12 JS Prom

2208 Words
Dahil mag-isa lang siya at walang kapartner, ama na lang niya ang naghatid sa kanya sa Emerald Villa. Pagdating niya sa event ay nakita nila ang mga magagarang sasakyan na nakapila sa entrance ng villa. Isa-isang bumababa ang mga estudyanteng babae habang alalay ng kani-kanilang mga escort. "Anak, pasensya na at jeep lang ang gamit natin panghatid sa iyo." Bakas sa tono nito ang lungkot habang nakatingin sa magagandang sedan sa harapan nila. "Itay naman... Mas maganda ang sasakyan natin. Ang presko kaya dito, open air." Pagbibiro niya sa ama. Napatawa naman niya ito at agad nawala ang lungkot. "Alam mo 'tay kung bakit memorable ang JS Prom ko?" Patuloy niya. "Bakit?" "E kasi kayo ang naghatid sa akin." Nangilid ang mga luha nito sa sinabi niya. "Salamat anak." Pinunasan nito ang mga mata ng maliit na tuwalya na nasa balikat nito. Kahit nakabarong tagalog ay nakasabit pa rin sa ama ang nakasanayan na face towel sa balikat. "O, tayo na anak ang susunod. Wag ka munang bababa hintayin mo ako sa kabila." "Sige po 'tay." Huminto ang jeep nila sa tapat ng villa. Agaw pansin ang sasakyan nila. Nakita niya ang mga mapanuring bulungan ng mga tao sa paligid pero wala siyang pakialam. Para sa kanya ito ang pinakamasayang araw ng buhay niya at walang sinuman ang makakasira nito kahit si Mark. Inalalayan siya ng ama sa pagbaba niya mula sa jeep. Medyo mataas ang upuan ng jeep nila at makipot ang tapakan pababa kaya nahirapan siyang itapak ang kanyang stilleto kaya medyo napatalon siya. Buti na lang nandun ang ama niya para saluhin siya. "O, dahan-dahan, anak." Sabi nito habang hawak-hawak ang kanyang kamay. "Salamat po 'tay." Nakatulong ang agaw-pansin nilang jeepney dahil lahat ng tao ay nakatingin sa kanila. Sa pagbaba niya ay napalitan ng paghanga ang panghuhusga ng marami. Marami ang natulala sa ganda niya. Ang mga mapanuring bulungan ay napalitan ng bulong ng paghanga. Lalong tumingkad ang morena niyang kuntis sa makintab na kulay ng kaniyang gown. Nagraradiate ang confidence niya sa tindig niyang parang Miss Universe. Simple lang ang make-up niya kaya lutang na lutang ang natural niyang kagandahan. Sa paglakad niya sa loob ng event ay napahinto ang lahat sa mga ginagawa at napatingin sa kanya. "Ladies and Gentlemen," pag-announce ng kanilang host. "I am your host Zander Regala and welcome to St. Martin and St. Rafael's Junior and Senior Prom!" Iginala niya ang kanyang mga mata para hanapin ang taong gusto niyang pangilagan. Gusto niyang mahanap kaagad ito dahil balak niyang iwasan ito kaagad kung saan ito nakapwesto. "Ako ba ang hinahanap mo?" Sabi ng isang boses na nasa likuran niya. Bahagya siyang napatalon sa pagkagulat. Kahit di niya ito tignan sa likod ay alam na alam niya kung sino ang nagmamay-ari ng bruskong boses. "Si Buchoy kasi niligpit kaagad ang mga plato! Di tuloy naikot!" Sinisi niya ang kapatid. Siguro dahil dito kaya kauumpisa palang ng event ay nahanap na siya kaagad ni Mark. Huminga muna siya at kumuha ng composure bago ito hinarap. "At bakit naman kita hahanapin?!" Pagtataray niya dito. Pag-ikot ng kanyang katawan para harapin ito ay napatingala siya sa kausap. Lalo pa itong tumangkad kumpara nung dati niya itong nakita. Nakalabas ang mga dimples nito at nakangiting nang-aasar. Litaw na litaw ang kakisigan nito sa puting tuxedo at puting pants. Sa silver lining ng tuxedo nito ay parang pinasadya ang kanilang mga kasuotan para i-match sa isa't-isa at ito ay agad namang napansin ng binata. "Mukhang ako yata ang partner na hinahanap mo? Tignan mo o, sadyang magkaterno ang suot natin." Sabi nito habang hawak hawak ang dulo ng tuxedo para ipakita ang silver na kulay nito. "Ang kapal a!" Sabi niya dito halatang naiinis na. "Nakakainis naman bakit nakita ako kaagad ng lalaking ito!" Biglang nag-announce ulit ang host. "Ladies and gentlemen. Please gather around the dance floor with your partner for our first dance." Sabay-sabay na lumapit ang mga estudyante sa sayawan habang naiwan silang dalawa sa likod. "Care for a dance?" Tanong nito habang nakalahad ang kanang kamay sa kanya. "No way! Uupo na lang ako kaysa makipagsayaw sa iyo noh?" Napapangiti ito at parang nagugustuhan pa ang pagtataray niya. "Ikaw bahala.. pero gusto mo bang maging wall flower ng JS Prom?" Pagtingin niya sa mga upuan na nakapaligid sa dance floor ay wala ni isa ang nakaupo. Lahat ay kasama na ang mga partner at nag-uumpisa nang sumayaw. Biglang sumagi yung mga sinabi ng ama niya na gusto nitong maging masaya siya sa araw ng JS Prom. Paniguradong magtatanong ang pamilya niya kung kumusta ang event at ayaw naman niyang gumawa ng story na may nakasayaw siya kahit wala. Tatanggapin na sana niya ang offer nito nang bigla siyang tinawag ng kaibigang si Gail. "Sam!" "Gail!" Para siyang nakahinga ng maluwag nang makita ang kaibigan. "Kanina pa kita hinahanap." Sabi nito. "Ipapakilala ko sana ang pinsan ko, si Bryan." Pagkasabi ni Gail ay lumapit si Bryan katabi nito. "Hi. I'm Bryan. Nice to meet you." Sabi nito habang nakalahad ang mga kamay upang makipagkamay sa kanya. Parang pamilyar ang boses nito pero hindi niya matandaan kung saan niya narinig. Halos kasing height niya lang si Bryan. May pagkatsinito ito at maputi kaya naman bumagay din dito ang itim na kasuotan. "Nice to meet you too. I'm Sam." Sabi niya at kinamayan din ito. Sa gilid ng mga mata niya ay napansin niyang naging tense ang jawline ni Mark na parang galit habang nakikipagkamay siya sa binata. "Nagseselos ba 'to?" Tanong niya sa sarili. "Can I dance with you?" Sabi ni Bryan. "Sorry pre. Nauna ako sa sa iyo." Sabi ni Mark na parang tigre na pinoprotektahan ang teritoryo. "Pare, hindi ikaw ang tinatanong ko." Palaban namang sabi nito. Nagkatitigan ang dalawa at parang mag-aaway pa kaya inunahan niya na kaagad na magsalita. "Sige Bryan. I'll dance with you." Agap niya. 'Does that mean pumapayag kang maging partner ko for the "whole night"?' Sabi nito at inemphasize pa ang salitang "whole night" para marinig ni Mark at para di na ito magtangkang yayain pa siya na sumayaw. Nagulat siya sa confidence nito pero naisip niya na pagkakataon na niya ito para di na siya gambalain ni Mark. "Matutuloy din pala ang Plan A ko dahil kay Bryan." "Yes Bryan. Tinatanggap kita bilang escort ko for tonight." Umabot naman hanggang tenga ang ngiti nito. "Paano ba yan Pare? Ako pinili. Sorry ka na lang." Mayabang na pagkakasabi nito. Tinikom ni Mark ang mga kamao ng mahigpit. Halatang di nito nagustuhan ang sinabi ni Bryan. Inakay siya ni Bryan papunta sa dance floor. Habang papaalis na sila ay nakita niyang lumapit dito si Angel. Alam niyang may gusto ito kay Mark noong elementary. Hindi niya maintindihan ang sarili dahil parang gustong bumalik ng mga paa niya papunta kay Mark. "Nagseselos ba ako o naaawa kay Mark?" Pagtataka niya. "Bakit naman ako magseselos e iniiwasan ko nga yun?" Tanggi niya sa sarili. Sa huli ay inisip niya na baka naaawa lang siya dito dahil ito naman talaga ang unang nagyaya sa kanyang makipagsayaw. Kung hindi lumapit si Bryan, si Mark ang magliligtas sana sa kanya para hindi siya maging wall flower sa JS Prom. "Boyfriend mo ba yun?" Tanong ni Bryan sa kanya habang nagsasayaw sila ng slow dance. "Hindi ah." Mabilis naman niyang tanggi. Napatawa ito. "Hindi pala. Kung makaasta parang nobyo mo na." Hindi rin niya alam kung bakit gusto siyang makasayaw ni Mark. Kung tutuusin, maraming babaeng nais makipagsayaw dito. Naisip niya na baka gusto nitong ituloy ang naudlot nitong plano nung school fair na mapabilang siya sa mga chicks nito. "Hindi mangyayari yun." Nasabi niya ng malakas kay Bryan. Natuwa naman si Bryan sa narinig. Naisip nitong hindi magiging sagabal si Mark sa panliligaw niya sa dalaga. "So ibig sabihin may pag-asa ako?" Nagulat siya sa pagiging direct to the point nito. "Ang bilis naman yata nito? Kakakilala palang namin gusto na kaagad manligaw." "Sorry Bryan. Hindi pa ako pwedeng tumanggap ng manliligaw." Pag-amin niya dito. "Ok lang Sam. Maghihintay ako." Pero parang iba ang sinasabi nito sa ginagawa nito. Naramdaman kasi niya ang mga kamay nito na humigpit ang hawak sa likod niya. Mabuti na lang at huminto na ang tugtog. Senyales ng pagbalik nila sa kani-kanilang table. "Pare ang lupit mo. Di ka natakot kay Mark? Di ba sinabihan na niya tayo na wag isayaw si Sam? Pero sinayaw mo pa rin!" Sabi ni Miguel na boyfriend ni Gail. "Ako? Matatakot? Baka siya matakot sa akin!" Pagyayabang pa nito. "Teka.." singit niya. "Pakiulit nga ulit yung sinabi mo Miguel?" "Hindi mo pa ba alam Sam?" Sabi ni Gail. "Ang alin?" Clueless niyang tanong dito. "Kalat sa campus na pinagbabawalan ni Mark na lapitan ka para maging partner sa JS Prom." "Ano?!" Kaya pala walang nag-alok na makisayaw siya! "May ginawa ka ba doon na masama?" "W-wala naman." Pagkakaila niya kahit ang totoo ay sinampal niya ito dati sa school fair. "E bakit parang ayaw ka niyang magka-escort sa JS Prom?" "Hindi ko alam.." Naisip niyang baka paraan ito ng binata para makaganti sa pananampal niya dito noon. Hindi niya napigilang mainis sa ginawa nito. Ang hindi niya alam ay ginawa ito ni Mark para magkaroon ito ng chance na makapartner siya. Bawal kasi ang estudyante ng St. Rafael na pumasok basta basta sa St. Martin. Kailangan may permit muna ng teacher. Kaya nahirapan si Mark na yayain siya upang makasayaw sa JS Prom. Sa tulong ng mga kaibigan sa Basketball Club sa dalawang school, ay nagawa nitong ipakalat ang announcement na hindi pwedeng yayaing isayaw si Sam. *** Matapos ang kanilang dinner ay nag-announce muli ang host. "Please gather around the floor for our much awaited announcement of the night. The King and Queen of Hearts." Naghiyawan ang mga tao sa excitement kung sino ang couple na tatawagin. "Please walk on stage for the King of the Night.. (drumroll) Mr. Mark Lester Rodriguez!" Nagtilian ang mga kababaihan sa announcement. "As for our Queen.. congratulations Ms Angel Tantoco!" Nagsipalakpakan naman ang mga kalalakihan. Pagkatapos isabit ang sash ay inutusan ng host ang dalawa na bumaba sa stage para magsayaw sa gitna ng mga tao. Nagdilim ang paligid pero umilaw ang gitnang bahagi ng ball. Magkahawak ang kamay na pumunta ang dalawa sa gitna. Bagay na bagay sa pangalan ni Angel ang puting gown dahil nagmistulan itong parang anghel. Hinawakan nito ang balikat ng binata habang humawak naman si Mark sa bandang balakang nito at sabay na sumayaw. "Bagay sila." Sabi ni Gail sa dalawa. Hindi maintindihan ni Sam kung bakit biglang kumirot ang puso niya sa nakita at sinabi ng kaibigan pero agad din naman niya iyong isinantabi. Maya-maya ay sinabihan na sila ng host na sumayaw kasabay ng mga nanalo. Habang sumasayaw sila ni Bryan ay di niya namalayang napalapit na pala sila kaila Mark and Angel. Biglang nagtama ang mga tingin nila ni Mark pero agad di naman siyang umiwas. "Sam? Nakikinig ka ba?" Ani ni Bryan na kanina pa pala siya kinakausap. "A-ano yung sinabi mo?" "Sabi ko you're stunning. Para sa akin ikaw ang Queen ko." "Thank you Bryan. I appreciate it." Ngumiti ito ng makahulugan sa kanya at mayamaya pa'y naramdaman niyang humihigpit ang mga kamay nito sa likod niya. Bigla siyang naasiwa dahil umiksi ang espasyo ng kanilang mga katawan at halos magkalapit na ang kanilang mukha. "T-teka Bryan." Hinawakan niya ang balikat nito para pigilan ito. "Sam, itutuloy ko lang yung naudlot sa kissing booth." Biglang nanindig ang balahibo niya nung narealize niyang si Bryan pala ang lalake sa kissing booth na gusto siyang halikan! Nilapit nito ang mukha at aktong hahalikan na siya nang biglang may humila dito papalayo sa kanya. Nakita niyang sinuntok ito ni Mark. Sa lakas ng pagkakasuntok ay humandusay sa sahig si Bryan at napaungol sa sakit dahil sa bigat ng kamao nito. Tumigil ang lahat sa pagsayaw sa nasaksihan. Kinuha ni Mark ang kamay niya at marahas siyang hinila papalabas ng hall. "NAG-IISIP KA BA?!!!" Nagpupuyos ito sa galit paglabas nila. "Ganyan ka ba ka-frustrated na mahalikan ng lalake?!" Nasaktan siya sa sinabi nito kaya bigla niyang nasampal ang binata. "Ganyan ba kababaw ang tingin mo sa akin?!" "Kaya ba gusto mo akong halikan sa horror booth dahil akala mo easy to get ako?!" "Kaya ba sinabihan mo mga kaschoolmate ko na wag akong isayaw dahil natatakot kang baka humingi ako ng halik sa kanila?!" Hindi niya napigilan na tumulo ang luha niya. "Sam.. Hindi.." Bigla itong natauhan. "Oo na tanga na ako kasi di ko alam na kissing booth pala ang nasalihan ko!" "Tanga ako kasi di ko narealize na si Bryan pala yung lalakeng hahalik sana sa akin sa booth!" "Tanga ako kasi sumama ako sa iyo sa horror booth!" "Tanga ako Mark pero di ako isang mababaw na babae na tulad ng iniisip mo!" Tuluyan na siyang napahagulgol sa sakit ng nararamdaman. Parang madudurog ang puso niya. "Sam..." "Hindi ko mababago kung ano ang tingin mo sa akin.." Nanghihina niyang sabi sabay titig sa mga mata nito. "...ang hinihiling ko lang sa iyo ay sana layuan mo na lang ako." Hindi na siya napigilan ng binata sa pag-alis dahil aminado ito sa pagkakamali. Sinuntok na lang nito ang pader sa sobrang galit sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD