Mabuti na lang talaga at walang ibang nakapansin sa nangyari. Muntikan nang tumalon ang puso ko dahil sa kaba kanina. Swerte nga sigurong maituturing at hanggang ngayon ay buo pa ang dignidad ko na tiyak na malalagay sa delikadong sitwasyon oras na may makapansin sa namagitan sa amin ni Yudz. "Bakit hindi ka umiinom?" Nabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ko ang boses ni Yudz na nagtanong mula sa likuran ko. Hindi na ako nag-abalang lingunin pa siya. Pinanatili ko ang buong atensiyon sa nagkatuwaang mga kasama namin na nagsimula nang magsayawan. Nandito kami sa tabing dagat at kasalukuyang nag-iinuman iyong iba maliban sa triplets na nakikipulutan lang. "Wala ako sa mood," pagdadahilan ko pero ang totoo ay ayoko na muling maulit iyong nangyari no'ng gabing nalasing ako. "Himala,"

