"Binibigyan namin kayo ng layang makauwi sa inyu-inyong mga tahanan simula bukas sa loob ng isang linggo. Magpahinga kayo ng maigi upang pagbalik ninyo ay maging handa kayo sa anumang posibleng iaanunsyo." Iyon ang bungad ng Punong Tagapamahala ng Paligsahan.
Kasalukuyan silang nasa bulwagan ng Palasyo kung saan sila tinipon para sa anunsiyo ngang iyon. Nang matapos ang ilang bilin at mga paalala, hinayaan naman silang makapaglibot sa buong compound ng Palasyo.
Ngunit mas pinili ni Audrey na manatili nalang muna sa kuwarto nila ng mga sandaling iyon. Lora sat on her designated bed.
"Kanina ka pa tahimik. Hindi ka ba masaya na malapit nang matapos ang paligsahan at binigyan pa tayo ng layang makauwi sa atin?" tanong nito sa kaniya.
Napabuntong-hininga siya at paupong humarap kay Lora. "Nabanggit sa akin ni Ministro Dan na kinausap niya ang papa mo para pilitin kang sumali sa paligsahan, sabi mo pumayag ka dahil sa akin. Hindi ko lang maintindihan dahil hindi naman tayo personal na magkakilala. At naisip ko rin ang rules, if ever makuha ka, paano si Manex?"
Sandali siya nitong pinakatinitigan bago ngumiti. "Pumayag ako dahil ikaw si Audrey Angeles. Ikaw ang nakasaad sa prope---"
"Seryoso ako, Lora." Napairap siya. Naiirita talaga siyang marinig ang propesiya na yan.
Napabuntong-hininga si Lora. "Seryoso rin naman ako e."
"Tigilan mo kasi ang kakadahilan ng propesiya."
"Ang propesiya ang halos pinaniniwalaan ng mga taga-Filipos, Audrey. Mahalaga iyon sa Hari. Naniniwala kasi ang karamihan sa magandang maidudulot kapag natupad ang nakasaad sa propesiya. Alam ng Ministro na hindi ka naniniwala roon. Ganoon din ang Hari at ang Prinsipe. Pero paano naman ang mamamayan?"
"Pero hindi totoo ang propesiya."
"Para sa iyo. Pero paano sa mga maralitang umaasa roon? Iyon ang hindi puwedeng balewalain ng Hari at Prinsipe." Hinawakan siya nito sa kamay. "Kaya rin ako pumayag ay dahil alam kong hindi ka kagaya ng iba, Audrey. Hindi ka masisilaw sa kapangyarihan at posisyon. Alam kong magiging patas ka sa lahat. Habang tumatagal ay nakikilala rin kita, at lalo kong napapatunayang hindi ako nagkamali ng pasya."
Hindi ka siya nakaimik. Lora has always been that good to her. At hindi niya ito makakalimutan.
"May mga taong pipilitin kang hatakin pababa, Audrey. Lalo na kapag nasa posisyon ka na. You have to be strong."
"Do I really deserve to be here?" She asked more on herself.
"Stop questioning, Audrey. Hindi ka tutulungan ng Prinsipe kung alam niyang hindi ka karapat-dapat."
***
"Mukhang ang Inang Reyna at ang Reyna Lucia ang pipili ng anim na babae mula sa paligsahan," ani Ace kay Prinsipe Rhys.
Nasa labas sila ng palasyo ng mga sandaling iyon. Kinailangan nilang lumabas kasama ang iba pang iskolar ng bayan. Mayroon silang leksiyon na kailangang ganapin sa labas ng Palasyo.
"Malaki ang tiwala ko sa Inang Reyna," sagot naman ni Rhys.
Kahit siya ay sumasakit na rin ang ulo sa nagaganap na paligsahan. Hindi lamang niya maintindihan kung bakit kailangan pang idaan sa paligsahan ang pagpili ng kaniyang mapapangasawa.
"Sigurado na si Francine sa puwesto niya," ani muli ni Ace.
"Kayang-kaya siya ni Audrey," sagot naman niya.
Audrey Angeles. She was the girl that the damned prophecy had mentioned. Akala niya'y kagaya lamang ito ng ibang kababaihan na nahuhumaling sa mga kaibigan niyang iskolar. Akala niya kagaya ito sa iba na nag-aasam lang ng pwesto kaya sumali sa paligsahan. But the girl proved him wrong. Sa mga sandaling nasubaybayan niya ito sa paligsahan, napagtanto rin niyang wala nang ibang karapat-dapat maliban dito. Kaya nga kahit hindi ito gaanong magaling sa pagluluto, pinili niya pa rin ang luto nito.
"Sigurado ka na ba kay Audrey? Alam natin ang kayang gawin ni Francine at ng pamilya niya," may pag-aalalang saad ni Ace kaya napatingin siya sa kaibigan.
"May gusto ka ba sa kaniya?" Deretsa niyang tanong dito na ikinabigla naman nito.
"Huh? Wala po, mahal na prinsipe. Hindi ko po maaatim na magkagusto sa babaing nagugustuhan ninyo," magalang niyong sambit sa kaniya at napayuko.
Kunot noo niya itong tiningnan. "Bakit parang nagulat ka?" Tatawa sana siya nang maalala ang iba pang sinabi nito. "Sino'ng babaing nagugustuhan ko? Si Audrey?" Marahan siyang natawa. "Huwag ako, iba nalang."
Ngumiti naman si Ace. "Ah. Si Art nga pala 'yon," makahulugan nitong sagot.
Hindi nalang iyon pinansin ni Rhys. "Oo nga pala, mauna ka na sa lokasyon ng sunod nating pupuntahan. Magbibihis lang ako."
Tumango naman si Ace saka nagpaalam na. Nasa lokasyon na raw sina Manex ayon dito. Susunod na lamang siya roon. Kailangan niyang magbihis dahil hindi puwedeng may makakilala sa kaniya na siya ang Prinsipe.
Magulo na sa lugar na kanilang pinuntahan. Kaagad hinanap ni Art ang mga kaibigan. Nauna kasi ang mga ito roon dahil mayroon pa siyang kailangang gawin. Kaagad siyang naupo sa tabi ng mga ito. Naisipan kasi ng kanilang guro na sa labas ng Palasyo magturo ng araw na iyon. Mas produktibo kasing pag-aralan ang Pilosopiya kapag nasa labas ka at nagmamasid sa kapaligiran. Ngunit dahil wala pa ang kanilang guro, maingay ang iba pang mga iskolar.
Pumuwesto sa harap si Hugo, ang pinakamaingay sa kanila na laging pasimuno ng mga kalokohan.
"Narinig n'yo na ba ang balita?" tanong nito na kaagad pumukaw sa atensiyon ng lahat. "Nasa klase natin ngayon ang mahal na prinsipe."
Nagkatinginan silang apat sa narinig, habang ang iba'y kani-kaniya na ng bulungan. Mayroong namangha. May nagtatanong kung sino. At mayroong dedma lang.
"Saan mo nabalitaan?"
"Sigurado ba 'yan?"
Ikinumpas ni Hugo ang dalawang kamay upang matigil ang komosyon.
"Isa-isa lang. Walang nakakakilala sa atin sa Prinsipe. Kaya sigurado akong isa siya sa atin. Isa sa iyon," anito.
"Kalokohan 'yan, Hugo. Bakit sasama sa pag-aaral natin ang Prinsipe e, mayroon itong sariling guro at sariling silid-aralan sa palasyo? Puro ka kalokohan," sagot naman ng isang lalaki.
Lumapit si Hugo kina Art. "Kayo, kilala n'yo ang Prinsipe?" pabulong na tanong nito.
Magkakasabay na umiling ang apat.
Bumagsak naman ang balikat ni Hugo. "Sino kaya siya?"
"Bakit gusto mong makilala ang Prinsipe?" Hindi mapigilang tanong ni Manex na umani ng masamang tingin mula kay Art. Nagkibit-balikat lang siya.
"Gusto ko siyang tanungin kung ano'ng pakiramdam ng pagiging Prinsipe. Habang ang kaniyang nasasakupan ay naghihikahos sa buhay. Gusto ko siyang tanungin kung ano ang pakiramdam kapag nakakakain siya ng sapat na pagkain at madalas ay marami pang natitira habang ang kaniyang nasasakupan ay nagugutom."
Hindi sila nakaimik. Si Art ay mataman lamang na tiningnan si Hugo. Si Ace ang unang sumagot.
"Siguradong alam ng Prinsipe ang kalagayan ng mamamayan."
"Gaano ka kasigurado?" tanong naman ng isa. "Habang ang karamihan ay kumakayod para sa kanilang buhay, siya naman ay masarap ang buhay habang hinihintay na matapos ang kumpetesiyon ng kaniyang mga babae." Tumawa ito ng sarkastiko.
Naikuyom ni Art ang kaniyang kamay. Napansin naman iyon ni Jonas kaya marahan siya nitong tinapik.
"Hindi mo rin naman alam kung ano ang pinagdaraanan at ano ang ginagawa ng Prinsipe ngayon, tigilan n'yo nalang ang panghuhusga sa kaniya. Hindi porke Prinsipe siya ay puro pasarap lang ang ginagawa niya," pagtatanggol ni Jonas sa Prinsipe.
"Talaga ba? Bakit? Ano na ba ang nagawa niya sa lipunan?" tanong naman ng isa pa.
Marahas na tumayo si Art sa gitna ng usapan. Lahat ng mga mata sa loob ng silid na iyon ay nakatutok sa kaniya.
"Masyado na kayong natutuwa na pag-usapan ang Prinsipe dahil siguro wala siya rito. Kung mayroon kayong isyu tungkol sa kaniya, bakit hindi ninyo subukang puntahan siya sa Palasyo at sa kaniya ninyo mismo sabihin lahat ng hinaing ninyo. Huwag lang sana ninyong kalilimutan na ang Palasyo at ang Gobyerno ng Filipos ang tumutustos sa pag-aaral ninyo."
Walang umimik sa tinuran niya. Naghintay pa siya ng ilang sandali dahil baka may sumagot pa sa sinabi niya. Tiningnan niya rin si Hugo na ngayo'y nakayuko na. Nang masigurong wala nang sasagot ay nilisan niya na ang lugar. Naiirita siyang manatili sa lugar na puro ipokrito ang mga nandodoon.
Palabas na siya ng bahay na iyon nang makasalubong niya ang guro nila ng araw na iyon. Mataman lamang itong nakatingin sa kaniya. Saka siya nito sinabihang sumunod sa kaniya.
Dinala siya nito sa likod-bahay may ilang metro mula sa bahay nito. May isang palapag na may bubungang tila pahingahan ang kanilang inakyat. Mula sa taas nito'y tanaw ang malawak na siyudad ng Burnett.
"Alam kong alam mong hindi mo dapat sinabi iyon sa mga mag-aaral, Art," anito.
"Alam ko ring alam ninyo ang pinaghuhugutan ko nang sabihin ko iyon," tugon naman niya.
Tumango ito. "Alam kong nahuhusgahan ang Prinsipe dahil sa kalagayan ng bayan natin. Mas yumayaman ang mga mayayaman habang lalong naghihirap ang mga mahihirap. Walang nakakakilala sa Prinsipe. Walang nakakaalam sa mga kabutihang ginagawa niya. Siguro naman ay naiintindihan mo rin sila."
Hindi siya kumibo. Alam naman niya iyon. Subalit, hindi lang niya natatagalan ang mga sinasabi ng mga ito.
"Art, ang Burnett City ay isa lamang bahagi ng Filipos. Hindi ito ang kabuuang tanawin ng Filipos. Mayroon pang mas makulay na bahagi ng ating bansa, at mayroon ding madilim na bahagi. Hindi lahat ng tao'y nakikita ang magandang tanawin ng Burnett. At hindi rin lahat ng nakakakita ng makulay na Burnett ay nakikita ang madilim na tanawin ng ibang bayan. Gaya ng mamamayan ng Filipos. Hindi lahat nakikita at nakikilala ka. At hindi lahat ng iyong nakikita ay iyon na."
Hinawakan siya nito sa balikat saka marahang tinapik.
"Darating ang panahong makikita mo ang parehong tanawin. Sana ay maging patas ka sa anumang iyong magiging pananaw, Art."
***
"Ang daya mo! Hindi mo sinabing kasali ka sa pageant!" bungad ni Divine sa kaniya nang magkita sila nito sa isang restaurant sa Burnett City.
"Ssshh. Huwag kang maingay," bulong niya kasabay nang paghampas niya sa kamay nito. Binilin din kasi sa kanilang hindi puwedeng ipagsabi ang mga naranasan nila sa Palasyo.
"Fine. So, ano na? Nakakapasa ka naman ba? Hindi naman siguro fill in the blanks, indentification at enumeration ang exams doon. Kasi umabot ka ng final round e." Natatawang sabi nito na ikinairap niya. Alaskadora talaga.
"Hindi naman. May mga ilang physical activities. At excuse me, nakasagot ako sa logical quiz at mind teasers!" Pagmamalaki niya.
"Susko. Naalala ko noong nag-aaral pa tayo. Puro ka pasang-awa, bes. Dos kasi nag-aral ka naman daw." Tawa ito nang tawa.
"Kaibigan ka talaga tunay e no?" sarkastiko niyang saad. Ngunit natutuwa naman siya dahil nagkita sila ulit ni Divine.
"Oo naman. Nakasave lahat ng memories natin," sagot naman nito. Umirap lang siya. Alam kasi niyang puro kalokohan ang naiisip nito.
Napatigil lang sila ng kulitan nang matanaw niya ang pamilyar na grupong pumasok sa naturang restaurant. Napairap siya nang magtagpo ang kanilang mga mata. Akala naman niya kung anong importanteng gagawin ni Art sa labas ng Palasyo. Iyon pala ay maggagala lang ito rito. Kung makapagpaalam akala mo nangibang-bansa na.
"Hi Audrey!" bati sa kaniya ni Jonas. Ngumiti siya rito.
"Si Manex? " tanong niya rito.
"Nasa jowa niya," sagot naman ni Jonas saka bumaling kay Divine. "Hi!"
Tumingin lang sa kaniya ang kaibigan.
"Ah. Naalala mo iyong kumain tayo dati? Sila iyong tumakbo tapos naitakbo rin tayo," paalala niya rito.
"Ay, oo. Iyong nakitakbo ka sa kanila." Natatawang saad nito na nakipagkamay kaagad kay Jonas.
Umirap siya rito at dumako ang tingin niya sa seryosong si Art. Napakalayo na talaga nito sa Art na nakilala niya noon.
"Pinalabas pala kayo," bati sa kaniya ni Ace.
"Oo. Break." Tipid niyang sagot na sinundan ng tingin ang tumalikod na si Art. Naupo ito sa isang bakanteng mesa na kaagad nilapitan ng waiter.
"Art, dito na tayo. May chics na nga dito, gusto mo pang mag-isa," ani Jonas sa malakas na boses. Pinagtitinginan tuloy sila.
Nagkataon kasing nasa family size table sila ni Divine dahil wala nang bakanteng pang-dalawahan. Kaya naupo sa tabi ni Divine sina Ace at Jonas. Masamang tingin lang ang ibinigay ni Art kay Jonas na wala na ngang nagawa kundi lumipat at maupo sa tabi niya. Para balanse?
Madaling nakapalagayang loob ni Divine si Ace lalo na si Jonas. Habang sila ni Art, sa hindi niya malamang dahilan, bigla nalang nagkailangan.