BOOK1 OF 1: HUDYAT
~SAVANNA~
“TAKBO, Savanna! Takbo!”
Mga katagang narinig ko mula sa isang nakatatakot na boses habang ako ay walang tigil sa pagtakbo.
“Tulong! Tulong!”
Namamaos ang mga kalamnan at nanginginig ang buo kong katawan dahil sa sindak. Sinubukan kong ibuka ang aking bibig ngunit wala ni isang salita ang lumabas dito.
“Kahit sumigaw ka pa ng malakas, walang sino man ang makaririnig sa iyo, Savanna!” Humahalakhak pa ito habang nakayakap sa likod ko.
“Maawa ka sa akin, bitawan mo ako! Ano ang kailangan mo sa akin? ”
Mga salitang pilit kong binitawan, ngunit tanging isip ko lang ang bumibigkas.
“Ito ang tatandaan mo, Savanna. Pagdating ng iyong ikalabinsiyam na kaarawan, babalikan kita!” makahulugang saad nito habang walang tigil sa pagtawa.
Napaigtad na lang ako nang maramdaman ko ang kirot na nagmumula sa aking dila dahil sa mga kagat ko.
Agad akong bumangon at nagmamadaling lumabas ng kuwarto ko para uminom ng tubig. Ngunit sa aking pagtayo ay napansin ko ang mga bakas ng putik sa aking mga paa, ang aking buong damit ay basa ng pawis at ang aking mga balikat ay nauubusan ng lakas.
Habang nagpapalit ako ng damit, isang madilim na bangungot ang muling sumilay sa aking alaala noong ikalimang kaarawan ko.
“Bakit ko na naman napanaginipan ang boses ng halimaw na iyon? Sino ka ba talagang hayop ka?! Bakit hindi ka nagpapakita sa akin ng personal? At saka ang mga paa ko, bakit may mga bakas ng putik?”
Nanginginig ang aking buong katawan habang matulin kong iniisip ang totoong nangyari buong magdamag. Gayunpaman, kahit ano’ng gawin kong pag-iisip, ang tanging naaalala ko ay natulog ako ng maaga.
“Savanna! Bumaba ka na riyan. Hinahanap ka na ni Mother Maura!” Bumalik ang katinuan ko nang marinig ko ang boses ni Gail.
Si Gail ang matalik kong kaibigan dito sa beateryo. Magkasing-edad lang kami ni Gail nang ampunin kami ni Mother Maura.
Bukod kay Mother Maura, si Gail na rin ang aking sumbungan ng aking mga problema. Kung hindi dahil kina Gail at Mother Maura, sigurado akong nasa loob na ako ng mental hospital ngayon.
Nasa loob nga ako ng kumbento nakatira, ngunit lapitin naman ako ng mga tao. Ayos lang sana kung mga normal at totoong tao, pero hindi! Mga tao na wala ng buhay at tanging ako lamang ang nakakakita.
“Savanna! Ang lalim ng iniisip mo, ah!”
“Akin na iyang laso ng buhok mo, Savanna!”
Ito na naman sila, ang aga-agang nangungulit! Kahit saan ako magpunta ay nandoon din sila. Minsan pa nga ay sinusundan nila ako kahit nasa loob ako ng banyo.
“Puwede ba, bigyan niyo naman ako kahit kunting konsiderasyon! Alam niyo namang nagbibihis pa ako, ‘di ba? Bakit hindi kayo roon maglaro sa hardin ng kumbento?” pagtataboy ko sa mga ligaw na kaluluwa at multong walang magawa kung ‘di ang buntot nang buntot sa akin!
Kung mahahawakan ko lang ang mga ito, pinag-uuntog ko na talaga ang ulo ng mga ito!
Habang kumakain ako ng almusal kasama sina Mother Maura, Gail at Sister Greta ay pansin ko ang isang pilyang multo na si Magda habang nilalaro nito ang sariling ulo.
“Ano ba, Magda! Ibalik mo nga iyang ulo mo sa sarili mong katawan! Kumakain kami rito, oh!” bulyaw ko sa multo.
“Ano ba iyan, Savanna! Tumigil ka nga! Kinikilabutan ako sa ‘yo, eh!” saway naman ni Gail sa akin.
“Paano naman kasi, nakawawala ng gana itong si Magda. Sariling ulo, hinihiwalay sa sariling niyang katawan!” pagtataray ko.
“Savanna, Gail, nasa harapan tayo ng grasya,” mahinahong tugon ni Mother Maura.
Parang tunay na kapatid na ang turingan namin ni Gail, kaya normal lang sa aming dalawa ang magbangayan at magsigawan. Pati sina Mother Maura at Sister Greta ay nasasanay na rin sa pagiging maingay naming dalawa.
“Siya nga pala, Savanna at Gail. Natanggap ko na ang resulta ng exam ninyo para sa full scholarship ninyong dalawa sa Malcolm de University,” malungkot na boses na wika ni Mother Maura.
Biglang umiyak si Gail nang makitang malungkot ang mukha nina Mother Maura at Sister Greta.
“Mother!” Humahagulgol pa ito.
Habang umiiyak si Gail, napansin ko ang multong si Magda na unti-unting lumapit sa tabi niya. Nang nilakasan ni Gail ang pag-iyak ay muling inalis ni Magda ang ulo sa katawan nito at mabilis na inihampas sa batok ng aking kaibigan.
Sa halip na pagalitan ko si Magda ay napahalakhak na lang ako dahil sa kapilyahan ng multo.
“Ano ‘yon? Savanna, ano iyon?!” biglang sambit ni Gail habang sumisinghot.
Dama ko ang takot mula sa kaniyang boses habang hinahaplos ang kaniyang batok.
“Savanna, bakit parang may humampas yata sa batok ko?” utal na bigkas ni Gail.
Sa halip na magsalita ay umiling na lang ako at ibinaling ang aking atens’yon kay Mother Maura.
“Bakit po kayo malungkot, Mother Mau? Hindi po ba kami pumasa sa exam?”
Ngumiti si Mother Maura at hinawakan ang magkabilang kamay namin ni Gail. “Hindi. Ibig kong sabin, pareho kayong pumasa sa entrance exam!”
Sa labis ng aking pagkatuwa, bigla kong niyakap si Mother Maura. Ramdam na ramdam ko rin ang mainit niyang yakap dahilan para tumulo ang aking mga luha. Kahit minsan ay hindi niya ako pinabayaan, lahat ng pananabik ko sa aking mga magulang ay kaniyang pinupuna.
“Maraming salamat po, Mother Mau. Mahal na mahal ko po kayo,” hagulgol kong saad sa kaniya.
Hinawakan niya ang magkabilang pisngi namin ni Gail.
“Ipinagmamalaki ko kayong dalawa. Basta ito ang tatandaan ninyo, pareho ko kayong mahal. Okay?” Ngumiti siya at sabay naming hinalikan ni Gail ang magkabilang pisngi niya.
Habang nililigpit namin ni Gail ang aming pinagkainan, hindi ko sinasadyang napatitig sa mga mata ni Sister Greta. Kitang-kita ko sa mga mata ng madre ang pagsalpok ng dalawang sasakyan habang siya ay tumatawid sa gitna ng kalsada. At nakita ko sa mga mata ni Sister Greta ang sariling bangkay habang gumugulong ito sa gitna ng kalsada.
Akmang lalapitan ko sana si Sister Greta nang bigla akong hinila ni Mother Maura.
“Savanna, anak! Huwag mong sabihin na mayroon ka na namang nakikitang kakaiba?” mahinang boses na saad ni Mother Maura sa akin.
Yumuko ako sabay tango ng aking ulo, tanda ng pagsang-ayon ko sa sinabi ni Mother Maura.
“Sige na, Sister Greta. Pumunta ka na sa palengke, ako na ang bahala rito, okay?”
Bigla akong napalingon kay Mother Maura nang marinig ko ang kaniyang sinabi.
“Mother? Maaari ba akong sumama kay Sister Greta sa palengke?” mga salitang bigla kong nabitawan.
“Naku, Savanna! Huwag na. Tulungan niyo na lang ni Gail si Mother Maura dito sa kumbento, okay? Kaya ko na ito.” Ngumiti siya sa akin.
Nakangiti nga si Sister Greta, ngunit kitang-kita ko ang isa pa niyang mukha. Malungkot ito habang nakatitig sa akin.
“Sister Greta? Huwag po kayong maglalakad papunta sa palengke, okay? Gusto mo tawagan ko si Manong Berting para ihatid ka niya sa palengke?”
“Napakabait mo talagang bata ka. Huwag kang mag-alala, ayos lang ako,” mahinahong tugon niya sa akin.
“Ehem! Ibig niyo po bang sabihin, sister. Si Savanna lang ang mabait?” biglang sabat ni Gail sa amin.
Sa halip na magsalita si Sister Greta ay napahalakhak na lang ito sabay talikod.
Ilang minuto pa lang mula nang makalabas ng kumbento si Sister Greta nang makarinig kami ng malakas na tunog mula sa labas ng beateryo. Isang malakas na ingay ng mga sasakyan na tila nagbabanggaan.
“Mother! Mother!” malakas na sigaw ni Manong Berting.
Humuhingal pa ito nang humarap kay Mother Maura.
“Berting? Ano ba ang nangyayari sa iyo? Ha?” nagtatakang saad ni Mother Maura.
“Si Sister Greta po!” nauutal na sambit nito.
Bago pa man magsalita si Manong Berting ay kitang-kita ko na ang kaluluwa ni Sister Greta habang ito ay nakangiti at nakatingin sa akin.
“Sister Greta!” sa isip ko.
Gusto kong sumigaw, pero walang boses na lumalabas sa bibig ko. Gusto ko siyang lapitan at yakapin, ngunit hindi gumagalaw ang aking katawan. Wala akong nagawa kung ‘di ang tingnan siya habang walang tigil sa pagpatak ang aking mga luha.
“Huwag kang umiyak, Savanna. Alam ko na maraming beses mo akong sinaway, kung nakinig lang ako sa iyo, hindi sana mangyayari ito sa akin. Tandaan mo ang sasabihin ko, wala kang kasalanan. Mahal na mahal pa rin kita.”
Bigla akong napabalikwas nang marinig ko ang boses ni Sister Greta. Nagulat na lang ako nang magising ako ay nasa kuwarto na ako ng ospital.
“Savanna! Gising ka na pala! Ano ba ang nangyayari sa ‘yo kahapon, ha?” nagtatakang saad ni Gail.
“Gail? Bakit ako nandito sa ospital? Nasaan si Mother Maura? At saka si Sister Greta?” walang tigil kong tanong sa kaniya.
“Kumalma ka muna, okay? Mas mabuting inumin mo muna itong tubig,” mahinahong tugon ni Gail sabay abot sa akin ng isang basong tubig.
Pagkatapos kong uminom ng tubig ay tinanong ko ulit si Gail. Gayunpaman, biglang dumating si Mother Maura.
“Mother! Ano po ang nangyayari? Bakit kayo malungkot?” Nagtataka na ako sa mga ikinikilos niya.
“Wala na si Sister Greta, Savanna,” hikbing tugon niya.
Nang marinig ko ang sinabi ni Mother Maura ay hindi ko napigilan ang aking sarili. Bigla akong napasigaw sa loob ng aking kuwarto.
Ang aking mga nakikitang hudyat sa mga mata ni Sister Greta ay tila nagkatotoo. Hindi ko man nakikita ang totong pangyayari, ngunit ramdam ko ang mga sakit na nararamdaman niya habang sinasalo ang bigat ng mga sasakyang pumipiga sa kaniyang katawan.
Unti-unti na namang lumalabas ang aking kinatatakutan na mga hudyat. Mas gugustuhin ko pa na kausapin ang mga multong palaging nakabuntot sa akin, kaysa makita ang hinaharap ng mga taong nakapaligid sa akin.