FEBRUARY 01, 2017. Inilathala pa rin sa pinakabagong isyu ng Musical Rays ang maikling interview ni Euressa kay Exeriel sa kabila ng pagbabalewala ng huli sa nasabing bagay. Inilabas din sa magazine ang ginagawang imbestigasyon ni Inspector Deveen Espanto sa kasong hawak nito. Subalit sa kabila nito ay may mga estudyante pa ring hindi naniwala na walang kinalaman si Exeriel sa pagkamatay ni Antovio. Lalo pa nang malaman nilang hindi pa rin natutukoy kung ano ang totoong dahilan ng pagtalon ni Antovio mula sa ikatlong palapag ng Ylijah Orpheus Hall.
"Essa, ano'ng pumasok sa isip mo para tulungan si Yvo?"
Naihinto ni Euressa ang kanyang akmang pagkain dahil sa biglaang naitanong ng kaibigan niyang si Chrioni Halcon. Walang gana pa nitong inilapag sa lamesa ang bagong isyu ng kanilang school magazine.
"Hindi ba sinabi ko na sa 'yo na ginawa ko 'yong interview bilang news writer ng Musical Rays," giit niya at ipinagpatuloy ang pagkain sa in-order niyang chocolate mousse.
"Okay, I believed you, girl," makahulugang sagot nito habang nakatitig sa kanyang mga mata. "Mali ang naisip ko na ginawa mo lang 'yon para mapansin ka niya," sarkastiko pa nitong sabi.
"What are you talking about?" naningkit ang kanyang mga mata dahil sa tila pag-aakusa ni Chrioni sa totoo niyang motibo, "Paano mo nasabi 'yon, Ioni?"
"'Wag ka nang magkaila pa, Essa. Minsan na kitang nahuli na nakatitig sa weird-ong 'yon," natatawang paliwanag ni Chrioni.
Hindi niya alam kung bakit pero nakaramdam siya ng kaba nang mabanggit nito ang tagpong iyon. Sa pagkakaalala niya, nang sandaling iyon ay napansin niyang may tila kakaiba sa mukha ni Exeriel kaya tinitigan niya ito. Halos ilang minuto lamang iyon pero pakiramdam niya ay kakawala ang puso niya mula sa kanyang dibdib dahil sa mabilis nitong pagpintig.
Aaminin niya, taglay ni Exeriel Yvo Eyo ang mga tipo niya sa isang lalaki. Matangkad, moreno at may katamtamang pangangatawan. May makakapal na kilay, matangos na ilong, mapupungay at singkit na mga abong mata. Higit sa lahat, napakamisteryoso nito kaya kahit kailan ay hindi pa niya ito nakikitang nakangiti. Isang bagay na gustong-gusto niyang makita.
"Euressa Aragon, nasa earth ka pa ba?" Naantala ang kanyang pananahimik dahil sa pagsasalita ni Chrioni, "Sinasabi ko na nga ba e'," nakangiti pa nitong sabi sa kanya.
Hindi na siya sumagot pa bagkus ay ipinagpatuloy na lamang niya ang pagkain. Wala naman talaga siyang maitatago pa sa kanyang bestfriend kaya alam niyang naiintindihan nito ang 'silence means yes'.
"Essa, nand'yan na si Yvo..." Muntik na siyang masamid sa iniinom niyang pineapple juice dahil sa kanyang narinig. Agad siyang lumingon kaya naaktuhan niya ang pag-upo ni Exeriel sa paborito nitong lamesa sa Starvebucks Cafe, na malapit sa kitchen area.
"So, seen-zone ka na lang d'yan? Hindi mo ba siya lalapitan, Essa?" Mabilis na pag-iling lang ang naisagot niya kay Chrioni.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya kayang haraping muli si Exeriel matapos ang naantala nilang pag-uusap noon. Sa katunayan, nang mga panahong iyon ay matinding kaba ang kanyang naramdaman pero pinanlabanan niya upang magkaroon ng interview para sa Musical Rays.
"Okay kung ayaw mo, ako na lang," nakangiti pang sabi ni Chrioni, "Nakalimutan kong sabihin sa 'yo na matagal ko na rin pala siyang pinagpapantasyahan kaya ipaubaya mo na siya sa 'kin," dagdag pa nito at mabilis na tumayo.
"Ano? Wait lang, Ioni!"
Hindi niya namalayaang napalakas ang kanyang pagsasalita kaya ilang tao ang napatingin sa kanilang magkaibigan. Isa sa mga iyon ay si Exeriel kaya nagkatagpo ang kanilang mga mata sa loob lamang ng halos limang segundo dahil ito rin ang unang umiwas. Namula ang kanyang mga pisngi hindi lang dahil sa pagkakataong iyon, maging dahil sa pagkapahiya.
"Hindi ka na mabiro," natatawang sabi ni Chrioni nang muli itong umupo kaya nasapo na lamang niya ng palad ang kanyang mukha, "Wala akong balak na mag-aksaya ng panahon sa lalaking may homophobia. Baka masapak lang niya ang beauty ko," giit pa nito.
Tama, sa palagay nilang magkaibigan ay naiilang nga o takot si Exeriel sa kahit sinong LGBT dahil sa matindi nitong pagtutol sa same s*x marriage. Na siya ring naging dahilan ng pakikipagtalo nito kay Antovio ilang araw bago ito nagpagkamatay.
"Siraulo ka talaga, Ioni. Ipapahamak mo pa 'ko sa kanya e'," gigil niyang sabi habang kinukurot ang kamay nito.
Hindi na nagsalita pa si Chrioni at peace sign na lang ang naisagot sa kanya. Kapuwa sila napangiti nang pareho na silang mahimasmasan sa mga nangyari.
LABINTATLONG minuto na lamang ay sasapit na ang hatinggabi kaya nagsimula na siyang maglakad patungo sa kanyang lihim na santuwaryo. Dahan-dahan niyang binagtas ang mahabang pasilyo sa ikalawang palapag ng kanilang malaking bahay upang hindi siya marinig ng sino man. Nang makarating siya sa dulo ng pasilyong iyon ay agad niyang inakyat ang hagdanang may limang baytang lamang. Sa dulo niyon ay makikita ang maliit na pintuan patungo sa isang kakaibang kuwarto.
Mabilis niyang inilabas ang isang maliit na susi upang mabuksan ang pintuang iyon. Nang makapasok na siya sa loob ay sinalubong siya ng kadiliman dahil sinadya niyang hindi lagyan ng ilaw ang kuwartong iyon. Ikinandado niya ang pintuan upang walang sino man ang makabaala sa kanyang pananatili roon.
Ilang hakbang mula sa pinto ay bumungad sa kanya ang isang malaking book shelf na nasa pinakagitna ng buong kuwarto. Ang lapad nito ay dalawang dipa at may limang palapag na puno ng iba't ibang uri ng libro.
Nilapitan niya ang ikalabintatlong libro mula sa kaliwa at bahagya niyang hinila mula sa lalagyan nito kaya unti-unting gumalaw ang sahig na kanyang kinatatayuan. Ilang sandali lamang ay umikot na rin ang buong book shelf patungo sa kabilang bahagi ng kuwartong iyon.
Ang ikalawang bahagi niyon ay napalilibutan ng mga malalaking salamin, na nagsisilbi nitong kisame at mga dingding. Sa pinakagita nito ay may isang malaking estante na may limang palapag at bawat isa roon ay may nakahanay na mga glass tube. Subalit tanging ang nasa unang palapag pa lamang ang mayroong laman, na pawang nakababad sa isang likido.
"Happy birthday, Amarelle," aniya habang nakatingin sa ikalabintatlong glass tube na nasa unang palapag, "Hinding-hindi ko malilimutan ang mga araw na nakasama kita."
Labintatlong taong gulang pa lamang siya noon nang mabulag ang kanyang kaliwang mata dahil sa isang aksidente. Isa sa mga kaklase niya ang pinaglaruan siya at binato ang suot niyang salamin. Nabasag iyon at sa kasamaang-palad ay isang maliit na bubog ang tumusok sa kaliwa niyang mata.
Tuluyan na siyang nabulag kaya naging tampulan siya ng tukso ng ibang mga bata. Hanggang sa nawalan na rin siya ng lakas ng loob kaya unti-unti siyang lumayo sa ibang tao, maging sa kanyang mga magulang.
Muli siyang nagbalik sa kanyang sarili nang makilala niya si Amarelle Perez nang siya ay labing-anim na taong gulang. Ipinagtanggol siya nito mula sa panunukso ng kanilang mga kaklase kaya unti-unti silang napalapit sa isa't isa.
"Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na iniwan mo na 'ko..."
Akala niya magtatagal ang kanilang pagkakaibigan ni Amarelle subalit makalipas ang ilang buwan ay iniwan din siya nito dahil namatay ito sakit na lukemia.
"Pero hindi na ako gaanong magtatampo dahil sa alaalang iniwan mo," nakangiti niyang sabi nang kunin niya ang ikalabintatlong glass tube, na naglalaman ng mga asul at berdeng mata ni Amarelle.
Nang dahil sa pagkabulag ng kanyang kaliwang mata ay nagkaroon siya ng matinding depresiyon. Nainggit siya sa mga hayop o taong may kumpletong paningin kaya unti-unti niyang inasam na kunin ang mga mata ng mga ito.
Unang naging bahagi ng kanyang kakaibang koleksiyon ang mga dilaw at asul na mga mata ng alaga niyang aso na si Morilo. Dinukot niya ang mga mata nito sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay. Tuwang-tuwa siya nang mahawakan niya ang mga iyon kaya mula noon ay iba't ibang mga aso at pusa pa ang kanyang naging biktima.
Heterochromia ang tawag sa kakaibang kondisyon ng mga mata ni Amarelle kung saan iyon ay resulta ng pagkakaroon nito ng banyagang mga magulang. Ang kaliwa nitong mata ay asul na minana nito sa inang Amerikano. Kulay abo naman ang kanang mata nito dahil sa amang Griyego.
Nang mamatay si Amarelle ay napagpasyahan niyang kunin ang mga mata nito upang maging alaala ng kanilang pagkakaibigan. Walang nakaaalam sa kanyang ginawa kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin nalalaman ng ibang tao na wala na ang mga mata nito bago pa ito mailibing.
"Gusto mo na bang magkaroon ng kasama rito?" aniya na tila ba sasagutin siya ng mga mata ni Amarelle, "'Wag kang mag-alala dahil ilang araw na lang ay may bago na naman akong koleksiyon," giit pa niya at muli niyang ibinalik ang glass tube na iyon sa lalagyan nito.
Makalipas ang ilang buwang pananahimik bilang isang ordinaryo subalit misteryosong estudyante ng Ylijah Orpheus University, muli siyang maghahasik ng lagim bilang si Eye Catcher. Sa ngayon ay ilang araw na niyang sinusubaybayan ang taong nagtataglay ng mga matang magiging ikalabing-apat niyang koleksiyon.
"See you soon, Amarelle..."
Mabilis niyang nilisan ang kuwartong iyon upang ihanda ang kanyang nga kakailanganin sa nakatakda niyang pagdukot sa mga mata ng pinakabago niyang biktima.
ISANG MALAPAD na ngiti ang namutawi sa mga labi ng binatilyong si Heriel nang makita niyang magsisimula na ang pelikulang ilang buwan niyang hinintay na ipalabas sa mga sinehan --- ang Plagiarist.
Ang pelikulang ito ay hango sa isang kuwentong isinulat ng hinahangaan niyang manunulat na si Xerun Salmirro. Sinubaybayan niya ang kuwentong iyon sa isang sikat na website, ang w*****d kaya isa siya sa mga taong bumili nang mailathala iyon bilang isang ganap na libro noong isang taon.
"Heriel, tama na ang ngiti baka mahipan ka ng hangin," natatawang sabi ng kaibigan niyang si Maxino nang mapansin siya nito.
"Hindi ko mapigilan kaya hayaan mo na 'ko," natatawa rin niyang sagot habang matamang nakatingin sa malawak na screen. "Hinding-hindi ko palalampasin ang pagkakataong mapanood 'to," giit pa niya.
Kapuwa sila natahimik nang magsimula na ang unang eksena kung saan ipinakita ang binatilyong si Lucas De Dios na nasa harap ng laptop nito at kasalukuyang nagtitipa ng isang kuwento.
Napahinto ito sa pagtitipa dahil sa isang tawag sa cell phone nito. Isang babae ang nakausap nito roon na naging sanhi ng pangingibabaw ng kalungkutan sa buo nitong pagkatao.
"Papatunayan ko sa inyong hindi ako isang plagiarist. Hindi ko ninakaw ang I Know Who Killed Me," giit nito habang nakakuyom ang mga kamao.
Muling napangiti si Heriel nang maisip niyang bagay na bagay sa aktor na si Nashiron Aguas ang pagganap bilang Lucas De Dios. Sa palagay niya ay hindi nga nagkamali sa pagpili ng mga pangunahing tauhan ang manunulat na si Xerun Salmirro.
HALOS isa't kalahating oras ang itinakbo ng pelikulang Plagiarist subalit walang pinaglampas na mga eksena sina Heriel at Maxino. Tutok na tutok silang dalawa sa panonood kaya hindi na nila naubos ang kanilang biniling pagkain at pareho rin silang nagpigil sa pag-ihi. Kaya nang matapos iyon ay sabay silang tumakbo patungo sa banyo upang umihi.
Sa malas nilang magkaibigan, walang silang nakitang bakanteng urinal nang makapasok sila sa banyo. Nagkatinginan na lamang silang dalawa at parehong pilit na ngumiti.
Ihing-ihi na talaga si Maxino kaya pumuwesto na ito sa likod ng isang matandang lalaki. Samantalang si Heriel naman ay masuwerteng nakapasok sa cubicle kung saan may kalalabas lamang na isang estudyante.
Sa tagal ng pagpigil ni Heriel sa kanyang pag-ihi ay nahirapan siyang ilabas iyon. Halos sampung minuto pa ang lumipas bago siya nakahinga nang maluwag.
"Sa wakas---"
Hindi na niya naituloy pa ang kanyang sasabihin dahil sa pagtakip ng isang kamay sa kanyang bibig. Hindi yata niya naisara nang maayos ang pintuan kaya may taong nakapasok doon nang hindi niya nararamdaman?
Sino ka?! Anong gagawin mo sa 'kin?, sunod-sunod niyang tanong sa kanyang isipan kasabay nang pagkahilo niya dahil sa bigla nitong itinurok sa kanyang leeg. Nawalan na rin ng saysay ang pagpupumiglas niya mula sa taong iyon kaya mabilis siyang napaupo nito sa toilet bowl at mahigpit pang hinawakan ang kanyang magkabilang balikat.
Maawa ka sa 'kin. 'Wag mo 'kong papatayin, giit niya nang bahagya niyang makita ang mukha nito, na natatakpan lamang ng hood na bahagi ng suot nitong itim na jacket.
"Hindi kita gaanong sasaktan kung susundin mo ang gusto ko," bulong pa nito sa kanyang kaliwang tainga bago siya tuluyang nawalan ng malay.
Muling iminulat ng taong iyon ang mga mata ni Heriel gamit ang mga daliri nitong nababalutan ng isang manipis na puting guwantes. Napangisi pa ito nang matitigang mabuti ang kakaibang mga mata ng kanyang bagong biktima. Ang iris ng mga mata nito ay kulay abo na mayroong asul na bahagi sa pinakagitna niyon.
"Akin na ang mga matang 'to, Heriel," aniya habang unti-unting dinudukot ang mga iyon. "Ito ang aking ikalabing-apat na koleksiyon."
Walang kahirap-hirap niyang nakuha ang kanyang pinakaaasam dahil sa tuluyang pagkamatay ng binatilyo. Ilang saglit pa ay hawak na niya ang isang glass tube na naglalaman ng mga mata ni Heriel Rosales.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro