Chapter 13

3184 Words
Chapter 13 Lumingon si Kara sa kaibigang si Camilla nang kalabitin siya nito. “Bakit?” Nakaupo sila sa canteen habang nagmemeryenda. “Hehehe! Wala lang. Naiisip ko lang kasi kung ano ang ginawa ninyo ng date mo. Hindi ka kasi nagkukuwento,” komento ng dalaga. “Tse! Napakachismosa mo.” Pinandilatan siya ng dalaga. “Hoy, alam mo. May nasagap na naman akong chismis,” excited nitong sabi sa kanya. “Hay,” angil ni Kara. “Diyan ka lang talaga magaling,” nakangiwi niyang komento. “Hay, naku! Hayaan mo na akong guluhin ka sa mga chismis na nasasagap ko dahil wala akong boyfriend na kukulitin kaya ikaw na lang,” katwiran ni Camilla. “Oh, ano naman ang nalaman mo? Malay natin, importante pala iyan,” panimula ni Kara. Biglang sumeryoso ang mukha ni Camill at tumikhim pa ito bago nagsalita. “May nakita raw na bampira dito sa lugar natin.” Nahigit ni Kara ang kanyang hininga. “Saan?” usisa niya. “Doon sa kakahuyan. Doon ka pa naman dumadaan,” kuwento ng dalaga. Mas lalong napasinghap sa gulat si Kara. “Si-Sino ang nakakita?” tigagal niyang tanong. “Hindi ko alam. Narinig ko lang kasi 'yan habang nasa palengke ako. At ito pa, habang nasa palengke ako, may nanakawan ng pitaka. Babae. Ang sabi-sabi, tinulak daw ito ng isang lalaki kaya tumama ang katawan nito sa isang mesa. Hindi ko na naabutan ang babae.” Gulat na tiningnan ni Kara ang kaibigan ngunit hindi siya nakapagsalita. “Hah! Nakakatawa pa nga, eh. Kasi ikaw kaagad ang naisip kong nanakawan. Ang tanga mo pa naman,” natatawa pa nitong sabi. Mas lalong nalaglag ang panga ni Kara sa sahig. Nakanganga niyang tinitigan ang kaibigan. Hindi siya makapaniwala sa mga binitawan nitong salita. “Ako kaagad?” gulat niyang tanong sa kaibigan. Determinado itong tumango. “Oo. Bakit?” “Kasi, ako 'yon,” pag-amin ni Kara. Dahil sa gulat ay napaubo si Camilla. Muntik pa itong mabulunan dahil kasalukuyan itong umiinom ng iced tea nang umamin si Kara. “A-Ano?” tulala at gulat nitong tanong sa kanya. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata nito. “Seryoso ka ba, Kara? Ikaw 'yon?” ulit nitong tanong. Tumango si Kara. “Oo. Ako 'yung pinagtatawanan mo. Alam mo bang ang sakit ng katawan ko pagkatapos noon? Grabe! Yung kaba ko noong araw na iyon ay hindi matatawaran. Napahiya na nga ako, nanakawan pa.” “Ano ang nangyari pagkatapos? Nahanap ba ang salarin?” Umiling si Kara. “Hindi naman ako nagreklamo sa mga pulis. Nawala nga sa isip ko, eh. Sinamahan ko lang naman si Dylan kaso nauna ako sa palengke tapos ayon na ang nangyari. Tapos nandoon pa si Black. Nakita ko siya ulit. Ewan ko ba sa taong iyon, bigla-bigla na lang sumusulpot sa harap ko.” “Teka lang. Seryoso ka ba talaga? Hindi lang ako makapaniwala na ikaw ’yon,” sabi ng kaibigan. “Teka lang din. Akala ko ba ako ang inisip mo? Bakit ngayon hindi ka makapaniwala?” nagtatakang tanong ni Kara. “Eh, kasi. Bakit ikaw? Bakit ba ang lapitin mo sa disgrasya?” kunot-noo nitong tanong sa kanya. Bumuntong hininga ang dalaga. “Grabe ka talaga! Umilag ka naman minsan, Kara. Sinasalo mo lahat ng disgrasya, eh. Maawa ka naman sa sarili mo,” pang-iinis pa nitong paalala sa kanya. Sinimangutan ni Kara ang dalaga. Napanguso lang siya. “Hindi ko naman maiwasan, eh,” namomroblema niyang sabi. “Kahit nga maayos lang ang paglalakad ko, nadedemonyo pa rin ang paa ko. Ewan ko ba. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko,” buntonghininga niyang wika. “Mag-ingat ka na lang,” paalala nito. “Saka, magpasundo ka na lang kay Dylan kapag gagabihin ka. Total naman ay magkapitbahay lang kayo at para na rin naman kayong magkapatid na dalawa.” Nagdalawang-isip si Kara. “Nakakahiya, eh,” rason niya. “At ano naman ang nakakahiya sa paghingi ng tulong sa kapwa, aber?” nandidilat nitong tanong sa kanya. “Bakit? Gusto mo bang si Doc Vlaire na lang ang maghatid sa iyo? Ayieeh! Kinikilig ang puday ko, dai!” nanunukso nitong sambit na sinabayan pa ng nakakalokong tawa. Maging si Kara ay napahagalpak sa inasta ng kaibigan. “Sira! Hindi 'no!” matigas niyang pagtanggi. “Hahaha! Walang pumipilit sa iyo! Kung makatanggi ka naman diyan parang pinilit kita, ah!” kantiyaw nito sa kanya. “Kaloka ka, girl! Ano? Gusto mo na ba siya?” panunukso nitong tanong sa kanya. Hindi kaagad nakasagot si Kara. “Ayieeh! Sinasabi ko na nga ba, eh. Sa mga tingin mo pa lang sa kanya, hulog na hulog ka na,” komento pa nito kaya lalo lang siyang hindi makaimik. “Sira! Hindi no! Tumigil ka nga riyan, Camilla,” saway niya sa kaibigan gamit ang mababang boses dahil ayaw niyang may makaalam tungkol sa kanila ng doktor. “At bakit?” mataray nitong tanong. “Marami na ang may ideya tungkol sa inyong dalawa. May mga nakakita nga sa inyo habang magkasama kayo. Binilhan ka raw ni dok g bulaklak. Taray naman ng kaibigan ko. May pa-bulaklak,” sabi ng dalaga habang nakangisi sa kanya. Lalong kinain ng hiya si Kara at hindi niya madepensahan ang kanyang sarili. Binomba siya ng mga tanong ng kaibigan. “Alam mo, ang sarap pasakamln ng itlog iyang bunganga mo,” banta niya rito. “Weh? Kaya mo, kaya mo? Kahit nga paglakad nang maayos, eh, hindi mo magawa. Sinong tinakot mo? Ulols!” Tumawa pa ito nang malakas. Hindi pa man sila natatapos ay may lumapit na sa kanya. Isang lalaki. Nag-angat siya ng paningin. Sa hinuha ni Kara ay freshman ito. Ramdam niya ang takot sa mga mata ng lalaki. “He-Hello po. Kayo po ba si Kara? May nagpapabigay po kasi,” anito. Tumango siya. “Kanino nanggaling?” tanong niya. Nagkibit balikat lang ito at umalis na. Tulala naman na tinitigan ni Kara ang isang box ng cupcake sa kanyang harapan. May maliit na sticky note roon. Tinanggal niya ito at binasa. “I know you like baking so I baked you a cupcake. It has a piece of my heart.” Tumaas ang sulok ng labi ng kanyang kaibigan nang marinig ang kanyang binasa samantalang siya ay nalukot ang mukha. “Nakakatakot naman 'tong kainin, Camilla. May kasamang puso,” nahihintakutan niyang reklamo. Natawa ito sa katangahan niya. “Sira! Pick up lines lang ’yan.” Pinanlisikan siya ng mata ng dalaga. “My girl, magpasalamat ka na lang at nakaisip pa ng ganiyan ang manliligaw mo. Sana all na lang ako rito,” malungkot nitong sabi. Bigla naman siyang nakaramdam ng hiya. Kahit papaano ay nagsisikap naman ang binata na makuha ang kanyang loob. “Sorry,” hingi niyang paumanhin. “Nakakatakot naman talaga, eh. May piece of his heart daw. Sino ba naman ang hindi magugulat sa ganiyan.” Nasapo ng dalaga ang sariling noo. “Hahay, Kara. Ewan ko sa iyo. Nabagok ka ba at sobrang slow mo ngayon?” nauubusan ng pasensya na tanong nito sa kanya. Umiling siya. “Wala naman. Teka, sabay ulit tayong umuwi mamaya, ha?” “Bakit? May iba ka pa bang isasabay? Tayong dalawa lang naman talaga ang magkasama." “Oo nga.” “Oh, eh, bakit nagpapaalam ka pa sa akin? Siguro si Doctor Vlaire ang iniisip mo ’no? Siya yata ang gusto mong makasama, eh,” panghuhula pa nitong wika. Hindi nakagalaw si Kara. Inirapan na lamang niya ang kaibigan. Napabuntong hininga na lamang si Kara. Pumasok sila sa klase na panay ang panunukso sa kanya ng kaibigan. Hindi tuloy siya makapagpokus dahil sa kakulitan nito. Buong hapon siyang wala sa kanyang sarili dahil sa pangungulit ni Camilla. Pati tuloy sa baking session nila ay tulala siya. Naapektuhan ang kanyang ginagawa at hindi niya natapos nang maayos ang kanyang niluto na cookies. Buntonghininga siyang nagpunas ng kanyang pawis sa noo. Hindi siya mapakali at gusto na niyang umuwi. Humarap na naman sa kanya ang kanyang kaibigan. “Kanina pa ako naiinis diyan sa mukha mo, Camilla. Ang sarap mong isilid sa sako,” nakangusong komento ni Kara. “Kalokohan! Oh, kamusta naman ang ginagawa mo? Mukhang sumablay ka ngayon,” nakataas ang kilay nitong anunsyo. “Dahil sa iyo,” mataray niyang saad. Napahawak sa sariling dibdib ang dalaga. Nagugulat ito sa kanyang sinabi. “At bakit parang kasalanan ko pa? Ako ba ang nag-bake niyan? Ikaw ang nagtimpla at nagsalang niyang sa oven. Sino ang salarin?” nagugulat nitong tanong. “Kasalanan mo 'yan. Kung ano-ano kasi iniisip mo.” “Hindi ko siya iniisip,” mabilis niyang tanggi. “Aba! Hindi ko sinabi kung sino. Ano-ano ang sinabi ko, okay? Iba yata ang narinig mo, eh. Napaghahalataan ka tuloy,” natatawa pa nitong wika. Mas lalong namula ang mukha ni Kara. “Hay, ewan ko. Wala ako sa mood. Hindi ko alam kung bakit,” inis niyang saad. Biglang lumapit sa kanya ang kaibigan. Idinampi ng dalaga ang sariling palad sa noo ni Kara. “Wala ka namang lagnat,” komento nito. Nag-aalala itong tumingin sa kanya. “Alam ko. Hindi ko nga alam kung bakit ako nagkakaganito. Ang saya-saya ko kanina, hindi ba? Parang biglang gumuho ang mundo ko, eh.” Napaisip si Camilla. “Hmm. Mukhang alam ko na kung bakit,” usal nito. Binalingan ito ni Kara. Umaasa siya na may matinong salita ang lalabas sa bibig ng kaibigan. “Ano?” hindi na makapaghintay niyang tanong dito. “Namimiss mo siya. Gusto mo siyang makita, mayakap, maamoy. Gusto mo siyang mahawakan, hinahanap siya ng puso mo,” nakangiti nitong sabi dahilan upang mabulunan si Kara sa sariling laway. Uubo-ubong nag-iwas ng tingin si Kara. “Ano ba naman 'yan? Hindi ko iniisip si Vlaire!” matigas niyang tanggi. Pinandilatan siya ni Camilla. “Hoy! Bakit bigla kang napaamin? Wala naman akong binanggit na pangalan. Hahaha! Iba na 'yan, best friend!” tumatawa nitong kantiyaw dahilan upang matigilan si Kara. Hindi siya kaagad nakagalaw at natagalan bago naproseso ng kanyang utak ang mga katagang lumabas sa kanyang bibig. Ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang matauhan. Iiling-iling niyang tinapunan nang masamang tingin ang kaibigan. “Teka, first name basis na kaagad kayo? Ang bilis naman?” hindi makapaniwala nitong tanong. “Ewan ko sa iyo.” Niligpit niya at hinugasan ang kanyang ginamit sa pagbe-bake. Seryoso niya itong ginawa. Palihim niyang sinaway at senermonan ang kanyang sarili dahil sa inis. Hindi naman talaga niya iniisip ang doktor. Sadyang ito lang talaga ang pumasok sa kanyang isipan dahil sa kakulitan ng kanyang kaibigan. “Hoy, tayo na! Kanina ka pa riyan nakatulala,” untag sa kanya ni Camilla. Kaagad naman siyang umayos ng tayo. Nakalimutan niyang nasa eskuwelahan siya. “Sorry naman. May iniisip lang ako,” paghingi niya ng paumanhin. “Sino?” “Ikaw! Iniisip ko kung paano ba kita bibigwasan nang matigil ka na katutukso sa akin,” anunsyo niya. Nagugulat itong lumayo sa kanya nang bahagya. “Napakabrutal mo na, ha!” “Nagbibiro lang ako pero wala talaga ako sa mood ngayon,” bawi niya sa sinabi. “Hmm. Umuwi na nga tayo. Baka kulang ka lang sa aruga, este, pahinga pala,” kaagad nitong bawi sa sinabi nang pandilatan niya ito. Natatawa itong nag-iwas ng tingin sa kanya. Sabay silang naglakad pauwi at hanggang sa maghiwalay silang dalawa ay hindi siya masyado nakikipag-usap sa kaibigan. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang bumagsak ang kanyang pakiramdam. Dahan-dahan lang ang paglalakad ni Kara at wala sa daan ang kanyang paningin. Nilalaro niya ang iilang piraso ng bato hanggang sa siya ay mapagod. Ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat nang may humintong isang pares ng sapatos sa kanyang harapan. “Are you going home?” tanong ng boses na kilala niya. Nag-angat ng paningin si Kara. Bumungad sa kanya ang maamong mukha ni Doctor Vlaire. Bigla ay gumaan ang pakiramdam ni Kara. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang siyang napangiti. Hindi niya namalayan iyon kung hindi lang ito pinuna ng kanyang kaharap. “Are you happy to see me? I’ve caught a glimpse of your smile,” seryoso ngunit natutuwa nitong anunsyo. Kaagad na napangiwi si Kara. Palihim niyang sinaway ang sarili. “Hindi,” seryoso niyang sagot. “Bakit ka ba nandito? Saan ka na naman lumandi?” pasinghal niyang tanong. Nagulat ang binata sa kanyang inasta ngunit kalaunan ay nalangiti rin. “Why? Are you jealous?” nanunukso nitong tanong. Pinandilatan ito ni Kara. “Anong jealous? Upakan kita riyan, eh. Nagtatanong lang ako,” katwiran ni Kara. “Bigla-bigla ka na lang talaga sumusulpot, ha," aniya. Umiling ang doktor. “I visited a patient.” Ipinakit nito sa kanya ang dala nitong maliit na medicine kit na hindi niya kaagad napansin. Natigilan si Kara at biglang napahiya. “Ah, ganoon ba. Oh, sige. Umalis ka na. Uuwi na ako,” pagtataboy niya sa binata. Nagsimula siyang maglakad ngunit pinigilan siya nito. “I'll go with you,” presinta nimg doktor. “I want to know where you live,” dagdag pa nitong wika. Mabilis na nanlaki ang mga mata ni Kara. “Hindi! Hindi puwede!” matigas niyang tanggi. “Magagalit si Tatay, Diyos ko po! Huwag ngayon,” rason niya. Hindi man lang natinag ang binata. “Hmm. I’ll just follow you in a distance. I just want to know you're safe,” pangungulit pa nito. Walang nagawa si Kara nang magpumilit itong sumama sa kanya. Hinayaan na lang niya ito at taimtim siyang nagdasal na sana walang makakita sa kanila lalo na ang kanyang ama. Baka kapag nalaman nitong may nanliligaw sa kanya ay isilid siya nito sa sako at pausukan sa labas. Iniisip pa lang ni Kara ang magiging kahihinatnan ng lahat ay napapangiwi na siya. Natatakot siya na magalit sa kanya ang kanyang ama lalo na at nangakonsiyang magtatapos muna ng pag-aaral bago magnobyo. Palihim siyang lumilingon upang tingnan kung naroon pa ba ang binata. Iniisip niya kasi na baka nagbibiro lang ito sa kanya. Mamaya ay umasa pa siya rito tapos sa huli ay pinaglalaruan lang pala siya nito. “Naku! Subukan lang talaga niya. Gagawin kong fishball ang betlog niya at ilulublob ko sa isang balde na puno ng siling labuyo. Makikita niya ang bagsik ng isang Kara,” nagmamaktol niyang bulong sa sarili. “Subukan niya talagang utuin ako,” banta niya pa sa hangin. Para siyang wala sa sarili dahil sarili niya lang ang kausap niya. “Tama na nga ito. Isipin pa nila na nawawala na ako sa katinuan,” saway niya sa kanyang sarili. Bigla siyang napaisip. “Bakit kaya biglang gumaan ang pakiramdam ko nang makita ko siya?” pabulong niyang tanong sa kanyang sarili. “Because you starting to like me back.” Halos umikot ang katawan ni Kara nang may magsalita sa kanyang tabi. Sa sobrang gulat ay nahampas niya ito sa braso. “Huwag kang manggulat! Muntik nang tumalon palabas ang kaluluwa ko,” nahihintakutan niyang sabi. Kaagad itong humingi ng paumanhin. “Aatakehin pa ako sa puso ng dahil sa iyo! Paano pa kita sasagutin niyan kung na-chugi ako, ha?” buntonghininga niyang tanong dito. Natahimik ito dahil sa kanyang sinabi. Maging siya ay hindi kaagad nakapagsalita nang maintindihan ang kanyang sinabi. Biglang sumilay ang ngiti sa labi ng binata. Lumayo nang bahagya si Kara sa binata. “A-Ano, kasi,” nahihirapan niyang sabi. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin upang mabawi ang kanyang nabitawang salita. “So, you are planing to—” “Hindi!” mabilis niyang putol sa sasabihin ng binata. Natigilan ito. Biglang bumagsak ang mga balikat ng lalaki dahilan upang makaramdam ng konsensya si Kara. “Hi-Hindi pa sa ngayon,” kaagad niyang sabi. Pampalubag-loob at mukhang sumama ang loob ng binata sa kanya. “Hmm. I’ll wait. Is that your house?” tanong nito sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Kara at binaling ang paningin sa kanilang tahanan. Nakasindi na ang mga ilaw at mukhang nakauwi na ang kanyang ama. Napansin ng binata ang gulat at takot sa kanyang mga mata kaya humakbang ito paatras. Nahigit ni Kara ang kanyang hininga. Parang inikot-ikot ang kanyang mga laman-loob. Bigla siyang nalungkot sa hindi malamang dahilan. Maging ang mga mata ng binata ay nawalan ng sigla. Mabilis itong lumapit sa kanya at hinawakan ang kamay niya. “I’ll visit you tonight,” usal nito sa malambing na boses. Parang hinimas ng maliit na kamay ang puso ni Kara. Sa isip niya ay may nagliparan na mga paru-paru sa kanyang tiyan. Para siyang kiniliti. Tumikhim siya at tumango. “Maghihintay ako,” umaasa niyang sabi. Tinitigan lamang siya ng binata at bago pa man siya makapag-react ay nawala niya ito sa kanyang paningin. Hindi man lang niya ito nakitang umalis. Nagtaka siya kung bakit para itong hangin kung kumilos. Bigla na lang itong nawala na parang bula. Kunot-noo suyang naglakad hanggang sa marating ang kanilang munting tahanan. Kumatok si Kara sa pinto bago tinawag ang pangalan ng kanyang ama. “Tatay Antonio! Nandito na po ako,” dali-daling pumasok si Kara dahil malamig at mahamog na sa labas. Nanginginig na rin ang kanyang labi. Nasa kusina ang kanyang ama at kasalukuyang nagluluto. “Mabuti naman at nakauwi ka na. Bukas na pala ang alis ninyo?” Tumango si Kara. “Opo, ‘Tay. Paano po ninyo nalaman?” nagtataka niyang tanong sa ama. “Nagkita kami ng guro mo. Sinabi niya sa akin. Nalaman ko rin na nakapagbayad ka na pala,” mahaba nitonf kuwento. “Opo.” “Kunin mo iyon maliit na sobre. Naroon ang baon mo. Magbabayad sana ako kaso binayaran mo na pala. Baon mo na lang iyon,” anito dahilan upang manlaki ang kanyang mga mata. “Tatay, naman. Nag-abala pa kayo,” nakanguso niyang sabi ngunit natuwa naman siya dahil puwede siyang bumili ng bagong cellphone. Pinitik nito ang kanyang noo. Kaagad itong hinilot ni Kara habang nakanguso. “Hindi ka abala sa akin dahil anak kita. Mag-aral ka lang nang mabuti, sapat na iyon sa akin,” mahaba nitong wika. Naging emosyonal bigla si Kara. Niyakap niya ang kanyang ama at binigyan ito ng halik sa pisngi. “Salamat po, Tatay. Mahal ko po kayo. Dahil sa kadramahan ninyo ay namimiss ko na tuloy si Nanay,” biglang lungkot niyang sabi. “Ay, naku. Ihanda mo na lang ang hapag pagkatapos mong magbihis at maghahapunan na tayo.” Kaagad na tumalima si Kara. Habang kumakain ay nakangiti siyang nagkukuwento sa kanyang ama tungkol sa mga nangyari sa kanila sa eskuwelahan. Hindi kasali ang panliligaw ng isang doktor. Natatakot kasi siya sa magiging reaksyon ng kanyang ama. Mabilis siyang kumilos at gusto na niyang magpahinga. Hindi man niya maamin sa kanyang sarili, sabik siya na makita ang binata mamaya. Pagkatapos niyang maghugas ng kanilang pinagkainan ay pumasok na siya sa kanyang kuwarto at hinanda ang kanyang mga dadalhin na gamit. Naghand na rin siya sa pagtulog ngunit naiisip niya si Vlaire.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD