Kapitulo IV - Pagkakaibigan

2155 Words
Hindi pa rin sumuko si Euressa sa pangungumbinsi kay Exeriel na sumali sa mga programang gaganapin sa nalalapit na Valentine's Day Ball at 13th Foundation Day ng Ylijah Orpheus University. Halos araw-araw ay kinakausap niya ito kahit pa lagi siyang iniiwasan nito. Alam niyang nagmumukha na siyang tanga pero buo ang paniniwala niyang magtatagumpay siya sa pagpasok sa buhay ni Exeriel. Sa loob ng kalahating taon niyang pag-aaral sa Ylijah Orpheus University ay iba't ibang tao na ang kanyang nakilala at nakasalamuha subalit bukod tanging si Exeriel lamang ang naging mailap sa kanyang presensiya. Gusto niya itong makilala nang lubusan upang malaman niya kung ano ang dahilan kung bakit ganoon ang pagkatao nito. "Yvo, nakausap ko na ang Tita Marcella mo..." Napahinto sa paglalakad si Exeriel nang marinig nito ang kanyang sinabi.  "Wala siyang kinalaman sa gusto mo," giit nito habang nakatitig sa kanyang mga mata kaya nakaramdaman siya ng kaba.  "A-alam kong---" Hindi siya makapagsalita nang maayos dahil sa kakaiba nitong presensiya.  Kagabi ay kinausap niya sa telepono ang tiyahin ni Exeriel upang ipaalam na kailangan nitong sumali sa programang inaayos niya dahil isa iyon sa mga kailangang gawin upang makapagtapos ng senior high. Naintindihan naman nito ang kanyang mga ipinaliwanag kaya nangako itong kakausapin at kukumbinsihin si Exeriel. "Tatahimik ka na lang ba at aaksayahin ang oras ko?" giit nitong muli at nagsimula nang maglakad palabas ng kanilang campus. Mabilis siyang tumakbo upang habulin si Exeriel kaya naabutan niya ito bago pa makatawid sa kabilang kalye. "Yvo, pumayag ka na!" sigaw niya kaya napalingon ito. "Tigilan mo na 'ko, Ms. Aragon." "YVO!"  Agad niya itong hinatak nang mapansin niyang may papalapit na kotse sa kinatatayuan nito. Parehong silang bumagsak sa kalsada at hindi sinasadyang mapaibabawan siya nito. "S-sorry---" Nangingilid na ang kanyang mga luha habang nakatingin sa mukha ni Exeriel. Naisip niyang kasalanan niya kung napahamak ito dahil sa pagkakabangga ng kotseng iyon.  Hindi na nagsalita pa si Exeriel bagkus ay dahan-dahang itong umalis sa kanyang ibabaw.  "Sorry." Nanlaki ang kanyang mga mata nang bigla siyang kargahin nito. "Yvo, puwede mo na akong ibaba," nauutal niyang sabi dahil sa pagkailang sa kanilang sitwasyon.  Hindi siya pinakinggan ni Exeriel bagkus ay mabilis itong naglakad papasok sa kanilang campus. Halos mamula siya sa hiya dahil sa mga matang nakatingin sa kanilang dalawa habang naglalakad patungo sa infirmary, ayon sa kanilang binabagtas na daan.  Nang makarating sila sa infirmary ay agad siyang sinuri ng nurse na naroon. Hindi pala niya napansin na nagkagasgas ang kanyang siko dahil sa kanilang pagbagsak ni Exeriel.  Sorry. Sana hindi ka lalong magalit sa 'kin, sa isip-isip niya habang pasimpleng sinusulyapan si Exeriel na matama siyang pinagmamasdan nang ginagamot ang kanyang sugat. Kaya naisip niya na iyon kaya ang paraan nito upang pasalamatan siya sa pagliligtas sa buhay nito?  "Thank you, Miss Aragon," mahinahong sabi ni Exeriel nang makalabas sila roon at akma nang maghihiwalay ng landas. "Sorry uli, Yvo," aniya habang nakatingin sa mga mata nito, "Sana hindi ka na magalit sa 'kin," nahihiya pa niyang sabi at bahagyang yumuko.  Malalim na bumuntung-hininga si Exeriel bago muling nagsalita, "Sorry din sa mga nagawa ko, Euressa. Alam kong nagmamalasakit ka lang sa akin kaya mo ginagawa ang mga iyon para sa akin," seryosong paliwanag nito kaya unti-unting siyang napangiti, "Sige, pumapayag na akong sumali sa program na inaayos mo." Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi ni Exeriel kaya hindi agad siya nakapagsalita.  "Mauuna na ako sa 'yo dahil may klase pa ako," pamamaalam pa nito.  "O-okay. Ipapaliwanag ko na lang sa 'yo ang tungkol sa program kapag nagpunta ka na sa office ng Musical Rays," paliwanag niya bago ito nagsimulang maglakad palayo sa kanya.  Ilang hakbang pa lamang ang layo nila sa isa't isa nang lumingon si Exeriel at nginitian siya nito sa unang pagkakataon. Gumanti rin siya ng ngiti kahit na pinipigilan niya ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Pansamantala siyang nanatili sa kanyang kinatatayuan nang tuluyang makalayo si Exeriel. Mas lalo pang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso nang muli niyang maalala ang pagngiti nito.  Tuwang-tuwang siya sa mga nangyari kaya agad niyang i-ti-next si Chrioni upang ibalita ang tungkol doon. Patakbo pa niyang nilisan ang lugar na iyon upang magpunta sa opisina ng Musical Rays nang maayos na ang posible niyang ibigay na gawain kay Exeriel. MAKALIPAS ang isang linggong paghahanda ay isang kakaibang Valentine's Day Ball ang naganap sa malawak na quadrangle ng Ylijah Orpheus University. Isa si Exeriel sa mga naatasang maging love police na ang gagawin ay humuli ng mga taong posible nilang maisama sa Wedding Booth. Sa kabila ng pagkailang sa ibang tao ay pinilit pa rin niyang gawin ang kanyang trabaho. Sa limang pares na kanyang nahuli, tatlo lamang sa mga iyon ang may potensiyal na maging magkasintahan. Ilang oras na ginanap ang mga event sa iba't ibang booth gaya ng Wheel of Love, Hugot-in Mo, Wedding Booth, Love Target at iba pa. Alas-singko ng hapon nagsimula ang Valentine's Day Ball kung saan isa si Euressa sa dalawang emcee o tagapagsalita. Ang buong quadrangle ay pinalibutan ng mga lobo na magkahalong pula at puti ang kulay. Sa harap nang malawak na entablado naman makikita ang isang malaking puso, na binuo sa pamamagitan ng iba't ibang love letters o notes mula sa lahat ng estudyante, mga guro at iba pang tao sa buong Ylijah Orpheus University. Ganap na alas-otso ng gabi nang magsimula ang sayawan sa saliw ng iba't ibang awiting nilikha dahil sa pag-ibig.  Marami na ang magkakasintahang nagsasayawan nang mapansin ni Chrioni ang kanyang kaibigang nag-iisa habang nakaupo sa likod ng entablado.  "Ano'ng ginagawa mo rito, Essa? Balak mo ba talagang maging wallflower ngayong gabi?" seryoso nitong tanong nang makaupo sa kanyang tabi.  Isang ngiti ang isinagot ni Euressa sa kanyang natatawang kaibigan. Sinadya niyang magtago sa likod ng stage upang hindi siya mailang o maiingit sa mga magkasintahang halos langgamin na dahil sa sobrang ka-sweet-an. "Alam mo bang kanina ka pa hinahanap ni Yvo?" Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso nang marinig niya ang mga sinabi ni Chrioni. Talaga bang hinahanap siya ni Exeriel upang maisayaw? "Sabi ko na nga ba maniniwala ka sa 'kin," ani Chrioni at biglang tumayo habang hawak ang kanyang kanang kamay, "Ayaw mo ba akong kasayaw at si Yvo lang ang inaasahan mo?" dagdag pa nito kaya bigla siyang nagduda sa una nitong sinabi. "Ibig sabihin, 'di talaga---" Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin nang mapansin niya ang taong naglalakad palapit sa kanilang dalawa---si Exeriel. "Oh, hinihintay ka na ng date mo," nakangiting sabi ni Chrioni habang nakatingin sa kanyang namumulang mukha, "Akala mo nagbibiro ako 'no?" bulong pa nito. "Thank you, Ioni," nakangiti rin niyang bulong dito.  "Yvo, ingatan mo ang beshie ko," ani Chrioni nang maiabot nito ang kanyang kamay sa kanyang date, "Enjoy your night." "I will," matipid na sagot ni Exeriel habang nakatitig sa kanyang mga mata, "Shall we?" Marahan siyang tumango kaya dahan-dahan na silang naglakad pabalik sa harap ng entablado.  Be yourself, Euressa. Everything will be alright, aniya sa sarili habang pilit niyang pinakalma ang kanyang puso dahil sa mabilis nitong pagtibok.  Tila tumigil ang kanyang mundo nang mapansin niyang nakatingin ang halos lahat ng taong naroon sa kanilang dalawa ni Exeriel.  "Euressa, isipin mo na lang na tayong dalawa lamang ang narito," bulong ni Exeriel nang kunin nito ang kanyang mga kamay at ipinatong sa mga balikat nito. Hinawakan din nito ang kanyang baywang kaya bahagya siyang nakaramdam ng pagkailang. Bahagya siyang ngumiti at huminga nang malalim upang tuluyang kumalma ang kanyang dibdib. Ilang saglit pa ay magkaagapay na ang kanilang mga katawan sa marahang pagsasayaw sa saliw ng kantang I'll Be There ni Julie Ann San Jose.  "Euressa..." Makalipas ang ilang minuto ay binasag ni Exeriel ang kanilang pananahimik. Marahan itong humarap sa kanya at matamang tinitigan ang kanyang mga mata, "Puwede ko bang malaman kung bakit gano'n na lamang ang pagmamalasakit mo sa 'kin?" Ilang minuto siyang natahimik dahil sa pag-aagam-agam kung sasabihin ba talaga niya ang kanyang totoong motibo. Unti-unting pang namula ang kanyang mga pisngi dahil sa nararamdamang hiya sa harap ng binatang hinahangaan niya.  "Gusto kitang makilala nang lubusan, Yvo." Pansamantala siyang huminto sa pagsasalita at bahagyang ngumiti upang mapawi ang nararamdaman niyang kaba, "Isa pa, gusto ko ring malaman mo na naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Minsan ko na ring naranasan na sisihin ng ibang tao dahil sa pagkapahamak ng isang taong naugnay sa akin," paglalahad pa niya sa isang madilim na alaala ng kanyang buhay. Labintatlong taong gulang siya noon nang iligtas siya ng matalik niyang kaibigan mula sa pagkalunod. Sa kasamaang-palad ay pinulikat ang mga paa ni Mythos kaya ito ang napahamak nang matangay ito nang malakas na agos ng tubig. Siya ang sinisi ng mga magulang nito kaya sinisi na rin niya ang kanyang sarili. Ilang buwan din siyang nalugmok sa depresiyon dahil sa pangyayaring iyon. Minsan pa niyang naisip na magpakamatay na lang upang matapos na ang kanyang paghihirap. "Euressa..." ani Exeriel nang mapansin siguro nitong nangingilid na ang mga luha sa kanyang mga mata. Sa tulong ng isang psychiarist ay unti-unti niyang naunawaan ang mga nangyari noon. Napagtanto niya na hindi niya dapat sisihin ang kanyang sarili dahil bukal sa puso ni Mythos ang pagliligtas sa kanya. Sa kabila niyon ay natatakot pa rin siyang may mapahamak na tao dahil sa pagliligtas sa kanya. "Naiintindihan ko na. Kalimutan mo na ang mga 'yon." Unti-unting napawi ang kanyang kalungkutan dahil sa marahang paghaplos nito sa kanyang likod.  "Thank you, Yvo," nakangiti niyang sabi. "Thank you rin, Euressa. Gusto rin kitang makilala nang lubusan," sagot ni Exeriel saka rin ito ngumiti. Muli siyang natahimik nang pumainlanlang ang kantang I Knew I Love You Before I Met You na paborito niyang kanta. Tila naunawaan ni Exeriel ang kanyang naging reaksiyon kaya muli itong nagsimula sa pagsasayaw. Sa mga sandaling iyon ay kakaibang kaligayahan ang kanyang naramdaman. Hiniling pa niya na sana iyon na ang simula nang unti-unting paglalapit ng kanilang mga kalooban. ILANG minuto na lamang ay sasapit na ang alas onse ng gabi pero hindi pa rin dumarating ang kasintahan ng dalagang si Oleyvia sa harap ng isang coffee shop, ang JoDin Library Cafe. Halos isa't kalahating oras na siyang naroroon pero kahit isang text o tawag ay hindi man lang naisip ng kasintahan niyang si Xierulf.  "Sana hindi ako naniwalang mahal mo 'ko," naiiyak niyang sabi dahil malabo na siyang siputin nito. Sigurado siyang hindi siya ipinaglaban ni Xierulf sa mga magulang nito kaya hindi ito sumipot sa nakatakda nilang pagtatanan.  Marahas niyang hinawi ang kanyang mga luha at mabilis niyang isinuot ang kanyang backpack upang umalis na roon. Uuwi na lamang siya sa kanilang bahay at pipiliting kalimutan ang lahat ng nangyari. Lalong-lalo na ang manloloko niyang kasintahan na walang paninindigan. "Oleyvia..." Nakakailang hakbang pa lamang siya palayo roon nang marinig niya ang isang tinig. Agad siyang lumingon sa pagbabasakaling si Xierulf iyon. "So nagbago ang isip mo kaya ka sumipot?" sarkastiko niyang sabi pero hindi siya inimik nito.  Nanatiling nakatayo sa kanyang harapan si Xierulf na nakasuot pa ng isang itim na hoodie jacket kaya hindi niya makita ang mukha nito.  "Magsasalita ka ba o aalis na lang ako!" sigaw niya dahil sa inis dito. Nilapitan pa niya ito at akmang sasampalin pero bigla nitong hinawakan ang kanyang kanang kamay. Mahigpit na hinawakan ni Xierulf ang kanyang kamay at marahas siyang hinatak nito patungo sa madalim na bahagi sa gilid ng coffee shop. Hindi niya alam kung nakapansin sa kanilang mga tao dahil nang mga sandaling iyon ay iilan na lamang ang naglalakad sa kalsada. Halos kalahating oras na rin ang nakalilipas mula nang magsara ang nasabing coffee shop. "Bitiwan mo nga 'ko! Tapos na tayong---" Nagpumiglas siya pero bigla nitong tinakpan ang kanyang bibig at ilong ng isang panyong may nakakahilong amoy.  Unti-unti siyang nahilo kaya bumagsak ang kanyang katawan dahilan upang buhatin siya nito. Subalit bago siya tuluyang mawalan ng malay ang nakita niya ang kabuuan ng mukha nito. Hindi ito ang kasintahan niyang si Xierulf! MABILIS na ipinasok ng lalaki ang katawan ni Oleyvia sa isang kotseng nakaparada malapit sa JoDin Library Cafe. Pansamantala niyang iginala ang kanyang mga mata sa paligid upang tiyaking walang nakapansin sa mga nangyari. Agad siyang pumasok sa sasakyan nang masiguro niyang posible iyong hindi nahagip ng cctv sa malapit na poste. Mabilis niyang isinuot ang pares ng puting kuwantes sa kanyang mga kamay at hinawakan ang mukha ng dalaga. "'Wag kang mag-alala, hindi ka masasaktan sa gagawin ko..." aniya habang marahang hinahaplos ang pisngi ni Oleyvia.  Makalipas ng ilang minuto ay unti-unti na niyang dinukot ang mga eyeball nito gamit lamang ang kanyang mga kamay. Inilagay niya ang mga iyon sa loob ng isang glass tube na may transparent na likido.  Pansamantala niyang itinabi ang glass tube upang turukan ang leeg ni Oleyvia ng isang lason. Nang masiguro niyang wala ng ebidensiyang maiiwan doon ay mabilis niyang nilisan ang kotseng iyon. Itutuloy... ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD