Chapter 1
Katherine POV
Pagkapasok ko sa kwarto at nakita ang kama ko ay agad akong humiga sa sobrang pagod. Pinag-overtime kasi ang mga empleyado ngayon ni boss at kabilang ako doon sa mga empleyado na napili. Wala naman akong magawa kahit pagod na ako, well dagdag kita na rin iyon kaya hindi na rin masama. Mas mapapadali ang pagbayad ko sa school ng nakababata kong kapatid, iyon na lang ang pampalubag loob ko sa aking sarili.
Hayy hindi ko naman kasi maintindihan ang isang iyon, naghihirap na nga kami ay napili pang mag-aral sa mamahaling school, hindi naman ako sa nagrereklamo pero ang mahal kasi ng tuition niya. Sa kahirapan ng buhay ay hindi ako nakapag-aral ng college, dumagdag pa na may senior high na, kaya ayun pinili ko na lang unahin ang kapatid ko noong sabihin ni nanay dahil ako naman daw ang panganay, kaya ang ginawa ko ay nagpaubaya ako kahit na gusto ko pa talagang mag-aral.
Saka para hindi na rin mahirapan sila nanay dahil matanda na rin sila noong nagkaanak, kaso parang gusto ko na rin sumuko minsan dahil sunod-sunod ang mga balita na may mga kalokohan na ginagawa ang kapatid ko.
Hindi ko maitim na napupunta lang sa wala ang lahat ng mga pinagpaguran ko, pero oo nga pala kahit pala sabihin ko ang mga hinaing ko sa mga magulang ko ay ako pa ang lalabas na sinungaling at mas papanigan pa ang kapatid ko even minsan ay mali na rin siya. Syempre pagagalitan ako dahil akala nila ay sinisiraan ko pa ito kahit na hindi naman totoo.
Nag-unat ako ng braso pati na rin ang namamanhid kong paa, pumipintig na iyon at namumula na ang talampakan dahil na over-use ko na. Nakatingin ako sa kisame at iniisip ko na naman kung kailan kaya kami makakaahon sa kahirapan.
Nang napabangon ako sa sobrang gulat dahil sa marahas na pagbukas ng pintuan ng kwarto ko, kaya tumilapon ang lock niyon sa kung saan. “Tay!” gulat kong sabi.
Nanlilisik ang mga mata niya at ganoon na lang gulat ko noong marahas niya akong hawakan sa braso at kinaladkad pababa, parang wala na siyang pakialam kung may matamo akong injury.
"Tay, anong nangyayari? Nasasaktan po ako." Namumula ang buong mukha ko sa sakit at pinipigilan ang pag-iyak dahil sa masakit at marahas na paghawak ni tatay sa braso ko.
Hindi ko na naman maintindihan ang nangyayari, ano na naman ba ang ginawa kong mali? Bakit hindi man lang ako aware.
Pagkababa ay marahas akong binitawan ni tatay at sinalubong naman ako ni nanay ng isang malakas na sampal, bigla ay may nag-bell. Halos masubsob na ako sa bigat ng kamay ni nanay. Mabuti na lang talaga ay nakahawak ako sa kung saan.
Pinipigilan kong umiyak, lumingon ako sa kanila. "Ano na naman po ba ito?" tanong ko.
Hinatak ni nanay ang buhok ko kaya napahawak ako sa kamay niya, hinarap niya ako sa umiiyak na nakababatang kapatid. Magulo ang buhok niya at bakat ang isang sampal, mukhang bago lang iyon kaya naisip kong nasampal din ito ng ubod ng lakas.
Ano ba ang nagawa nitong kasalanan at nadamay pa ako sa ginawa niya? “Tignan mo ang kapatid mo!” nangigil na sabi ni nanay.
Lalo niya pang hinigpitan ang pagkakasabunot niya kaya napaigik ako sa sakit.
"Buntis ang kapatid mo at ang tarantadong kaibigan mo ang nakabuntis!" galit na sabi ni nanay.
Sa narinig ay para akong nabihingi, hindi ako makapaniwalang tumingin sa kapatid. Nabasag ang puso ko sa narinig ko at nangilid ang luha sa aking mata. Alam naman niyang may gusto ako sa nag-iisang kaibigan ko, pero bakit? Traydor, traydor ang nakababata kong kapatid, isang traydor. Bakit niya iyon nagawa?
Nagpapakahirap ako para makapag-aral siya pero bakit sa lahat ng mga ginawa niyang kalokohan ay ito pa ang ginawa nito? Bakit sa lahat ng pwede nitong gawin ay iyon pa? Napakarami kong tanong sa utak pero ang lahat ng iyon ay hindi ko masagot na ako lang, hindi ko na nga maramdaman ang sabunot ni nanay.
"Kung hindi mo sana ipinakilala ang tarantadong iyon ay hindi ito mangyayari sa kapatid mo!"
Napapikit ako at kinagat ang labi, sige lang at isa pa, isa pa! Gusto ko nang sumabog! Gusto ko naman na ako naman ang magkaroon ng pagkakataon na magalit o ipaglaban man lang ang aking sarili.
"Totoo ba ang sinasabi ni nanay, Jessica?" tanong ko sa kanya at umaasa ang puso ko na hindi ang sagot niya sa sinasabi ng nanay pero nabasag ulit ang puso ko sa sagot niya.
"S-sorry a-ate." Halos pumiyok na si Jessica at gustong tumulo ng luha ko pero ayokong makita nila na mahina ako sa paningin nila.
"Tawagan mo ang kaibigan mo at malilintikan ka kapag hindi mo 'yon pinapunta dito!" galit na sabi ng tatay.
Tinanggal na ni nanay ang pagkakasabunot niya sa akin habang umiiyak ang nanay at ang kapatid ko sa isang gilid. Ilang sandali ay laking pasasalamat ko na mahinahon na si tatay. Alam ko naman na wala nang hihigit sa sakit na nararamdaman ko kaysa sa sakit na nararamdaman nila nanay.
Hindi ako nagbitaw ng salita at tumalikod sa kanila, umakyat na muna ako sa kwarto ko. Doon ko pinatulo ang luha ko, wala na akong pakialam basta napaupo na lang ako bigla sa likuran ng pintuan, sa sahig.
Noong feeling ko ay maayos na ako, inayos ko ang aking sarili at tumayo para kunin ang cellphone ko, mabuti na lang talaga at hindi pa expired ang load na pina-load ko. Pinag-ring ko ang cellphone ng nag-iisang kaibigan ko. “Good evening Kath!” masaya na sabi niya.
Si Jerico, ang lalaki na tanging kaibigan at tinitibok ng puso ko, kung sana ay hindi ko nalaman ang nangyari ay mapapangiti ako na parang ewan ng marinig ko ang boses niya ngunit hindi ko magawa ngayon.
Feeling ko ay parang pinag-baksakan ako ng langit at lupa ngayon. Wala naman kaming kahit na anong relasyon pero pakiramdam ko ay pinagtaksilan nila ako kahit na hindi naman dahil una sa lahat ay wala naman talaga kaming relasyon ni Jerico.
"Pumunta ka dito, ngayon na," malamig na sabi ko,
Tumahimik sandali si Jerico bago ito nagsalita. "Sure, may problema ka ba? Bakit parang iba ang tono ng boses mo ngayon? Napagalitan ka na naman ba ng boss mo? Gusto mo resbakan natin?" biro niya pero alam ko naman, nag-aalala na siya.
Kahit na gusto kong kiligin at tumawa ay hindi ko magawa ngayon dahil sa isipin ko pa lang na nabuntis niya si Jessica ay parang imbis na iyon ang maramdaman ko ay magpakalunod na lang ako sa luha.
"Hindi, basta pumunta ka dito, may kukumpirmahin lang ako," sabi ko.
Ayaw ko na muna na sabihin ang paratang ni tatay sa kanya dahil gusto ko muna malaman ang side niya dahil oras na makita ito ni tatay ay paniguradong wala nang oras para makausap siya.
"Sige, huwag ka nang umiyak muna ha? Mukhang iiyak ka na anumang oras e, gusto kong saluhin ang luha at paghihinakit mo," sabi ni Jerico.
Hindi ako sumagot at binaba na ang tawag. Naupo ako sa aking kama at tumingin sa mga gamit ko, habang tinitignan ko iyon ay isang desisyon ang napag-pasyahan ko para sa aking sarili. Mas maganda muna siguro na lumayo na muna ako, this time, sarili ko muna ang pipiliin ko. Lumaki ako na hindi ko nakikita ang sariling halaga at this time.
Hindi ko na kaya, wala akong kasalanan pero ako ang kumukuha ng sisi. Tumayo na ako at nilagay ang mga gamit ko sa isang bag, wala naman akong ibang importante na gamit bukod sa aking mga papeles at ilang piraso na damit.
Nang sa wakas ay nag-text na si Jerico ay lumabas na ako sa kwarto at bumaba. Naabutan ko pang umiiyak si Jessica at gusto kong kamuhian ang sarili dahil kahit na kapiranggot na awa ay wala akong maramdaman.
Habang sila tatay at nanay ay nag-aaway sa isang tabi. Napaiwas ako ng tingin pero nakita naman niya ako kaya agad na bumagsik ang anyo nito. "Saan ka pupunta? Wala pa ang kaibigan mo hanggang ngayon, nasaan na iyon? Baka naman sinabihan mong tumakas?" galit na sabi nito.
Napabuntong hininga na lang ako. "Hindi po, huminahon na muna po kayo, makakasama sayo. Sandali lang po itay," sabi ko.