- PRINCESS WENDYRELLA -
"Dito po ba nakatira si Wilma Racal?"
"Dito nga po. Sino po sila?" magalang kong tanong.
"From LBC po ako. May padalang package lang po for Ms. Wilma Racal. Kayo po ba iyon?"
"Hindi po. Naynay ko po iyon."
"Sino raw ang hanap anak?" Nakabihis na ng duster si naynay. Nagsusuklay na lang siya nang lumapit sa akin
"Kayo po. From LBC daw. May package para sa inyo. Sino naman ang magpapadala sa inyo, Nay?" Nagkibit-balikat lang siya at binuksan ko na ang pinto.
Nakangiti pa rin ang LBC Staff. Pina-receive lang sa naynay ko ang dalawang malaking kahon at pinasok na niya sa loob ng bahay. Pagkatapos papirmahan kay naynay ang ilang dokumento na dapat niyang pirmahan ay umalis na rin ang lalake. May kabigatan din ang package huh.
"Nay, kanino raw galing?"
"Hindi niya binanggit. Ayaw raw magpakilala eh."
"Wala ba kayong maisip na posibleng nagpadala niyan?"
"Wala. Ang mga kamag-anak natin ay walang kakayahang magpadala ng ganitong kabigat na package saka wala naman ipapadala. Naghihirap din ang mga iyon sa probinsya eh."
"Buksan natin, Nay? Para malaman na agad natin ang laman."
Curious ako kung anong laman ng kahon kaya hindi ko na hinintay si naynay na sumagot. Binuksan ko ang isang box at nanlaki ang mata ko sa nakita. Napatingin ako kay naynay at maski siya ay nagulat din sa nakita. Binuksan ko rin ang isa pang laman ng box at mas lalo akong na-shock.
"OW-EM-GE!" bulalas ko.
"GI-IM-UW!" sigaw ni Naynay
**********
Nakatayo ako sa paanan ng papag. Pinagmamasdan ang mga gamit na nakahanay sa ibabaw ng papag. Nakalatag doon ang new uniform ko. May mga school supplies din. Ang gaganda pa ng damit. May jeans, sandals, rubber shoes, t-shirts, blouses at mas maraming cute dress. Napatakip ako sa bibig ko. Sigurado bang para sakin ang lahat ng 'to?
Isa-isa kong sinukat ang mga damit at nakakapagtakang lahat ng iyon ay kasya sa akin.
Alam ng nagpadala ang size ng katawan ko?
Sunod kong sinuot ay ang mga sapatos at lahat ng iyon ay parang sinadya na nakalaan lang sa paa ko. Tama lahat ng size.
Nang mapagod kakasukat sa lahat ng damit at sapatos ay humiga ako sa manipis kong kutson. May lambot pa rin naman akong nararamdaman. Mataman ko lang tiningnan ang kisame ng kuwarto ko. Marupok na at parang nagbabadya ng bumagsak. Nakakatakot na pala ipuwesto ang kama ko rito. Mamaya ay ililipat ko 'to ng pwesto.
Napatingin ulit ako sa mga gamit na nagkalat sa tabi ko. Sino kaya ang nagpadala ng package? Sapat na para sa tatlong buwan lahat ng groceries na natanggap namin. May pera pang nakalagay sa sobre at sapat na ang perang iyon para makabayad kami ng dalawang buwang upa namin sa bahay, ang kuryente at tubig, pamasahe ko araw-araw at pangkain namin. Grabeng blessing naman nito. Sana magpakilala agad sa amin ang may mabuting puso na nagpadala ng lahat ng ito. Gusto ko siyang makilala ng personal at mapasalamatan dahil sa kabutihang loob na binigay niya sa amin ng naynay ko. Sobrang malaking tulong talaga itong ginawa niya. Pagpalain siya ng Poong Maykapal.
Masaya rin ako nang makita kong masaya si naynay. Maski siya ay pinadalhan din ng mga damit, pampaganda at bag. Hindi magkumahog si naynay sa mga gamit na natanggap niya. Hindi mabura ang ngiti sa mga labi niya. Panay pa ang yakap at halik sa akin.
Masuwerte pa rin talaga kami ng naynay ko. Sana huwag magsawang tumulong sa amin ang mga taong nagbigay ng lahat ng 'to.
**********
Nandito ako ngayon sa soccer field ng academy.
"Go, Caleb! Go, Caleb! Gooow, CALEEEEB!"
"I LOVE YOW SOW MUUUUUCH, CALEEEB!"
"IPASOK MO, CALEB! IPASOK MOOOW, DARLING!"
Buwisit! Anong klaseng bunganga ba ang mayroon ang mga 'to? Makapasok, WAGAS! Panay ang tilian ng mga babae. Naku mas lalo na ang mga bading. Fans club sila ni Caleb, "Calebers" kung tawagin. I didn't know that there this kind of species sa academy. Shocks! Parang mga bulate kung magwala. Parang hindi galing sa mayaman na pamilya sa inaasal.
Matatanggal yata ang eardrums ko sa ingay ng mga bunganga ng mga 'to. Grabe kung makasigaw. Ang titinis pa ng boses ng mga bruha. Saan kaya nila hinugot ang ganoong kakatindi na mga boses na parang galing pa sa pinakailalim ng lupa?
Tumayo ako at lumayo sa mga baliw na babae at mas sobrang baliw na mga badingers na iyon. Gusto kong mapanood ng payapa si Caleb. Ayoko ng distraction kaya naman tumayo ako at naglakad. Maghahanap ako ng magandang puwesto. Iyong walang aabala sa akin.
Practice session lang iyon kasama ng mga team mates niya pero parang totoong laban na talaga ang nagaganap dahil sobrang seryoso ni Caleb pagdating sa field.
Nakahanap din ako ng magandang puwesto malapit sa mayabong na puno. May bakanteng bleachers doon kaya umupo ako. Malayo sa mahal kong si Caleb pero walang problema kasi may secret weapon naman akong dala. Nilabas ko mula sa bago kong backpack bag ang aking binocular. Ang lupit 'di ba? Regalo 'to sa akin ni naynay noong nakaraang birthday ko. Sabi ni naynay, talaga raw pinag-ipunan niya itong bilhin para sa akin. Naiyak naman ako ng tanggapin ko iyon. Kaya pala panay ang raket niya noon sa paglalabada at pagma-manicure. Matagal ko na 'tong ni-request sa kaniya at sobrang saya ko talaga nang binigay niya ito sa akin last year.
Isa lang naman ang rason kung bakit ko hiniling ito sa naynay ko. Ano pa nga ba? Eh ‘di ang masilayan nang malapit sa mata ko ang bawat galaw ng mahal ko. Hindi na ako mahihirapan pang tingnan si Caleb dahil gamit ang binocular na ito, parang nasa harapan ko lang siya. Abot-tanaw ko lang siya. Sa mga ganitong pagkakataon ay masaya na ako matanaw mula sa malayo si Caleb. Siya ang tanging dahilan kung bakit pilit kong tinatatagan ang loob ko na mag-aral dito. Mahal ko siya. As in mahal na mahal. Ramdam na ramdam ko sa aking puso na sinisinta ko siya. Unang kita ko pa lang sa kaniya ay minahal na siya ng puso ko. Tandang-tanda ko pa ang unang pagkikita namin sa school na ito. Dito rin mismo sa soccer field na to.
Panay ang kalkal ko sa bag para hanapin ang payong ko. Alam kong laging nasa bag ko iyon para incase na umulan ay ready to go home agad ako.
"Gotcha!" Nakita ko rin sa wakas. Nasa pinakailalim lang pala ng magulo kong gamit. Tuluyan na akong lumabas ng room.
"Panget, tabi riyan!"
Muntik na akong masubsob sa nangyari. Tinulak lang naman ako ng mga walanghiya kong kaklase
Sabay-sabay silang tumawa. "Ang pangit na nga, lampa pa." Walang tigil sa pagtawa si Jonard.
Binigyan ko ng matalim na tingin ang grupo ni Jonard. Kasama niya ang dalawa niyang alagad, sina Kael at Leo.
"Grabe! Ang pangit mo taLaga, alam mo ba iyon?" pang-aasar ni Kael.
"Oo nga. Lalo kang pumapangit kapag ganiyan ang hitsura mo eh. Pampasira ka sa magandang school natin eh," sabat ni Leo.
"Ang creepy mo talaga, Racal. Sobrang kapal na nga ng kilay mo, mukhang kamatis pa iyang mukha mo dahil sa mga tagyawat mo. Sobrang pangit mo talaga." Grabe lang makapanglait si Jonard. Sarap duraan ng mukha. Buwisit talaga!
"Oh, Racal, bago magkalimutan. Ang homework natin huh, pakopyahin mo kami. Kapag hindi mo sa amin pinasa iyon, mananagot ka sa akin," pangbabanta ni Jonard.
Nakahinga rin ako nang maluwang nang makita ko silang nakalayo na. Mas salbahe pa ang mga tao rito sa WOW kaysa sa Fantastic High kasi sa dati kong school, iniiwasan lang ako ng mga tao roon. Wala namang mga bully doon pero rito, ang saklap. Unang buwan ko pa lang dito, pagmamalupit na agad ang naranasan ko.
Parang gusto ko nang maggive-up. Hindi pala magandang desisyon ang ginawa kong paglipat dito. Nagsisisi ako. Sobrang pagsisisi ko!
Malungkot akong lumabas ng building. Umuulan pa rin pero hindi na malakas. Nakita ko ang bawat estudyante na may kaniya-kaniyang sundo. Pagandahan ng tsikot. Bukod tanging ako lang ang walang sundo. Hindi nila dapat malaman ang totoo kong status sa eskwelahan na ito kaya bumalik ako sa building at hinintay ko muna na makalabas lahat ng mga tao.
Nang mapansin kong wala ng tao ay saka ako tuluyan lumabas ng building. Tumigil na rin ang ulan kaya tinago ko na ulit ang payong sa bag.
Bago makalabas ng WOW ay madadaanan ko muna ang soccer field. Napatingin ako sa field at nakita kong may taong naglalaro roon. Habang naglalakad ay nakatingin ako sa taong iyon. Hindi ko kita ang mukha niya at wala naman akong balak pang pakatitigan ng matagal ang taong iyon kaya nagpatuloy ako sa paglalakad.
Pero muling naagaw ang atensyon ko nang marinig ko ang sigaw niya. Nag-alala ako nang makita ko siyang nakahiga sa damuhan. Tumingin ako sa paligid, wala maski isang tao. Naman! Wala akong masosoklolohan.
Dahil hindi naman ako salbahe para ipagsawalang-bahala ang nakikita ko, agad akong tumakbo para daluhan ang taong iyon.
Hustong nakalapit na ako sa kaniya at nakatalikod siya sa akin. Basang-basa ang katawan at damit niya. Halatang nagpaulan ito habang nag-eensayo. Hawak niya ang kanang tuhod niya at namimilipit sa sakit.
"Um, kuya, anong nangyari sa'yo? A-anong masakit?"
Hindi siya sumagot. Impit na hiyaw ang narinig ko kaya lumuhod ako para makita nang malapitan ang dinadaing niya.
Hinawakan ko siya sa braso at hinarap sa akin. Tuluyan ko nang nakita ang mukha niya habang nakapikit siya. Tumingin ako sa tuhod niya at dahan-dahan kong inalis ang kamay niya. Sumunod naman siya sa ginawa ko. Nakita ko ang nagdudugo niyang tuhod.
"D-dugo! N-naku! Kailangan na yata kitang dalhin sa hospital!" Natatarantang hiyaw ko habang nakikita kong umaagos ang dugo mula sa tuhod niya.
"HUWAG! HINDI PUWEDE!" Nagulat ako nang marinig ko siyang sumigaw.
Pero mas lalo akong nagulat nang magmulat siya. Shete! Bakit bumilis ang t***k ng puso ko?