Chapter 12
“Ang tagal mo yatang nakauwi kagabi,” bungad na komento ng binatang si Dylan sa kalalabas pa lang ng bahay na si Kara.
Gulat na binalingan ni Kara ang binata. “Bakit?” tanong niya.
Nagkibit-balikat si Dylan. “Bakit hindi mo ginamit ang bisikleta ko?”
Bumuntong hininga si Kara. “Wala lang. Galit ka sa akin, eh,” rason niya.
Umiling ang binata. “Puwede mo ng gamitin. Hindi na ako galit,” pangungumbinsi nito sa kanya.
”Ayaw ko,” tanggi ni Kara.
Napansin niyang bumagsak ang mga balikat ng binata dahil sa kanyang sagot. “Bakit?” nagtataka nitong tanong.
“Hindi ko naman madadala ang maleta ko gamit iyan. Aalis ako,” anunsyo ni Kara dahilan upang lalong maguluhan ang binata.
Mas lumapit sa kanya si Dylan. “Saan ka pupunta?” usisa nito. “Bakit ngayon mo lang sinabi?” dagdag nitong tanong.
“Bakit galit ka na naman?” nagtataka ng tanong ni Kara. “May field trip kami. Hindi ka puwedeng sumama,” anunsyo niya.
Bigla itong nalungkot. “Kainis naman 'to,” bubulong-bulong nitong wika. Napakamot sa sariling ulo ang binata. “Ka-Kailan ka ba babalik?”
“Dalawang araw kami kasi may kailangan kaming gawin,” pagbibigay-alam niya sa binata.
Tumango ito. “Sige,” walang gana nitong sabi. “Hindi ba kita puwedeng ihatid?” kapagkuwan ay tanong ni Dylan sa kanya.
Natigilan si Kara at biglang napaisip. “Puwede rin naman. Basta ba, ikaw ang nag-alok na ihatid ako. Hindi mo ako pinilit,” ani Kara.
Kumunot ang noo ng binata. “Pinilit ba kita?” naiinis na naman nitong tanong sa kanya.
“Hindi,” mabilis na sagot ni Kara. “Oh, ayan. Galit ka na naman. Hahay! Ewan ko sa 'yo, Mr. Maputi ang puwit!” Mabilis na tumalikod si Kara at nagmartsa papalayo sa binata pagkatapos niyang bitawan ang mga katagang iyon.
Ganoon na lamang ang panlalako ng mga mata ng binatang si Dylan dahil sa narinig. Hindi ito makapaniwala. “What the hell!” malakas na singhal ng binata.
Binilisan ni Kara ang paglalakad ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay kaagd siyang tumimbuwang sa lupa. Napasigaw siya ng malakas dahil sa sobrang pagkagulat. Nauna ang kanyang mukha kaya pikit-mata siyang tumili.
Dali-daling tumakbo papalapit sa kanya ang binata. Nagulat ito sa nangyari. “Bakit ka pa nadapa?” gulat at nag-aalala nitong tanong sa kanya.
Mangiyak-ngiyak na bumangon si Kara. Tinulungan siya ni Dylan. Sumakit bigla ang kanyang tuhod at nahirapan siyang tumayo. “Ang sakit, eh. Napilay yata ako,” nasasaktan niyang sabi.
“Bakit?”
“Nabangga ko kasi ang sarili kong paa. Nagbanggaan sila.”
“Ang tanga mo talaga!”
Napanguso si Kara. “Napakasama talaga ng ugali mo, Dylan. Kaya talaga walang nagkakagusto sa iyo, eh. Ang sama mo,” naiiyak na wika ni Kara. Nagtatampo siya sa binata.
“Bakit ba? Ang ayos-ayos ng lakad mo kanina tapos bigla ka na lang tumimbuwang.”
Nagulat si Kara nang bigla itong humagalpak ng tawa. Halos mamamatay-matay na ito kakatawa na hindi niya maintindihan kung ano ang pinagtatawanan nito.
“Ba-Bakit?” nagtataka na tanong ni Kara sa binata. Pinagpag ni Kara ang kanyang damit. May mga dumikit na d**o sa kanyang katawan at buhok. Inisa-isa niya itong tinanggal.
“Ka-Kasi,” utal nitong sabi. “Nakakatawa ang hitsura mo kanina, hahaha!” Hawak-hawak ng binata ang sariling tiyan at muntik na itong magpagulong-gulong sa sobrang tawa. “Kung nakita mo lang ang hitsura mo, sigurado ako na matatawa ka rin,” kuwento pa nito.
Pinaghahampas ito ni Kara dahil sa sobrang inis. “Buwisit ka talaga! Ayaw ko na sa ’yo!” nanggigigil na singhal ni Kara. Inabot niya ang tainga ng binata at mabilis itong piningot
Umalingawngaw ang malakas. “Kara, masakit! Bitawan mo ako!” pagmamakaawa ng binata.
“Buwisit ka! Diyan ka na nga. Huwag mo akong sundan,” angil ni Kara at mabilis na naglakad palayo. Bukas pa naman ang field trip nila at hindi rin totoo na dalawang aarw sila roon. Wala rin siyang dalang maleta at iniinis niya lang ang kaibigan. Halos sabay silang lumaki ni Dylan kaya malapit siya sa binata.
“Kara! Hintayin mo ako! Ihahatid kita!” tawag nito sa kanya ngunit hindi siya nagpatinag. Hindi na rin siya lumingon at dire-diretsong naglakad.
Hindi pa man siya nakakalayo ay nasa tabi na niya ang binata. May dala itong bisikleta na pwedeng may angkas sa likuran. Huminto ito sa kanyang harapan. “Sakay ka na,” malumanay nitong sabi.
Sumimangot lamang si Kara. “At bakit naman ako susunod sa iyo?” mataray niyang saad.
“Hahay! Ayan ka na naman. Maldita,” komento nito.
Inambaan ng suntok ni Kara ang binata ngunit mabilis naman itong umilag. “Hmp!” singhal niya. Nakanguso siyang sumakay sa likuran nito.
“Kumapit ka,” utos nito.
“Saan? Wala namang makapitan itong bike mo. Pinalagyan mo sana,” reklamo ni Kara.
Bumuntong hininga ang binata. Mabilis nitong nahawakan ang kanyang kamay at iniikot ng binata sa sariling baywang. Muntik pang masubsob sa likuran ng binata ang mukha ni Kara. “Aray ko! Dahan-dahan naman,” nagugulat niyang reklamo.
“Kumapit ka sabi,” mariing utos nito nang akmang babawiin niya ang kanyang kamay.
Biglang nag-init ang mukha ni Kara. Kinain ng kakaibang kaba ang kanyang dibdib. Hindi siya mapakali sa kanyang inuupuan habang umaandar ang bisikleta. Masyadong matigas ang tiyan ng binata dahilan upang pamulahan siya ng mukha.
Sa haba ng panahon na magkasama sila ay hindi niya na namalayan na nagkaka-edad na pala sila. Ngayon niya lang napansin na nagbago ang anyo ng batang palagi nigang kalaro noon. Napangiti si Kara. Kung bakit wala pang nobya sa Dylan ay wala siyang ideya. Hindi rin ito nagkukuwento sa kanya ng mga babaeng nagugustuhan nito.
Banayad ang paghinga ng binata ngunit hindi nakaligtas sa pakiramdam ni Kara na kinakabahan ang binata. Pansin niya ang paninigas ng tiyan nito.
“Dahan-dahan lang, Dylan. Darating din tayo,” paalala niya rito.
“Huh?” wala sa sarili nitong tanong.
Bumuntong hininga si Kara. “Wala. Ayusin mo lang ang pagmamaneho mo."
Ilang minuto lang ang lumipas at nakarating sila kaagad. Bumaba ng bisikleta si Kara at nagpasalamat sa binata. “Salamat. Huwag mo na akong sunduin mamaya at kasama ko naman si Camilla,” pagtataray niya rito.
“Wala akong sinabi na susunduin kita. Maglakad kang mag-isa,” pang-iinis nitong sagot sa kanya.
“Hmp! Ang sama ng ugali. Sumakit sana ang tiyan mo,” bulong niyang sabi.
“Hoy, bad 'yon!” Hindi na niya pinansin ang binata.
Kaagad na naglakad papasok si Kara sa kanilang silid aralan. Nakaupo na ang kaibigang si Camilla. Nakangisi ito sa kanya.
“Kamusta naman ang lakad ninyo ng doktor mo?” panunukso nitong tanong sa kanya.
Napangiwi si Kara. “Ayos lang naman. Bakit?” mayabang niyang sagot.
“Wala lang. Hindi ka ba magkukuwento? Nakita ko rin na hinatid ka ni Dylan. Nagkaayos na kayo?”
Tumango si Kara. “Nag-alok siyang ihatid ako,” sagot niya.
Kakaiba kung ngumiti sa kanya ang kaibigan. “Alam mo bang ang ganda mo?” kapagkuwan ay tanong nito sa kanya.
Bigla naman siyang napangiti. “Alam ko,” mayabang niyang sagot.
“Kaso, bakit hindi mo alam na may d**o sa ulo mo?”
Nagugulat na kinapa ni Kara ang kanyang buhok. Tama ang kaibigan. May nakasabit na d**o sa kanyang ulo. “Pakshet! Nakakahiya! Hindi man lang sinabi ng Dylan na 'yon?” inis niyang tanong. “Humanda talaga siya sa akin pagkauwi ko mamaya!” banta ni Kara.
Tinapon niya ang d**o ngunit masama pa rin ang kanyang loob. “Kaya pala ang lakas niyang tumawa kanina. Napakasama talaga ng ugali.”
“Bakit? Ano ba ang nangyari sa iyo? Saan mo ba nakuha ang d**o na iyon?” nagtataka na tanong sa kanya ni Camilla.
“Nadapa kasi ako kanina,” napapahiya niyang pag-amin.
“Ano?” gulat nitong tanong. “Hay, kung ano ang nakita malamang pagtatawanan din kita, Kara.”
Inismiran ito ni Kara. “Magsama kayong dalawa. Bagay kayo, pareho kayo ng isip,” nakangiwing komento ni Kara.
“Hmp! Sa iyo ’yon may gusto, hindi sa akin,” anang Camilla.
“Ayan na si Ma'am.”
“Magandang umaga sa lahat. Bukas na pala ang ating field trip. Please, magbayad na kayo. May naka-booked na rin tayo na bus,” anunsyo nito. Nagsipagkilos ang lahat kaya naman nawalan na siya ng oras para makipag-asaran sa kaibigan.