itim na hoodie jacket at itim na pantalong maong. "Sisiguraduhin kong siya na ang huli mong biktima. Wala ka nang makukuha pang iba." Mabilis niyang nilisan ang kanyang opisina upang muling bumalik sa pinangyarihan ng mga krimeng iyon. Nagbabasakali siyang may maliliit pang impormasyon siyang matatagpuan doon. MABILIS na kumalat sa buong Ylijah Orpheus University ang nangyari sa estudyanteng si Oleyvia Manalo. Agad iyong iniugnay sa pagkamatay ng binatilyong si Heriel Rosales kaya mas lalo pang pinag-iingat ang mga estudyante rito upang wala nang mapahamak pa. Nagpalagay rin ang kanilang pamunuan ng mga bagong cctv camera upang masubaybayan ang seguridad ng bawat tao sa buong unibersidad. Isa si Euressa sa mga nalungkot nang malaman niya mula kay Chrioni ang kalunos-lunos na sinapit ng pinsan nitong si Oleyvia. Ilang beses na niya itong nakasama kaya halos napalapit na rin ang loob nila sa isa't isa.  "Ano bang mapapala ng taong 'yon sa pagkuha ng mga mata nila? Wala siyang awa," gigil niyang sabi habang nilalamukos ang kanyang pulang panyo.  Kasalukuyan silang nasa loob ng isang fastfood chain, ang McBee upang hintayin ang pagdating ni Exeriel. Inaya niya ito kaninang umaga na samahan silang magkaibigan na makipaglamay sa burol ni Oleyvia. Pumayag ito sa kabila ng pangako nito sa sarili na hindi na muling sisilip sa loob ng isang kabaong.  "Dapat sa kanya, dukutin din ang mga mata," giit ni Chrioni, na muli na namang nangingilid ang mga luha, "Sana mahuli na siya ng mga pulis para mabigyang katarungan ang pagkamatay ni Oleyvia." "Oo nga, Ioni." "Sa ngayon, kailangan nating mas lalong mag-ingat dahil sigurado akong muli siyang mambibiktima." Kapuwa sila napatingin sa kararating lang na si Exeriel nang marinig nila ang sinabi nito.  "Tama ka, Yvo. Kailangang wala nang mapatay pa ang demonyong 'yon," sang-ayon niya rito, "Alis na ba tayo?" baling niya kay Chrioni na akma na ring tatayo. "Sige tayo na," sagot nito at nagpatiuna na sa paglalakad palabas ng McBee. Halos apatnapu't limang minuto rin ang itinagal ng kanilang biyahe bago sila nakarating sa isang malaking chapel sa Diliman, Quezon City, ang Corales Funeral Homes. Sinalubong sila ng mga magulang ni Oleyvia at agad na ihinatid sa harap ng kabaong nito.  "Hindi ko pa rin matanggap ang nangyari sa kanya," giit ni Gng. Georcel Manalo na mugto pa rin ang mga mata dahil sa pag-iyak. Marahan pa nitong hinaplos ang salamin ng kabaong ni Oleyvia. "Ako rin po, Tita Cel," ani Chrioni na matama ring nakatingin sa kanyang pinsan.  "Sana po mahuli na ang taong 'yon," pakikisimpatiya pa ni Euressa na nakatayo sa tabi ng kanyang kaibigan.  "Hinding-hindi kami titigil hangga't hindi nabibigyan ng hustisya ang ginawa ng demonyong 'yon sa aming anak," giit pa ni G. Leonard Manalo na nagpupuyos pa rin sa galit.  Samantala, sa kabila ng kanyang mga nasasaksihan, nanatili lamang sa pagkakaupo si Exeriel dahil ayaw na niyang makakita pa ng taong nasa loob ng isang kabaong. Naikuwento na niya kanina, kina Euressa at Chrioni na ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na muling titingin doon mula nang mamatay ang kanyang mga magulang.  