DI MAIWASAN ANG MAY MAKABANGGAAN ang koponan ni Mateo sa pinapasukang paaralan dahil sa larong football. Sikat at maraming tagahanga sa paaralan si Mateo dahil sa galing nito bilang varsity player. Ayaw na ayaw ng kaniyang papa ang pagsali niya sa sports. Ang gusto nito ay mag focus siya sa pag-aaral.
Tanging ang kaniyang nakatatandang kapatid, si Kaye, ang buo ang suporta sa kaniyang hilig sa paglalaro. Si Ate Kaye ay ulirang estudyante tulad na rin ng dikta ng kanilang ama. Honor student ito kada-taon kung kaya ito rin ang napipisil ng kanilang ama na maging tagapagtaguyod ng Vera Industries, ang kumpanya na pag-aari ng kanilang pamilya.
Semi-finals game ng kanilang torneo nang magkainitan ang isang laban ng mga manlalaro na may mainit pang palitan ng mga salita at halos maging pisikal na mag-away kaya minarapat ng mga opisyales na itigil na ang laro. Pauwi na ang magkapatid nang harangin ang mga ito ng ilang estudyante ng kalabang koponan. Wala nang masyadong tao sa oras na iyon nang tinatahak ng magkapatid ang daan patungo sa kanilang sasakyan kung saan naghihintay ang kanilang mama.
Sa mabilis na pangyayari ay hindi napansin ni Mateo ang paghataw ng baseball bat na ikinatumba nito at ipinanlabo ng paningin. Naramdaman na lang niya ang malamig na bakal na nakatutok sa kaniyang ulo na mabilis na natukoy ni Mateo na isang baril. Kasunod ang malakas na pagsigaw ng kaniyang kapatid ng saklolo ay narinig niya ang isang putok.
Tanging mga yabag ng patalilis na mga kabataan ang kaniyang sunod na narinig. Nanunumbalik ang kaniyang paningin nang makita ang mukha nang ina at ang tila malayong boses nito na umiiyak at sumisigaw. She was shocked and near-death pale. Isang mukha ang tumabing dito. Ang tila dahan-dahang pagtumba ng kaniyang ate na tila isang madilim na bangungot. Kasunod ng pagbagsak nito nang walang buhay at duguan. Sa paglisan ng natitirang lakas ay pinipilit ni Mateo na abutin ang kaniyang ate. Sa bawat paglapit ng kaniyang pag-abot dito ay parang lalo itong lumalayo at hindi niya mahawakan. Maging ang malakas na sigaw ng kaniyang mama ay tila lalong humihina. Lumalayo.
"Ate Kaye..." At doon na tuluyang nagdilim ang lahat.