Chapter 1
Chapter 1
Three thousand years ago, some vampires were adored by a human. Humans seek their help. They cried for them and supported them—they were called . . . Royals.
“Hoy!”
“Gago ka, ah!” malakas na singhal ni Kara nang mabulaga siya ng kanyang kaibigan. “Lumipad pa yata ang utak ko dahil sa ‘yo!” inis niyang sambit sa harap nito. Hindi pa rin natigil ang kaibigan at pinagtawanan pa siya nito.
“Para ‘yon lang? Galit ka na?” Inismiran siya nito. “Para namang hindi ka pa sanay, ah!” Umirap pa ito sa kanya.
“Wow! Tigilan mo ako sa kadadrama mo, Camilla! Umayos ka riyan!” paasik niyang saway rito. Paano ba kasi ay seryosong-seryoso siyang nagbabasa tapos ginugulat siya? Sino ba naman ang hindi matatakot? Well, hindi naman siya takot. Nagulat lang talaga siya.
“Sorry naman,” nakangusong paghingi nito ng tawad.
“Sus! Uulitin mo lang rin naman ‘yan.” Ilang beses na rin kasi iyong ginawa ng kaibigan. “Oh, siya. Mag-ayos ka at magsisimula na tayo pagdating ni Madam,” utos niya rito.
“Oo na!” anito at kaagad na tumalima.
Ilang sandali lang ay magbubukas na ang Ella’s Diner. Ang sikat na eatery sa maliit na bayan ng La Trinidad. Sa kanila lahat kumakain ang mga trabahador sa kalapit na construction site. May ipinapatayo kasing bagong klinika roon kaya mabenta ang diner ni Madam Ella. Nagpapasalamat siya at kinuha siya nitong waiter. Kahit papaano ay may pandagdag bayad siya sa kanyang matrikula. Habang nagtatrabaho ay pumapasok din siya sa isang community college sa bayan.
Silang dalawa ng kaibigan niyang si Camilla ang magkasama palagi. Nakabuntot sa kanya ang kaibigan kahit saan siya pumunta.
“Grabe! Ang daming guwapo, ‘no?” Binalingan ni Kara ang mga papalit na mga workers. Totoo naman. Walang halong biro, guwapo at matipuno ang mga katawan. Paano ba naman kasi ay sanay na sanay sa mabibigat na trabaho.
“Gusto mo?” untag niyang tanong sa kaibigan habang nakatanga itong nakatingin sa mga lalaki. Nagsi-upuan ang mga ito at kumaway sa kanila. Regular nila itong mga costumer kaya naman masaya siya dahil malaki ang benta nila. Ngumiti lang siya sa mga ito at nagsimula ng kunin ang kani-kanilang order.
Pagkatapos ay pumunta siya sa kusina at sinabi rito ang mga order ng mga trabahador. Tumulong siya sa pag-asikaso sa mga lulutuin dahil mag-isa lang ngayon ang tagapagluto nila. Day off kasi ng kasama nila.
“Hey, Jake,” tawag niya sa lalaking kasama nila sa trabaho. Hindi ito lumingon sa kanya. “Nandito na naman si Sandra,” nanunukso niyang usal habang nakatingin sa lalaki. Matagal nang nagkagustuhan ang dalawa ngunit sadyang pakipot lang ang dalaga kaya naman hindi na nag-abala pang manligaw sa babae si Jake.
Umiling lamang ang binata at mas nag-focus pa sa trabaho. “Hayaan mo siya,” nakangiwing anito ngunit namumula naman ang mukha.
Bumungisngis si Kara. “Sana all!” panunukso niya pang singhal. Umismid lamang ang binata dahil sa reaksyon niya.
“Uy, mamaya na ang landian at marami ang costumers,” saway sa kanila nang kapapasok pa lang na si Camilla. “Taray!” singhal nito na sinabayan pa nang maarteng pagkindat.
“Inggit ka lang,” aniya saka tumawa nang bahagya. Narinig niya ring tumawa ang binata ngunit hindi na niya iyon pinansin. Kaagad siyang lumabas at inasikaso ang iba pang kumakain. Siya ang nagpupunas ng mga lamesang ginamit nang mga kumakain. Sa sobrang abala nila ay nakalimutan niyang i-text ang kanyang ama.
“Grabe!” bulalas ng kaibigan niyang si Camilla habang nagpapahinga sila. Wala na masyadong pumapasok sa maliit nilang diner dahil tapos na ang lunch break. Binalingan niya ang kaibigan na nakasimangot.
“Napapaano ka?” nag-aalala niyang tanong.
“Masakit ang likod ko,” nakangiwing reklamo nito.
Tumawa siya. “Isa lang naman ang ibig sabihin niyan,” nag-iisip pang usal niya.
Sumeryoso ang mukha ng kaibigan at tumitig pa sa kanya bago nagsalita. “Ano?” intrigang tanong nito.
“Matanda ka na,” walang kagatol-gatol niyang wika kaya naman kaagad siyang nakatanggap nang malakas na hampas sa kanyang braso. Namumula pa iyon. “B*wisit ka!” nasasaktang singhal niya sa kaibigan. “Ang sakit!”
“Iyan ang napapala mo,” nakaismid nitong sabi bago tumawa.
“Grabe! Ang brutal mo talagang kaibigan,” nakangiwi niyang komento. Kahit ganoon sa kanya ang dalaga ay matagal naman na silang magkaibigan. Ito lang din ang nakatatagal sa kanya. Ito lang ang nakaiintindi sa kanyang problema at ito lang din ang taong hindi siya hinuhusgahan.
“Talaga ba, Kara!” Tumawa pa ito ngunit hindi na lang siya pumatol. “Hoy, may chismis akong nasagap,” panimula nito ngunit hindi siya sumagot. “May napatay pala na mga lobo ang UNION,” anito. Ang UNION ay isang organisasyon na pinamumunuan ng kanyang ama. Sila ang organisasyon ng mga hunter o mga mangangaso. Talamak na raw kasi ang mga lobo sa maliit nilang bayan at ang iba pa ay dinudukot ang ilang kababaihan.
Tumawa lang si Kara. “Sino naman ang nagsabi niyan sa ‘yo?” tanong niya rito.
“Si Jake,” anito na ininguso pa ang binata sa kusina.
Tumaas ang kilay niya. Sino naman kaya ang nagsabi? Malihim kasi ang mga nasa organisasyon. Hindi sila nagsasalita tungkol sa mga trabaho nila kahit pa totoong mga hunter sila. Sa sobrang sikreto ay hindi na niya masyadong inaasahan ang kanyang ama. Pinakain muna sila ni Madam Ella ng miryenda at hinintay nila ang kanilang sahod sa araw na iyon.
Napatingin siya sa langit. Mukhang uulan. Kailangan na niyang umuwi. Malayo pa kasi ang lalakarin niya at nasa pinakasulok nang maliit na bayan ang bahay nila. Liblib pa iyon. Manghihiram na lang siguro siya ng bisikleta bukas para hindi siya maglakad.
“Una na ako,” paalam niya sa kaibigan.
“Okay. Ingat ka. Magkita na lang tayo bukas,” sagot ng kaibigan.
May pasok kasi sila sa isang community college sa maliit na bayan ng La Trinidad. Baking ang kinuha niyang vocational course dahil sa iyon ang paborito niyang gawin maliban sa pag-aasikaso ng mga costumer. Ilang metro pa lang ang nilakad niya ay nanghahapo na siya. “Dapat pala talaga ay ginamit ko ang bike ni Dylan,” nagsisising aniya sa sarili.
Nagmamadali siya dahil kapag naulanan siya ay mas mahihirapan siyang maglakad lalo pa at magiging maputik ang kanyang dadaanan. Ilang sandali lang ay nasa kakahuyan na siya. Noong una ay wala naman siyang nararamdaman kapag nararating na niya ang bahaging ito ng gubat ngunit ngayon ay may kakaibang sinasabi ang kanyang puso. Pakiramdam niya ay may panganib.
“Huwag naman sana,” bulong niya sa sarili habang tumataas ang balahibo niya sa kanyang batok.
Umihip ang malakas na hangin kaya naman napahawak siya sa kanyang buhok at mariing pumikit dahil sa mga alikabok na nagmumula sa kalsada. Pagdilat ng kanyang mga mata ay nasa harap niya na ang isang lalaki.
“Ah!” malakas na sigaw ni Kara nang maglakad ito papalapit sa kanya.