Naisip niyang pansamantala munang magbasa ng isang kuwento sa Ink-visibility app na nasa kanyang cell phone upang hindi mainip. Subalit naantala ang kanyang pagbabasa nang may matanggap siyang mensahe mula sa isang unknown number. Gusto mo ng isang kakaibang regalo? Tingnan mo ang ilalim ng iyong upuan... +639166600013 Sa kabila ng pagtataka ay sinilip nga niya ang ilalim ng kanyang kinauupuan. Tama nga ang kanyang ginawa dahil mayroon isang maliit at itim na kahon doon. Agad niya iyong kinuha at mabilis na binasa ang nakasulat sa papel na nakadikit sa ibabaw niyon. Take this special gift and be one of us, E. Y. E. Catcher.. Eurynomos Guild Agad siyang naghinala kung ano ang laman ng kahong iyon kaya napagpasyahan niyang itinago ito sa kanyang bulsa. Tama nga ang kanyang napagtanto na kung sino man ang mga taong nasa likod ng grupong Eurynomos Guild ay alam ang itinatago niyang mga sikreto bilang si Eye Catcher. Kailangang malaman ko kung ano ba'ng gusto n'yo sa 'kin, giit niya.  Iginala niya ang kanyang mga mata sa paligid sa pagbabasakaling naroon pa ang taong nagbigay ng kahong iyon. Subalit isang pamilyar na mukha ang agad niyang napansin --- si Inspector Deveen Espanto. Ikaw rin pala ang humahawak sa kasong 'to, aniya sa sarili nang mapansin din siya nito. Ilang segundo pa silang nagkatitigan bago siya nilapitan ni Inspector Espanto. "Narito ka rin pala, hijo." Hindi agad siyang nakasagot nang kausapin siya nito. Nagpanggap na lamang siyang muling nagbabasa sa kanyang cell phone. "Kaibigan mo rin pala si Oleyvia Manalo," ani Inspector Espanto na binalingan pa sina Euressa at Chrioni.  "Opo," matipid niyang sagot dahil napansin na niya ang kakaiba nitong pakikipag-usap sa kanya. Malakas ang kutob niyang pinaghihinalaan siya nito.  "Sige, maiwan na kita," pamamaalam ni Inspector Espanto bago ito lumapit sa mga magulang ni Oleyvia.  Nilapitan naman siya nina Euressa at Chrioni upang yayain siyang kumain. Pumayag siyang sumama sa mga ito upang maiwasan ang imbestigador.  Hindi mo 'ko maiisahan, Espanto... sa isip-isip niya. Palihim pa siyang napangisi habang unti-unti silang naglalakad palayo roon. PINAGSISISIHAN na ng binatang si Xierulf ang hindi niya pagsipot sa pagtatanan nila ni Oleyvia. Kung hindi lang sana siya nakinig sa kanyang mga magulang, sana naroon siya upang ipagtanggol ang kanyang kasintahan. Sana hinayaan na lang niyang itakwil siya ng kanyang pamilya upang makasama si Oleyvia. Ilang beses niyang sinuntok ang puno kung saan siya nagkukubli dahil sa galit sa kanyang sarili. Hindi na niya makakasama pa ang babaeng nagparamdam sa kanya ng kakaibang pag-ibig. Tila namatay na rin ang kanyang puso... "Tama na, Xier. Hinding-hindi na natin maibabalik ang buhay n'ya," giit ni Jannea Rose habang hinahaplos ang kanyang likod. Ito ang tumulong sa kanya upang makapasok sa bahay ng mga Manalo upang kahit sa malayo ay matanaw niya si Oleyvia. "Kaya gagawin ko ang lahat para mapatay ang taong 'yon. Hahanapin ko siya at dudukutin ko rin ang kanyang mga mata," gigil niyang sabi habang hawak ang kanyang cell phone kung saan makikita ang mukha ni Oleyvia. "'Wag na 'wag mong gagawin 'yon dahil hindi 'yon magugustuhan ni Via," paliwanag pa ni Jannea Rose. "Mamaya ilalapit kita sa kabaong n'ya upang makapagpaalam sa kanya at nang malinawagan 'yang isip mo." "Salamat, Jannea." Huminga pa siya nang malalim upang kahit paano ay kumalma. Tama ang kanyang kaibigan pero hinding-hindi siya matatahimik hangga't alam niyang buhay pa ang taong pumatay kay Oleyvia. Pansamantala siyang iniwan ni Jannea Rose nang mapansin nilang wala na ang mga magulang ni Oleyvia sa harap ng kabaong nito. Hihintayin na lamang niya ang pagtawag nito sa kanya bago tuluyang lumapit doon. HINDI rin nagtagal sa pakikipaglamay si Exeriel dahil agad siyang nagpaalam kina Euressa at Chrioni nang muli siyang makatanggap ng mensahe mula sa Eurynomos Guild. Nagdahilan na lamang siyang pinapauwi ng kanyang Tita Marcella upang hindi na mag-usisa ang mga ito. Labintatlong minuto na lamang bago sumapit ang hatinggabi nang makarating siya sa harap ng malaking krus na bahagi ng Tierra Victoria Cemetery. Ito ang lugar na nakasaad sa mensaheng iyon, kung saan siya makikipagtagpo sa isang taong konektado sa Eurynomos Guild. Agad niyang napansin doon ang isang itim na kahon na kasing liit lang din ng kahong nakuha niya sa burol ni Oleyvia.  "Isa na namang regalo? Ang bait n'yo naman sa 'kin," sarkastiko niyang sabi dahil may hinala siyang naroon pa at nagkukubli lamang ang taong naglagay ng kahong iyon. Nang mabuksan niya iyon ay tumambad sa kanya ang isang itim na tila credit card ayon sa kanyang pagsusuri. Tanging labintatlong numero lamang ang nakaimprenta roon: 6661366613666 at walang nakalagay na pangalan ng bangko.  Akma na sana niyang tatawagan ang Eurynomos Guild subalit muli siyang nakatanggap ng isang mensahe mula rito. Congratulations! Isa ka na sa mga posibleng maging miyembro ng Eurynomos Guild. Ang credit card na 'yan ang maaari mong gamitin upang mabili o makuha ang lahat ng bagay o taong kailangan mo para maipagpatuloy ang iyong kakaibang hilig. Isang pagsubok na lamang ang kailangan mong mapagtagumpayan upang maging isang ganap na miyembro ng natatangi naming grupo. "Wala akong balak na sumali sa kahit na anong grupo kaya hindi n'yo ako basta-basta maisasali," nakangisi niyang sabi habang tinatawagan ang numerong iyon.  Alam niyang may kapalit ang pagiging miyembro ng Eurynomos Guild. Sigurado rin siyang masasamang tao ang nasa likod nito. Sino ba naman ang makakaisip na magbigay ng isang credit card na susuporta sa mga masama niyang gawain? Sa loob ng mahigit dalawang taon niyang pangongolekta ng kakaibang mga mata, wala siyang inasahan kundi ang kanyang sarili lamang. Masusi niyang pinag-aralan ang tamang pagpipreserba sa iba't ibang uri nito. Siyempre, ang detalyado subalit maingat na pagpatay sa kanyang mga biktima.  Ilang beses pa niyang sinubukang kontakin ang grupong iyon pero laging out-of-coverage area. Tila kokontakin lamang siya ng mga ito kung sakali mang may kailangan siyang malaman o sila ang may kailangan sa kanya. "Hindi n'yo pa rin nakukuha ang tiwala ko kahit pa iniregalo n'yo ang mga mata ni Oleyvia," giit niya habang unti-unti nang naglalakad palayo roon. Pansamantala niyang itatago ang credit card na iyon pero hindi muna niya gagamitin hanggang hindi siya hinaharap ng isa sa mga miyembro ng Eurynomos Guild. Kailangang malaman niya kung hanggang saan ang nalalaman nito tungkol sa kanyang mga lihim. Itutuloy... ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD