Congratulations
".....candidate no. 8, congratulations"
Bakit biglang nagsigawan sina Kian?
"Kila, halika na." tumatawa pa si Ranz at kinuha ang kamay ko
Ha? Bakit ba?
"Uulitin ko, candidate no. 8 pasok kana sa top 6"
Ha?! Hala kaya pala. Pero bakit? Akala ko ba pangit ang sagot ko? Pinagtatawanan parin ako ni Ranz, nakakainis. Malay ko ba kasi?
"At ngayon magpapatuloy na tayo sa ating final q and a. Maari na muna kayong bumalik sa inyong kinatatayuan kanina."
Mabuti na lang at nabawi ko na ang sarili ko sa pagkakatulala kaya maayos na akong nakabalik sa kinatatayuan ko kanina. Huminga ako ng malalim para sa huling parte ng kompetisyon na ito.
"Para sa huling parte ng q and a, iisang tanong lang ang sasagutin ng ating mga candidates. Bibigyan kayo ng isang minuto para sagutin ang tanong na, bakit ikaw ang karapat dapat na tanghaling Mr or Ms AMU? Mayroon kayong limang minuto para pag isipan ang inyong sagot."
Aba! Ayos pala ang pageant na'to, may oras pang makapag isip ng sagot. Pero ano nga kayang isasagot ko? Ewan bahala na si batman.
"Candidate no. 7, bakit ikaw ang karapat dapat na maging Ms. AMU?"
"Ako ang karapat dapat na maging Ms. Amu dahil, kaya kong maka impluwensya ng mas nakararami. Magagamit ko ang vlogging upang mas maipalaganap ko ang aking gustong mangyari, tulad ng pagpapakatotoo at pagiging isang mabuting tao. Yun lamang po."
Luh? 30 seconds lang yun ah, may lakad yata o excited na mag vlog. Bakit kase 1 minute lang? Ano to minute to win it?
"It's your turn candidate no. 23. Same question, bakit ikaw ang dapat na maging Mr. AMU?
"Gaya ng sabi ni Thyra o ni candidate 7, gusto ko ding makaimpluwensya sa mga kapwa ko kabataan. Sa pamamagitan ng.. ng pagv-vlog.. ay hindi pala. Sa pamamagitan ng pagiging palasimba, dahil ako ay palasimba at malakas ang aking pananampalataya..at..at isa pa ay gusto ko maturuan sila ng tamang asal at—"
"Time is up, candidate no. 23"
Nakakataranta ba talaga? Mas madami pa siyang oras na naubos sa pag stutter. Muntik pa akong mapasigaw ng amen sa sagot nito ah.
"Candidate no. 8 bakit ikaw ang dapat na maging Ms. AMU?"
"Ako ang dapat na maging Ms. AMU, dahil naniniwala ako sa kakayahan ko na maging mukha ng isang babaeng kayang makipagsabayan sa mga kalalakihan. Gusto kong maipakita sa kapwa ko babae na mayroon kaming kakayahan, na hindi dapat limitahan o madiktahan sa kung ano lang ang dapat naming gawin base sa aming kasarian. Nailabas ko na sa kahon ang sarili ko at handa akong maging instrumento upang makalabas din kayo. Iyon lamang po at maraming salamat."
Kasunod nun ay ang malakas na sigawan ng crowd, ano maganda na ba yun? Kanina di n'yo ko ni-cheer. Tsk!
"Candidate no. 24 bakit ikaw ang karapat dapat na maging Mr. AMU?"
"Karapat dapat akong maging Mr. AMU, dahil gusto kong maging isang inspiration sa mga katulad kong estudyante na lumaki na hindi buo ang pamilya. Dahil hindi man buo ang pamilya ko, buo naman ang pagmamahal na natanggap ko na humulma sa akin na maging isang matatag at mabuting tao. Nais kong ipakita sa inyo na ang produkto ng kakulangan ay nandito sa harap ninyo, buong puso at buong tapang na ipinamalas ang kakayahan na meron ako."
Nagpalakpakan ang crowd pagkatapos magsalita ni Ranz, maging ako ay napapalakpak din. Ramdam na ramdam ko ang sincerity sa bawat katagang binanggit niya. Napapaisip tuloy ako kung bakit hindi siya nanalo noon kung ganito siya kagaling.
"Candidate no. 16 bakit ikaw ang karapat dapat na maging Ms. AMU?"
"Because I believe, that first I am deserving to win, 2nd I've done everything to win, and 3rd I... Uhm.. Uhm..because uhm I'm really deserving. And.. Ahahha okay. And I thank you."
Iyan kanina ka pa kasi english ng english diyan e puro tagalog naman ang tanong.
"And last candidate no. 27, bakit naman ikaw ang dapat maging Mr. AMU?"
"Karapat dapat akong maging Ms. AMU ay Mr. AMU pala, dahil naipakita kong ako ang karapat-dapat. Larawan ako ng hindi sumusukong tao, dahil sa totoo lang po ay pang limang pagsali ko na ito. At kung ibibigay man ngayon sa akin ang pagkapanalo siguradong magiging proud po ako sa aking sarili. At kung hindi naman po ay baka sa Ms. AMU na lang ako sasali. Joke lang po and I thank you."
Ito si candidate no 27, talagang witty ang kaniyang personality. Baka nga trip trip niya lang din yung pagsali taon taon.
"Ayan po napakinggan na natin ang kanilang mga kasagutan. At tatawagan ko na ang mga kandidata na pumunta dito sa gitna, habang hinihintay ang natin ang resulta. Kumaway kaway muna kayo sa inyong mga supporters."
Ito na, sawakas malapit ng matapos, excited na akong hubarin ang heels ko. Pwede naman na siguro akong sumimangot 'no? Biro lang! All smiles padin akong kumakaway, ayos na experience na rin naman 'to sakin.
Makalipas ang ilang minutong diliberasyon ay hawak na ng emcee ang resulta.
"For the 2nd runners up, congratulations candidates no. 16 and 23."
Hala! Nandito pa ako, kami ni Ranz.
"Candidates maari ba kayong mag compress pa ng kaunti, dahil ang susunod ko ng babanggitin ay ang ating Mr. and Ms. AMU."
Inabot pa ni Ranz ang kamay niya at sandali ko namang hinawakan yun dahil nasa pagitan namin si Thyra.
"Bago ko iannounce ang ating winner, maari ba muna nating palakpakan ang ating top 6, na talaga namang napaka-gagaling."
Ano ba? Dami pang pabitin wala namang cash prize 'to e.
"Our Mr. and Ms. AMU for this year are...candidates number...."
Shit ang lakas ng kabog ng dibdib ko. s**t!
"Congratulations, candidates number 24 and 8!"
Nakabibinging hiyawan ang pumuno sa auditorium, mas malakas pa sa pag cheer nila kanina. Agad nilakbay ng mga mata ko ang kinauupuan nina mama at papa at kumaway sa kanila. Mukhang umiiyak na si mama dahil sa paulit ulit na pagpunas sa kaniyang mga mata. Dali dali ring lumapit sa akin si Ranz at niyakap namin ang isa't isa.
"Congratulations. Congratulations to us. Sabi ko naman kaya mo e, kaya natin." sabi nito habang nakayakap parin kami
Wala akong naisagot sa kaniya, dahil nag uumapaw ako sa kasiyahan. At hindi ko inaasahan na makararamdam ako ng ganitong saya dahil sa pageant.
"Ah ma-istorbo lang namin kayo, candidates 24 and 8."
Kumalas lang kami sa pagkakayap dahil sa sinabi ng emcee. Sinuotan na kami ng sash at korona ng mga judges. Si tita Jana pa ang nagsuot ng korona at sash sa akin na, tuwang tuwa na yumakap sa akin.
"I'm so proud of you hija, at ganun din si Max." bulong niya
Sinuklian ko naman siya ng ngiti at pasasalamat. Binati rin nito si Ranz at iba pang mga kandidata. Pormal ang pakikitungo namin ni tita Jana sa isa't isa, mabuti lang din yun dahil baka magkaroon pa ng kung anong issue.
Nagpicture taking muna ang lahat ng kandidata kasama ang mga judges at pagkatapos nun ay pinaakyat naman sa stage, ang mga classmates at teacher namin. Nag uunahan sa pagtakbo sina Kian at agad kaming sinalubong ng yakap, para silang mga bata na tuwang tuwa dahil sa pagkapanalo namin.
"Bestfriend namin 'to! Solid!" isinigaw pa yun ni Rye
"Congra–tula–tions guys." napaos na si Hyun, marahil ay sa kasisigaw kaya nagtawanan kami
"Sobrang tindi niyo! Hakot awards!" sabi naman ni Miel
"Alam niyo sa special awards pa lang gusto na namin kayong akyatin dito sa stage. Ganun kami ka-proud!" dagdag pa ni Kurt
Tanging ngiti at pasasalamat lang ang nagawa ko noong mga oras na yun. Binati din kami ng mga kaklase namin na proud na proud din sa amin, maging si Ms. Delacruz ay niyakap pa kaming dalawa ni Ranz.
"I'm so proud of you mga anak ko. Salamat." sabi pa nito sa amin
Nagpa-picture din kaming buong section, ay hindi pala buo dahil wala doon ang apat na brat. Nandito pa sila kanina nung iannounce ang winner ah. Dapat ko nga palang pasalamatan si Yvette.
After ng classmates ay pinaakyat din ang aming family, sinalubong ako nang umiiyak na si mama.
"I'm so proud of you baby. We're so proud of you." umiiyak talaga ito
"Congratulations anak, and Ranz. Napakagaling niyo." sabi naman ni Papa
Pinutol muna namin ang dramahan dahil pinapaayos na kami ng photographer. The winner with the family picture, at pag sinabing family siyempre kasama sina Kian doon. Oo kasama nga sila.
At para sa huling kuha ay kami lang dalawa ni Ranz.
Noong matapos ang pagkuha ng litrato ay muli ko ng hinarap si mama na hindi pa rin tumitigil sa pag iyak.
Maya maya ay lumapit sa amin si Ranz kasama ang mommy at si ate Reign.
"Kila, ito nga pala ang mommy Alice at si Ate Reign." Pagpapakilala ni Ranz at makikipag beso sana ako sa mommy niya pero niyakap ako nito.
"You're so beautiful hija, congratulations." sabi pa nito noong pinakawalan ako
Nahihiya naman akong ngumiti. "Thank you po." simpleng tugon ko at bumaling naman kay ate Reign
"Hi, Kila. Congratulations." nakangiting sabi pa nito at nakipag beso
"Tito, tita hindi ko na po kayo ipapakilala, nagkakilala na daw po kayo kanina." baling ni Ranz kina mama at papa
"Oo, mag amiga na nga kami ng mommy mo e." pabirong sabi pa ni mama na ikinatuwa naman namin
"Uy may meet the parents nang nagaganap, kelan ang kasal?"
Napalingon kaming lahat kay Kian. Aba! Itong mokong na to ah. May naalala ako.
"Uy mukhang may nakakalimot. Ano kayang lasa ng koronang 'to?"
Agad namang nawala ang lapad ng ngiti nito at nagtago sa likod ni Rye
"Tita oh, tingnan niyo si Kila gusto pa rin ipakain sa 'kin ang korona. Napaos na nga po ako kakasigaw para sa kaniya."
Mukha itong bata na nagsusumbong. Kaya agad naman akong sinaway ni mama, at dinilaan naman ako ni mokong.
Wait ka lang Mercado.
Maya maya pa ay dumating din sina Carl at ate Pat at nagpakuha ng litrato kasama kami ni Ranz. Nagpaalam muna kami ni Ranz upang makapag bihis, nakalimutan ko na ang excitement ko na hubarin ang heels na suot ko.
Sinamahan ako ni ate Pat sa Cr para maassist. Pagbalik ko ay nandoon na si Ranz, at mukhang ako na lang ang hinihintay.
"Oh paano kaniya kaniyang sasakyan na lang tayo papunta roon?" tanong ni mama
Nangunot ang noo ko.
"Oh siya. Magkita kita na lang tayo doon." tugon ng mommy ni Ranz
"Ano pong meron?" takang tanong ko
"Nagugutom na kami, kakain lang tayo sa restaurant. Parang simple celebration." tugon ni mama
Tumango naman ako. Oras na nga din pala ng lunch.
Naglakad na kami palabas ng auditorium at papunta na sa parking area. Kasama parin namin sina Kian at maging sina ate Pat at ang aming mga kasambahay. A big family, indeed.
Habang naglalakad ay sinasariwa ko parin ang mga nangyari ngayong araw. Hindi ko inaasahan na ang kinabubwisitan kong pageant ay siya pa palang magbibigay sakin ng isang masaya at memorable na araw.
***
Noong makauwi kami ay patuloy parin sa pagkukwento si mama tungkol sa mga naramdaman niya sa kalagitnaan ng pageant.
"Nako ang ganda ganda talaga ng anak ko."
Yun ang sinasabi nya sa dulo ng bawat kwento niya na paulit ulit lang din naman.
"Ma, baka naman di ka pa makatulog sa sobrang galak mo diyan." pabirong sabi ko
Mukhang totoo ngang hindi siya makakatulog ng maayos.
"Kahit isang linggo pa akong di makatulog ayos lang."
Parang kinikiliti naman ang puso ko dahil sa mga inaasal ni mama. Ibang iba ang saya niya sa pagkapanalo ko sa pageant kaysa sa mga championship ko sa skateboarding.
Niyakap ko ito at mukhang nagulat naman sya. "Thank you Ma. At sobrang saya ko po na makitang proud na proud kayo sa 'kin."
Mukhang umandar na naman ang pagiging emo nito, dahil pupungas pungas na naman siya nung tumingala ako sa kaniya. Hinalikan nito ang noo ko at niyakap ako ng mahigpit. Si Papa nga pala ay kinailangan nang bumalik sa opisina dahil madami pa siyang kailangang gawin doon.
"Sige na baby, umakyat kana at magpahinga. Siguradong tatawag ang kuya mo mamaya." sabi pa nito na sinang ayunan ko
Umakyat na ako sa kwarto ko at napagdesisyunan ko munang mag shower dahil pakiramdam ko ay ang lagkit ng katawan ko. Habang binu-blower ko ang buhok ko ay panay ang tunog ng messenger ko. Hindi ko muna pinansin iyon at tinapos na ang pagtutuyo sa buhok ko.
Noong matapos ay pabagsak akong nahiga sa malambot kong kama bitbit ang cellphone ko. Ang gc pala ng Abm A at gc naming pito ang napaka-ingay. Una ko munang tiningnan ang gc ng section namin, nagback read ako at doon ay puro sila congratulations at ang isa pa sa nakakuha ng atensyon ko doon ay ang pangbubuska ni Kian kay Yvette.
Kian hottie:
"Yvette, di mo ba babatiin si Kila? Di ka ba proud president ka pa naman."
Talagang malakas mang asar ang mokong na 'to, paniguradong mas dudoble ang inis sa 'kin ng brat na yun. Pero okay lang, well prepared naman yata ako. Nagchat lang ako ng "salamat sa suporta and congratulations sa atin" at iniwan ko na silang mag usap usap doon.
Pinuntahan ko na ang gc naming magkakaibigan ang, 'six hottie and me'. Oh diba parang pang pornsite lang ang pangalan ng gc, malamang dahil si Rye ang nakaisip niyan. Ang dami nilang sini-send na mga pictures doon, kaya naman abot tenga ang ngiti ko habang tinitingnan isa isa yun.
Kian the Great;
"Luh! Nanalo lang sa Ms. AMU, paseen seen na lang."
Kila the Drag Race Queen;
"Tinitingnan ko lang mga pic. Kinikilig ako e."
Miel the Vlogger;
"Oh Kila, kailan mo na ba ipapakain kay Kian ang korona? I-vlog natin ah."
Natawa naman ako sa sinabing yun ni Miel. Mukhang pati sila ay naeexcite na kumain ng korona si mokong.
Kila the Drag Race Queen;
"Oo ba. Bukas, dalhin ko. Ano Kian game kana?"
Napa-sad react naman si Kian doon.
Kian the Great
"Sobra ka naman. Di na ba talaga magbabago isip mo? Grabe kung alam mo lang kung gaano kasakit ang lalamunan ko ngayon. Pero I'm sure wala kang pakiakam dun, dahil ang gusto mo lang ay makaganti. Sige ha, Godbless?"
Di ko mapigilang matawa sa pangongonsenya nito. Akala mo talagang tunay.
Kila the Drag Race Queen;
"Sige na nga pag iisipan ko magdamag kung papatawarin na ba kita. Anyways thankyou guys sa suporta at pagsigaw. Alam kung napaos kayo, magagamot ba ng alak yan?"
Rye the Hottie;
"Oo. Pero wag ka ng mag abala pa, dahil si Kurty boi ko na ang bahala diyan. Diba babe?"
Ibang level din ang landian ng dalawang 'to.
Kurt the Millionaire;
"Yep. Magpapa-party ako sa saturday night sa bahay. Invite mo Kila's angel mo ah." tugon nito, "At wala kang karapatan na umalma, dahil hindi kita hihingan kahit na piso para sa party!" dagdag pa nito. Balak ko pa lang sana na umangal pero ayan na naunahan niya na agad ako.
Ranz the Goodboy;
"Wag kanang umalma Kila, ganyan talaga kagalante yan si Kurty boi. Iyan lang yata ang problema niyan e, kung paano mag ubos ng pera." sabi ng kakasali pa lang na si Ranz
Kila the Drag Race Queen;
"Oo na hindi na ako kokontra, alam ko namang 50% celebration at 50% chix hunting ang party na yun e. Diba Kurt and Rye?" kala niyo di ko alam ah, Im sure may na-spotan na naman kayo sa Kila's angels ko.
Kian the Great;
"Tumpak!"
Do Hyun the Oppa
"You got it right, Ms. AMU."
Nagpatuloy ang pagkukulitan namin sa groupchat. At maya maya pa ay may nagvideo call naman sa 'kin, it was Max.
"Hi baby?" nakangiting bati ko
"Hello ate barbie doll, napanuod ko po kayo. Ang galing niyo po, tapos sabi din po ni mommy nanalo kayo." mababakas sa mukha nito ang magkahalong tuwa at excitement
"Oo baby. Ginalingan ko para sa 'yo, alam ko kasing papanuorin mo ako."
Naghugis puso naman ang mga mata nito sa sinabi ko. Napakadaling pasayahin ng bata. Nagpatuloy pa ang kulitan namin ni Max, nangulit pa ito na bisitahin ko siya sa sabado. At umuo naman ako, hindi ko kayang biguin ang mukha ng batang ito na masayang masaya sa achievement ko. Napaka-simple lang naman ng pabor na hinihingi niya at isa pa, gabi pa naman ang party kaya hindi naman iyon maka-aabala.
Noong matapos ang pag uusap namin ni Max, ay napagdesisyunan ko na munang matulog upang kahit papaano ay mabawi ang pagod ko kanina.
Nagising ako alas sais na ng hapon. s**t! Ang sakit sa ulo. Napahaba yata ang tulog ko, paano na ako matutulog mamaya nito? Tsk! Nagpunta muna ako sa cr at pagkatapos ay napagdesisyunan ng bumaba. Naabutan kong naghahanda na ng dinner sina mama.
"Oh you're awake. Di na kita ginising dahil baka pagud na pagod ka." salubong sa 'kin ni mama
Nakahawak parin ako sa ulo noong maupo ako sa dining table. "Dapat ginising n'yo po ako, wala na akong itutulog mamaya."
Nanginiti lang si mama.
Dumating na rin si papa at may dala pa itong cake and bouquet of flowers para sa 'kin.
"Pa, di ko naman birthday ah." natatawang sabi ko
Niyakap lang ako nito at hinagkan sa noo.
"I'm just so proud of you hija."
Habang kumakain ay pinag uusapan parin namin ang mga nangyari sa pageant, ay nako ewan ko na lang kung kailan sila makaka-move on sa pangyayaring iyon.
Kasalukuyan kaming nanunuod ng tv ni papa sa living room, nung nagmamadaling lumapit sa amin si mama bitbit ang kanyang laptop. Si Kuya pala.
"Hey, my Ms. AMU sister? Kilala mo pa ba ako?" pag uumpisa nito
Agad umasim sa mukha ko. "Nope! Who you?"
Nakita ko rin sina mami at dadi na sumulpot sa kaniyang likuran.
"Congratulations hija, we're so proud of you." sabi ni dadi
Ngumiti lang ako ng nag aalangan, kasi bakit nandoon si mami? Ang usapan kasi ay hindi dapat malaman ni mami na sasali ako ng pageant dahil nga ayaw nito ng mga ganoon.
"Oh, bakit mukha kayong nakakita ng multo?" sabi nito siguro'y napansin ang reaksyon namin ni mama
"N-Napanuod niyo din po ba ako Mi?"
Tumango naman ito at saka malapad na ngumiti. "Yes hija. Nahuli ko itong kuya at dadi mo kaya nakinuod na rin ako. Alam mo manang mana ka sa mama mo, naalala ko unang beses lang din na sumali noon si Alexa at nakoronahan agad siya. Kasing lakas din ng kompiyansa mo ang meron ang mama mo noon."
Nakita ko namang tumabang ang mukha ni mama.
"Sayang nga lang at di niya nalaman kung gaano din ako ka-proud sa kaniya noon, gaya ng pagka-proud ko sa 'yo ngayon hija." dagdag pa ni mami
Mukhang maiiyak na naman itong si mama.
"Paano naman po kayong naging proud e pinagalitan niyo nga po ako pagka-uwi noon." namumula na ang mga mata nito
Hanggang ngayon kasi ay may sama parin ng loob si mama, dahil hindi niya naipagpatuloy ang pangarap niyang maging beauty queen dahil sa pagtutol ni mami.
"Haynako. Nagharap na ang dalawang madrama. Kila, ikaw na nga lang ang tatawagan ko." pag interrupt ni kuya sa dalawang nage-mmk na
Iniwan ko na si mama at umakyat na sa kwarto ko, agad kong dinampot ang laptop ko at nakita kong tumatawag na doon si kuya.
"Congratulations!" bungad nito at na kasama parin si Dadi
"Congrats hija, pasensyahan mo na ang madrama mong lola."
"Ayos lang po yun Di, at salamat po sa pagbati. Magaling po ba ako?" tanong ko at tumayo pa saka kumaway kaway
Natawa naman sila. "Nako, papasa ka nga sa Ms. Universe e." sagot niya
Nakita ko ang pag asim ng mukha ng katabi niya.
"Di, masiyado niyo namang pinapalaki ang ulo niyan. Eh imbento nga ng kasabihan yan e."
Natawa naman ako sa sinabi ni kuya, syempre ganiyan talaga siya kahit gaano ko pa galingan hahanap parin yan ng maipipintas sa akin. Ganiyan talaga ang mga bwisit na kuya.
"Huuh! Aminin mo nang humanga ka, hindi yung nagpapanggap ka pa riyan."
"Oo na. I'm so proud of you lil' sis."
Yun naman pala e, kaya naman palang maging honest. Nagkwentuhan pa kami ng ilang minuto at kung minsan ay pinapakita pa nila sa 'kin si mami na nakikipagdramahan kay mama. Mukhang ang pageant pa na ito ang magiging daan para maging maayos silang dalawa.
Pagkatapos ng pag uusap namin ni kuya ay tumawag din si Tito Anthony, kapatid ni mama na nasa Switzerland din. At gaya nina dadi, proud na proud din sila ni tita sa akin.
Nakakatuwa na kahit milya ang pagitan namin ay hindi sila nakakalimot na batiin ako sa isa sa mga memorable na araw ng buhay ko. Samantalang ang mga relatives ko sa side ni papa na nasa Bulacan lang naman ay wala akong natanggap kahit isang congrats.
Shut it Kila!
Masayang araw ito kaya hindi dapat ako magkaroon ng bad vibes.
Nag stay na lang ako sa kwarto ko at umasa na sana ay dalawin parin ako ng antok sa kabila ng haba nang itinulog ko kanina.
***
Maaga akong nagising kinabukasan, mababaw lang ang kasi ang naging tulog ko pero mabuti na rin kaysa sa hindi ako nakatulog. Naligo na ako at bumaba, naabutan kong mukhang masayang naghahain ng breakfast si mama. Agad napakunot ang noo ko dahil may pakanta kanta pa ito.
"Mukhang nawala ang tampo niyan kay Mami mo, ang tagal ba naman nilang nagdramahan kagabi." paliwanag ni papa kahit hindi pa ako nagtatanong
"Kung hindi pa dahil sa 'yo baby, hindi pa namin mapag uusapang muli ni mom ang aming naging hindi pag uunawaan noon. Kaya thank you talaga." sabi pa nito at yumakap sa likod ko
Ngumiti lang ako rito.
"Oh siya magpatuloy kana sa pagkain beauty queen ko." dagdag pa nito na ikina-irap ko
Pagkapasok ko pa lang sa gate ng AMU ay sinalubong na agad ako ng mga tingin ng mga estudyante, ang ilan pa sa kanila ay nginingitian ako. Nginingitian ko na lang din silang pabalik kahit hindi ko naman sila kilala. Nagpatuloy na ako sa paglakad papunta sa aming classroom. Nagulat pa ako noong pagbukas ko ng pinto ay sinalubong ako ng mga confetti poppers na hawak nina Rye at Kurt, lumapit din sa akin si Ranz at inabutan ako ng bouquet of flowers. Todo kantyaw naman sina Kian habang abala sa pagvi-video si Miel.
"Para saan 'to? Di ko naman birthday?"
"Extended ang pagbati namin sa 'yo Kila. Sina Ranz ang nakaisip niyan." singit ni Ms. Delacruz
Noon ko lang napansin na nandoon rin pala siya.
Binalingan ko si Ranz. "Bakit naman parang sa 'kin mo lang binibigay ang credits, e di ko naman magagawa yun kung wala ka." sinamaan ko pa siya ng tingin
"Alam ko naman kasing napilitan ka lang sumali roon, but still nagawa mo paring manalo. Kaya sobrang proud ako—kami sa 'yo." Inakbayan niya pa ako kaya naman mas lalo kaming tinukso ng mga kaklase namin sa pangunguna parin ng mokong na si Kian
"Naku ang cheesy niyo na mga anak. Kumain na lang tayo." sabi pa ni ma'am
May pa-pizza and drinks din pala ito.
Habang nagkakainan ay may naalala ako. "Guys! May kailangan nga pala akong pasalamatan." pagkuha ko ng atensyon nila
"Gusto kong magpasalamat kay Kian na nagsuggest na sumali ako, at syempre kay Yvette na pumayag na ako ang maging representative. Thank you guys." sabi ko pa at saka binalingan si Yvette na hindi nakikisali sa kainan namin
"Sakawas nakagawa ka rin ng tamang desisyon Yvette." dagdag pa ni Kian, na agad namang sinaway ni Ms. Delacruz
Hindi ito sumagot sa amin at sa halip ay lumabas ito ng classroom kasama ang tatlo pang brat.
Ipinag-kibit balikat ko na lang ang naging reaksyon niya. Siya naman talaga ang nagpush na sumali ako diba? Well sorry siya dahil ginalingan ko.
Hindi na nagklase pa si Ms. Delacruz kaya pagkatapos ng kainan ay mahaba haba pa ang bakanteng oras namin bago ang 2nd subject.
"Kila, dala mo ba ang korona mo?" tanong ni Miel
Mabilis na napakapit kay Ranz si Kian.
"Ay oo nga pala. Naku sayang nakalimutan ko." umiling iling pa ako
Si Kian naman ay sobrang sama ng tingin sa 'kin.
"Okay lang yun. Pwede mo namang dalhin yun bukas, sa susunod na bukas o sa susunod pa nun. Nandiyan lang naman yan at ganun din si Kian. Diba Prince?" sulsol pa ni Rye
Ang sarap talagang asarin nitong si mokong.
Kumalas ito sa pagkaka-kapit kay Ranz. "Oh sige na kakainin ko na yang korona mo. Kung gusto mo sasama ako sa 'yo mamaya, para maging masaya na kayo. Diba yun naman ang gusto niyo?" seryoso ang mukha nito habang sinasabi
Hindi tuloy namin napigilang mapatawa.
"Iiyak na yan." pang aasar pa ni Kurt
"Tuwang tuwa talaga kayo pag nasasaktan ako." Tumayo ito saka bumalik sa kaniyang upuan.
Nagkatinginan kaming anim. Tinatansya namin kung nangloloko lang ba o seryoso ito. Sinenyasan namin si Ranz na lapitan ito, pero mukhang nagtampo nga si mokong. Tumayo na kami at lumapit dito pero di ito tumitingin sa 'min.
"Hoy! Binibiro ka lang e. Kailan ka pa naging pikon?" sabi ni Kurt
"Oo nga Kian, parang di mo naman kami kilala." dagdag pa ni Hyun
"Sorry na. Joke nga lang yun. Para kang tanga."
Bwisit ka Rye, nagsosorry ka pero nananabi ka ng tanga. Mas lalo tuloy nalukot ang mukha ni Kian.
"Hoy wag ka ngang umarte riyan!" sabi pa ni Ranz at niyugyog ang balikat nito
Pero mukhang nagtampurorot na siyang tuluyan. Napaka-childish hmp.
"Sa'kin lang kasi kayo ganiyan, pag ako nasasaktan tuwang tuwa kayo! Ako lang lagi niyong pinagtutulungan!"
Nanlaki ang mga mata namin dahil sa pagtaas ng boses nito. May dalaw yata si mokong.
Pumunta ako sa tapat nito at tinitigan ko siya. "Iyakin mo naman! Sige na, hindi na kita pakakainin ng korona. Saka thank you sa suporta mo, okay? Wag ka nang umiyak diyan."
Napatingin naman siya sa 'kin.
"Talaga?! Di mo na papakain sa 'kin yung bwisit na korona na yun?"
Mukha parin itong kawawa.
Napabuntong hininga pa ako. "Oo nga. Duh! Pinaghirapan ko makuha yun, bat mo namang iisipin na tototohanin ko yung sinabi ko?"
Maya-maya ay bumalik na ang sigla sa mga mata nito. "Sabi mo yan ah. Wala ng bawian." malapad na ang ngiti niya
Napakunot ang mga noo namin. Bipolar ba siya?
Humagalpak pa ito sa tawa at saka tumayo at lumayo samin. "Mga uto uto!" sigaw nito sa amin at tumatawang umalis
Natawa na lang din kami, infairness nauto niya nga talaga kami sa acting niyang yun. Pero mas uto uto parin siya para isipin na seryoso ako tungkol dun sa pagpakain sa kaniya ng korona. Kahit grade 1 di maniniwala sa ganon e. Sadyang si Prince lang na uto uto.
***
Kakatapos lang namin mag lunch sa isang restaurant at inaaya ko na agad sila na bumalik na sa AMU, balak ko kasing kausapin si Mich, and president ng Kila's angel para personal na magpasalamat at para na din maimbitahan ko na sila sa party sa sabado.
Noong makarating na kami sa AMU ay pinauna ko na sila sa classroom, nag iinsist pa sana si Ranz na samahan ako pero sinabi kong moment namin ng fansclub ko yun.
Fansclub ko? Cringe.
"Hi, Miss AMU." malapad ang ngiti na salubong sakin ni Mich
Nasa gazebo din pala lahat ng members ng fc.
"Hey. Oh bakit nandito kayong lahat?"
"Di kasi maayos ang picture natin kahapon e, kaya pwede bang ulitin natin ngayon?"
Natawa naman ako, oo nga pala sandali ko lang silang naharap kahapon dahil nagmamadali na rin sa dami ng lumalapit at nagko-congratulate sakin.
"Sige." simpleng sagot ko na lang at ini-set up na nila ang camera
"Thank you nga pala sa suporta niyo kahapon. Siguro mga napaos kayo kakasigaw 'no?"
"Okay lang yun. Worth it naman lahat ng pagod namin. You are really deserving. Kaya mas lalo ka naming hinangaan." sabi naman ni Aera
Unti unti ko na rin silang nakikilala kahit papaano.
"Siya nga pala may regalo kami para sayo." dagdag pa nito at may kinuha sa loob ng gazebo
Iniabot nila sa akin yun at nag alangan pa nga akong tanggapin, pero mapilit sila e. Binuksan ko na rin yun sa harap nila at mukhang na-eexcite kung magugustuhan ko ba yun. Isang stainless steel na bracelet at may naka-engraved pa doon na "Kila's Angel Loves You" medyo cheesy pero okay na rin
"Salamat. Na-touch ako sa ka-cheesyhan niyo ah." natatawang sabi ko
Mukhang ikinatuwa din naman nila ang naging reaksiyon ko.
"Siya nga pala, magpapa-party si Kurt sa sabado sa bahay nila. And sinabi niya sakin na iinvite ko kayo."
Agad naman silang napatakip sa bibig nila nung marinig iyon.
Why?
"Kina Kurt? Invited kami? Seryoso ba?!" mukhang kinikilig pa itong si Mich
Akala ko ba sa 'kin kayo loyal ha?
"Oo nga. Punta kayo ha? At, magpaalam sa parents." dagdag ko pa
Malapad ang ngiti nilang nagsitango. Nagpasalamat akong ulit sa kanila tapos ay nagpaalam na ako.
Naiwan sila doon na hindi makapaniwala, ikaw ba naman kasi imbitahin sa bahay ng isang Kurt Chasen, na multi-billionaire. Well I'm sure naman na hindi lahat makapupunta ang 16 members of Kila's Angel, dahil ang ilan sa kanila ay below 15 pa lang at sadyang bawal pa talaga sa party.