Kabanata 42

2592 Words
KINABUKASAN binalak niya na talagang umalis na bahay ni Aristhon. Handang-handa na siya para lumabas dala ang bag na nakasukbit sa kaniyang likod. Naglalaman iyon ng ilang pares ng damit at mahahalagang gamit. Iniwan niya na lamang ang iba dahil wala naman siyang paglalagyan niyon. Mapapagod lang siya sa paghahanap niya ng matitirahan. Kung magkakaroon ng pagkakataon kukunin niya na lamang iyon nang wala roon si Aristhon. Hindi nga siya nakatuloy sapagkat nang papalabas na siya sa pintuan pumasok naman ang drayber ni Aristhon na hindi maganda ang itsura. Mayroong bendahe ang gilid ng noo nito dahil sa natamo nitong sugat. Kahit ang leeg nito ay natatakpan din ng bendahe. "Ano ang nangyari sa iyo?" ang naitanong niya rito dahil pakiramdam niya ay mayroong hindi nangyaring maganda rito. "Nasaan na si Aristhon?" Inusisa niya na kung saan si Aristhon dahil wala ito roon nang magising siya. Hindi nagulo ang kama nito indikasyon na hindi ito roon natulog sa nagdaang gabi. Pinagmasdan siya ng drayber sa naging mga tanong niya rito. "Nasa ospital si Boss," pagbibigay alam nito sa kaniya. "Nasabugan." Hindi naman siya nagulat sa naging balita nito dahil sa klase ng buhay na mayroon si Aristhon naroong kaakibat ang kapahamakan. "Paano naman nangyari?" paglilinaw niya nang mas maintindihan niya ang nangyari sa mga ito. "Nilagyan ng bomba ang sasakyan niya." "Mabuti naman nabuhay pa siya," ang naisatinig niya rito. Hindi niya naman malaman kung ano ang dapat maramdaman sa sitwasyon ni Aristhon nang araw na iyon. "Oo naman. Pero wala siyang malay-tao. Hindi malaman ng mga doktor kung kailan siya magigising. Sumama ka kaya sa akin, Boss. Baka sakaling kapag naroon ka na imumulat na niya ang kaniyang mga mata." Hindi man nakaligtas sa tainga niya ang naging tawag nito, hinayaan niya na lamang din ito. "Sige," pagpayag niya na lamang. Dahil sa marami namang naitulong sa kaniya si Aristhon maganda nang bisitahin niya ito bago siya umalis. Para na rin makita niya ang kalagayan nito kung gaano kalala. Sa nasabi ng drayber na pagsabog hindi malayong naputolan ito ng katawan o nasira ang mukha. "Tara na, Boss," sabi nito sa pagtiuna nito nang hakbang. Kumunot ang kaniyang noo sa narinig mula rito. "Nagpunta ka ba rito para sunduin lang ako?" ang naitanong niya. "Oo, Boss. Naisip kong dapat mong malaman ang nangyari sa kaniya," pagdadahilan naman nito. Sumunod na siya rito sa paglalakad nito patungo sa tarangkahang pangtao. Hindi na nito pinasok ang sasakya na inihimpil lamang nito sa gilid ng daan. Huminto ito saglit nang makaratingnsila sa tarangkahang nakabukas nang mauna siyang makalabas. Pagkatapos niyon sinara na rin nito binilisa ang paghakbang sa naghihintay na sasakyan. Hindi na niya ito napigilan nang buksan nito ang pinto sa hulihan ng sasakyan. Sumakay na lang din siya na hindi nagrereklamo rito. Ito na rin ang nagsara sa pinto't umikot ito ng kotse nang makaakyat sa driver's seat. "Gaano ka na katagal na nagtratrabaho kay Aristhon?" ang naisipan niyang itanong dito nang makaupo na ito nang maayos. Nilingon siya nito na isinasara ang pinto. "Walong taon na," sagot naman nito. "Masyado kang bata para maging drayber niya," komento niya rito nang ibaling na niya ang tingin sa labas. "Mukha lang. Pero mas matanda ako sa iyo." Naibalik niya ang tingin dito sa sinabi nitong iyon. Binigyan siya nito nang isang ngiti. "Paano naman kayo nagkakilala ni Boss?" pag-usisa nito nang buhayin na nito ang makina ang sasakyan. "Huwag ma na lang itanong," pigil niya rito. Tiningnan siya nito sa rearview mirror. "Mula nang bumalik si Boss galing sa piitan mukhang masaya na siya. Sa tingin ko'y dahil iyon sa iyo." Binalewala niya na lamang ang huling narinig niya mula rito sa pag-usad ng sasakyan. Inalis na rin niya ang bag sa kaniyang likod nang hindi siya mahirapan sa pag-upo habang nasa daan. Inalagay niya lamang iyon sa tabi niya. Kapagkuwan ay tumingin naman siya sa labas, sa mga bahay na kanilang nadadaanan. TUMULOY siya sa pribadong silid matapos sabihin sa kaniya ng drayber ang kinalalagyan niyon. Naiwan ito sa information desk para makipag-usap sa nurse tungkol sa admittance ni Aristhon. Kalmado lamang ang mukha ni Aristhon habang nakapikit ang mga mata nito na para bang hindi ito isang leon na nanakmal kapag gising. Iyong akala niyang nasira ang mukha nito ay hindi naman nangyari ngunit mayroon itong mga sugat sa mukha na nilagyan na rin ng bendahe. Maging ang kamay nito ay nasugatan na rin na sumisilip sa sleeve ng hospital gown na suot nito kalapit ng pulsuhan. Tumatama ang sinag ng araw sa mukha nito kung kaya nga lumipat siya ng kinapupuwestuhan. Lumapit siya sa bintana't itinabing ang kurtina. Hinila niya kapagkuwan ang upuan, pagkaraa'y naupo sa gilid ng kama na nakataas ang paa. Ipinatong niya rin iyon sa kama katabi ng mga hita ni Aristhon. "Ano naman itong ginagawa mo? Nagpapanggap ka na naman," ang nasabi niya dahil sa tingin niya ay wala talaga masakit sa katawan nito. "Hindi mo na ako maloloko." Hindi pa man natatapos ang kaniyang sinabi bumukas na ang mga mata ni Aristhon. Kaagad itong lumingon sa kaniya na ulo lamang ang gumagalaw. "Akala ko ba ay aalis ka na?" puna nito sa kaniya. Inilagay niya ang kaniyang dalawang kamay sa likuran nang makapag-unat. "Paalis na nga ako. Kaso ang sabi ni Mikal na drayber mo nasabugan ka raw," aniya rito sa nangyari sa kaniya habang nasa bahay pa nito. Marahan itong gumalaw para abutin ang parihabang pindutang nakapatong sa mesa. "Nag-alala ka na sa akin. Ganoon ba? Kaya nagpunta ka talaga rito?" sabi naman nito. Hindi na nito naituloy ang pag-abot nang kumilos siya sa kinauupuan. Ibinaba niya ang kaniyang mga paa mula sa gilid ng kama kasabay ng pagtanggal ng kaniyang mga kamay sa likod ng kaniyang ulo. Tumayo siya nang makuha niya ang parihabang pindutan. Muli na lamang itong nahiga sa ginawa niyang iyon. "Hindi rin. Sinisigurado ko lang kung nagsasabi ba siya nang totoo o hindi." Basta niya lang pinindot ang hawak kaya biglang bumama ang uluhan ng kamang kinahihigaan ni Aristhon. Mahahalata sa mukha nito na hindi naging maganda ang naging pakiramdam nito sa nangyari. Kung kaya dali-dali na lamang niyang magaang pinindot ang nasa itaas na buton na siyang nagpaangat sa uluhan ng kama. "Ngayong nakita mo ang kalagayan ko. Aalis ka na." Inayos nito ang unan sa likuran ng ulo nito nang hindi ito mangalay. Binalik niya na rin ang pindutan sa mesang pinagkuhanan niya niyon. "Hindi pa," sagot niya rito. "Sabihin mo muna kung ano naman itong ginagawa mo." Ipinatong niya ang kaniyang kanang paa sa kanan sabay lapag ng kamay sa kaniyang hita. "Kailangan ko talagang ma-ospital dahil nabalian talaga ako ng buto sa tadyang. Hindi ako basta nagpapanggap lang." Sinapo pa nito ang tagiliran na nasaktan. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay na ikinakunot ng kaniyang noo. "Hindi ako naniniwala sa iyo." "Nagsasabi ako nang totoo." Inalis nito ang pagkabutones ng suot nitong damit hanggang sa wala nang matirang nakadikit. Itinaas nito ang kanang bahagi ng damit nang makita niya nga ang tagiliran nito. Kitang-kita nga ng kaniyang mga mata ang pamumula niyon dahil sa natamo nitong bali sa tadyang. "Ano ang mangyayari sa iyo niyan?" pag-usisa niya naman dito. Sapagkat ito ang klase ng taong hindi mapirmi sa isang lugar. Madalas itong mayroong gawin makabuluhan man o hindi. Hindi lang ito basta nauupo sa isang kuwarto. Dahil sa nabalian nga ito mananatili ito ospital na siguradong hindi nito nagugustuhan. "Ooperahan." Ibinutones nito ang suot sa pagsasalita nito. "Ano pa bang dapat gawin dito? Hindi siya mababalik sa dati kung hindi. Maapektuhan pa ang baga ko." Sa huling butones nito ay binaba na rin nito ang kamay. Itinutok kapagkuwan ang atensiyon sa kaniya. "Ano ba kasing pinaggagawa mo? Alam mo namang delikado ang buhay mo. Labas ka pa nang labas sa gabi," paalala niya rito sa pagbaba niya ng kaniyang paa. Nakaramdam siya ng pamananhid kaya kailangang niya nang ibaba. Tiningan siya nito nang makahulugan sabay baling sa mesang mayroong gulong. Alam niya naman kung ano ang gusto nitong sabihin kaya nag-aalangan siyang tumayo. Umikot siya ng kama't lumapit nga sa mesang mayroong gulong. "Mayroong akong inasikaso. Kung hindi ako gagawa baka mawala naman ang pinagpaguran ko," paliwanag nito sa kaniya. Pinagsalin na niya ito ng tubig sa mataas na baso mula sa pitsel na babasagin. "Sino ba kasing kaaway mo?" Inabot niya rito ang basong mayroong laman na tubig. Inabot naman nito iyon. "Huwag mo na lang alamin. Mas makabubuti sa iyo na wala kang ideya," tugon nito sa kaniya kapagkuwan ay uminom na nga ng tubig. Nakailang lagok ito bago nito maubos ang laman ng baso. Sinaid nito sa labis na uhaw nitong nararamdaman. Magkaiba sila ng isip dahil mas maganda kung alam niya kung sino ang kaaway nito nang maiwasan niya na rin. Sa huling lagok nito'y ibinalik nito ang baso sa kaniya. Sa nangyari nagkakiskisan naman ang kanilang mga daliri. Pinatong niya kapagkuwan ang baso katabi ng pitsel, pagkaraa'y bumalik na siya sa kaniyang kinauupuan na nakasunod nang tingin sa kaniya si Aristhon. "Wala nang ibubuti ang buhay ko." Naupo siyang muli na sinasalubong ang tingin nito. " Sabihin mo na," dugtong niya nang pilitin niya itong masabi ang nais niyang marinig. Iniangat nito ang kaunti ang likod nang bahagya itong dumulas sa unan. Nakikita niyang nahihirapan itong ayusin ang tumabinging unan kaya tinulungan niya na lamang ito. Naupo na lang muna ito saglit habang inaayos niya ang dalawang unan. Nang masiguradong hindi tatabingi, iyon bumalik siya sa upuan na bumubuntonghininga nang malalim. "Bakit gusto mong malaman?" pag-usisa nito sa kaniya nang marahan nitong isinandig ang likod sa mga unan. "Para kapag mamamatay ka maipaghihiganti kita," tugon niya naman na purong katotohanan. Hindi niya lamang basta gawa-gawa lang iyon para lamang mayroong masabi siya rito. Sumilay ang manipis na ngisi sa labi nito dahil sa narinig mula sa kaniya. "Mayroon ka rin talagang pakialam sa akin." "Wala nga," pagtama niya sa maling akala nito. "Gusto ko lang ibalik sa iyo ang mga nagawa mo para sa akin kahit na patay ka na." Pinakatitigan na naman siya nito nang sandaling iyon kaya nahuhulaan niyang hindi niya magugustuhan ang susunod nitong sasabihin. Hindi nga siya nagkamali sa baga na iyon. "Maibabalik mo lang ang lahat kung tumira ka sa bahay. Hindi sa kailangan mong ibalik. Mas maganda lang na nasa bahay kita." "Puwede tigilan mo na ang ideyang iyan. Walang magandang patutunguhan," pagbibigay niya ng diin sa gusto niyang mangyari. Iniba niya na lang din ang usapan dahil hindi niya gustong pag-usapan ang pagtira niya sa bahay nito. "Sino ba kasing kaaway mo?" pag-ulit niya sa nauna niyang naging tanong dito na hindi nito nasasagot. Pinagtagpo nito ang dalawang kamay sa dibdib habang inaalala nito ang nangyari sa nagdaang gabi. "Anak ng senador na kakilala mo. Iyong panganay nitong anak na si Rustom." Ibinaba rin naman nito kaagad ang dalawang kamay. Sumama ang mukha nito masambit lang ang pangalan ng kaaway. "Tingnan mo nga naman. Maliit lang talaga ang mundo," komento niya sa nasabi nito. "Kasama niya kagabi iyong lalaking isinumbong ka sa mga pulis," pagbibigay alam nito sa kaniya. "Hindi na nakapagtataka na kasama si Daniel. Mataas ang gustong marating niyon kaya kahit sino didikitan na parang linta," aniya nang pisilin niya ang kaniyang sintido sa pananakit niyon. Epekto iyon ng pag-inom niya sa alak na iniwan ni Aristhon. "Bakit hindi mo na lang sila isaisahin nang wala maging problema sa susunod?" Matapos mapisil ang sentido minasahe naman niya ang kaniyang batok. "Naisip ko na rin iyan. Pero mas magandang makita ko muna silang bumabagsa bago ko tapusin ang kanilang mga buhay,. Mas mayroong kabuluhan," saad nito na hindi inaalis ang tingin sa kaniya. "Hindi ka ba nakatulog?" dugtong nito. Naibaba na lamang niya ang kaniyang kamay sa naging tanong nito. Hindi niya rin naman ito sinagot. Hindi ito nagkamali sa akala dahil wala talaga siyang tulog. Inaabangan niya kasing pumasok ito bigla sa kuwarto nang mapigilan niya ito sa ano mang balak nito. Kaso hindi naman nito ginawa ang naiisip niya na humantong lang sa wala siyang tulog. "Nagtanong pa ako sa iyo. Masyado ka nga pa lang marahas," ang nasabi niya na lamang. Sa pagsapo nito sa tagiliran sa pagkirot niyon natanong niya ito tungkol dito. "Kapag naoperahan ka, tatagal ka ba rito?" "Posible kung walang maging problema matapos ang operasyon," tugon nito sa kaniyang naitanong. "Bakit? Aalagaan mo ba ako habang narito ako?" "Mangarap ka nang gising," banat niya rito na ikinangiti na naman nito nang manipis. "Kung dito ka rin naman maglalagi, doon muna ako sa bahay mo dahil maghahanap pa ako ng bahay na matitirahan. Aalis na lang ako kapag pabalik ka na." "Hindi ka puwedeng mamalagi roon nang mag-isa. Baka pati ikaw masaktan nina Rustom kung maisipan nipang pumunta sa bahay." Kumunot ang kaniyang noo sa mga naging salita nito. "Bakit naman ako madadamay sa pag-aaway niyo? Sabihin mo nga." "Alam nilang mayroon akong ibang kasama sa bahay dahil sa paglilipat ko sa mga gamit mo kaya dapat nasa tabi lang kita lagi nang walang mangyari sa iyong masama." "Kaya ko ang sarili ko." "Hindi mo lubos na kilala si Rustom. Magagawa niya ang lahat maisahan lang ako," sabi pa nito sa kaniya. "Sa akin mo pa talaga sinasabi iyan?" paalala niya rito dahil nakakalimutan nito kung ano ang napagdaanan niya mula pagkabata. "Oo nga pala. Gayunman hindi ka pa rin puwedeng mag-isa. Dapat kasama mo ako kung saan ka man pumunta." "Sa lagay mong iyan sa tingin mo masasamahan mo ako?" Napabuga siya ng mainit na hangin. "Akala ko naman matatahimik ang buhay ko sa oras na makalabas ng piitan. Iyon pala ay hindi. Nagkamali ako ng akala. Lalo lamang gumulo. Dapat talaga hindi na tayo nagkitang dalawa." "Iyon ay dahil hindi ka namimili. Piliin mo na kasing makasama ako nang magpakalayo-layo tayong dalawa kung saan walang nakakakilala sa ating dalawa." Pinanlitan niya ito nang tingin. "Walang mababago kung tatakasan mo ang lahat. Saka hindi ko kailangang mamili. Mayroon akong gustong mangyari sa buhay ko mula nang umalis kami sa poder ng ama ko. Hindi ka kasali roon." "Sayang naman," tipid nitong sabi sa kabila ng mga narinig nito mula sa kaniya. Matapos nga ng nasabi niyang iyon namagitan sa kanilang dalawan ang nakakabinging katahimikan. Hindi na ito nagsalita sa pagpikit ng mga mata nito kaya napapatitig naman siya sa mukha nito. Nais niya na sanang umalis ngunit nang maisip niyang kailangan niya rin namang bumawi sa nagawa nitong tulong sa kaniya nanatili siyang nakaupo. Iiwan na lamang niya ito kung maganda na nga ang kalagayan nito matapos ang operasyon. Nang mabasag niya ang nararamdamang pagkailang binuksan na lamang niya ang telebisyon gami ang remote katabi ng pindutan ng kama. Tinutok niya man ang kaniyang mata sa balita naglalakbay naman ang isipan niya. Wala rin namang pumapasok sa kaniya kaya pinatay niya na lang din ang telebisyon. Upang hindi na rin niya maistorbo ang pamamahinga ni Aristhon. Pinagmasdan niya ang mukha nito nang ibalik niya ang remote sa mesa. "Nakikita ko pa rin naman pala sa iyo ang batang ikaw habang tinitingnan kita ngayon," ang nasabi niya rito. "Iyon ba talaga ang gusto mong sabihin habang nakatitig sa akin? O gusto mo lang talaga akong halikan?" Iminulat nito ang mga mata sabay lingon sa kaniya. Sa pagkabigla niya rito'y nasipa niya ito sa tagiliran. Mabuti na lang hindi iyon ang bahagi ng nabalian ng buto. Gayunman napangiwi pa rin naman ito na tumatawa nang mahina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD