Likas na mahiyain siya nung kabataan niya. Bata palang ay marami ng pagsubok ang dinanas ng pamilya niya. Nag-umpisa yun nung namatay ang kanyang ina dahil sa eclampsia habang pinagbubuntis ang kanyang bunsong kapatid.
Siya at ang lola niya ang nag-alaga at nagpalaki sa kanyang bunsong kapatid. Bata palang ay naibigay na sa kanya ang responsibilidad, hindi lang sa mga gawaing bahay kung hindi maging sa pagdidisiplina ng kanyang dalawang kapatid na lalake.
Hindi niya masyadong na-enjoy ang pagkabata dahil bihira siyang makapaglaro sa labas at makisalamuha sa kapwa niya bata.
Kaya naman pagpasok niya sa elementary ay nabuo ang takot niya na makipagkaibigan sa kanyang mga kaklase.
Mahaba pa noon ang kanyang buhok at para makaiwas sa mga kaklase niya ay nilulugay niya ito para matakpan ang kanyang mukha.
Wala pang nakakakita ng kanyang mukha dahil nagawa niyang itago ito hanggang Grade six.
Marami sa mga teacher niya ang sumita sa kanya pero di rin nagtagumpay. Umiiyak kasi siya pag pinilit nilang i-pony ang buhok niya.
"Ayan na naman si Sadako," sabi ng isa niyang kaklase habang papasok siya ng classroom.
Palihim na nagtawanan ang mga kasamahan nito at tumigil lang nung malapit na siyang umupo sa harapan ng mga ito.
Sanay na siya sa pambubully ng mga kaklase niya. May nagsasabi na weird siya. Meron din na gumagawa ng istorya na kaya daw tinatago niya ang mukha niya ay dahil may lahi siyang aswang o mangkukulam.
Ito ang dahilan kung bakit walang gustong tumabi sa kanya.
Kung dati ay iniiyakan pa niya ito ay para bang namanhid na lang ang kalooban niya dahil sa araw-araw na panunukso sa kanya.
"Good morning, class," bungad ng advisor nilang si Miss Thelma habang naglalakad papasok ng classroom.
"Good morning, teacher," bati naman nila dito.
"I'd like to introduce your new classmate." Pinapasok nito ang lalake sa buong classroom.
Narinig niyang nagbulungan ang mga kaklase niya. Halatang kinikilig ang mga kababaihan sa bago nilang kaklase.
"Tall, dark and handsome." Narinig niyang sabi ng kaklase niyang babae na nasa likod niya.
Tumikhim ang teacher nila senyales na pinapatahimik ang buong klase. "Please introduce yourself."
"Hi, I'm Mark Lester Rodriguez. You can call me Mark. Nice to meet you all." Casual na sabi nito sa lahat.
"Thank you Mark.You may now choose your seat."
Marami ang nag-offer dito ng upuan pero nagulat ang lahat nang tumabi ito sa kanya. Pati siya ay nagulat dahil di man lang ito natakot sa kanya.
"Hi. Tabi ako ah," casual na sabi pa nito sa kanya. Sinisilip nito ang mukha niya pero mas lalo naman niyang itinabing ang kanyang buhok para itago ito.
"Sige." Tipid na sagot naman niya dito.
Simula noon ay palagi na silang magkatabi ni Mark. Bukod tangi ito sa mga kaklase niya dahil parang balewala lang dito yung itsura niya.
Kinakausap siya nito ng walang halong pangaasar. Madalas ito ang nagsisimula ng conversation kaya di rin siya nahirapan na pakisamahan ito.
Sa buong panahon ng pagaaral niya ay ngayon lang siya naging masaya dahil sa wakas ay may nakakausap na siya.
Isang araw ay tinawag siya nito habang bumababa siya ng hagdan "Sam."
Hindi niya ito pinansin dahil hindi siya sanay na tinatawag sa totoong pangalan niya. Madalas kasi puro bansag ang ginagamit sa kanya ng mga kaklase niya.
"Sam!!" Inulit pa nito ang tawag at sa pagkakataong iyon ay hinawakan na siya nito sa siko para tawagin ang attention niya.
Sa gulat niya ay nawalan siya ng balanse sa pagtapak kaya naman muntik na siyang mahulog. Buti na lang at hawak-hawak na ni Mark ang siko niya at hinila siya nito patagilid.
Napasandal siya sa gilid ng hagdan habang ito naman ay napahawak sa hawakan ng hagdan para kumuha ng balanse.
Hindi nila napansin na magkaharap na pala sila sa isa't-isa.
Sa sobrang lakas ng pagkakahila nito ay hinangin ang kanyang buhok patalikod exposing her bare face.
Magsasalita sana ito pero nakita nito ang kanyang mukha na ngayon lang nito nakita. "O-okey ka lang?" Halos nauutal nitong tanong sa kanya di makapaniwala sa kagandahang nasa harapan.
Nahalata naman niya ang pagka-shock ni Mark kaya agad din niyang binalik yung buhok niya sa harapan.
"Okey lang ako, Mark. Salamat," pagpapasalamat niya dito sa pagtulong sa kanya. "Bakit mo pala ako tinawag?"
Titig na titig pa rin ito sa kanya. Parang gusto pa nitong silipin ulit ang kanyang mukha.
Hindi pa rin ito makapagsalita sa nakita.
"Mark?" Tawag niya ulit dito.
Saka lang ito parang bumalik sa realidad. Napansin nito na nakatingin siya sa kamay nito na hanggang ngayon ay nakahawak pa rin malapit sa gilid niya.
Saka lang nito inalis ang pagkakahawak. "M-Magpapaturo sana ako sa iyo dun sa assignment natin sa Algebra," sabi nito.
"Sure. Sige mamaya sa recess tulungan kita."
Agad naman itong napangiti sa sinabi niya. Lumabas tuloy ang dimples nito sa kaliwang pisngi.
"Ngayon alam ko na kung bakit marami ang attracted dito," sabi niya sa sarili.
Nang sumapit ang recess ay tinuruan na niya si Mark ng Algebra. Pero parang napansin niya na wala sa tinuturo niya ang attention nito. Madalas ay nahuhuli niyang nakatulala lang ito sa kanya.
Simula noon ay parang nabago ang pakitungo nito. Para itong naging mahiyain at di na masyadong nagsasalita.
Hanggang isang araw, pagpasok niya ay di na ito nakaupo sa tabi niya. Lumipat na ito sa bandang likuran.
Pag nakakasalubong naman niya ito ay para itong di mapakali at gusto siyang iwasan.
Kaya naman naging usap-usapan sila ng mga kaklase nila. Natauhan na daw si Mark sabi ng iba.
Ang 'di niya alam at 'di rin alam ng marami ay tumatak kay Mark ang maganda niyang mukha. Naging mas conscious ito sa kilos dahil baka mahuli niya na may crush ito sa kanya. Kaya naman para di mangyari yun ay nagdesisyon itong lumipat na lang ng upuan sa likod para mas masilayan siya nito nang hindi niya nahuhuli.
Isang araw, nagbigay ng assignment ang kanilang advisor na si Mrs. Thelma na magdala ng slambook. Dahil nalalapit na daw ang graduation, mas maganda kung may remembrance sila sa bawat isa.
Pinaikot nila ang slambook sa lahat ng classmates. Kinabahan siya nung natapat kay Mark ang slambook niya. Ano kaya ang sasabihin nito tungkol sa kanya?
Ang hindi niya alam, di lang siya ang interesadong malaman kung ano ang isusulat nito tungkol sa kanya.
Pagtapos nitong magsulat ay hinablot kaagad ito ni Dennis na bagong katabi ni Mark. Binasa nito sa lahat ang sinulat ni Mark, particular sa tanong na, "describe me". Ang sinagot ng binata dun ay "exotic".
"Bakit exotic, Mark?" tanong ni Angel na halatang may gusto kay Mark.
Namumula ang mukha ni Mark at di makasagot. Halatang di ito comfortable sa tanong.
"Ako na sasagot niyan," sabi ni Dennis. "Alam ko kasi sa exotic parang unique."
"Parang iguana. Di ba exotic yun?" Sigaw ni Ben na nasa likod.
Nagtawanan ang lahat sa sinabi nito.
"Ibig sabihin, Mark, mukhang iguana si Sam kaya exotic sinulat mo?" tanong ni Dennis.
Nagtawanan ulit ang lahat.
"Hindi. Mali kayo," pagtatanggol ni Mark sa sarili.
"Itatanggi mo pa e obvious naman," sabi pa ni Angel.
Ngayon lang ulit siya tinamaan sa mga pangaasar ng classmate niya. Siguro ay dahil naging kaibigan niya si Mark at di niya inexpect na yun ang isusulat nito sa slambook niya.
Para siyang maiiyak pero pinilit niyang magpakatatag. Tinungo na lang ulit niya ang kanyang mga ulo para kunwari ay di siya affected sa mga sinasabi ng mga ito.
"Quiet class!" Sabi ni Mrs. Thelma. "I don't tolerate bullying in this class. Magsabi kayo ng sorry kay Sam."
Nagsorry naman ang lahat kay Sam pero may iba na natatawa pa rin na palihim.
Pagdating ng recess ay binigyan sila ng oras ng kanilang advisor na magnap-time. Hindi niya inexpect ang susunod na gagawin ni Mark sa kanya habang tulog siya.
Pagkagising niya ay wala ng buhok na nakahawi sa mukha niya. Napalitan ito ng bangs na hanggang kilay ang haba. Hindi niya naramdaman na ginupitan na pala ni Mark ang buhok niya.
Lahat ng classmate niya ay nakatingin sa kanya. Lahat ay curious kung ano ang mukhang nakatago sa maiitim niyang buhok.
Namutla siya sa kahihiyan. Tinakpan niya ng mga kamay ang mukha niya at paiyak na tumakbo papunta sa banyo.
Hindi na niya inalam pa kung ano ang magiging reaction ng mga classmates niya. Pero kung nagstay pa siya ng matagal sa classroom ay narinig niya sana ang mga paghanga ng mga ito sa kanya.
"Maganda pala si Sam," sabi ni Dennis.
"Kaya pala exotic kasi exotic ang beauty niya," sabi naman ni Ben.
Kahit mga kababaihan ay nagsabi din ng paghanga sa kanya.
Lahat ay nagtataka bakit itinago niya ang malaanghel na mukha sa maraming taon.
"Hindi na ako magjjudge ng tao simula ngayon," ani ni Angela na may natutunan sa pangyayari.
Si Mark naman ay hinabol si Sam pero di na siya nito nahabol dahil nagpunta na siya sa banyo ng pambabae.
Balak sana nitong humingi ng paumanhin sa nagawa at magsabi ng dahilan kung bakit nito ginawa yun. Ngunit dumating na si Mrs. Thelma at galit na pinapunta ito kay Mrs. Brown na directress ng school.
Pinasundo muna siya ng kanyang guro sa kanyang lola upang mapakalma siya nito sa pagiyak.
Nasuspend si Mark ng ilang araw habang nagpasya naman ang kanyang lola na ilipat na lang siya ng ibang school para di na maulit ang pambubully sa kanya.