"Pwede ba! Magdahan-dahan ka! Kung gusto mong magpakatigok, 'wag mo 'kong idamay!"
Pasigaw kong reklamo sa kanya dahil pakiramdam ko ay gusto na niyang paliparin ang motor sa bilis nang takbo. Mukhang nagka-amnesia yata siya saglit dahil nakalimutan na yata niyang angkas niya ako. Ang sarap sapukin ng ulo para matauhan.
Pero imbes na sundin ako o mag-dahan-dahan man lang ay tumawa lang ang bwesit at lalo pang binilisan ang pagpapatakbo.
Kaya kahit labag man sa kaloob-looban kong yumakap sa kanya ay napilitan na lang akong yumapos nang mahigpit, mahirap na at baka lumipad na rin ako.
"Yumakap ka lang kasi, 'wag kang pabebe!"
Sigaw niya pa na agad kumulo ang dugo ko. At bago pa ako makasagot, muli na naman siyang bumanat.
"Kunwari ka pa! Gustong-gusto mo namang dumikit sa akin. Nahihiya ka lang. Pangarap mo 'yan, 'di ba?
Kaya heto na ang pagkakataon mo, magpakasawa ka na habang wala ka pang kaagaw dahil mamaya, hanggang tingin ka na lang ulit!"
Mayabang niya pang dagdag na may kasamang halakhak na mas lalong kumulo ang dugo ko sa inis.
"Leche! Hindi ako nag-pabebe! At mas lalong hindi ko pinangarap ang yumakap sayo! Kaya huwag kang assuming dahil kahit bangungutin pa ako, hindi ko gusto ang mapadikit sayo! Feelingero!"
Gigil na gigil kong tugon sa kanya at pakiramdam ko ay sasabog na ang dibdib ko sa sobrang pagkabwesit sa kanya. Sana pala hindi na ako umangkas sa feelingerong 'to!
"Baka tamaan ka ng kidlat sa mga pinagsasabi mo! Dahil kahit ikaw na lang ang natitirang lalake sa mundo, hinding-hindi ako magkakagusto sayo! Never!" Dugtong ko dahil hindi ko kayang tanggapin ang mga naririnig ko sa kanya.
Natahimik siya bigla nang sabihin ko 'yon. Pero halos kilabutan at malula naman ako dahil binilisan niya pa lalo ang pagpapatakbo.
Kaya ilang minuto lang ay kita ko na ang gate ng bahay namin sa sobrang bilis nang pagpapatakbo niya.
Ano, napikon sa sinabi ko? Buti nga sayo feelingero kasi! Masyadong mahangin sa buhay, e mali-mali naman! As if naman, type ko siya! Tse!
Pagkahinto niya sa motor ay bumaba kaagad ako at walang pasalamat na pumasok sa gate namin. At ang ulan na pasaway, ay huminto na rin. Nakakainis dahil talagang basang-basa na ako. Kaya malamang pati gamit ko ay basa na rin ito sa loob ng bag.
"Salamat, ha!"
Narinig ko pang sigaw niya pero hindi ako lumingon dahil wala akong balak na magpasalamat at intindihin siya. Pinakulo niya ang dugo ko kaya dumiretso lang ako papasok sa gate at tumuloy sa loob ng bahay.
"Oh, anong nangyari sayo?"
Kunot ang noong bungad agad sa akin ni Kuya pagkapasok ko pa lang sa loob ng bahay. Hindi ako kumibo at nakabusangot lang akong tumingin sa kanya. Pero napansin kong tumagos ang tingin niya sa aking likuran kaya tahimik ko lang siyang nilagpasan dahil alam ko na agad kung sino ang nakita niya, walang iba kundi ang bwesit na babaero at feelingerong si JD. Na tropa niya pala, muntik ko nang makalimutan.
Talagang pumasok pa ang bwesit! Bakit kaya hindi na lang siya umuwi sa kanila? Basa siya at wala naman siyang damit dito. 'Wag niyang sabihing manghihiram siya kay Kuya? Hindi ko talaga lalabhan ang damit na 'yun kapag nakita kong suot niya. Pabubulukin ko 'yun sa labahan.
"Oh, pati ikaw, basa rin? Teka! Magkasama ba kayo?" rinig ko pang tanong ni Kuya sa feelingero.
"Nadaanan ko, e. Kaya sinabay ko na. Kawawa naman baka walang magpapasakay sa kanya dahil basang-basa siya."
Wow, ha?! Nadaanan talaga? Leche! Napakasinungaling talaga ng feelingero na 'to. Pumikit ako at huminga nang malalim para pakalmahin ko ang sarili para huwag na siyang intindihin pa. Pero hindi ko kaya. Hindi ko kayang palagpasin ang kasinungalingan ng bwesitang feelingero na 'to.
Gustuhin ko man na pumasok na lang, pero kumukulo na naman ang dugo ko. At hindi ako papayag na hahayaan ko na lang siya na maging bida o real gentleman kuno sa Kuya ko.
Kaya nagbuga muna ako ng hangin bago marahas na lumingon sa kanila dahil gusto ko siyang
saksakin ng talim ng mga mata ko. Masyadong pabida, samantalang siya naman ang may kasalanan kung bakit basang-basa ako ngayon.
Ngunit lalo lang akong nabwesit nang magtagpo ang tingin namin at sa gulat ko, kumindat pa talaga siya sa akin na may malokong ngiti. Kaya imbes na talim, inirapan ko na lang siya nang bigla siyang naging gwapo sa paningin ko.
Leche! Hindi siya gwapo. Nahihilo lang ako sa gutom kaya naduling lang ako nang tumitig ako sa mukha niya.
Naisip kong pumasok na lang sa loob ng kwarto at hayaan na lang siyang maghasik ng kasinungalingan kay Kuya. Baka kasi masisira pa lalo ang mood ko ngayon at hindi ko pa mapuntahan si Jamaila sa kanila. Saka sayang lang ang oras ko sa kanya kung itatama ko pa ang pabida-bida niya.
Nilapag ko agad ang bag at nilabas ko ang lahat ng laman. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang, gilid lang ang nabasa ng mga ito. Kaya binuksan ko ang electricfan para pahanginan at nang matuyo. Nang maayos ko sa paglapag sa kama ay pumasok agad ako sa banyo para maligo. Mahirap na at baka magkasakit ako.
Saglit lang akong naligo at lumabas agad ako dahil kumulo naman bigla ang tiyan ko. Kailangan ko na talagang kumain dahil ramdam ko na ang panginginig ng laman ako.
Matapos kong magbihis, lumabas kaagad ako ng kwarto at nagtungo sa kusina. Naisip kong magkape at mag-sandwich na lang muna dahil magluluto pa lang ako ng pagkain namin para sa hapunan. Hindi kasi kami nagluluto sa umaga dahil dalawa lang kami ni Kuya. Tapos hindi naman siya kumakain dito kaya masasayang lang ang pagkain. At ako naman ay sa canteen na rin nakain dahil baka ma-late ako. Tinapay at kape lang ang kinakain ko bago pumasok sa school. Kaya iyon lang din ang marami kami sa ref dahil iyon lang ang kinakain ko.
Nagtimpla agad ako ng kape bago kumuha ng tinapay at pinalamanan ito ng chicken spread.
"Wala man lang ba akong kape bilang kabayaran sa pagsundo ko sayo? Nilalamig din kaya ako at gusto ko nang kape."
Napatigil ako sa balak kong pagkagat sa tinapay nang marinig ko iyon. Nakatalikod kasi ako sa pintuan kaya hindi ko siya nakikita. Pero kahit hindi ko naman siya titingnan ay kilala ko na agad base pa lang sa boses niya at sa mga pangunsensya niyang sinasabi.
"Edi, magtimpla ka," mataray kong tugon na hindi ko pa rin siya nilingon.
Wala akong narinig na sagot ngunit nanigas ako sa kinatatayuan ko nang maramdaman ko siya sa aking likuran.
"Pero gusto ko, ikaw ang magtimpla ng kape para sa akin, Claire." anas niya pa sa akin sa malalim at paos na boses.
Pakiramdam ko ay nagtayuan at mag-isang linya ang balahibo ko nang marinig ko iyon sa likod ng aking tainga. Ramdam ko pa ang mainit na singaw ng kanyang katawan sa likuran ko kaya mabilis akong lumayo at humarap sa kanya.
"Kailangan bang dumikit sa likuran ko!" singhal ko sa kanya at tinaliman ko siya nang tingin.
Pero hindi ko rin maintindihan ang sarili nang kakaibang kaba ang sumalakay sa akin ngayon. Lalo't naging gwapo na naman siya sa paningin ko dahil bagong paligo rin siya at talagang nakahubad pa. Leche! Ano, pamamahay lang?
Kainis dahil ayoko sa kabang nararamdaman ko pero wala akong magawa dahil iyon na nga ang umatake sa katawan ko ngayon.
Kaya para hindi halatang apektado ako ngayon, pinanliitan ko siya nang tingin para malaman niya badtrip na ako kanina pa.
Ngunit sa halip na magulat ay tumawa lang ang bwesit na mukhang namangha pa sa ginawa kong paglayo at pagsimangot ng bongga sa kanya. Nakuha niya pang magpaikot ng dila sa harapan ko na para bang inaakit niya ako.
Ramdam ko agad ang pag-init ng pisngi ko nang hindi ko rin kayang balewalain ang dila niya! Leche! Bakit kasi napatingin pa ako doon. Umiwas ako pero naudlot na naman nang makita kong lumikot ang mga mata niya sa katawan ko.
Pinasadahan na naman niya ako mula ulo hanggang paa at gaya nang madalas niyang ginagawa, sa dibdib at hita ko na naman siya nagtatagal. Bwesit, ang manyak talaga ng babaerong feelingero na 'to! Nakakainis dahil naka-short at sando pa naman ako kapag dito lang sa loob ng bahay. Noong una ay kaya kong balewalain ang mga paninitig niya pero ngayon bakit parang sobrang apektado ko na? Nakakailang na talaga.
At sa hindi rin maipaliwanag ay lumakas ang kabog ng dibdib ko dahil sa ginawa niya. Pakiramdam ko ay tahimik na naman niya akong minamanyak. O, baka ang tindi na ng mga iniisip niya.
Kaya naisip kong lumabas na lang muna sa kusina at baka hindi ako makapagtimpi ay tusukin ko ng tinidor ang mga mata niya para matigil siya sa kanyang ginagawa.
"Bwesit." Mahina kong bulong at nilagpasan siya palabas ng kusina.
Ayokong nasa iisang lugar lang kami dahil hindi maganda sa pakiramdam. At baka kung anu-ano pa ang masasamang naiisip ko sa kanya kapag tinitigan niya ako nang gano'n.
Ngunit nang hindi pa ako tuluyang makalabas sa kusina ay isang matunog na tawa ang naririnig ko sa kanya kaya tumindi pa ang init ng ulo ko. Kaysa pansinin pa siya ay nagbuntong hininga na lang ako at padabog na dumiretso sa sala. Hangga't maaari ay iiwasan ko siya at baka mapansin na naman ako ni Kuya nang dahil lang sa kanya. Hangga't kaya kong umiwas sa kanya ay gagawin ko para lang hindi masira ang mood ko.
"Kuya, anong gusto mong ulam?" tanong ko pagkatapos kong malunok ang huling nginuya ko.
Saglit siyang napatigil sa pagtawa sa kung sino mang babaeng kalandian niya sa kanyang cellphone. Tumingin siya sa akin at tila nag-iisip pa.
"Adobo?" tugon niya na patanong.
"Baboy o manok?"
"Ahmm…baboy na lang siguro."
"Okay."
Tumalikod agad ako pero muntik na akong bumangga sa bwesit na si Jhondale dahil nasa likuran ko na naman siya pumwesto!
"Bakit ba laging nasa likuran kita?!"
Hindi ko na mapigilang sita sa kanya kaya sa inis ko at wala akong pakialam kung makita kami ni Kuya. Nakakabwisit na 'to, eh! Sumusobra na. Parang gusto pa yata akong isama sa mga collection niyang babae.
Nakita kong natigilan naman siya nang makita akong hindi na ako natutuwa.
"I'm sorry. Hindi kita nakita dahil nakayuko ako."
Hingi niya ng paumanhin at tila nahalata niyang wala na talaga ako sa mood dahil titig na titig siya sa akin.
"Claire." tawag-pansin sa akin ni Kuya pero alam ko na ang ibig sabihin niyon.
Kaya masama ko na lang siyang tinitigan at walang salitang bumalik ako sa kusina. Pero parang gusto ko na talagang magwala nang makitang ubos na ang kapeng tinimpla ko. At ang sarap talagang balikan para dakdakan siya ng isang oras.
Lord, habaan niyo pa po ang pasensya ko, please? Tama na po. Huwag niyo na pong isagad at baka sasabog na talaga ako sa araw na ito.
"I'm sorry, ipagtimpla na lang kita ng kape. Ang sarap kasi ng timpla mo." biglang rinig ko na naman kaya marahas akong lumingon sa kanya.
"Huwag na." matigas kong tugon at pigil ko ang sariling 'wag magalit sa kanya.
"Sorry. Parang timpla kasi ni Mom ang kape mo kaya naubos ko." Dugtong niya pa na sinamaan ko lang siya nang tingin.
Halata naman kasing nagpapalusot lang. Talagang sinadya niyang inumin ang kape ko para bwesitin ako! Iyon ang totoo.
"Huwag na. Ayoko ng magkape." Malamig kong tugon at muli ko siyang nilayasan para pumasok sa loob ng kwarto.
Gusto ko munang pahupain ang sarili ko dahil konti na lang ay sasabog na talaga ako. Bumilang ako ng limang minuto bago muling bumalik sa kusina para magluto.
Nilabas ko agad ang lahat para sa pagluluto at isa-isa itong hiniwa pagkatapos hugasan.
Ilang sandali pa ay nag-umpisa na rin magluto. Mahilig akong magluto dati pa kaya madali na lang sa akin ang lahat. Mabilis ang kilos ko kaya ilang minuto lang din ay pwede ng tikman ang adobong niluto ko. Bihira kasi akong tumikim dahil nakakabusog iyon. Kaya sa huli na ako titikim kapag naluluto na.
Kumuha agad ako ng kutsara at tinikman ko lang ang adobo. Pero nang isubo ko na ito ay bigla na lang may humawak sa aking kamay para pigilin ito, at bago ko pa makita kung sino siya, naisubo na niya ss kanyang bibig ang nasa kutsarang hawak ko.
"Wow! Ang sarap…" Nakapikit niya pang komento matapos niyang nguyain at lunukin ito.
Pero ako? Heto na naman at naiinis naman sa kanyang ginawa. At wala akong pakialam kung maganda ang komento niya sa niluto ko.
"Hindi ko akalain na masarap ka rin pa lang magluto ng adobo. Pareho talaga kayo ni Mommy pagdating sa kusina. At nakuha mo rin ang timpla niya sa adobo." dagdag niya pa na may kasamang manyak na tingin.
Kaya sa halip na pakinggan pa siya ay inirapan ko lang siya at tahimik ko lang niligpit ang kalat ko saka naghugas na rin. Pupuntahan ko pa kasi Jamaila dahil nangako ako kay Romnick na kakausapin ko si Jamaila para sa kanya. Hanggang sa matapos ako ay hindi ko siya nilingon para maramdaman niyang hindi ako initeresado sa kanya. Hindi ko siya type. Period.
"At alam mo ba, nang dahil sa adobo ay laging minamahal ni Dad si Mom tuwing gabi?"
Gano'n na lang ang pag-init ng pisngi ko nang marinig ko 'yun kaya marahas ko na siyang nilingon. At muli na naman naging abnormal sa pagtibOk ang puso ko dahil naka-cross arms pa talaga siyang nakasandal sa may hamba ng pintuan habang pinagmamasdan ako na sa tingin ko ay busog na busog na ang mga mata niya sa kakatingin sa akin.
"Leche! Puro ka kamanyakan."
Asar kong bigkas sa kanya, at sa ikatlong pagkakataon, bastos ko na naman siyang nilayasan para pumasok sa kwarto at magpalit ng damit bago pupunta sa bahay nila Jamaila.