"ITO po ang aming anak na si Irish. Malapit na siyang magkolehiyo, malapit na rin siyang makatulong sa farm," buong pagmamalaki ni Bella sa kanyang anak na bunso.
Si Nirvana, ang nakakatandang kapatid ni Irish, ay nagtatrabaho rin sa farm ng mga Avalon bilang beterinaryo.
Sinuyod ng tingin ni Irish ang loob ng malaking mansyon sa Avalon Farm. Sa laki ng bahay, parang naliligaw siya. Alam niyang marami pang ibang bahay sa bawat sulok ng farm ng mga Avalon. Malaki ang lupain ay halos mas malaki pa kaysa sa kanilang barangay.
Ang pamilya ni Irish ay matagal nang naninilbihan sa mga Avalon bilang tagapamahala ng farm, mula pa sa kaniyang mga lolo't lola. Tumatanaw sila ng malaking utang na loob sa mga ito dahil sa magandang buhay na kanilang natatamasa. Halos pati ang pag aaral ng mga apo ay kanilang pinopondohan. Kaya't bawat isa sa kanilang pamilya na makatapos ng kolehiyo ay dapat magtrabaho sa Avalon.
"Maganda palang bata itong anak mo, Bella. Dapat lang na mapabilang siya sa aming mga Avalon. Dumito ka sa hacienda sa bakasyon mo, hija," Puri ni Nino sa dalagang si Irish. "Baka may boyfriend na 'yan. Alam na ba niya?"
Nagtatakang napatingin si Irish sa ina. "Alam ang alin po, mama?"
Napatingin din si Bella sa anak niya. "Ah, wala Irish. Gusto sana ni Sir Nino na sa hacienda ka magtrabaho." Makahulugan siyang tumingin sa amo niyang si Mr. Nino Avalon.
Ang mga Avalon ang nagmamay ari ng pinakamalaking hacienda sa buong bansa. Puro sa agrikultura ang napili nilang negosyo dahil sa lawak ng mga lupain.
Halos lahat ng mga taga-Wawa ay sa farm ng mga Avalon nagtatrabaho. Kabilang na ang pamilya nila Irish. Mula sa kanyang mga lolo't lola ay sa Avalon Farm rin nagsimulang manilbihan. Sila ang pinakamatagal na naninilbihan sa pinakamayamang pamilya sa kanilang lugar.
"Maraming salamat po, sir. Pero nakakuha na po ako ng trabaho sa bayan. Balak ko po kasing ituloy ang pag aaral ko at kumuha ng abogasya sa Maynila." Lakas loob na turan niya.
Napaamang si Bella sa narinig mula kay Irish. 'Di niya alam ang plano ng bunsong anak. Nakakahiya kay Nino na tumanggi ang bunso niyang magtrabaho sa Avalon.
"Hija, the Avalon Farm is the biggest farm in the country. Sa pagtatrabaho mo sa farm, marami kang matutunan. Ang pag aabogada mo ay parang hindi akma sa iyo," ani Nino.
Ang baba naman ng tingin ng mga Avalon sa pamilya nila. Porket sila ang pinakamatagal na naninilbihan sa farm. Parang gusto ata nilang buong buhay nila ay maninilbihan lamang sa farm. Mamatay sila na naninilbihan sa kanila.
"Sir, alam ko po na ang Avalon Farm ang pinakamalawak na farm sa buong Pilipinas. Pero hindi po talaga sa farming ang gusto kong maging propesyon. Gusto po talagang maging abogada pagdating ng araw. Andito naman po si Kuya Nirvana at mga magulang ko. Nagtatrabaho po sila sa inyo dahil sa utang na loob namin sa pamilya n'yo," dire diretsong sabi ni Irish.
Hinawakan ni Bella ang kamay ng anak. Napatingin naman si Irish sa ina. May matalim na tingin ito sa kanya.
"Irish! Ano ka ba! Bakit ka ba ganyan magsalita kay senyor? Tandaan mong hindi ka makakatapos ng pag aaral kun'di dahil sa kanila. Sila ang bumubuhay sa 'tin. At hindi tayo magiging mariwasa sa pagtatrabaho lang dati ng papa mo sa munisipyo," saway ng mama niya sa kanya.
Napatahimik si Irish. May paggalang siya sa magulang at naturuang 'wag sumagot sa matatanda.
"Tama na 'yan, Bella. Hayaan mong makapag isip si Irish. Bata pa naman siya at marami pa siyang pagdadaanan. Pero, ang napag usapan ay dapat na hindi mabali," deklara ni Nino sa ginang.
Matagal na ang kasunduan nila at namatay na lang ang mga matatandang Dizon ay hindi na muling nabuksan ang usapin tungkol sa kasal.
"Hindi ko po nakakalimutan, senyor. Nasa inyo po kung kailan po natin pag uusapan ang tungkol doon," saad ni Bella. Wala namang maintindihan si Irish sa pinag uusapan ina at ng among lalaki.
"Ipapatawag ko na lang kayong mag asawa para r'on. Sa ngayon, gusto kong ihanda ang anak niyo sa posibleng mangyari. Matagal pa pero gusto kong magkakilanlan sila ng mabuti."
Napaamang si Irish. Naguguluhan na siya. "Wala po akong maintindihan sa sinasabi niyo. Ano po ba ang dapat paghandaan? Saka, sino pong anak?" Usisa niya. Nakatanga lang siya at nakakalimutan ata nilang kasama siya ng mama niya.
Napabaling ng tingin si Nino sa dalaga. "Hija, ang mga magulang mo na ang bahalang magpaliwanag sa iyo. Ako'y magpapaalam na, may aasikasuhin lang akong trabaho," sagot nito. Saka muling tumingin kay Bella. "Ikaw na ang bahala, Bella. Sana'y sa lalong madaling mapanahon ay makapaghanda tayo." Tumayo ito at iniwan ang mag ina sa sala.
Tumango lamang ng pagsang ayon ang ginang. Nakatanga pa rin nakatingim si Irish sa ina at sa lalaking Avalon. Tumayo ang mama niya saka lang siya tumayo at sumunod dito na lumabas ng mansyon.
Pagkauwi nila sa bahay ay agad na hinawakan ng mama niya ang kanyang kamay at pinaupo sa upuan. Malapit lang din ang bahay nila sa mansyon. Siyempre dahil sa mga Avalon kaya mayroon silang magandang bahay.
"Bakit po, 'ma?" tanong ni Irish. Tila balisa ang mama niya. Mayroon itong gustong sabihin pero hindi nito kayang ipaalam sa kanya. "Ano pong problema at nagkakaganyan kayo?"
Napaangat ang tingin ni Bella kay Irish. "Anak, alam ko ang mga gusto mo. At natatakot ako na magalit ka sa sasabhin ko sayo."
"Ma, magagalit po talaga ako kapag hindi niyo pa sinabi sa akin. Para po kayong hindi mapaanak na manok sa itsura." Nabigla si Bella at mahinang hinampas si Irish sa pisngi. "Si mama naman nanakit." Napadaing ito at hinawakan ang pisngi na hinampas ng ina.
"Puro ka kasi biro. Seryoso ako!"
"Sabihin niyo na po kasi ang gusto ninyong sabihin."
"Ikakasal ka sa anak na bunso nina Senyor Nino at Senyora Annie." Mabilis na sabi ni Bella.
Parang natulig siya. Biglang sumakit ang ulo niya sa narinig.
"Mama, huwag niyo po akong biruin!" Maktol ni Irish.
"Hindi kita binibiro, Irish. Hindi ka pa ipinapanganak, kasunduan na iyon nina nanay na ikasal ka sa kahit na sinong anak na lalaki ng mga Avalon. At dahil iisa lang ang anak na lalaki nina senyor ay kay Gio ka ikakasal."
"Gio?! 'Ma, hindi ko naman kilala ang Gio na sinasabi niyo at si Leslie lang ang kilala kong anak nina Sir Nino," angal ni Irish. Ikakasal siya sa lalaking hindi niya kilala, ni hindi pa rin niya nakikita ang mukha. At saka, Gen Z na. Uso pa ba ang arranged marriage?
"Wala nang maraming sinasabi, Irish. Nakapagdesisyon na ang papa mo at si senyor na ikakasal kayo ni Gio pagkagraduate mo ng senior high." Pinal na ang desisyon nila at hindi maaring 'di matuloy ang kasal.
"Tinanong niyo po ba ako kung gusto kong magpakasal? 'Ma, alam kong mahirap lang tayo. Pero hindi rason 'yon para ibenta niyo ako nang maging asawa ng pinakamayamang pamilya rito sa Wawa. Ayoko pong ikasal sa Gio na 'yon o kahit na sino sa Avalon. Mayroon na po akong ibang gusto. At ang boyfriend ko ang gusto kong pakasalan."
'Di niya hahayaan na diktahan siya sa bawat desisyon niya. Gusto niyang ikasal kay Henry, ang lalaking mahal niya. Wala siyang pakialam kung gaano kayaman o makapangyarihan ang mga Avalon. Basta ang gusto niya ang masusunod. Hindi siya ikakasal sa Gio na 'yon!
LUMIPAS ang isang linggo, handa na ang lahat para idaos ang engagement party ni Irish at Gio.
Nasa kuwarto niya si Irish at kasalukuyang inaayusan. Hindi maipinta ang mukha niya.
"Ang ganda ganda mo, hindi ka mangiti. Sige ka, magiging magkamukha tayo," panankot na biro ng make up artist niya.
Ngumiti ng pilit si Irish. "Sino bang magiging masaya kung ikakasal ka sa lalaking hindi mo gusto?"
"Gaga! Ang pakakasalan mo ay ang anak ng pinakamayaman dito sa Wawa. Diyos ko! Ang choosy mo, ha! Gusto mong batukan kita," pumantik pa ang daliri nito na pinagsasabihan ang dalaga.
"Hindi ako mukhang pera, Pamela. Aanhin ko ang yaman kung hindi ko mahal, di ba?" Katwiran niya. Lahat sila ay masaya. Samantalang siya ay lugmok na lugmok at halos maiiyak na sa sakit na nadarama.
"Alam ko, Irish. Mas masaya kung sa mahal mo ikaw ikakasal. Pero sa kabilang banda, tignan mo rin ang magiging buhay mo. Be practical, bhe. Hindi ka mapapalamon ng pag ibig. Ang importante ngayon ay datung!"
Tumulo ang masagana niyang luha. Hindi niya kayang magpakasal sa lalaking hindi naman itinitibok ng puso niya. May mahal na siyang iba at si Henry 'yon.
"May boyfriend na ako Pamela. At pupunta siya ngayong gabi para itakas ako," mahina ang pagkakasabi niya dahil baka may makarinig. At makarating sa mama niya ang plano nilang pagtakas.
Nanlaki ang mata ni Pamela. "Shota ka! Bibigyan mo ng kahihiyan ang mama at papa mo. Isipin mo ang mangyayari sa kanila kapag itinuloy mo ang balak mo."
Pinunasan ni Irish ang mga luha niya. Si Pamela naman ay muling inulit ang foundation na inilagay niya sa mukha ng dalaga.
Paano nga kaya kapag tumakas siya at sumama kay Henry? Pasasakitan niya ang loob ng mga magulang niya. At hindi niya gustong mangyari 'yon.