Kapitulo III - Eskandalo

2314 Words
Agad na nagpunta si Inspector Espanto sa Victorique Mall nang matanggap niya ang tawag mula sa kanyang hepe. Siya ang inatasan nitong mag-imbestiga sa nangyaring krimen doon dahil may hinala itong konektado iyon sa isang kasong hindi pa niya nareresolba.  Base sa pauna niyang pagsisiyasat, isang labintatlong taong gulang na binatilyo ang natagpuang patay sa loob ng isang banyo, na malapit sa sinehan. Ang biktima ay nagngangalang Heriel Rosales at isang Grade 7 na estudyante ng Ylijah Orpheus University.  Ayon sa utility na naka-duty roon, wala siyang napansin kahina-hinalang lumabas sa banyong iyon bago pa niya matagpuan ang bangkay ng binatilyo. Sira din ang katabing cubicle kung saan ito pinatay kaya walang nakarinig sa pagpupumiglas nito mula sa killer. "Wala ba kayong napansing kahina-hinala bago pa kayo pumasok sa banyo?" usisa ni Inspector Espanto sa kaibigan ng biktima na si Maxino Takashi.  "Wala po, Sir. Ihing-ihi na po kami ni Heriel kaya nagmamadali kaming pumasok sa CR," sagot nito na pilit na pinipigilan ang muling pagtulo ng mga luha.  Tinapik niya ang balikat ni Maxino upang kahit paano ay mapagaan ang loob nito. "'Wag kang mag-alala dahil mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaibigan mo," bulong pa niya rito. "S-sana nga po," malungkot pa ring sagot ni Maxino bago tuluyang lumabas sa banyong iyon. Muling nilapitan ni Inspector Espanto ang bangkay ng biktima na kasalukuyan pa ring sinusuri ng ilang mga pulis.  "Sir, base po pagsusuri namin, tinurukan ang biktima sa leeg ng Potassium Chloride kaya agad na huminto ang pagtibok ng kanyang puso. Hindi na rin siya nakagalaw pa upang makawala sa killer," paliwanag ng isang babaeng pulis habang nakaturo pa ang daliri nito sa namamagang leeg ng biktima.  "Puwersahan ding dinukot ang kanyang mga mata," aniya nang mapansin ang nanuyong dugo malapit sa butas ng mga mata ng binatilyo. Na nakalubog pa ang talukap kaya agad mahahalatang wala na roon ang mga eyeball nito.  "Tama po kayo," sang-ayon nito sa kanya. Saglit siyang natahimik nang mapagtanto niya na posibleng may koneksiyon nga ang krimeng ito sa kasong ng pagpatay sa mga aso at pusa, nitong nagdaang taon. Tinuturukan din ng killer ang mga hayop ng Potassium Chloride upang mamatay ang mga ito nang sa ganoon ay madali nitong makuha ang mga mata ng mga ito.  "Ibig sabihin, mga mata na ng tao ang kinukuha niya," bulong niya sa sarili habang itinatala ang mga nalaman niyang impormasyon, "Malalaman ko rin kung sino ka, Eye Catcher..." Isang lalaking pulis ang lumapit sa kanya upang isama siya sa Control Room ng mall upang kanilang masuri ang mga kuha sa mga CCTV. NANLAKI ang mga mata ni Professor Nouriel Decena nang mapanood niya mismo sa kanyang cell phone ang s*x video scandal na unti-unti nang kumakalat sa buong Ylijah Orpheus University. Gusto niyang makasiguro sa kanyang hinala kaya sinadya niyang magtago sa loob ng banyo upang walang makaalam na pinanonood niya iyon.  Muntik pa niyang mabitawan ang cell phone niya nang ipakita roon ang kanyang mukha na nakatirik pa ang mga mata habang pinapaliligaya ng estudyanteng si Antovio Campos.  "Sino kaya ang nagpakalat ng video-ng 'to? Pa'no niya nakunan ang nangyari sa amin ni Vio?" sunod-sunod niyang tanong sa sarili dahil sa pagkabahala sa mga nangyayari.  Wala silang relasyon ni Antovio pero nagkaroon sila ng pagkakataong paligayahin ang isa't isa nang minsang nakitulog siya sa bahay nito noong malasing siya.  Sa pagkakaalala pa niya, inamin ni Antovio nang gabing iyon na silahis ito at isa siya sa mga lalaking nagugustuhan nito. Kapuwa sila lango sa alak kaya naging sunud-sunuran na rin siya sa iniuudyok ng kanilang mga katawan.  Mula nang mangyari iyon ay unti-unti na silang nagkailangan ni Antovio dahil na rin sa kanyang paglayo rito. Alam niyang magiging malaking isyu sa buong eskuwelahan ang pagkakaroon nila ng ugnayan kaya hindi na nila pinag-usapan pa iyon.  Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit siya nagpakamatay? Sino ang nagbigay sa kanya ng kopya ng video? sa isip-isip niya habang nanginginig ang kanyang mga kamay. "Professor Decena, puwede ba kitang makausap? Alam kong narito ka sa loob ng banyo." Ilang beses siyang napalunok nang marinig niya ang boses ni Inspector Espanto. Sigurado siyang napanood na rin nito ang nasabing video kaya magiging bahagi iyon ng kasong hawak nito.  Agad siyang lumabas sa cubicle na kanyang kinaroroonan dahil handa siyang patunayan na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Antovio.  "Gusto kitang kausapin nang maayos kaya kailangan mong sumama sa akin," ani Inspector Espanto nang lapitan siya nito. Marahan siyang tumango kaya nagpatiuna na ito sa paglabas sa banyo. Nang makalabas sila roon ay agad niyang napansin ang mga estudyanteng nakatingin sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay alam niyang sira ng kanyang pangalan, hindi lang bilang isang guro, maging bilang isang tao. KITANG-KITA ng isang matangkad na binata mula sa kanyang pinagkukublian ang wala sa sariling pagsunod ni Prof. Decena kay Inspector Espanto. Nang mabaling ang mga mata nito sa kanya ay isang kakaibang ngiti ang namutawi sa kanyang mga labi dahil alam niyang mapapatunayang ito ang dahilan ng pagkamatay ni Antovio.  "Sisiguraduhin kong hinding-hindi ka na makakatuntong pa sa Ylijah Orpheus University. Wala na ring makakaalam sa katotohanang isinama na ni Antovio sa libingan niya," giit niya at muli niyang pinanonood ang s*x video na kanyang ipinakalat kaninang umaga lamang.  Ang nasabing video rin ang ginamit niya upang mai-black mail si Antovio dahil nakita siya nitong may hawak na mga mata habang inaamoy-amoy pa niya ang mga iyon. Hindi man nito nasaksihan ang aktuwal niyang pagdukot sa mga mata ng isang Siberian Husky subalit ayaw pa rin niyang may makaalam sa kakaiba niyang lihim kaya naisip niyang patahimikin ito sa lalong madaling panahon.  Sinubaybayan niya si Antovio kaya nalaman niyang may itinatago pala itong s*x video sa laptop nito. Nalaman pa niyang lihim iyong kinuhanan ni Antovio dahil balak sana nitong gamitin upang mapilitan si Prof. Decena na makipagrelasyon dito. Minsan na rin siyang pinag-initan ni Prof. Decena dahil sa diumano pamamahiya niya rito kaya ipinangako niyang magsisisi ito sa ginawa sa kanya.  Ngayon ay mistula siyang tinulungan nang mapaglarong tadhana dahil pareho niyang napaghigantihan sina Antovio at Prof. Decena nang walang kaalam-alam ang mga ito. "YVO, bakit ba ayaw mo akong kausapin?" Hindi pa rin nilingon ni Exeriel si Euressa kahit ilang beses na siyang tinatawag nito. Nagpatuloy siya sa paglalakad kahit alam niyang kanina pa ito hinihingal dahil sa paghabol sa kanya. Wala siyang ganang makipag-usap sa kahit kanino kaya wala siyang interes sa binabalak nitong pagsali sa kanya sa mga programang inaayos nito para sa darating na Valentine's Day Ball at 13th Foundation Day ng Ylijah Orpheus University.  "Kailangan mong sumali sa mga program kung ayaw mong mawalan ng grade!" sigaw pa nito nang tuluyang mainis dahil sa kanyang ginagawa.  Tinitigan niya na lamang ang mata  ni Euressa upang malaman nito ang kanyang kasagutan. Kayang-kaya niyang makapagtapos ng senior high school nang hindi sumasali sa kahit anong grupo o programa sa Ylijah Orpheus University.  "Yvo, makinig ka naman sa 'kin. Please," ani Euressa na nangingilid na ang mga luha. Bakit nga ba niya pakikinggan si Euressa? Sino nga ba siya sa buhay nito at laging siyang inaalala? Isa lang naman siyang ordinaryong estudyante sa Ylijah Orpheus University na nag-aaral kahit hindi mapansin ng iba. Bakit siya pinag-aaksayahan ng panahon nito? "I don't need you, Ms. Aragon. O kahit sino pa kaya please lang intindihin mo ang sinabi ko," giit niya at muling naglakad palayo rito.  Hindi na siya sinundan pa ni Euressa kaya malaya siyang nakapaglakad papasok sa Starvebucks Cafe.  Muli siyang naupo sa kanyang paboritong puwesto at um-order ng isang Oreo cheese cake at Cafe Latte'.  Inilabas niya ang librong Project: Black Out ni EMPriel mula sa kanyang sling bag upang simulan ang pagbabasa roon. Iyon ang prequel ng Philippines Year 2300 Trilogy na nabasa lamang niya sa loob ng isang araw.  Nasa kalagitnaaan na siya ng librong iyon nang isang itim na papel ang napansin niyang unti-unting bumabagsak sa kanyang lamesa. Hindi na niya inalam kung saan nga ba iyon nagmula bagkus ay pinagmasdan na lamang niya hanggang sa tuluyang lumapat sa kanyang kanang palad.  Napakunot ang kanyang noo nang mapansin niyang wala naman pa lang nakasulat doon. Akma na sana niya iyong lulukutin nang unti-unting lumitaw ang ilang mga salitang tila isinulat sa pamamagitan ng isang invisible na tinta.  Ikaw ba ay may natatanging koleksiyon? Sali na sa Eurynomos' Guild. Ano man ang iyong hiling, ito ay aming tutuparin. Binalewala niya ang kanyang nabasa at tuluyang nilukot ang papel na iyon. Makalipas ang ilang minuto ay muli siyang naabala sa pagbabasa dahil sa isang tawag mula sa kanyang Tita Marcella. "Bakit po kayo napatawag?"  "Hindi mo na ba naaalala kung ano'ng araw ngayon?" mahinahon subalit may diin nitong tanong sa kanya. Hindi siya sumagot dahil hindi niya naiintindihan ang sinasabi nito. May nakalimutan nga ba siya? "Yvo, death anniversary ngayon ng mga magulang mo pero hindi mo man lang sila dinalaw," giit nito kaya napabuntung-hininga na lamang siya. "Sorry po, Tita Marcella." "'Wag kang mag-sorry sa 'kin dahil sa kanila ka may pagkukulang," paliwanag nito sa mahinahon pa rin tinig. May hindi man sila pinagkakasunduan ng kanyang tiyahin pero kahit minsan ay hindi siyang pinagalitan nito, "Sige, kailangan ko nang ibaba dahil may kakausapin pa ako." "Okay po," sagot niya at hinintay na tuluyang maputol ang kanilang usapan.  Mabilis niyang iniligpit ang kanyang libro at nilisan ang Starvebucks Cafe. May susunod pa siyang klase pero napagpasyahan niyang huwag nang pasukan upang makapunta agad sa Tierra Victoria. HINDING-HINDI ko pinagsisisihan ang ginawa natin noong nakatulog ka sa aking kuwarto. Sa pagkakataong iyon ay naramdaman kong may nagpapahalaga sa akin. Kahit ilang oras lamang tayong nagkasama... Alam kong hinding-hindi mo 'ko, mamahalin gaya ng pagmamahal na nararamdaman ko sa 'yo, Sir Nouriel. Pero sana hindi mo ako nilalayuan dahil mas lalo akong nasasaktan.  Sa oras na mapanood mo ang video, sana maisip mo na hindi ko ito ginawa para ipahamak ka. Ginawa ko ito upang maging alaala ng ating pagsasama... Sana mapatawad mo ako. Kung hindi man, nakahanda akong lumayo sa 'yo nang tuluyan.  Halos mangilid ang mga luha ni Prof. Decena nang marinig niya ang mensaheng ito mula kay Antovio. Ito ay nasa dulong bahagi ng s*x video na nasa loob ng flash drive na misteryosong natanggap ni Inspector Espanto mula sa kung sino man.  "Base sa ebidensiyang ito, puwede nating mapatunayang nagpakamatay nga si Antovio dahil sa sama ng loob sa 'yo," paliwanag pa ni Inspector Espanto kaya mas lalo lamang siyang nanlumo.  Sumikip ang kanyang dibdib dahil hindi niya lubos maisip na siya ang may kasalanan kung bakit nagpakamatay ang isang kaawa-awang estudyante. Isang taong nangungulila sa mga magulang na nakahanap ng kalinga sa kanya pero unti-unti niyang nilayuan. "Ibig sabihin po ay tapos na ang kaso?," mahina niyang tanong na sinagot nito nang marahang pagtango, "Puwede na po ba akong umalis, Inspector Espanto?"  "Kung sino man ang nagpadala nito sa 'kin ay posibleng gusto ka niyang tulungan. Sa pamamagitan nito ay mapapatunayang desisyon ni Antovio na pagpapakamatay kaya 'wag mong sisisihin ang sarili mo," payo ni Inspector Espanto. Alam niyang may punto ang sinabi ng imbestigador pero nananaig pa rin ang kanyang konsensiya. Hinding-hindi niya makalilimutan ang pangyayaring iyon kaya napagpasyahan niyang umalis na bilang guro sa Ylijah Orpheus University. "Naiintindihan ko," pagkakaila na lamang niya kay Inspector Espanto bago tuluyang umalis sa opisina nito. Nang makabalik siya sa Ylijah Orpheus University ay agad siyang nagpaalam sa school administration. Wala namang nagawa ang mga ito dahil alam nilang magiging kasiraan lamang ng eskuwelahan kung mananatili pa siya roon. ALAS SINGKO Y MEDIA na ng hapon nang makarating si Exeriel sa Tierra Victoria kung saan nakahimlay ang kanyang mga magulang na sina Crisostomo at Margarette.  Halos ilang hakbang pa ang layo niya sa puntod ng kanyang mga magulang nang mapansin niya ang isang itim na papel na nakapatong sa lapida ng mga ito. Binilisan niya ang kanyang paglalakad upang makita nang malapitan ang papel na iyon.  "Hanggang dito ba naman..." Tama nga ang kanyang hinala na kapareho iyon ng nakita niya sa Starvebucks Cafe.  Kinuha niya ang itim na papel at mabilis na pinunit sa maliliit na piraso upang muling balewalain ang nakasulat doon. "Tigilan n'yo 'ko..." Isang puting kandila ang sinindihan niya at itinulos sa harap ng lapida ng kanyang mga magulang. "Hanggang ngayon po ay hindi ko pa rin matanggap na iniwan n'yo na 'ko..." malungkot niyang sabi habang marahang hinahaplos ang kanilang lapida. Sinadya niyang kalimutan ang araw na ito dahil sa pangungulila niya sa kanyang mga magulang. Isang taon na ang nakalilipas nang sabay na mamatay sa isang malaking sunog ang kanyang mga magulang. Nang maulila siya sa mga ito ay ang nakakatandang kapatid na babae ng kanyang ina ang naging tagapangalaga niya, si Marcella Calma. Na nananatili pa ring dalaga sa kabila ng edad nitong apatnapung taong gulang. "Akala ko po ba, hindi na kayo lalayo sa 'kin?" tila panunumbat niya nang maalala ang ipinangako ng mga ito na hindi na siya iiwan nang nag-iisa.  Labintatlong taong gulang pa lamang siya nang mabulag ang kanyang kaliwang mata dahil sa pagkabasag ng kanyang salamin. Kalaunan ay nagkaroon siya ng depresiyon dahil hindi niya matanggap na hindi na siya makakakita nang maayos.  Unti-unti niyang inilayo ang kanyang sarili sa ibang tao maging sa kanyang mga magulang. Subalit sa kabila ng mga kanyang naranasan ay hindi siya iniwan ng mga ito. Lalong-lalo na ang kanyang ina na kahit sa huling pagkakataon ay kapakanan pa rin niya ang inisip nito. "Ma, maraming salamat po sa 'yong alaala," mapait siyang ngumiti habang hinahaplos ang kanyang kaliwang mata, na mula sa kanyang ina.  Unti-unti siyang napatingala nang maramdaman at mapansin niya ang maliliit na patak ng ulan. Hindi siya umalis pa sa kanyang kinatatayuan at hinayaang mabasa siya ng ulan dahil unti-unting gumaan ang kanyang pakiramdam sa tila pakikiramay nito sa pangungulila niya sa kanyang mga magulang. Itutuloy... ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD