SINUNDAN nang tingin ni Savanna ang mag-amang Marzon habang pababa ng stage ang mga ito.
Lihim na sininyasan ni Vernon ang anak na pumunta sa kaniyang opisina at sumunod naman ito.
“Diego! Paanong hindi mo nalaman ang tungkol sa paggaling ni Damon, ha?! Lahat ng pinaghirapan natin ay mawawalan na ng saysay!”
“Pero, Dad! Wala namang alam sina Alex at Monique tungkol sa mga ginagawa natin ‘di ba? Lalo na ang Damon na iyon!”
“Huwag mong maliitin si Damon, Diego. Baka nakalilimutan mo, matalino ang batang iyon! Kaya nga palaging nangunguna iyon sa klase ninyo noon, ‘di ba? Hindi kagaya mo!” Galit na iniwan ni Vernon ang anak sa loob ng opisina nito.
“Pagsisisihan mo Damon kung bakit ka pa nagising! Kung ako sa iyo, mas pipiliin ko pang matulog habang buhay kaysa mabuhay! Sa pagkakataong ito, hindi ko na hahayaan na manguna ka ulit!” Nan’lilisik ang mga mata ni Diego dahil sa galit habang iniisip si Damon.
Bumalik si Vernon kina Alex at Monique para pag-usapan ang tungkol sa paggaling ni Damon.
“Alam mo Alex, kapag isinapubliko mo ang tungkol sa paggaling ni Damon, sigurado akong dadagsa ang mga private companies at pharma companies sa laboratory natin,” wika ni Dir. Vernon.
“Hindi naman kailangan iyon, Vernon. Kung tutuusin, hindi naman talaga ang mga gamot na naimbento ko ang nakapagpagaling sa anak ko. Sa tulong at pangangalaga ng private nurse niya kaya gumaling si Damon.”
Bakas sa mukha ni Vernon ang galit habang nakikinig sa mga sinasabi ni Dr. Alex Malcolm.
“Iyon na nga, Alex. Alam naman ng buong bansa na isang Pharma Laboratory ang negosyo natin ‘di ba? And of course! Hindi naman natin sasabihin sa kanila na hindi gumaling si Damon sa mga gamot na naimbento mo. Sabihin mo lang sa publiko na mahigit thirteen years nang natutulog ang anak mo and with the help of Malcolm Pharmaceutical ay bigla na lang siyang nagising in a good condition. That's it and you don't have to add any more statements, Alex!”
Sa halip na magsalita si Dr. Alex ay umiling lang ito. Na naging sanhi ng sama ng loob ni Director Vernon.
“Look, Alex! Ito na ang tamang panahon para ibenta natin ang mga gamot na naimbento mo. Hahayaan mo na lang ba na masayang ang lahat ng pinaghirapan mo?”
Ilang sandali pa ay lumapit si Damon sa kanila.
“Hindi pa ba tayo uuwi, Pa?”
“By the way, son, naaalala mo pa ba siya?” wika ni Dr. Alex na ang tinutukoy ay si Dir. Marzon.
“Yes naman po! Kumusta kayo, Tito Vernon?”
Nagulat si Dir. Marzon kung bakit naaalala pa rin siya ni Damon.
"I'm glad na naaalala mo pa rin ako, Damon."
Tumango lang si Damon sa kaniya.
“Dad!”
Napalingon si Damon sa likuran niya nang marinig ang boses ni Venice.
Hinalikan ni Venice ang pisngi ni Dir. Vernon saka tumingin kay Damon.
“Hi, Damon! Naaalala mo pa ba ako?" Ngumiti siya at hinawakan ang mga kamay ni Damon.
“Yes, iha! Ikaw nga ang unang naalala niya at saka si Diego,” biglang sabat ni Dr. Alex na ikinatuwa naman ni Vernon.
“Good! May ideya na ako ngayon kung paano makalapit sa anak mo, Alex!” wika ni Vernon sa sarili.
“By the way, Alex! Puwede ko ba kayong imbitahan sa bahay for a dinner later?”
“Sige na po, Tito Alex. Pumayag na po kayo. Gusto ko rin po makausap si Damon.” Pagmamaktol ni Venice.
“Ayos lang po sa akin, Pa.” Maikling tugon ni Damon.
“Excuse me lang po, pupuntahan ko lang si Mama.”
“Sasamahan na kita, Damon!” Hindi na nagsalita si Damon, tumango na lang siya bilang tugon sa sinabi ni Venice.
Pagpasok ni Damon sa opisina ni Dr. Monique, biglang sumimangot si Venice nang makita si Savanna sa loob.
“Hi, Tita Monique! Good morning po.” Nakangiti nga si Venice, subalit bakas sa mukha niya na naiinis siya kay Savanna.
“Magandang umaga rin, Venice!” Nilapitan niya ito saka niyakap.
"Masaya ako at nagkita na kayo ni Damon ng personal.” Patuloy ni Monique saka ipinulupot ang kamay sa braso ng anak.
Hindi mapakali si Savanna nang umupo si Damon sa harapan niya.
“Lalabas lang po ako sandali, Doc, ihahatid ko lang sa Principal’s Office itong mga picture frame ni Sir Damon.” Pilit na iniiwasan ni Savanna ang mga titig ni Damon sa kaniya. Tumango naman si Monique saka ngumiti.
Lalabas na sana si Savanna nang biglang nagsalita si Damon.
“Ako na ang magdadala ng mga frame.” Napalunok ng laway si Savanna nang marinig ang sinabi ni Damon.
“Nako! Huwag na po, Sir Damon.” Nauutal na sambit ni Savanna.
“Oo nga naman, Damon. Kaya na ni Bruha iyan! I mean, Savanna!” kunot-noong wika ni Venice.
Hindi pinansin ni Damon ang sinabi ni Venice. Sa halip ay kinuha niya ang mga picture frame sa kamay ni Savanna at naglakad palabas ng opisina ni Monique na magkahawak ang kanilang mga kamay.
“Ang bruha mo talaga, Savanna! Parehas lang kayong dalawa ni Gail! Mga patay-gutom! ” bulyaw ni Venice sa kaniyang sarili.
“Are you alright, Venice?" biglang tanong ni Monique nang mapansin ang biglang katahimikan nito.
“Yes po! Pupuntahan ko lang si Kuya Diego.” Kitang kita sa mukha niya ang pagkadismaya.
“Kumusta ka na?” Biglang sambit ni Damon habang nilalakad nila ang daan patungong Principal’s Office.
“Po?!” gulat na sambit ni Savanna.
Biglang tumawa si Damon saka humito sa paglalakad at tumayo sa harapan ni Savanna.
“Kaya ba minsan ko lang maririnig ang boses mo, kasi… bingi ka?”
“Po?” naguguluhang wika ni Savanna.
“Kita mo? Hindi nakapagtataka! Bingi ka nga! Sayang… ang ganda mo pa naman!” Umiling si Damon saka tumitig sa mga mata ni Savanna.
Upang makaiwas si Savanna sa mga titig ni Damon ay yumuko siya at nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod naman si Damon sa kaniyang likuran.
Habang tahimik silang naglalakad ay agaw pansin sa kanila ang mga ingay ng mga estudyanteng naghihiyawan. Kaya naman hindi nagdalawang isip si Savanna na tumakbo at lumapit sa kinaroroonan ng mga estudyante.
Hindi makapaniwala si Savanna sa kaniyang nakita. Ngayon lang siya nakakakita ang isang estudyanteng magpapakamatay habang nakatayo sa ibabaw ng gusali, na dati ay sa mga pelikula lang niya napapanood.
Biglang itinapon ni Damon sa basurahan ang bitbit niyang mga picture frames niya nang makita niyang tumatakbo si Savanna patungo sa tuktok ng kanilang gusali.
“Savanna! Savanna! ” Paulit-ulit niyang sigaw habang sinusundan ito sa pagtakbo.
Nang marating ni Savanna ang tuktok ng gusali, nakita niya ang isang itim na kaluluwa na nakatayo sa likuran ng babaeng estudyante.
“Huwag!”
Biglang sigaw ni Savanna at dahan-dahan lumapit sa kinaroroonan ng estudyante. Nagkunwari siya na hindi niya nakikita ang maitim na kaluluwa.
Habang nagsasalita si Savanna ay naramdaman niya ang mga kamay ni Damon na humawak sa kaniyang kanang braso.
“Makinig ka sa akin! Kung ano man ang gumagambala riyan sa isipan mo, puwede mong sabihin sa akin!” sigaw ni Savanna habang nakatingin sa kinaroroonan ng estudyante.
Unti unting tumingin ang babaeng estudyante sa kaniya habang umiiyak.
"Madaling sabihin iyan kasi wala ka sa sitwasyon ko!" Bakas sa mukha nito ang kalungkutan. Maging ang gilid ng mga mata nito ay nangingitim na, senyales ng kawalan ng tulog.
“Bakit? Sa tingin mo ba masosolusyonan ang mga problema mo kung sakaling tatalon ka sa gusaling ito? Ha?!”
Napansin na rin ni Savanna ang masakit na tingin ng maitim na kaluluwa sa kaniya habang pinapayuhan niya ang estudyante. Ngunit dinededma lang niya ito.
“Kung sa tingin mo ito ang sagot sa mga problema mo. Sige, tumalon ka!”
Lumapit pa nang kunti si Savanna sa kinaroroonan ng estudyante, subalit hinila siya ni Damon.
“Ano ba ang ginagawa mo?! Lalo mo lang pinapalala ang sitwasyon, eh!” Bulong nito kay Savanna.
Hindi siya pinansin ni Savanna at lihim niyang iwinaksi ang kamay ni Damon.
“Bakit ka pa nakatayo riyan? Ha?! ‘Di ba gusto mong tumalon? Tumalon ka na! Gusto mo.. itulak kita?!”
Pansin ni Savanna ang pagtawa ng itim na kaluluwa. Buong akala ng itim na kaluluwa ay pabor si Savanna sa kaniyang ginawa.
Pinikit ni Savanna ang kaniyang mga mata at pilit na binuo ang kaniyang konsentrasyon. Ibinaling niya ang atensiyon sa maitim na kaluluwa at naglakas-loob siya na mahawakan ito.
Nang imulat ni Savanna ang kaniyang mga mata ay ngumiti ito at humarap sa itim na kaluluwa na ikinagulat naman nito.
“Amanos na tayo, demonyo ka!” Sabay tulak niya sa kaluluwang itim.
Agad kinabig ni Savanna ang estudyante palapit sa kaniya saka ito niyakap.
“Hayop ka, Savanna! Magkikita pa tayo!”
Huling boses na narinig niya mula sa itim na kaluluwa habang niyayakap ang estuyante.
Malakas na hiyawan at palakpakan ang maririnig mula sa playground ng Malcolm de University nang makita nila ang ginawang pagligtas ni Savanna sa estudyanteng nasa bingit na kamatayan.
Kung humanga ang mga estudyanteng nakasaksi sa kabayanihan na ginawa ni Savanna, ganoon din ang paghanga ni Damon sa kaniya.
“Salamat sa pagligtas mo sa akin. Hindi ko talaga alam kung bakit ako nandito sa tuktok ng building, eh.” Niyakap ito ni Savanna saka tinatapik ang likod.
“Naiintindihan kita. Kaya huwag ka nang umiyak. Kapag dumating ang mga rescuer, sumama ka sa kanila sa ospital, okay?” Tumango sa kaniya ang estudyante.
Ilang sandali pa, dumating na ang mga rescuer at agad dinala ang estudyante sa ospital.
Nang makaalis na ang mga rescuer, sumunod na rin sina Damon at Savanna na bumaba ng gusali.
“Savanna! Doon na tayo sa elevator dumaan,” wika ni Damon. Tumango naman si Savanna.
Nasa pinakatuktok sila ng building kaya sila lang dalawa ang nasa loob ng elevator.
“Paano mo nagawa iyon?” Biglang sambit ni Damon habang pinipindot ang mga numero sa elevator.
Sa halip na magsalita ay pinili ni Savanna na manahimik.
Lumapit si Damon kay Savanna dahilan para dumikit ang likod nito sa wall ng elevator.
"Bakit sa tuwing tinatanong kita ayaw mo akong sagutin?”
Napayuko si Savanna at umiwas ng tingin sa mga mata ni Damon. Kaya agad hinawakan ni Damon ang magkabilang pisngi nito saka iniangat sa harapan niya.
Sa pagkakataong ito ay hindi lang ang mga mata nila ang nagtama kung ‘di pati na rin ang kanilang mga katawan.
Ramdam ni Savanna ang malakas na kabog ng kaniyang dibdib habang magkadikit ang kanilang katawan ni Damon.
“Nagkakilala na ba tayo rati?” Napalunok si Savanna nang marinig ang sinabi ni Damon.
“Po?!” maikling tugon ni Savanna.
Muling natawa si Damon nang marinig ang maikling tugon nito. Sa halip na magsalita siya, bigla niyang hinalikan ang labi ni Savanna.
Lalong bumilis ang kabog ng dibdib ni Savanna nang muling maglapat ang kanilang mga labi.
“Wala ka bang ibang alam na isasagot sa akin kun ‘di ang ‘Po’?” Bulong ni Damon habang magkadikit pa rin ang labi nila ni Savanna.
Pansin si Damon na magsasalita pa si Sav ngunit pinigilan na niya ito. “Huwag ka nang magsalita. Alam ko na ang isasagot mo.” Muli nitong hinalikan ang labi ng dalaga.
Mas naramdaman ni Savanna ang mainit at malambot na labi ni Damon kaysa noong hinahalikan pa lang niya ang kaluluwa nito. Labis din ang pagka-miss niya kay Damon, kaya hinayaan na lang niya ang ginagawa nito sa kaniya.
“ITO ang unang halik na naranasan ko. Ngunit bakit ramdam ko… na ang tagal ko nang hinahalikan ang labi niya? Bakit parang sanay na akong humalik sa labi niya? At siya? Bakit siya pumikit, na sa halip ay itulak niya ako palayo sa kaniya? Sino ka ba talaga, Savanna? At sino ako sa buhay mo?”
Mga katagang naisip ni Damon habang magkadikit ang mga labi nila ni Savanna.
Bumalik ang diwa ni Savanna ng biglang huminto ang elevator.
Tinulak niya si Damon palayo sa kaniya. "I'm sorry," maikling wika niya saka yumuko.
Pagkalabas ni Damon at Savanna sa elevator ay dumiretso na sila sa opisina ni Dr. Monique.
"Savanna!" Isang mainit na yakap ang ibinigay ng doktora kay Savanna na ikinagalit naman ni Venice.
“Pa epal ka talagang babae ka, ‘no? Huh!” singhal nito sa sarili.
“Paano mo nagawa iyon, ha? Ang galing mo kanina,” wika ni Dr. Monique habang hinahaplos ang buhok ni Savanna.
“Paano mo po nalaman, doc?” nagtatakang wika niya.
“Of course! Ano’ng akala mo sa paaralang ito, walang camera? Dzuh!” biglang sabat ni Venice habang nakataas ang mga kilay.
“Venice--” saway ni Dr. Monique sa mababang tono.
“Siya nga pala, Savanna. Naalala mo ba ‘yong sinabi ko sa iyo last month? ‘Di ba sabi ko after this semester, doon na kayo titira ni Gail sa mansion? Hindi niyo na kailangang hintayin na matapos ang semester dahil bukas mismo ay lilipat na kayo ni Gail sa mansion.”
Galit na lumapit si Venice kay Dr. Monique. “What?! Bakit mo sila hahayaang tumira sa mansyon n’yo, Tita Monique?!”
Napangiti si Monique. “Nakiusap si Nanay Ester na umuwi muna sila sa probinsya.”
“Iyon lang? Bakit hindi ka kumuha ng mga katulong? Marami naman diyan, ‘di ba? Kung gusto niyo, bibigyan ko po kayo. Marami kaming katulong sa bahay.” Pagtataray ni Venice.
Napailing si Damon nang marinig ang sinabi ni Venice. Mayamaya ay dumating sina Gail at Clenz.
“Sav!” sigaw ni Gail nang makita ang kaibigan at niyakap niya ito.
“Huwag mo nang uulitin ang ginawa mo kanina!” bulyaw ni Gail sa kaibigan sabay hampas sa balikat nito.
“Ano bang pinagsasabi mo? Tumahimik ka nga nakakahiya sa kanila.” Saway ni Savanna sa kaibigan.
Ngunit hindi siya pinakinggan ni Gail, Bagkus, nagpatuloy lang ito sa pagsasalita.
“Paano ako tatahimik! Muntik ka nang mahulog sa building kanina! Kung makasalo ka sa estudyante kanina, akala mo kung sinong marunong lumipad!” humihikbing wika ni Gail dahilan upang matawa si Dr. Monique.
Napatingin si Gail kay Dr. Monique. “Pasensiya na po kayo, Doc. Masama lang talaga pakiramdam ko sa kaibigan ko.”
“Don’t worry, Gail. Naiintindihan kita."
Pinauwi ng maaga ni Dr. Monique sina Gail at Savanna para mag-impake ng mga gamit para sa paglipat nila sa mansyon.
“Sav! Pakisampal nga ng pisngi ko! Baka nananaginip lang ako, eh!” wika ni Gail habang nagtutupi ng damit.
“Baliw!” natatawang wika ni Savanna.
“Pero maiba nga tayo, Sav. Napansin mo ba ang mukha ni Venice kanina?” nagtatakang wika ni Gail.
“Bakit?”
“Iba kasi ang mga tingin niya sa ‘yo. O baka naman--- nagseselos siya sa ‘yo, Sav!”
Hinampas ni Savanna ng damit ang mukha ni Gail. “Gaga! Bakit naman siya magseselos sa akin? Ano naman mapapala niya sa akin, ikaw talaga!” naiiling niyang sabi.
“Ano? Ibig mong sabihin, wala kang napapansin? Pati kay Sir Damon? Huh!” singhal ni Gail.
“Paano naman nasali si Damon? Tumigil ka nga!”
“Sav! Nagseselos si Venice sa iyo sa tuwing lalapitan ka ni Damon. Ewan ko sa babaeng iyon! Una, si Clenz! Tapos ngayon si Damon naman! Mabuti nga dahil hindi siya pinapansin ni Clenz. Pero nag-alala ako para kay Damon.”
“Bakit?” kunot-noong wika ni Savanna.
Tumingin si Gail sa mga mata ni Savanna. “Di ba kagigising lang ni Damon? Siyempre hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa paligid niya. Kapag aakitin siya ni Venice, o ‘di kaya’y halikan ang labi niya sigurado akong bibigay agad iyon!”
Napaubo si Savanna nang marinig ang sinabi ni Gail. “Tumahimik ka nga, Gail! Ewan ko sa iyo!” Tumayo si Savanna saka lumabas ng kuwarto.
Habang tahimik na nakaupo si Savanna sa may sala ay bigla niyang naalala ang sinabi ni Gail.
“Paano kung magkatotoo ang sinabi ni Gail na aakitin ni Venice si Damon? Maaakit kaya siya?” Biglang napahawak si Savana sa kaniyang dibdib.
“Kasalanan mo ito, Gail!” wika niya sa sarili habang umiiling.
Kinabukasan, maagang nagising si Savanna, kaya maaga rin siyang nakaligo. Habang si Gail naman ay nasa kuwarto pa rin niya na para bang isang mantikang natutulog.
Paglabas ni Savanna sa banyo ay dumiretso siya sa kusina para magluto. Hindi muna siya nagsuot ng damit at hinayaan muna ang tuwalya na magsilbing saplot sa buong katawan niya.
Habang nagluluto si Savanna, hindi niya inaasahang natapon ang mantika sa sahig dahilan para madulas siya. Ngunit bago pa man siya matumba, laking gulat niya nang maramdaman niya ang mga braso ng isang lalaki habang sinasalo siya.
“Damon?!” Bulalas niya nang magtama ang kanilang mga mata ni Damon.
Habang magkadikit ang kanilang mga katawan ay naramdaman ni Damon ang malakas na kabog ng dibdib ni Savanna, na ikinabahala naman ng dalaga.
“My Ghad, Savanna! Mahiya ka naman! Alalahanin mo wala ka pang damit!” wika ni Savanna sa kaniyang sarili.
Itutulak na sana ni Savanna si Damon, ngunit kasabay ng kaniyang pagtulak ay ang pagkahulog ng tuwalyang nakabalot sa katawan niya.
Nan'laki ang mga mata ni Damon nang makita ang kahubaran ni Savanna.
“Ahh! Damon! Tumalikod ka!” bulyaw niya sa binata.
Sa halip na tumalikod, kinuha ni Damon ang tuwalya at tinakpan ang katawan ni Savanna. Nanginginig pa ang mga kamay niya habang ibinalik ito sa katawan ng dalaga.
“Anong ginagawa mo? ‘Di ba ang sabi ko tumalikod ka?!” Ramdam ni Savanna ang pamumula ng mukha niya habang nakayuko.
Inangat ni Damon ang mukha ng dalaga. “Wala ka namang dapat ikahiya, eh. Ako lang naman ito,” kagat-labing wika ni Damon.
“Ano? Nag-iisip ka ba, Damon?!” Pagtataray nito kay Damon.
Hinatak muli ni Damon ang katawan ni Sav pabalik sa kaniya at saka hinalikan ang labi nito. Gustong itulak ni Savanna palayo si Damon, ngunit pinipigilan siya ng kaniyang damdamin.
Napapikit na lang si Sav nang maramdaman ang mainit na kamay ni Damon sa dibdib niya.
“Bakit ang gaan ng loob ko sa ‘yo, Savanna? At bakit hindi ko mapigilan ang aking sarili kapag magkadikit ang ating katawan?” seryosong wika ni Damon na ikinagulat naman ni Savanna.
“Bro! Matagal pa ba kayo?”
Sabay na bumalik ang kanilang diwa nang marinig ang boses ni Clenz.
“Malapit na. Hintayin mo na lang kami sa kotse,” sagot ni Damon habang nakayakap pa rin kay Savanna.
“Teka! Bakit pala kayo nandito?” Biglang iniba ni Sav ang kanilang topic.
Ngumiti si Damon. “Pinapasundo kayo ni Mama. Siya sana ang susundo sa inyo ni Gail, kaya lang nakiusap sa kaniya si Nanay Ester na ihatid sila sa probinsya.”
“Sige na, magbihis ka na. Hihintayin na lang kita rito sa sala,” nakangiting wika ni Damon. Tumango naman si Savanna.
Habang hinihintay ni Damon si Savanna sa sala ay may biglang sumilay sa isip niya.
“Bakit parang nakapunta na ako rito? At saka.. bakit parang kabisado ko na lahat ng sulok nitong kuwarto?” nagtatakang wika niya sa sarili habang nililibot ng mga mata ang kabuoan ng sala.
Habang sina Savanna ay abala sa kanilang paglipat sa mansiyon ng mga Malcolm, abala naman ang mag-amang Vernon at Diego sa kanilang mga plano laban sa mga Malcolm.
“Kailangan nating magdoble ingat ngayon, Diego! Hindi dapat malaman ni Damon ang tungkol sa mga gamot na pinipeke natin sa Malcolm Pharma Laboratory, dahil kapag nagkataon… tayo ang malalagot sa boss natin!"
“Alam ko na kung paano ako makakalapit sa kaniya, Dad! Liligawan ko ang private nurse niya!”
“What?! Nababaliw ka na ba? Anong koneksiyon ni Damon sa hampas lupang iyon, ha?! Wala akong pakialam sa kaniya! Si Damon ang gusto kong bantayan mo, hindi ang babaeng iyon!”
“Alam ko, Dad! Kapag niligawan ko ang babaeng iyon, araw-araw ko na rin makikita si Damon.”
“Anong ibig mong sabihin?”
"Sa mansion pinatira ni Monique ang babaeng iyon!”
“What?!” Napalingon Diego sa kaniyang likod nang marinig ang boses ni Venice.
Hindi makapaniwala si Venice sa narinig mula kay Diego kaya nilapitan niya ito at muling nagtanong.
“Ibig sabihin totoo ang sinabi ni Tita Monique kahapon na sa mansion titira ang bruhang iyon?!” Tumango si Diego.
“Dad! Gumawa kayo ng paraan para mapalayas ang babaeng iyon sa mansion! Kausapin mo si Tito Alex. Hindi ako papayag na makalapit siya kay Damon. Pease, Dad--”
Hinawakan ni Vernon ang magkabilang pisngi ng anak. “Gusto mo bang maging boyfriend si Damon?”
“Of course! Kaya gumawa kayo ng paraan, please--”
Niyakap ni Vernon ang anak saka lihim na ngumiti. “Mas lalong hindi ako papayag na mapunta sa wala ang lahat ng pinaghirapan ko.”
“Ganiyan nga, Vernon! Gawin mo ang lahat para makuha mo ang kapangyarihan ng mga Malcolm! Hayaan mong ang apilyedo mo naman ang sumikat sa buong bansa!”
Lihim na napangiti si Vernon nang marinig ang boses ng itim na kaluluwa, na tanging siya lamang ang nakaririnig.
Ang ‘Big Boss’ na tinutukoy niya at ang itim na kaluluwa na palaging gumagambala kay Damon ay iisa.
Matapos makausap ni Vernon ang kaniyang mga anak ay agad siyang pumunta sa basement ng kanilang bahay. Isang sikretong lugar na sadyang ginawa niya na siya lang ang nakaaalam.
Sa tuwing hihingi ng tulong si Vernon sa itim na kaluluwa ay palihim siyang pumupunta sa basement, upang doon ay makausap niya ang isang demonyo sa pamamagitan ng pagdarasal dito.
"Ano ang maipaglilingkod ko iyo, Boss? Narinig ko ang boses mo kanina, kaya pumunta ako rito," wika ni Vernon habang nakaluhod sa harapan ng itim na kaluluwa.
"Ituloy mo lang ang ginagawa mo, Vernon. At ako na ang bahala sa pagpapalago ng negosyo mo! Balang araw sisikat ka rin. At ikaw ang titingalain ng buong mundo!" halakhak na sambit nito.
Nakakikilabot ang tawa na pinakawalan ng demonyo habang kausap si Vernon. Lahat ng mga kandilang sinindihan ni Vernon ay walang natira. Lahat iyon ay namatay nang tumawa ang Diablong Boss niya.