Chapter Seventeen
The Intruder
A G A P E
ISA-ISANG inilabas ng bawat estudyante na naririto sa conference hall ang kani-kanilang clique cards. Ang ilan sa kanila ay kaswal na iwinagayway sa ere ang mga cards habang ang iba naman ay tahimik lang na hawak ito.
Samantalang ako naman ay nagsimula nang pagpawisan nang matindi dahil kahit anong gawin kong sulyap sa bulsa ko ay hindi ko makita ang aking clique card. Bumilis ang t***k ng puso ko na parang nakikipag-karera na sinabayan pa ng pagbuo ng butil-butil ng pawis sa noo ko. Pigil din ang hininga ko at pilit na iniisip kung nadala ko ba iyon kanina bago kami lumabas sa dorm ni Denisa.
Sa pagkakatanda ko naman ay nadala ko iyon. Hindi kasi ako nag-recess kanina dahil sa paghihintay kong dumating si Denisa sa classroom namin kaya parang may pagdududa ako ngayon dahil hindi ko naman siya nagamit.
"Alright, do you all have you Clique cards?" Maligayang tanong ni Sandra mula sa podium.
Sumagot ang karamihan sa mga nandito habang ipinapakita ang kanilang mga cards. Ako naman ay napaawang ang labi at kinabahan nang husto nang mapansin, matapos luminga-linga sa paligid, na ako nalang ang walang hawak na card. At sobrang kitang-kita pa ako dahil dito ako nakaupo sa bandang harapang row.
Maligayang in-examine ni Sandra ang kabuuan ng conference hall, ang mga mata niya ay tintingnan kung hawak na ba ng lahat ang kanya-kanyang card. Tumutulo na yata ang pawis ko habang pinagdarasal na sana hindi tumama sa akin ang paningin niya pero hindi pa man ako tapos manalangin ay nangyari na nga ang kinatatakutan ko.
Napadako sa direksyon ko ang tingin ni Sandra at nanatili iyon mismo sa amin. Medyo naglaho rin nang bahagya ang ngiti sa kanyang labi--mukhang napansin niya na ako lang ang walang hawak na card.
Naku... naku, lagot!
Iniisip ko na kung paano ko maipapaliwanag nang maayos ang dahilan ko... dala ko naman iyon kanina pero ngayon... wala na! Pero, hindi kaya mas magalit sila sa ganoong dahilan? Dahil ang ibig sabihin ay nawala ko iyon kaya baka labag din iyon sa batas ng paaralan gaya ng hindi pagsusuot ng Clique watch!
Samu't saring mga ideya ang lumipad sa utak ko hanggang sa bumuka ang mga labi ni Sandra sa akmang pagsasalita.
"Agape, sweetie? Did you not bring your card with you?" Tanong niya sa isang malambot na tinig.
Napalunok ako at nanlamig. Parang nag-ugat ang buong katawan ko sa inuupuan ko nang banggitin ni Sandra ang pangalan ko sa harap ng podium at habang naka-microphone kaya naman dinig iyon ng lahat ng mga estudyanteng naririto sa loob. Nagsilungunan ang lahat sa direksyon kung saan nakatingin si Sandra para alamin kung sino ang kinakausap niya at agad nilang napansin na ako iyon.
Ang kaninang hindi mapakaling mga bagay na umiikot sa utak ko ay biglang naglaho ng parang bula nang mapagtantong ako nanaman ang sentro ng atensyon ng lahat. Parang numipis ang hangin sa loob ng conference hall at nanuyo rin ang lalamunan ko; nawalan ng kalayahang makapagsalita.
Nakatitig lang sa akin si Sandra mula sa podium habang inaantay ang sagot ko. Ganoon din ang mga itsura ng bawat estudyanteng nakatitig sa akin. Walang sinabi ang kabang nadarama ko ngayon sa mga uri ng kabang narandaman ko sa mga nagdaang araw sa Academy.
Anong isasagot ko?
Nay, tay, sorry at gumawa nanaman ako ng panibagong gulo ngayon.
Pinilit kong huminga nang malalim para kalmahin ang sarili kahit na imposible iyon. Nangingit ang mga kamay ko kaya ikiniyom ko iyon sa kamao pero patuloy pa rin ang pangi ginig.
"U-Uhhm. A-Ano kasi..." sinubukan kong maghanap ng salita sa isip pero parang nakikipaglaro yata ito ng tagu-taguan. "...n-nakalimutan--ay ano... uhm.. p-parang hindi ko s-sinasadya na mawal--"
Naputol ang pautal-utal kong pananalita nang marahas na bumukas ang double doors ng conference hall.
Gulat na bumaling ang bawat ulo ng mga estyante sa direksyon ng pinto at maging ako ay hindi rin napigilan ang kuryosidad kaya napalingon din ako.
Malawak na nakabukas ang double doors kaya naman pumasok sa kaninang medyo madilim na conference hall ang matingkad na sikat ng araw mula sa labas. Nakakasilaw ang liwanag ng araw kaya hindi ko masyadong maaninag ang itsura ng taong nakatayo roon. Siya siguro ang marahas na nagbukas ng pinto.
Ang mala-aninong pigura lamang nito ang naaninag ko kahit na pinapasingkit ko na ang mga mata para maaninag ito nang husto. Sa hugis ng tindig niya ay masasabi kong lalaki siya pero hindi pa talaga makita nang malinaw ang itsura niya.
Nanahimik ang lahat at maging si Sandra na nakatayo sa harap ng podium ay hindi ko narinigan ng anumang reaksyon.
Nakatutok ang lahat sa lalaking bigla-biglang binuksan ang pinto ng conference hall. Late-comer din kaya siya kagaya ko?
Inalia ng lalaki ang kamay na nakahawak sa double doors at nagsimula nang maglakad papasok kaya naman awtonatikong sumarado ang pinto at medyo dumilim ulit sa loob ng conference hall. Mabibigat ang bawat yabag ng lalaki habang kaswal na naglalakad sa gitna at pinagmamasdab ng lahat ng naririto. Naglakad siya na para bang normal lang itong ginagawa, walang paaalam, walang kung anong pasabi, hindi man lang nagsalita... naglakad lang.
Ibinulsa niya ang kanyang kamay at huminto sa paglalakad bago dahan-dahan itinaas ang ang kaninag medyo nakayukong ulo kaya nakita ko nang malinaw ang itsura niya.
Napasinghap ako at napanganga nang makilala ang pamilyar niyang mukha.
Lumibot ang mga mata ng lalaki sa paligid na para bang may hinahanap ito hanggang sa tumigil ang kanyang paglinga sa paligid nang nagtama ang aming mga mata. Tinanggal niya ang headphones na nakasalampak sa tenga bago siya naglakad ulit...papunta sa direksyon ko.
Siya... siya iyong lalaking estudyanteng nakakita sa akin na dumausdos pababa ng hagdanan noong hinahabol ko si Denisa! Nakasalubong ko rin siya sa cafeteria kanina noong napadaan kami ni Denisa roon bago ang klase.
Anong... anong ginagawa niya rito?
Kabilang din ba siya sa mga Reconcilers at medyo na-late lang? Kung ganoon, bakit siya naglalakad ngayon papunta sa akin?
Nakarinig ako ng mangilan-ngilang mga singhap nang biglang huminto ang lalaki sa harapan ko at mariing ipinukol ang seryoso niyang mga mata sa akin.
Bakit siya nakatayo ngayon sa harapan ko at bakit siya nakatitig sa akin na para bang ninakaw ko ang ulam niya kaninang lunch?
Kahit hindi ako luminga sa paligid ay alam kong pinagtitinginan nanaman kami ng lahat ng naririto. Pero nanatiling tahimik ang lahat, maging si Sandra at ang limang estudyanteng kasamahan niya.
Hindi ko alam kung bakit palagi akong naiipit sa isang sitwasyon kung saan ako lagi ang nagiging sentro ng atensyon. Hindi ko ito gusto, hindi ko gusto ang ganitong pakiramdam.
Pakiramdam ko ay lumipat na sa loob ng tenga ang puso ko dahil dinig ko na ang pabilis nang pabilis na t***k nito.
"Oh, I can't believe that a day will come that I'll be witnessing you visiting us here," naputol ang pagtitinginan namin ng lalaki nang magsalita sa wakas si Sandra. Nang sulyapan ko siya ay nakita ko siyang pababa na ng stage habang hawak pa rin ang kanyang wireless microphone.
Huminto siya sa harapan naming dalawa habang matamis na nakangiti sa lalaking kaharap ko na walang kibo.
"What brought you here, our dear fallen chief?" Tanong ni Sandra.
Napakurap ako sa sinabi niya.
Ano raw ang itinawag niya sa lalaking ito? Fallen chief?
Binalik ko ulit ang tingin ko sa lalaking nakatayo sa aking harapan. Umusbong ang isang ngisi sa kanyang labi.
Isang ngisi na walang bahid ng kaligayahan; isang ngisi lang na parang may pagbabanta. Tinitigan niya ako ng ilang segundo bago ipinukol ang matalim na tingin kay Sandra.
"Why? Do you find it repulsive for me to intrude your sham family?"
-C. N. Haven-