BOOK1 OF 13: PAGBABALIK

3509 Words
~Savanna~ UMUPO ako sa paanan ni Damon at maingat na itinaas ang kan’yang mga paa upang palitan ang kan’yang medyas. “Damon-- bakit hindi ko mahawakan ang mga multo nila Madie at Magda? Pero ikaw, nahahawakan ko?” "Bakit? Ano ang tingin mo sa akin, multo? Nandiyan pa ang katawan ko, oh.” Natawa na lang ako dahil sa sinabi niya. Mayamaya ay biglang sumeryoso ang mukha niya. "Ayos ka lang?" Tanong ko sa kan’ya habang minamasahe ko ang mga tuhod ng kan’yang katawan. Lumapit ang kaluluwa niya sa kinaroroonan ko at hinawakan ang mga kamay ko. "Mahal-- may gustong kumausap sa ‘yo." Magsasalita na sana ako, ngunit bigla akong natigilan nang marinig ko ang isang pamilyar na boses. “Savanna..” Lumingon ako sa aking likuran at nakita ko ang maamong mukha ng isang babae. “Inay?” Biglang sambit ko. Nagtataka ako kung bakit biglang nabigkas iyon ng labi ko. Na kahit ako ay hindi ko siya kilala. At ang pagbanggit niya sa aking pangalan ay naging dahilan ng pagkabog ng dibdib ko. Ilang sandali pa ay lumapit siya sa akin. “Savanna, dalagang-dalaga ka na, anak.” Napaawang ang labi ko nang marinig kong tinawag niya akong 'anak'. "Ikaw ang aking ina?" nauutal kong bigkas. Ngumiti siya sa akin. “Tingnan mo ang mga mata ko, anak.” Hindi na ako nagdalawang isip at tinitigan ko siya sa mga mata. Kitang kita ko ang sarili ko sa mga mata niya habang nakasunod siya sa likuran ko. Kahit saan ako magpunta ay nandoon din siya. Napansin ko rin ang isang lalaki na kasing edad niya na lagi niyang kasama. Sa kalaunan ay nakita ko ang aking malungkot na nakaraan, kung saan ay ipinagdiwang namin ng aking ina ang aking ikalimang kaarawan. Ang masakit na karanasan ko na hinding hindi ko makakalimutan kailanman. Hindi ako makapaniwala na ang aking ina ay nandito lang pala sa aking tabi at palaging nakasubaybay sa akin. “’Nay?” Napahagulgol ako. Gusto ko siyang yakapin ngunit hindi ko rin siya mahawakan. Mayamaya ay lumitaw din ang isang lalaki na laging kasama ng aking ina. Alam kong si tatay iyon. Nang tumingin ako sa kaniyang mga mata, gaya nang nakita ko sa mga mata ni Damon noon ay ganoon din ang nakikita ko sa mga mata ng aking ama. Subalit mas malinaw ang mga pangyayaring nakikita ko sa mga mata ni tatay kumpara kay Damon. Kitang kita ko kung paano sumalpok sa isang poste ang kanilang sinasakyang kotse ni Damon noon. Lumapit sa akin si Damon at niyakap niya ako. “Huwag ka nang umiyak. ‘Di ba dapat masaya ka dahil nakita mo ang mga magulang mo?” “Bakit ngayon lang kayo nagpakita sa akin?” “Tulad nang nakikita mo sa mga mata ko, Savanna. Kami ng tatay mo ay laging nasa tabi mo lang.” maluha-luhang wika ni nanay sa akin. “Hanna, anak, patawarin mo rin si tatay, ha? Mahal na mahal ka namin ng nanay mo.” Ramdam ko ang malungkot na boses ni tatay habang nagsasalita. “Mahal ko rin po kayo. Miss ko na po kayo.” “Ito ang tatandaan mo, anak. Nandito lang kami ng nanay mo sa tabi mo.” “Tay? Bakit po Hanna ang tawag ninyo sa akin?” Ngumiti si nanay sa akin bago nagsalita. "Iyan ang palayaw na ibinigay sa iyo ng iyong tatay, anak. Mahaba raw kasi ang ‘Savanna’ kaya pinaikli niya." Bigla akong natawa nang marinig ko ang sinabi ni nanay. "Pero alam mo bang mas kilala ka sa pangalang 'Hanna' kaysa sa 'Savanna'?" nakangiting wika ni tatay. Mayamaya ay biglang lumitaw ang isang maliwanag na bagay. Nakasisilaw ang sinag nito at unti-unti itong lumalapit sa kinaroroonan nila nanay at tatay. “Anak, kailangan na naming magpaalam sa iyo. Sinusundo na kami ng tatay mo.” “Damon? Maraming salamat sa pagpapatawad mo sa amin. Kung hindi dahil sa iyo, malamang ay gumagala pa rin ang aming mga kaluluwa ngayon. At dahil sa iyo, nakausap namin ang anak namin. Salamat sa iyo, anak.” Huling boses na narinig ko mula kay tatay. Bago tuluyang nawala ang aking mga magulang, naramdaman ko ang mainit nilang yakap sa akin na labis na ikinatuwa ko. Kahit papaano ay naibsan ang aking kalungkutan. Pinunasan ni Damon ang luha ko saka hinalikan ang labi ko. "Masaya ako para sa iyo, Savanna. Pero mas kumportable ako 'pag tinatawag kitang 'Mahal'." Napangiti ako dahil sa sinabi ni Damon. May kung anong kumurot sa dibdib ko nang marinig ko ang sinabi niya. Siguro… dahil mahal ko na rin siya. Nakangiti nga siya, ngunit napansin ko ang pagkabalisa niya. "Ayos ka lang ba, Damon?" “Mahal? Gusto kong subukang bumalik sa aking katawan, puwede mo ba akong tulungan?” Bakas sa mukha niya ang lungkot. “Sabihin mo lang sa akin kung ano ang gagawin, Damon. Nais kong suklian ang iyong pagpapatawad sa aking mga magulang.” “Huwag mong isipin iyon, Mahal. Okay? Mabait ang iyong mga magulang, kaya nararapat lang sa kanila ang kapayapaan.” Pagkatapos kung niyakap si Damon ay marahan siyang lumapit sa kaniyang katawan. Doon ko lang nalaman na kahit ang kaluluwa niya ay hindi kayang hawakan ang sarili niyang katawan. Kitang kita ko ang mga luha niya habang paulit-ulit niyang sinusubukang hawakan ang kaniyang katawan. Kaya nilapitan ko na siya. “Damon?” Tumingin siya sa akin saka ako niyakap. Umiling siya. “Siguro hindi pa ito ang tamang panahon, Mahal. Kahit hawakan ko ang katawan ko, hindi ko magawa.” Biglang naglaho ang kaniyang kaluluwa. HABANG naglalakad ako papunta sa principal's office, sa isang liblib na lugar malapit sa opisina ni Director Marzon ay napansin kong kausap ni Professor Diego Marzon ang daddy niya. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay aksidente kong narinig ang kanilang pinag-usapan. “Bakit hindi mo sinabi sa akin na may bagong private nurse si Damon? Huh?! Paano kung magising ang batang iyon? Kapag nagkataon, Diego. Mawawala ang lahat ng pinaghirapan natin. Alam mo naman, sa kaniya mapupunta ang lahat ng shares ng buong Malcolm ‘di ba?!” “Huwag kang mag-alala, Dad. Pupunta ako bukas sa mansion ng mga Malcolm. Iturok ko sa katawan ni Damon ang gamot na ginawa natin, para tuluyan na niyang hindi magalaw ang katawan niya.” Nagulat ako nang marinig ko ang pinag-uusapan nila. Sa labis na takot ko, hindi ko maigalaw ang mga paa ko dahil sa panginginig na naging dahilan ng pagkatumba ko. Ngunit bago pa ako matumba ay sinalo na ako ni Damon. Tinakpan niya agad ang bibig ko para hindi ako makasigaw. “Damon?” Bulong ko sa aking sarili. Bago lumabas si Professor Marzon sa opisina ng kaniyang ama ay nakatago na kami ni Damon. “Damon? Paano mo nalaman na nandito ako?” “Puwede bang sa apartment na lang natin pag-usapan ito? May ipapaliwanag din ako sa iyo.” Alam kong may pasok pa ako. Ngunit alam kong mas mahalaga ang sasabihin sa akin ni Damon, dahil dito nakasalalay ang buhay niya. Ang buhay ng taong minamahal ko. Pagdating namin sa apartment, bago ako umupo sa sofa uminom muna ako ng tubig. Hindi pa rin nawawala sa aking isipan ang mga malalagim na plano ng mag-amang Marzon sa katawan ni Damon. “Damon? Narinig mo rin ba kanina ang pinag-usapan ng mag-amang Marzon?” Tumango si Damon. “Matagal ko nang alam ang masasamang balak nila sa akin. Hindi ko alam na ganoon pala kagahaman sa pera ang pamilyang iyon.” “May maitutulong ba ako, Damon? Sabihin mo sa akin. Nakahanda akong tumulong.” Ngumiti muna si Damon saka nagsalita. “Wala kang gagawin, Mahal. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa pamilya ko, lalo na sa iyo. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mapahamak ang babaeng mahal ko.” Isa-isang bumagsak ang luha ko nang marinig ko ang sinabi niya. Hindi ko akalain na pipiliin niya ang aking kaligtasan kaysa ibalik ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang katawan. Bigla kong hinawakan ang magkabilang pisngi ni Damon saka ko siya hinalikan sa labi. Ngunit ang aming mapupusok na halik ay nauwi muli sa isang mainit na kaganapan. Muli na namang inangkin ni Damon ang aking katawan. Ngunit sa pagkakataong ito ay iba ang aking nararamdaman. Ramdam ko ang init ng katawan niya kaysa sa dati. Hindi ko naisip na isang kaluluwa ang aking kasiping sa tuwing pinagsasaluhan namin ang walang humpay na kaligayahan. Maging ang hininga niya ay mainit ito sa tuwing dumadampi sa balat ko. Bumalik ang diwa ko nang marinig kong tumunog ang cellphone ko. Pagdilat ko, nagtataka ako kung bakit ako lang mag-isa sa kuwarto ko. Hindi ko mahagilap ang kaluluwa ni Damon. Pagtingin ko sa cellphone ko, nakarehistro ang pangalan ni Doctor Monique kaya nagmamadali akong sumagot. “Doc? Bakit po?” Pinilit kong magsalita kahit hinihingal ako. “Savanna! Puwede bang pumunta ka ngayon sa mansion? Huwag ka munang pumasok sa klase mo. Hihintayin ka namin!” Muli na namang kumabog ng malakas ang aking dibdib. Nagmamadali na akong nagbihis at agad na pumunta sa mansiyon. Nang makapasok ako sa loob ng kuwarto ni Damon, nabigla ako sa aking nasaksihan. Ang matagal nang natutulog na katawan ni Damon ay tuluyan nang nagising. “Sav!” Lumapit sa akin si Clenz tapos sinamahan niya akong pumunta sa tabi ni Damon. “Bro, ito si Savanna. Sav na lang ang itawag mo sa kaniya. Siya ang private nurse mo.” Pagtingin ko kay Damon, ngumiti lang siya sa akin. Mga ngiti na nagpapahiwatig ng pasasalamat niya sa akin bilang private nurse niya. Subalit hanggang do’n lang. Bakas sa mga mata niya na hindi niya ako kilala. Wala siyang naaalala sa amin at hindi niya ako maalala. Daig ko pa ang binagsakan ng langit at lupa habang nakatitig sa mga mata ni Damon. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko. Gusto kong sumigaw at umiyak, ngunit hindi ko magawa. “Savanna…” Lumingon ako nang marinig ko ang boses ni Dra. Monique. “We are very grateful to you, iha. Nang dahil sa iyo ay gumaling ang aming anak." Kinakausap nga ako ni Dr. Monique, ngunit hindi maalis ang paningin ko sa mukha ni Damon. Nagbakasakali na pansinin niya rin ako, subalit nabigo lang ako. “Walang ano man po, Doctora. Masaya po ako at gumaling na ang pasyente ko.” Pinilit kong ngumiti para hindi nila mahalata ang lungkot sa mga mata ko. Lumapit sa akin si Dr. Alex at maluha-luhang niyakap ako. “Maraming salamat, iha. Tatanawin kong isang malaking utang na loob sa ‘yo ang lahat ng ‘to. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na nagising na ang anak ko.” Ang mga luhang pilit kong pinipigilan ay nag-uunahang bumagsak nang marinig ko ang paghikbi nito sa balikat ko. Ramdam na ramdam ko kung gaano nito kamahal ang anak niya. Pagkatapos nila akong kausapin ay nagpaalam na ako. Ngunit pinigilan ako ni Dra. Monique. “Savanna? Dito ka na lang mag-dinner. Kung gusto mo, tawagan na lang natin si Gail para hindi ka mag-alala sa kaniya. Okay lang ba ‘yon?” “Ayos lang po, Doc. ‘Wag mo na lang tawagan si Gail. Sinabi niya sa akin na late siya umuwi dahil may group study sila pagkatapos ng kanilang klase.” Pagsisinungaling ko. Kailangan kong magsinungaling dahil ayaw kong istorbohin sila. Nais ko ring umuwi nang maaga dahil alam kong mas masasaktan lang ako kapag nakita ko si Damon na hindi niya ako kilala. Habang kumakain kami ng hapunan, biglang nagsalita si Damon na ikinatuwa naman ng kaniyang buong pamilya. Iyon ang unang beses na marinig muli nila ang boses ng kanilang anak. Ang boses nito na masarap pakinggan. Malaki at lalaking-lalaki, ibang-iba sa boses ng kaniyang kaluluwa. “Pa? Kumusta sina Venice at Diego? ” Para akong kandilang natutunaw nang marinig ko ang sinabi niya. Hindi ko alam kung nasasaktan ba ako o nag-aalala para sa kaniya. Maging ang masasamang plano ng mga Marzon ay hindi niya naaalala. "Ibig sabihin naaalala mo pa sila, anak?" Bakas sa mukha ni Dra. Monique ang saya. “Yes, Ma. Sila lang naman ang naging kalaro ko noon,” maikling tugon nito sa kaniyang ina. “Huwag kang mag-alala, bro. Kapag bumuti na ang pakiramdam mo, isasama kita sa klase ko.” Kahit hindi tunay na kapatid ni Clenz si Damon ay makikita mo sa mukha nito kung gaano siya kasinsero dito. Walang bakas ng inggit at selos sa kaniyang mga mata. “Siya nga pala, Savanna. Maraming salamat sa pag-aalaga sa akin.” Nagtama ang aming mga mata ni Damon nang kausapin niya ako, ngunit ramdam ko pa rin ang malamig niyang pakikitungo sa akin. Sa halip na magsalita ay nginitian ko na lang siya bilang tugon ko sa pasasalamat niya sa akin. “Ngayong nagising kana, anak, oras na rin para hanapin ko si Hanna.” Bigla akong napaubo nang marinig ko ang sinabi ni Dr. Alex.” “Sino si Hanna, Dad?” tanong ni Clenz sa papa nila. Huminga muna ng malalim si Dr. Alex bago nagsalita. “Ang nag-iisang anak nina Romeo at Soledad. Bago binawian ng buhay si Soledad, nakiusap siya sa amin na hanapin ang kanilang anak. Pero no’ng pumunta kami sa bahay nila, wala na si Hanna. Wala rin kaming ideya kung saan siya nagpunta.” Parang sasabog sa lungkot ang puso ko habang tahimik na nakikinig sa mga kuwento ni Dr.Alex tungkol sa huling habilin sa kan’ya ng nanay ko. Pagkatapos naming maghapunan ay nagpaalam na ako at bumalik sa aming apartment. Bumagsak ang mga balikat ko habang papalapit sa room apartment namin ni Gail. Pagbukas ko ng pinto ay nakataas ang kilay ng kaibigan ko habang nakatingin sa akin. “Sav?! Saan ka pumunta? Bakit hindi ka pumasok sa klase, ha?!” Nakapamaywang pa ito habang pinapagalitan ako. Gusto ko siyang kausapin, ngunit walang boses na lumalabas sa bibig ko, tila pagod na rin ang aking buong katawan. Niyakap ko si Gail at saka ko pinakawalan ang kanina ko pa pinipigilang iyak. “Sav? Bakit? Ano’ng nangyari sa ‘yo?” Walang tigil na tanong ni Gail sa akin habang tinatapik niya ang aking balikat. Inalalayan niya akong maupo sa sofa at pilit akong pinapakalma. "Gising na si Damon, Gail." maikli kong saad sa kaniya. "Talaga? Bakit ka malungkot?' Hindi ba dapat masaya ka dahil gumaling na ang pasyente mo?” Umiling ako. “Hindi niya kasi ako nakikilala, eh,” hikbi ko. “What?!” Bulalas niya. Kahit na si Gail ay hindi makapaniwala. “Paano nangyari iyon, Sav?” “Hindi ko rin alam, Gail.” Muli niya akong niyakap. “Huwag kang mag-alala. Malay mo bukas o sa susunod na araw, makikilala ka na niya. Kaya huwag ka ng malungkot, okay?” Malalim na ang gabi at hindi pa rin ako makatulog, kaya naisipan kong lumabas ng kuwarto at tumambay muna sa sala. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata, nagbabakasakali na dalawin ako ng antok. “Hanna?” Napaigtad ako nang marinig ko na tinawag muli ang aking palayaw. “Magda?” Ngumiti siya sa akin saka umupo sa aking tabi. “Paano mo nalaman ang palayaw ko?” nagtataka kong tanong sa kaniya. “’Di ba nga multo ako? Hindi man ako makakahawak ng mga bagay-bagay, pero nakakarinig pa rin ako.” Alam kong may tinatago si Magda sa akin na ayaw niyang sabihin sa akin, kaya pinilit ko siyang tanungin. “Madga! Sabihin mo sa akin ang totoo! Ipaliwanag mo sa akin ang lahat ng nangyayari. Hindi ba kaibigan kita? Gusto mo bang mabaliw ako sa kaiisip? Ha?!” Dahil sa pinaghalong emosyon, hindi ko na namalayan na nasigawan ko na pala si Magda. "Noong ikalimang kaarawan mo!" Bigla siyang sumagot na ikinagulat ko naman. “Ano ang meron sa araw na iyon? Ha?! Bakit lahat na lang ng bangungot ko ay nagsimula sa araw na iyon?! “Dahil iyon ang araw na susunduin ka sana ng iyong kamatayan, Hanna.” “Ano?!” bulalas ko. “Ang lalaking nakaitim na nakita mo sa ospital noon ay hindi si Damon. Ang lalaking iyon ang tagasundo mo. Iniligtas ka ni Damon, nilabanan niya ang maitim na kaluluwang iyon. Kung hindi dahil kay Damon, tuluyan ka nang nilamon ng apoy noon. ” "Ano’ng pinagsasabi mo, Magda?! Wala akong maintindihan! At saka anong apoy ang pinagsasabi mo? Ha?!" “Nakiusap si Romeo sa kaluluwa ni Damon na pumunta sa inyong bahay. Bago pa nabitawan ni Soledad ang nakasinding birthday cake mo noon ay unti-unti nang sinusunog ng itim na kaluluwa ang likod ng inyong bahay. Namatay si Soledad dahil sa tindi ng usok at hindi na kinaya ng kaniyang puso.” Muling sumilay sa akin ang malaking apoy na nagmula sa birthday cake ko noong kaarawan ko. Ang tanging naaalala ko, bago namatay si nanay. "Bakit mo kilala ang mga magulang ko? ‘Wag mong sabihin, dahil multo ka ay kilala mo na lahat ng mga tao!” diretso kong tanong sa kaniya. “Ako ang sumundo sa kaluluwa ni Soledad at si Madie naman ay sa tatay mo.” Biglang uminit ang ulo ko nang marinig ko ang sinabi ni Magda. “Ibig mong sabihin, wala kayong pinagkaiba sa itim na kaluluwang iyon? Ha?!” Tumango si Magda. “Ang pagkakaiba lang namin sa maitim na kaluluwang iyon ay sinusubukan niyang kunin ang mga kaluluwa ng mga tao bago pa man sila mamatay. At siya ang gumagawa ng paraan para magkasala ang mga kaluluwa at tuluyang sumama sa kaniya. Kung sino ang gusto niyang sunduin, kinukuha niya, kahit buhay pa ang katawan ng isang tao." Lumapit si Magda sa akin at tinapik ang aking balikat. “At iyon ang ginawa niya sa kaluluwa ni Damon. Sinubukan niyang bahiran ng kasamaan ang isip ni Damon, ngunit hindi siya nanalo kay Damon.” “Bakit hindi ako maalala ni Damon?” “Wala kang dapat gagawin Hanna, kun’di ang sundin ang tinitibok ng puso mo. Labanan mo ang mga tukso at kaguluhang gumagambala sa iyong isip at puso. Naipanalo mo ang kaluluwa ni Damon laban sa madilim na kamatayan. At iyon ang dahilan kung bakit ang itim na kaluluwang iyon ay galit na galit sa iyo ngayon.” “Mag-ingat ka, Sav. Tandaan mo, mahal ka namin ni Magda. Hindi mo man kami nakikita pero lagi lang kaming nasa tabi mo.” "Teka! Magda, Madie! Ano ba ang pinagsasabi ninyo? Huwag kayong umalis, dito lang kayo sa tabi ko!" Ngunit hindi na nagpaawat sina Magda at Madie, tuluyan na silang sinundo ng puting ilaw. “Magda! Madie! ” Wala na akong magagawa, kung ‘di ang sumigaw at umiyak na lang. Sa sobrang lakas ng aking pag-iyak, ang hindi ko alam ay naririnig na pala ako ni Gail mula sa kuwarto niya. “Sav! Ano ang nangyari? Bakit ka sumisigaw?” “Wala na sina Magda at Madie. Iniwan na nila ako. Iniwan na nila tayo, Gail.” Hagulgol ko sa balikat ni Gail. ISANG linggo na ang lumipas simula nang umalis ang mga kaibigan kong multo. Nakalulungkot lang isipin na kasabay ng pagkawala nila ay ang pagkawala ng alaala sa akin ni Damon. Isang linggo rin akong hindi pinapunta ni Dr. Monique sa mansion nila dahil pinapasok niya ako sa opisina niya sa Malcolm de University. Araw nang Lunes, maaga kaming pumasok ni Gail sa unibersidad dahil iyon ang araw na nakatakdang ipakilala si Damon sa buong unibersidad bilang Presidente ng buong Malcolm. At lingid din sa lahat ng Board of Directors na gumaling na si Damon Malcolm, maging ang pamilya Marzon ay walang alam sa pagbabalik ni Damon. Isang malakas na palakpakan ang bumasag sa katahimikan ng buong Atrium ng unibersidad matapos ipakilala ni Dr. Alex si Damon. Hindi makapaniwala ang buong Lupon ng mga Direktor sa pagbabalik ng nag-iisang tagapagmana sa buong ari-arian ng Malcolm. Mula sa kinauupuan ni Dir. Marzon ay napansin ko ang kaniyang pagkabalisa habang pinagmamasdan si Damon na nagsasalita. Maging ang anak niyang si Diego ay matalas ang paningin na ibinato kay Damon. Kitang kita ko ang inggit sa mga mata niya. “Ang guwapo pala talaga ni Sir Damon!” “Tingnan niyo ang ilong at mga mata niya, nakabibighani talaga!” “Pati boses niya, lalaking-lalaki!” Iilan lamang sa mga papuri na naririnig ko mula sa mga estudyanteng nasa likuran ko. Kung sa bagay, guwapo naman talaga si Damon. Kung hindi ko nga lang siya kilala, iisipin ko na isa siyang artist model mula sa ibang bansa. “Sav! Bakit hindi mo sinabi sa akin na sobrang guwapo pala ni Damon?” bulong sa akin ni Gail. Sa halip na magsalita ay ngumiti na lang ako sa kaibigan ko. “Pero mas bet ko si Clenz. Mas gusto ko ang kaniyang kayumangging kutis.” Napailing na lang ako sa kakulitan ni Gail. Pagkatapos magsalita ni Damon ay muli na namang naghiyawan ang mga estudyante na animo ay nakakita ng isang artista. Kasabay ng pagbaba ni Damon sa stage ay ang pagtatagpo ng nakakikilabot na tingin ng mag-amang Marzon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD