Kapitulo I - Pagpapatiwakal
Halos labinlimang minuto nang nakasandal sa harap ng mga railings ng ikatlong palapag ng Ylijah Orpheus Hall ang binatang si Antovio Campos subalit wala pa rin doon ang kanyang hinihintay.
"Darating kaya ang weird-ong 'yon," aniya sa sarili at saka muling tumingin sa kanyang orasang pambisig na nagsasaad na alas-singko trese na ng hapon.
"Sinadya ko talagang magpahuli ng thirteen minutes."
Agad siyang napalingon nang marinig ang malalim at mahinahong tinig ng taong iyon. Hindi man lang ito lumapit sa kanyang kinaroroonan at nanatiling nakatayo ilang metro mula roon. Gaya ng kanyang inaasahan ay nakasuot ito ng isang itim na hoodie jacket upang itago ang mukha nito.
"'Wag ka nang magpaligoy-ligoy pa, ibigay mo na ang kapalit ng pananahimik ko," giit niya rito.
Hindi ito sumagot kaya mas lalo siyang nainis sa pakikipagkasunduan dito. Kung makukuha lamang niya ang bagay na pinanghahawakan nito laban sa kanya ay maaari na niyang ipagkalat ang lihim nito, na kanyang natuklasan nang minsan niya itong makitang ginagawa iyon.
"Ibibigay ko ang flash drive kung sisiguraduhin mong mananahimik ka talaga, Campos," sarkastiko nitong sabi habang pinapaikot sa mga daliri nito ang isang kulay itim na flash drive na may pulang tali. "Alam kong may binabalak kang gawin sa oras na maibigay ko 'to kaya hindi ko hahayaang magawa mo 'yon."
Matalim niyang tinitigan ang mga mata nito dahil tama nga hinala niyang maiisip nitong ipapakalat pa rin niya ang lihim nito kahit mabawi pa niya ang laman ng flash drive. Siyempre, alam din niyang isusuplong pa rin siya nito sa school administration kahit pa maibigay nito iyon.
"Wala pa lang kuwenta ang pag-uusap natin ngayon kung pareho tayong may back-up plan," sarkastiko niyang sabi na ikinangisi lamang din nito.
"Kung gano'n, sabay na lang nating gawin ang ating mga back-up plan. 'Saka natin tingnan kung sino ang higit na maaapektuhan..." makahulugan nitong sabi at tinalikuran na siya upang umalis doon.
Hindi agad siya nakaalis sa kanyang kinatatayuan dahil sa takot na nanaig sa kanyang buong sistema. Siguradong siya ang higit na maaapektuhan dahil masisira ang buhay niya sa oras na isiwalat nito ang kanyang lihim. Marami rin ang mawawala sa kanya kapag nalaman ng ibang tao ang tungkol doon.
"S-sandali lang," pigil niya rito na halos palapit na sa hagdanan, "Sige, 'di ko na itutuloy ang back-up plan ko pero ipangako mong 'di mo rin itutuloy ang sa 'yo," pagmamakaawa niya.
"Paano ka nakasisigurong susunod ako sa 'yo? Alam mo kung gaano kahalaga---" Naantala ang pagsasalita ng taong iyon dahil sa pagtunog ng cell phone nito. "Deal," bigla nitong sabi matapos mabasa ang nilalaman ng mensaheng natanggap nito.
Isang kakaibang ngiti ang namutawi sa mga labi nito 'saka mabilis na ihinagis ang flash drive patungo sa kanyang kinaroroonan. Subalit sadyang mataas ang pagkakahagis nito kaya tinangka niya iyong habulin na kasamaang palad ay nagbabadya namang mahulog sa ibaba ng gusaling iyon.
NAGULANTANG ang mga taong naglalakad sa harap ng Ylijah Orpheus Hall nang bigla na lamang bumulagta sa sementadong sahig ang katawan ng isang estudyanteng tila nahulog mula sa ikatlong palapag nito.
Agad itong nilapitan ng isang lalaking guro, na nakilala ang nasabing biktima.
"Ano ang nag-udyok sa 'yong kitlin ang sarili mong buhay, Antovio?" ani Professor Nouriel Decena habang matamang sinusuri ang kalunos-lunos na kinahantungan ng kanyang paboritong estudyante.
Pataob na bumagsak si Antovio kaya nabasag ang bungo ng binata at nagkabali-bali ang mga kamay at paa nito.
"Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Sayang ang---" malungkot na bulong ng guro na napahinto sa pagsasalita nang mapansin niyang marami ng mga taong nakapaligid sa bangkay ni Antovio.
Ilang sandali pa ay dumating na ang mga pulis upang siyasatin ang nangyaring insidente sa Ylijah Orpheus Hall. Makalipas ang halos isang oras na pagsusuri sa biktima ay isinakay na ito sa isang ambulansiya upang dalhin sa pinakamalapit na morgue.
AGAD na kumalat sa buong campus ang naganap na pagpapatiwakal ng isang HUMSS (Humanities and Social Sciences) senior high student na si Antovio Campos. Ilang araw itong naging paksa ng mga usap-usapan dahil may iilang hindi naniniwalang kaya nitong kitlin ang sariling buhay.
"Sa palagay ko ay pinatay talaga si Vio," giit ng binatang si Gerfil na isa sa mga kaibigan ni Antovio.
"Sino ang pumatay sa kanya? Ano'ng kasalanan niya sa taong 'yon?" sunod-sunod namang tanong ng dalagang si Nissiar.
Napailing na lamang ang isang binata nang marinig niya ang halos paulit-ulit na pag-uusap ng kanyang mga kaklase. Alam niyang hindi pa rin matanggap ng mga kaibigan ni Antovio ang nangyari kaya nakikipasimpatiya pa rin siya sa mga ito. Subalit hindi naman makakatulong ang mga hinala nina Gerfil at Nissiar sa imbestigasyon kaya dapat manahimik na lamang ang mga ito.
"Ikaw ba si Exeriel Yvo Eyo?"
Agad na napalingon ang nasabing binata nang marinig niya ang pagtawag sa kanyang buong pangalan. Napansin pa niya na napatingin sa kanyang kinaroonan ang mga estudyanteng nasa loob ng Starvebucks Cafe.
Isang matangkad na lalaki ang lumapit sa mesa kung saan siya kasalukuyang kumakain. Hindi siya sumagot bagkus ay sinuri niya nang mabuti ang taong iyon. Nakasuot ito ng isang puting polo shirt at maong na pantalon.
"Ako si Inspector Deveen Espanto," pagpapakilala nito saka marahang umupo sa bakanteng upuan na naroon.
"Ano pong kailangan n'yong malaman? Ano pong koneksiyon ko sa pagpapakamatay niya?" sunod-sunod niyang tanong habang nakatitig sa bilugan nitong mga mata.
"Nasa'n ka noong January 20, 2017, mga dakong alas-singko ng hapon?" mahinahon nitong tanong na nagpakunot sa noo ng binata.
"Paalis na po ako sa library nang mga oras na 'yon. Naglalakad paakyat sa second floor ng Ylijah Orpheus Hall," paliwanag ni Exeriel dahil base sa pananalita ni Inspector Espanto ay isa siya sa mga suspek sa kasong hawak nito.
"Papunta---"
"Papunta po ako sa Photography Club room upang makipagkita sa kaibigan kong si Korino Takashi," putol niya sa posible nitong sabihin.
Pansamantalang natahimik si Inspector Espanto habang isinusulat ang mga impormasyong nakuha nito sa kanya. Ilang minuto nitong tinitigan ang mga bagay na iyon bago muling nagsalita.
"Sige, aalis na ako. Maraming salamat sa pakikipag-cooperate," sabi nito habang matamang nakatingin sa kanyang mga mata.
Hindi na nagsalita pa si Exeriel at hinayaang umalis ang imbestigador. Muli niyang ipinagpatuloy ang naudlot niyang pagkain at binalewala ang paminsan-minsan pagsulyap ng mga tao sa kanyang paligid.
PINATOTOHANAN ng binatang si Korino Takashi ang testimonya ni Exeriel kaya inalis na ni Inspector Espanto ang pangalan nito sa mga posibleng suspek.
Ayon sa kanyang paunang imbestigasyon, may foul-play sa nangyaring insidente dahil sa paraan ng pagkakahulog ni Antovio. Karamihan sa mga nagpapakamatay ay patihaya kung tumalon kaya posibleng may taong tumulak sa binata dahil sa pataob nitong pagbagsak sa semento. Isinailalim nila sa palm print analysis ang mga kasuotan ni Antovio upang mapatunayan ang hinalang iyon subalit wala silang nakitang kahit ano mang bakas doon.
Dalawang tao lamang ang posibleng may kaugnayan sa pagkamatay ni Antovio. Ang una ay ang HUMSS student na si Exeriel Yvo Eyo, na nakaaway nito isang linggo na ang nakalilipas dahil sa hindi pagkakaunawaan tungkol sa opinyon ng bawat isa ukol sa same s*x marriage sa Pilipinas. Ang ikalawa ay si Prof. Nouriel Decena, na guro nito sa Creative Writing. Na ayon sa pahayag nina Gerfil Felimon at Nissiar Ortizo, ay nakababatang kapatid na ang turing kay Antovio kaya malapit sila sa isa't isa.
"Kung hindi si Eyo ang salarin, ano ang kinalaman ni Prof. Decena sa nangyari?" ani Inspector Espanto habang pinagmamasdan ang isang itim na flash drive.
Ito ay natagpuan niya ilang metro mula sa kinahulugan ni Antovio. Ayon sa pahayag ni Prof. Decena, siya ang nagmamay-ari ng flash drive na ibinigay niya sa binata noong January 18 upang paglagyan ng manuscript nito para sa kanilang school magazine. Nang tignan naman ng imbestigador ang laman nito ay wala siyang nakitang kahit ano mang bagay na nakatago roon.
"Kung hawak ito ni Antovio nang mahulog siya, dapat hindi gano'n kalayo ang pinagtalsikan nito," aniya nang may maisip na isang ideya, "Maliban na lang kung nabitawan niya ito bago siya nahulog," sagot niya na tila kausap ang kanyang sarili.
"O kaya 'yan ang dahilan ng pagtalon niya," sabad ng isang pamilyar na boses ng babae, na lumapit sa kanyang lamesa.
"Tama ka, Inspector Maniago," sang-ayon niya sa sinabi ng kaibigan niyang imbestigador. "Kailangan ko na lang malaman kung gaano ba kahalaga ang flash drive na 'to para habulin pa niya."
Tumango na lamang si Inspector Eirish Maniago at inilapag ang isang brown envelope sa kanyang lamesa. "Pakibigay na lang kay Sir Mariano dahil kailangan ko nang umalis," pakiusap pa nito bago mabilis na naglakad paalis sa kanyang opisina.
"Sige, Eirish," sagot niya habang sinusundan ng tingin ang paalis na kaibigan. "Mag-iingat ka. Hanggang sa muli nating pagkikita..." dagdag pa niya na hindi na nito narinig pa.
Itinabi niya sa kaliwang bahagi ng kanyang lamesa ang envelope na ibinigay ni Inspector Maniago. Muli pa niyang binuklat ang folder na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa kasong kasalukuyan niyang hawak.
"Hindi ako titigil hangga't 'di ko nalulutas ang kaso mo, Campos," aniya habang nakatitig sa larawan ng bangkay ng binatang iyon.
MAS LALO pang iniwasan ng iba pang mga estudyante ng Ylijah Orpheus University ang binatang si Exeriel mula nang masangkot siya sa pagkamatay ni Antovio. Sa kabila niyon ay binalewala lang niya ang mga nangyayari dahil noon pa man ay nilalayuan na siya ng kanyang mga kaklase dahil sa pagiging kakaiba ng pananaw niya sa buhay. Wala siyang pakialam sa iisipin o sasabihin ng ibang tao dahil tanging ang kanyang sarili lamang ang kakampi niya sa ano mang oras. Hindi rin siya nakikisalamuha nang maayos sa ibang tao kung hindi kinakailangan.
Mayroon naman siyang maituturing na kaibigan, si Korino pero hindi niya ibinibigay nang buo ang kanyang tiwala rito.
"Excuse me. Puwede ba akong makiupo sa table mo?"
Kasalukuyan siyang nagbabasa ng isang bagong libro, ang Philippines Year 2302: Helena's Downfall ni Emmanuel Priel o EMPriel nang gambalain siya ng isang babae. Hindi man lang niya ito tinignan bagkus ay marahan siyang tumango at muling ipinagpatuloy ang kanyang pagbabasa.
"Hindi ka ba talaga nakikipag-usap sa ibang tao?" Muli siyang napahinto sa pagbabasa dahil sa itinanong ng babaeng iyon. Inilapag niya ang libro sa mesa dahil nakapagdesisyon na siyang itigil na ang kanyang ginagawa.
Saka lamang niya napansin na tanging isang maliit na notebook ang hawak nito. Napailing pa siya nang mapagtanto niyang hindi naman pala ito makikisama sa lamesa upang kumain kundi mangulit lamang.
"Hindi ba ikaw si Exeriel Yvo Eyo?" muling tanong ng babae pero hindi pa rin siya nagsalita. Matama na lamang niyang sinuri ang kabuuan ng kanyang kaharap upang maalala kung sino nga ba ito.
Bilugan ang mukha nito, na pinaangat nang mahaba at itim nitong buhok. May maninipis na mga kilay, matangos na ilong at mapupulang mga labi. Higit sa lahat ay mayroon itong kulay tsokolateng mga mata.
"Alam kong hindi mo pa 'ko kilala kaya wala akong karapatang magtanong sa 'yo," giit pa nito at ihinayag sa kanyang harapan ang kanan nitong palad upang makipagkamay, "Ako si Euressa Aragon, isang HUMSS student gaya mga. Isa rin ako sa mga news writer ng ating school magazine, ang Musical Rays," pagpapakilala pa nito kahit na hindi pa rin siya umiimik.
Ano namang kailangan ng magazine n'yo sa 'kin? Hanggang ngayon ba ay ako pa rin ang itinituro n'yong suspek sa pagkamatay ni Antovio?
Hindi pa rin siya nagsalita bagkus ay kinausap na lamang niya ang kanyang sarili habang nakatitig sa tila tsokolateng mga mata ni Euressa.
"Alam kong alam mo na marami ang hindi naniniwalang inosente ka, Yvo. Kahit pa---"
Itinaas niya ang kanyang kanang palad at ihinarap kay Euressa kaya napahinto ito sa pagsasalita.
"Ibig sabihin ay naniniwala kang hindi ako ang pumatay kay Antovio? Paano ka nakasisiguro, Ms. Aragon?" sunod-sunod niyang tanong nang maibaba niya ang kanyang kamay.
Hindi agad nakapagsalita si Euressa subalit makalipas ang ilang minuto ay namutawi ang isang pilit na ngiti sa mga labi nito.
"Kahit pa ilang beses mong patunayan ang sarili mo sa ibang tao, tanging ikaw lamang ang makakaalam ng katotohanan," makahulugang sabi ni Euressa kaya mas lalo niyang tinitigan ang mga mata nito, "Nalaman ko mula kay Inspector Espanto na hindi ka na kabilang sa mga suspek. Pero kung talagang ikaw ang totoong pumatay kay Antovio, malalaman niya 'yon 'di ba?" giit pa nito.
"Sabagay tama ka, Euressa," mahina man subalit sarkastiko niyang sagot. Paano kung sabihin ko sa 'yong nagsinungaling ako kay Inspector Espanto?, aniya sa sarili.
"Gusto ng editor-in-chief ng Musical Rays na ilabas namin ang panig mo tungkol sa nangyari nang sa gano'n ay tuluyan nang malinis ang pangalan mo, Yvo," paliwanag ni Euressa.
"Bakit n'yo kailangang gawin 'yon kung alam naman nating hindi pa rin magbabago ang tingin ng ibang tao sa 'kin," katwiran niya at mabilis na tumayo upang umalis na roon.
"Sandali lang, Yvo. Hindi pa tapos ang interview ko sa 'yo," pigil sa kanya ni Euressa pero hindi na niya ito pinansin pa.
Ilabas n'yo kung ano ang gusto n'yo, Euressa. Walang mawawala sa 'kin. Wala rin akong pakialam kung idawit nila akong muli sa pagkamatay niya.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro