Number Thirteen
"Saaaam!!" Tawag sa kanya ng kaibigan niya na pahangos na tumatakbo papalapit sa kanya.
Nasa library siya noon at kasalukuyang nag-aaral para sa nalalapit na exam.
Business Administration ang kinuha niyang course dahil pangarap niyang magtayo ng sariling negosyo kapag nakaipon na siya ng kanyang capital.
Working student siya at pinagsasabay niya ang trabaho sa gabi at aral sa umaga.
Maaga kasi siyang naulila sa ina. Namatay ito habang ipinanganganak ang kanyang bunsong kapatid.
Mula ng namatay ang kanyang ina, ang Lola Ising na niya ang nag-aruga at nagpalaki sa kanilang tatlong magkakapatid.
Ang kanyang ama naman ay halos umaga at gabi kung ibyahe ang minamanehong jeep para lang maitaguyod ang pag-aaral nilang tatlo at araw-araw nilang pangangailangan.
Sa kagustuhan na makatulong sa ama at kahit paano ay makapagpahinga din ito sa pamamasada, naisip niyang pumasok sa BPO bilang data analyst.
Bilang panganay, gusto niyang hatian ang kanyang ama sa mabigat na responsibilidad na dinadala nito.
Bata palang ay natuto na siya kung gaano kahalaga ang budgeting. Ang sweldo niya ay hinahati niya sa tatlo. Pang-tuition niya, allowance sa pagkain at pamasahe, at allowance ng mga kapatid na nag-aaral sa highschool at elementary.
Madalas siyang makakuha ng incentive sa trabaho. Ito ang bread and butter niya kaya naman pinagbubutihan niya talaga na makapasa sa metrics ng kumpanya niya.
Ang incentives na nakukuha ay ibinibigay naman niya sa Lola Ising niya pangdagdag sa panggastos sa pamamalengke nito.
Wala siyang budget na inilalagay sa pangpaganda niya dahil para sa kanya ay mas importante munang unahin ang pamilya bago ang luho.
Bukod sa di na niya naaayos ang sarili ay paputol-putol pa ang tulog niya.
Sa kabila ng mga ito ay di maitatago ang likas niyang kagandahan.
"The face that could launch a thousand ships," ika nga sa movie ng Troy. Ganito kung mailalarawan ang kanyang mukha.
Marami ang napapalingon pag naglalakad siya sa gitna ng maraming tao.
Bilugan ang kanyang mga mata at kulay brown. Madalas tinatanong siya kung nakacontact lense daw ba siya pero nginingitian lang niya ang mga ito at sinasabihan na natural ang kulay ng mga mata niya.
Namana niya ang kulay ng mga mata niya sa kanyang ina. Sa pakiwari niya ay ito ang pinakaalaala niya sa inang maagang namayapa.
Marami ding nagsasabi na meron siyang "smiling eyes" dahil pag ngumingiti siya o tumatawa ay naniningkit ang mga ito at parang kumikinang sa ganda.
Morena ang kulay ng balat niya at matangos ang ilong. Lagi siyang sinasabihan ng lola niya na "filipina beauty" daw siya.
Maikli na ang buhok niya simula noong highschool pa siya dahil sa isang pangyayari noong elementary na di niya malilimutan.
Minabuti niyang iklian na lang ang buhok niya na bumagay naman sa kanyang maliit na mukha.
Nagustuhan niya na rin ito dahil wala na siyang oras na mag-ayos pa ng buhok sa dami ng kanyang ginagawa araw-araw.
Minsan pa nga, di na niya ito sinusuklay at hinahagod na lang ng kamay para iayos.
Nasa five feet and six inches ang kanyang tindig, mas matangkad sa typical na Filipina kaya halos lahat ng makilala niya ay hinihikayat siya na sumali sa pageant.
Alam niyang may ibubuga siya pag sumali siya sa pageant. Matalino siya at palagi siyang updated sa mga current events dahil hilig niyang basahin ang mga dyaryo na iniuuwi ng kanyang ama.
Maganda din ang kanyang tindig at paglakad. Araw-araw kasi ay sinasanay niya ang paglakad niya na parang rumarampa siya sa stage ng pageant.
Iisa lang ang dahilan niya kung bakit di pa siya sumasali sa mga beauty contest. Ito ay dahil sa lola niyang ubod ng conservative. Magsleeveless pa nga lang siya ay para na itong hihimatayin sa galit mas lalo pa siguro kung malaman nitong nakatwo-piece lang siya na lalakad sa harap ng maraming tao.
"Saaaaam!!!" Muli siyang tinawag ng kanyang kaibigan na si Gabriella or Gabby kung tawagin niya ito.
"Gabby magagalit na naman sa iyo si Mrs. Santos. Tignan mo nakatingin na siya sa'tin," pabulong niyang sinabihan ang kaibigan na natural na maingay talaga.
Nagulat siya nang biglang kinuha nito ang kanyang kamay at hinila siya papunta sa labas ng library. Nahulog tuloy ang libro na binabasa niya na mabilis naman niyang nasalo para di mag-ingay sa sahig.
As much as possible, ayaw niyang magkaroon ng bad reputation sa library or kay Mrs. Santos dahil nakakatipid siya sa pagbili ng libro.
Malaking bagay ito sa kanya lalo na at may kamahalan din ang mga libro ng Business Administration.
"Sama ka sa'kin. Daliii!! Matatapos na!" Sabi ni Gabby na hinahabol ang hininga sa pagsasalita.
Sa lakas nito ay nagawa nitong hilahin siya sa labas ng library at mapasabay sa pagtakbo nito.
Nahihiya siya dahil pinagtitinginan sila ng mga tao na naglalakad lang sa campus.
"Ang alin?!" Clueless niyang tanong dito.
May kakaiba talagang personality ang best friend niya. Tahimik siya pero ito naman maingay. Introvert siya pero extrovert naman ito. Pero sabi nga, opposites attract. Ito ang isa sa mga taong nagpapagaan ng araw niya. Madalas kasi siyang mapatawa nito at mapagaan ang mood niya.
"Basta sumama ka sa'kin," ani nito.
"Gabby, kailangan kong mag-aral saka papasok pa ako sa work mamaya. Ito na lang ang oras ko para sa exam ko bukas."
"Ay mamaya na yan. Matalino ka naman kaya papasa ka. May ipapakita ako sa'yo na mas importante kaysa sa studies kaya takbo na tayo dahil matatapos na."
"Ang alin nga?" Nakukulitan niyang tanong dito. Maging siya ay hinahabol na rin ang hinga habang nagsasalita.
Sa wakas nakarating na sila sa gustong puntahan ng kaibigan niya. At ito ay walang iba kung hindi ang lumang gym ng campus nila.
Kasalukuyang may nagbabasketball dun at malakas ang hiyawan ng mga kababaihan.
"Gabby naman.. Wala akong panahon manood ng basketball training!"
"Correction. Hindi training yung pinunta natin dito kung hindi yung bagong cutie ng campus." Nginuso nito kung sino yung tinutukoy. "Si number thirteen yung may hawak ngayon ng bola, 'di ba ang pogi?"
"Haaay naku! Babalik na ako sa library. Mas importante yung review ko kaysa dito!" Padabog niyang sabi sa kaibigan sabay talikod palabas ng gym.
"Bakit ako mag-a-aksaya ng energy na tignan yung sinasabi ni Gabby? Number palang ng jersey malas na sa'kin baka malasin lang ako buong araw." Sabi niya sa sarili.
Hinawakan siya nito sa balikat para pahintuin sa paglakad. Pagkatapos ay iniikot siya nito para humarap ulit sa basketball court.
"Alam mo, Sam? Minsan kailangan mo rin ng inspiration para mabuhay noh?"
"Alam mo, Gabby?" Panggagaya naman niya dito. "Marami na akong inspiration sa buhay. Number one na siyempre ang pamilya ko."
"Alam mo, Sam?" Pagkontra naman nito. "Ibang inspiration ang sinasabi ko."
"At ano naman yun?"
"Inspiration na naibibigay ng mga gwapong lalake."
"Wala akong time diyan."
"Third year college na tayo wala ka pang nagiging boyfriend. Ni crush wala din. Curious lang ako. Lesbian ka ba?"
"Hindi, noh!"
"Magmamadre ka ba?"
"Hindi rin."
"Ah, alam ko na! Gusto mong maging matandang dalaga!"
"Ano ka ba! Mas lalong hindi!"
"Yun naman pala, eh! Ano pa hinihintay mo diyan? Tignan mo na si cutie yung bago kong crush. Daliiii!!"
Wala na siyang choice kung hindi tignan ang basketbolista dahil pinisil na ng kaibigan niya ang kanyang pisngi at ipinwesto ito sa direction ng lalaking crush nito.
Nang tignan niya ang lalake ay para bang binuhusan siya ng malamig na tubig.
Kilalang kilala niya ang lalake na may suot na number thirteen. Hindi siya makapaniwalang magtatagpo ulit ang landas nila dito sa College.
Ito ang dahilan kung bakit marami siyang unforgettable and bad experience nung elementary and highschool pa siya.
Sa tuwing nagkakatagpo ang landas nila ay madalas siyang mapahiya at masaktan.
Dahil sa mga bad experience na yun ay itinuring niya itong parang isang itim na pusa na kailangang iwasan dahil nagdudulot ng kamalasan sa kanya.
Lumaki siya sa kanyang lola na naniniwala sa superstitious beliefs kaya naman nadala din niya ang paniniwala ng mga matatanda tungkol sa kung ano ang malas at kung ano ang swerte.
Sa pagkakataong ito ay hindi na siya papayag na magkrus pa ang kanilang landas.
Puno ang gym ng maraming tao kaya naman malabong makita pa siya nito lalo na kung nasa likod sila ni Gabby ng maraming estudyante.
Saka mukhang intense ang practice game dahil malakas ang kalaban ng STU basketball team. Kaya panigurado na nakafocus ang bawat manlalaro na makapuntos at dumepensa.
"Siguro naman wala na siyang time na pansinin pa ang mga audience ng gym. Kailangan ko na lang patahimikin si Gabby at pigilan ito na wag mageskandalo sa loob ng basketball court para di kami umagaw ng attention."
Dahil sa analysis niya ay medyo nagrelax ang katawan niya at nakampante.
Pinagmasdan niya ang taong pinangingilagan sa malayo. Na-curious siya kung bakit ito naging crush ng kaibigan ganung mataas ang standard nito sa lalake.
"Bakit ka naman natahimik diyan? Speechless ka ba dahil sobrang pogi?"
"Saan banda?"
"Ay grabe. Bulag ka ba?"
"Hindi ko maintindihan kung bakit mo crush yan."
"Iniinsulto mo ba ang kakayahan kong kumilatis ng gwapo?"
"Alam kong magaling kang kumilatis ng guwapo kaya nga nagtataka ako kung bakit guwapo 'yang number thirteen na 'yan."
"Ikaw lang yata ang malabo ang mata. Pakinggan mo ang sinasabi ng mga tao sa gym."
Pinakinggan naman niya at totoo nga ang kaibigan. Ngayon niya napansin na kanina pa pala sinisigaw ng mga kababaihan ang pangalan ng taong iniiwasan niya.
Wala pa ring nagbago. Marami pa rin pala ang nagkakagusto dito. Muling nanariwa tuloy sa alaala niya ang mga pangyayari noon.