Chapter 11

3531 Words
Chapter 11 Tahimik pa rin ang binata habang nasa biyahe sila. Nakasimangot lamang si Kara dahil hindi niya alam kung bakit bigla-bigla na lang naiinis at hindi nakikipag-usap sa kanya si Dylan. Kinalabit ni Kara ang binata. “Hoy! Magsalita ka naman,” angal ni Kara. “Nabuburyo na ako,” dagdag niya pang reklamo. Umismid lang sa kanya si Dylan. “Bakit parang nag-iiba na ang pakikitungo mo sa akin?” nagtataka na tanong ni Kara. “Hindi ka naman ganiyan noon, ah. Para kang may galit sa akin. Wala naman akong ginagawa sa 'yo,” nakanguso niyang usal. Umiling lamamg ang binata at hindi sumagot sa kanya. “Alam mo, Dylan,” panimula ni Kara. “May nahahalata na ako sa ’yo,” wika niya. Mukhang nakuha niya ang atensyon ng binata dahil bigla nitong binagalan ang pagmamaneho. “Ano na naman 'yang pinagsasabi mo?” inis nitong tanong sa kanya. Bumuntong hininga ito. “May gusto ko ka ba sa akin?” Halos sumubsob sa likuran ng binata si Kara dahil sa biglaan nitong pagpreno. Hinampas niya ito sa balikat. “Ano ka ba! Bakit ba bigla ka na lang huminto?” naiinis niyang tanong sa binata. “Muntik nang lumipad ang kaluluwa ko,” nahihintakutan niyang sabi. Nagugulat itong tumingin sa kanya. “Anong sabi mo?” nandidilat nitong tanong sa kanya. “Muntik nang lumipad palabas ng katawan ko ang kaluluwa ko,” paliwanag ni Kara. Kumunot ang noo ni Dylan. “Hindi iyan ang gusto kong marinig,” angal ng binata. “Edi, ano?” “Yung sinabi mo kanina, ano 'yon? Pakiulit nga,” mariin pang utos nito. “Alin ba roon?” nakakunot ang noo na tanong ni Kara. “Batukan kita riyan, eh! Yung kaninang sinabi mo! Ano 'yon!” singhal nito sa kanya. Dahil sa inis ay pinitik niya ang noo ng binata. “Namumuro ka na talaga sa akin. Ilang beses mo na akong sinigawan. Kanina lang, eh, may pa-ice cream ka pa tapos ngayon ay sisigawan mo lang ako! Hambalusin kaya kita,” nanghahamon na usal ni Kara dahilan upang matahimik ang binata. “Naiinis ako sa ’yo!” pasinghal nitong pag-amin sa kanya. Nagugulat niyang tiningnan ang kasama. “Huh? Bakit naman? Ano ba ang ginawa ko sa iyo?” nagtataka na tanong ni Kara. “Sinamahan na nga kita tapos maiinis ka pa sa akin,” nagtatampo na usal ni Kara. “Kahit na,” pilit nitong wika. “Sino ba kasi iyong kausap mo?” galit nitong tanong sa kanya dahilan upang matahimik siya. “Eh, sino ba?” naguguluhan niyang tanong sa binata. Kaagad nitong pinaandar ang motor. “Ah, ganoon ba? Hindi mo alam kung sino ang tinutukoy ko kasi marami kang kausap na lalaki, ganoon ba?” nang-aakusa nitong tanong. Pinalo ni Kara ang likod ng ulo nito dahilan upang mapasigaw ang binata dahil sa gulat. “Ano ba! Nakakasakit ka na!” malakas nitong sigaw. “Ihulog kita riyan, eh,” pananakot pa nito sa kanya. “Napakabrutal mo naman,” reklamo ni Kara. “Wow! Kapal naman ng mukha mo! Ano ang tawag diyan sa ginagawa mo sa akin?” “Oh, ano rin ang tawag diyan sa paninigaw mo sa akin?” balik niyang tanong sa binata dahilan upang sabay silang matahimik. Napabuntong hininga si Kara. “Hay, ewan ko talaga sa 'yo. Bigla-bigla ka na lang maiinis sa akin na wala namn akong ideya kung ano ang ginawa ko.” Nakasimangot na umirap si Kara. “May gusto ka yata sa akin, eh. Tama yata si Camilla na may gusto ka sa akin,” anunsyo niya. Tumaas ang kilay ng binata. Kitang-kita niya sa salamin ng motor na umasim ang mukha nito. “Pinagsasabi mo,” galit nitong sabi. “Huwag mo nga ipilit iyang mga haka-haka mo,” inis nitong wika. “Oh, eh, bakit galit ka na naman?” naguguluhan niyang tanong. “Hindi ako galit. Naiinis lang ako,” katwiran nito. “Bakit ka naiinis?” “Dahil nakakainis ang mukha mo!” pasinghal nitong tanong. “Bakit nakakainis ang mukha ko?” “Dahil mukha kang siopao!” pasigaw nitong sagot. Tinampal ni Kara ang ulo ng binata at sinabunutan ito. “Buwisit ka talagang lalaki ka!” “Aray ko! Kara, baka matumba tayo!” “Iniinis mo ako!” “Tumigil ka na! Lalo kang nagmumukhang siopao kapag galit ka!” Natigilan naman siya at binitawan niya ang buhok nito. Mabuti na lang at may suporta na karo ang motor kundi ay baka natumba na sila. Humahangos na huminto ang binata sa gilid ng kalsada. Inis itong lumingon sa kanya. “Ano?” pagalit na tanong ni Kara. Inunahan na niya ang galit nito dahil baka iwanan siya nito sa daan. “Umalis na tayo,” mariin niyang utos at hindi na ito nakapalag. Tahimik itong nagmaneho at walang salitang namutawi sa pagitan nilang dalaga. Ramdam ni Kara na totoo na ang galit na nararamdaman ng binata kaya hindi na siya nangulit pa. Nakarating sila na parehong masama ang loob sa isa't isa. Bumaba si Kara at kaagad na binitbit ang mga pinamili. Hindi na siya nagpasalamat kay Dylan at hinayaan na ito sa sariling gagawin. Dire-diretso siyang pumasok sa sariling bahay at padabog na isinara ang pinto. Mabuti na lang at wala ang kanyang ama dahil baka pagalitan siya nito kapag nasaksihan nito ang kanyang ginawa. Nakabusangot ang kanyang mukha habang inaayos niya ang pinamili. Hanggang sa matapos ay nakasimangot pa rin siya. Padabog siyang pumasok sa kanyang kuwarto at nagbihis ng damit. Naisip niya ang lalaking si Vlaire. Tiningnan niya ang kanyang bag at naroon pa ang kanyang pitaka na muntik ng mawala sa kanya. Nanatiling kataka-taka para sa kanya ang nangyari. Ang sabi ni Vlaire ay napulot lang nito ang kanyang pitaka ngunit bakit parang hindi iyon ang totoong nangyari? Umiling si Kara. “Hayaan na lang. Kahit papaano ay naibalik naman sa akin ang importanteng bagay,” usal niya sa kanyang sarili. Maaga siyang natulog at nawala na sa kanyang isipan na hindi pa pala siya nakakapaghapunan kaya naman ay gutom na gutom siya na bumangon kinabukasan. Halos sumakit ang kanyang sikmura. Humahangos siyang lumabas ng kanyang kuwarto. Hindi pa nakakauwi ang kanyang ama at kapag ganoon ay wala pang nakahandang pagkain. Dali-dali siyang naghanap ng tinapay. Mabuti na lang ay may iilang piraso pang natira. Kaagad niyang isinalang ang heater para magkape at pagkatapos ay kaagad siyang kumain. “Hay, naku! Kaya pala parang gutom na gutom ako sa panaginip ko. Hindi pala ako nakakain ng hapunan kagabi,” buntonghininga niyang wika. Inubos niya ang kanyang tinimplang gatas. Pagkatapos ay pumasok siya ulit sa kanyang kuwarto at naghanda ng damit bago naligo. Kalalabas niya lang ng pumasok ang kanyang ama. May dala itong gulay galing sa maliit nilang farm. “Magandang umaga po, Tatay,” pilit ang ngiti na bati niya sa kanyang ama. Nagmano siya rito. “Ngayon lang po ba kayo?” tanong niya. Tumango ito. “Kumuha na rin ako ng gulay sa farm natin. Kumain ka na ba?” Kaagad nitong inayos ang mga dalang gulat. “Opo. Tinapay lang po ang kinain ko,” sagot ni Kara. “Ganoon ba? Oh, siya. Kumain ka na lang din pagdating mo sa trabaho.” Tumango siya. “Opo. Papunta na rin po ako ngayon,” aniya. Pinanood niya na magtimpla ng kape ang kanyang ama. “Kamusta naman pala ang lakad ninyo ni Dylan?” pangungumusta nitong tanong. Bigla siyang nakaramdam ng kaba nang maalala ang away nila ng binata. Napalunok si Kara. “Ayos lang naman po,” kinakabahan niyang sagot. “Ganoon ba,” tumatango-tango nitong wika. “Aalis na po ako, ‘Tay. Kung may kailangan po kayo, tawagan na lang po ninyo si Camilla,” pagbibigay-alam niya sa kanyang ama. Nagugulat itong bumaling sa kanya. “Bakit? Nasaan na ba ang cellphone mo?” nagtataka nitong tanong. Natigagal si Kara. Hindi pa pala niya nasasabi rito na matagal ng sira ang kanyang cellphone. “Kasi po, Itay. Nadaganan ko po kasi habang tulog po ako,” nakanguso niyang sabi. “Talaga? Baka naman nagsisinungaling ka lang.” “Opo,” pag-amin ni Kara. Narinig niyang bumuntonghininga ang ama. “Bibilhan na lang kita ng bago,” anunsyo nito. Mabilis na umiling sa Kara. “Huwag na po, Itay. Ayos lang naman po ako, eh,” matigas niyang tanggi. “Huwag na po kayong mag-abala. Ayos lang po talaga sa akin. Lumaki naman po ako na walang cellphone,” katwiran niya pa. “Ay, aba! Kung ayos lang sa iyo, sa akin ay hindi. Paano kung may emergency at kailangan kitang makausap agad-agad? Tatawag pa ako kay Camilla? Oh, paano kung hindi kayo magkasama. Saang lupalop ba kita hahanapin?” pangongonsensya nitong tanong sa kanya. Kaagad na natigilan si Kara. “Hmm. Sige po. Kayo po ang bahala. Basta po, mag-ingat po kayo. Pupunta na po ako sa trabaho,” paalam niya. Tinanguan lamang siya ng kanyang ama. Isinara niya ang pinto bago lumabas. Tahimik niyang tinahak ang daan papunta sa trabaho. Hindi na siya nag-abala pa na humiram ng bisikleta dahil ayaw niya oang makaharap si Dylan. Alam niyang galit pa rin ito sa kanya lalo na at kinulit niya ito kahapon na nagresulta sa matindi nilang sagutan. Alam niya ring magtataka ang kanyang ama ngunit hindi na niya ito iisipin. Dahil nanibago ang kanyang katawan ay natagalan bago niya narating ang lugar kung saan siya nagtatrabaho. “You're late!” kaagad na singhal sa kanya ni Camilla. “Grabe ka talaga! Hindi ko pa nga natatanggal ang bago ko, sinisinghalan mo na ako,” nakanguso niyang reklamo. “Oh, Kara. Na-late ka na, ah? Bakit natagalan ka?” tanong sa kanya ni Ella, ang kanilang napakagandang amo. Ngumiti siya rito. “Magandang umaga po. Naglakad po kasi ako papunta rito. Pasensya na po kayo,” paghingi niya ng tawad sa babae. Tumango ito. “Oh, siya. Maghanda ka na,” utos nito. Kaagad siyang kumilos. Nakabuntot na naman sa kanya ang kaibigan. Sinimangutan niya si Camilla. “Ano na naman? Iinisin mo na naman ako?” pasinghal niyang tanong dito. Nagugulat itong lumayo sa kanya. “Wow, ha! Parang kakaiba ka ngayon. Kumain ka ba ng dragon?” pang-iinis nitong tanong sa kanya. Umiling siya. “Nag-away kami ni Dylan,” anunsyo niya dahilan upang magpanting ang tainga ng kanyang kaibigan. Pakiramdam niya ay nagkaroon ng pakpak ang tainga nito. Napahawak pa ito sa sariling dibdib sa sobrang kadramahan. “At bakit?” interesado nitong tanong. Nagkibit balikat si Kara. “Nakulitan yata siya sa akin. Kaya ayon, hindi kami bati,” tipid niyang sagot. “Huh? Bakit naman? Ano ba kasi ang ginawa mo?” usisa nito. Hindi na naman siya nito tatantanan. “Wala. Nag-uusap lang kami tapos bigla na lang siyang nainis. Nagkita kasi kami kahapon ni Doc Vlaire sa palengke—” “Ano!” gulat na singhal ni Camilla. “Ano ba! Patapusin mo muna ako. Nagsasalita pa ako,” inis niyang reklamo. “Ano nga? Bakit? Ano ang ginagawa mo roon? Lumandi ka na nga lang, sa palengke pa. Pashnea,” komento ng dalaga. Tinampal niya ang balikat nito. “Umayos ka nga! Seryoso ako.” “Makikinig ako,” anito. “Uy, mamaya na iyang chismis! Trabaho muna!” Kaagad na napairap si Camilla. “Ito naman si Madam. Napaka-killjoy,” paismid na sabi ng dalaga. Napabungisngis si Kara. Hindi na niya pinansin ang kaibigan at nagsimula ng magtrabaho. “Hello, Kara!” magiliw na bati ng dalagang si Sandra. Gulat siyang nag-angat ng paningin sa dalaga. “Ikaw pala, Sandra. Kamusta ka? Hinahanap mo ba si Jake?” tanong ni Kara sa dalaga. Nginitian niya ito. Tumango ang dalaga. “Is he here? Pinuntahan ko kasi siya sa bahay nila, wala siya,” malungkot ang boses nitong saad. Bumaling sa ibang direksyon ang mga mata ni Kara. Nahagip ng kanyang paningin ang binatang si Jake na seryoso sa ginagawa at mukhang wala itong pakialam sa dalaga. Pakiramdam ni Kara ay walang plano ang binata na harapin si Sandra. Bumuntonghininga si Kara. “Hindi pa siya dumarating. Baka mamaya lang ay nandito na siya. Hindi ba kayo nagkasalubong?” Umiling ito. “Sige. Babalik na lang ako mamaya,” paalam ng dalaga. Tumango si Kara at pinanood itong lumabas ng diner. “Hay, naku! Kung bakit naman kasi ngayon lang siya nagkaisip kung kailan nawawalan na ng gana sa kanya si Jake,” bulong na komento ni Camilla. Nilingon niya ang kaibigan. “Hayaan mo na sila,” saway niya rito. “Ay, ganoon ba? Porke may doktor ka na ay hindi ka na makikinig sa akin?” nagtatampo nitong sabi. “Ha? Ayan ka na naman sa kado-doktor mo. Sinasabi ko lang naman na hayaan na natin sila dahil buhay nila iyan,” paliwanag ni Kara. “Oo, at alam kung magiging katulad ka rin ni Sandra. Saka mo lang maiisip na mahal mo na si Doctor Vlaire kapag hindi na siya mangungulit sa iyo. Tingnan mo ang nangyari kay Jake, tinigilan na niya ang pangungulit kay Sandra tapos ngayon, si Sandra naman ang naghahabol. Hahay, buhay,” animo ay namomroblema na usal ni Camilla. “Bakit naman?” nagtataka niyang tanong sa kaibigan. “Napakahina talaga ng radar mo ano? Hahay, ewan ko sa iyo, Kara. Masyado kang slow,” nakangiwi nitong komento. Nangunot ang noo ni Kara. “Hindi kasi kita maintindihan, eh. Ano ba kasi ang ipinupunto mo?” pangungulit niyang tanong. “Hmm. Ang ibig kong sabihin, itatak mo riyan sa kokote mo, ha.” Tumango si Kara. “Baka dahil sa kahinaan ng utak mo, mawala sa iyo ang taong nagmamahal sa ’yo,” usal ni Camilla. “Si Dylan?” Nasapo ng dalaga ang sariling noo. “Wala akong sinabing si Dylan,” nauubusan na ng pasensya na wika ni Camilla. Napabuntonghininga si Kara. “Edi, sino?” “Si Doctor Vlaire,” sabat ni Lyneth. Sabay nilang nilingon ang dalaga. Wala sa kanila ang atensyon nito kundi nasa harapan ng diner. Sabay nilang binalingan ang tinitingnan ni Lyneth. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ni Kara. Nakatayo sa harap ng diner ang doktor at nakatitig ito sa kanya. Para bang pinagmamasdan siya nito. Pakiramdam niya ay kilala niya ang mga matang nakatitig sa kanya at pakiwari niya ay nahipnotismo siya. Siniko siya ni Camilla. “Uy, may nakatitig sa iyo, oh!” komento nito. Parang kiniliti ang kanyang tiyan. Bigla siyang kinabahan. Nilingon niya ang kaibigan. “Sino?” maang-maangan niyang tanong. Nakapamaywang itong humarap sa kanya. “Seryoso ka ba, Kara? Hambalusin kita riyan. Umayos ka nga,” naiinis nitong sermon sa kanya. Kaagad na pumasok ang binatang si Vlaire. Parang kidlat din na pumasok sa loob ng kusina si Kara. “Uy, Kara!” nananadya na sigaw ng kaibigan niya. Kaagad niya itong pinandilatan. “Harapin mo ’yan,” nanlilisik ang mga mata na utos niya kay Camilla. “Hello po, Doc. Si Kara po ang hanap ninyo?” rinig niyang tanong ng kanyang kaibigan. Sa laki at lakas ng boses nito ay napaghahalataan niya na nananadya ang dalaga. Napabuntonghininga siya. Narinig niyang sumagot ang doktor at siya nga ang pakay nito. Wala siyang nagawa ng kaladkarin siya ni Camilla palabas. Halos gusto na niyang bumuka ang lupa at mawala siya na parang bula. Nahihiya siya sa presensya ng doktor. Hindi pa rin kasi niya matanggap na umamin ito sa kanya. “Kara,” nakangiting tawag sa kanya ni Ella. “Madam, bakit po?” “Nagpaalam siya sa akin. Magpapasama raw siya sa iyo,” malumanay nitong pagbibigay-alam sa kanya. Nagugulat niyang nilingon ang doktor bago ibinalik ang paningin sa kanyang amo. “Bakit daw po?” pabulong niyang tanong. Nagkibit balikat ito. “Aba! Malay ko. Siya, magpalit ka na ng damit at magpabango ka. Nakakahiya naman sa manliligaw mo kung amoy-kalabaw ka,” pakindat pa nitong paalala sa kanya. Narinig niya ang malakas na tawa ng kanyang kaibigan. Halatang tinutukso siya nito. Hindi pa man niya nahahatak ang buhok ng dalaga ay kaagad na itong nakatakbo palayo sa kanya. Hinarap niya ang doktor. “Maghintay ka riyan,” nakasimangot niyang sabi bago pumasok sa kusina at nagpalit ng damit. Mabuti na lang at may dala siyang extra. “Ang guwapo ng manliligaw mo, Kara. Bagay kayo,” pabulong na komento ni Jake. Nginiwian niya ang lalaki. “Hindi ko siya manliligaw. Nagpapasama lang ’yan.” “Hmm. Para-paraan din,” natatawa nitong wika. Hindi na ito pinansin ni Kara. Nakasimangot niyang hinarap ulit ang binata. Dala na niya ang kanyang mga gamit dahil alam niyang matatagalan sila at pumayag naman ang kanyang amo. “Saan ba tayo pupunta?” bungad niyang tanong dito. “Just follow me,” anito. Nakatulala siyang sumunod sa binata. Nilingon ni Kara ang kaibigan nang marinig niya ang pagsipol nito. Ngumiti ito sa kanya at nag-thumbs up sign pa. Ngumuso lang si Kara dahilan upang matawa sa kanyang reaksyon ang kaibigan. “Fighting!” bulong pa nito. “Saan ba tayo pupunta?” tanong niya ulit sa kasama. Lumingon ito sa kanya at nang mapansin nitong sobrang layo ng agwat nila sa isa't isa ay hinawakan nito ang kanyang baywang at hinigit siya nito. Nagulat siya sa ginawa ng binata at hindi siya kaagad nakapag-react. Bumangga ang kanyang balikat sa dibdib nito. Nanigas ang kanyang katawan at hindi siya makagalaw dahil sa sobrang kaba. Napakagat ng labi si Kara. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin at gagawin. “Stay close to me. Clumsy ka pa naman,” rinig niyang sabi nito. Nagulat pa si Kara dahil marunong pala itong magsalita ng sariling wika nila samantalang palagi niya itong naririnig na magsalita gamit ang ibang lengguwahe. Napanguso si Kara. “Saan nga tayo pupunta? Ano ba ang kailangan mong puntahan at bakit kailangang kasama pa ako?” nakanguso niyang tanong. “Hmm. I just want to be with you,” kaswal nitong sagot. “I've already told you that I like you. Remember?” “Eh, ano naman ngayon?” nagtataray na tanong ni Kara. “Date. I want a date with you,” anunsyo nito dahilan upang manlaki sa gulat ang mga mata ni Kara. “Where do you want to go?” tanong nito sa kanya. Lalong nalukot ang mukha ni Kara. “Bakit ako? Ikaw itong gustong makipag-date sa akin tapos ako ang tatanungin mo kung saan ko gusto? Hay, ang hirap naman nito,” namomroblema niyang wika. “Sorry. It's my first time,” nahihiya nitong pag-amin. Gulat niya itong nilingon. “Seryoso ka ba?” Tumango ang binata. “Why?” “Wala lang. Hindi kasi kapani-paniwala. Mukhang marami ng dumaan na babae sa buhay mo,” komento ni Kara. “No. You are the only one,” seryoso nitong sabi. “Sus! Iyang mga ganiyang banat, hindi iyan tatalab sa akin.” Tumawa ito. Unang pagkakataon na nakita ni Kara ang ngiti ng binata at doon niya napansin na parang kakaiba ang mga ngipin nito. Hindi na lamang niya inisip ang kanyang napansin. Dinala siya ng binata sa isang flower shop. Matagal na niyang gustong bumisita sa puntod ng kanyang ina ngunit nahihiya siyang sabihin sa binata. “Dat ba 'to sa ’yo?” tanong niya rito. Umiling ito. “I don't know. I am not really into women until I met you.” Binigyan siya nito ng bulaklak. Na kaagad niya rin namang tinanggap. Napalunok si Kara at kusang tumibok ang mabilis ang kanyang dibdib. Larang hinaplos ang kanyang puso ngunit kaagad niya ring ipinilig ang kanyang ulo upang mawala ang kanyang iniisip. “Tigilan mo na iyang mga banat mo, Doc, kung ayaw mong isilid kita sa sako saka pausukan,” banta ni Kara. Nagtataka itong tumingin sa kanya. “What do you mean by that?” “Hindi mo ba naintindihan?” kunot-noo na tanong ni Kara. Aligaga na tumango ang binata. “What is it?” “Hmm. Ang ibig kong sabihin, gusto rin kita. Gusto kitang isilid sa sako,” paliwanag ni Kara. “It means, I like you too," pagsisinungaling niya pa. Kaagad na umaliwalas ang mukha ng binata. Kaagad na sumilay ang ngiti sa labi nito. “Are you serious?” hindi makapaniwala nitong tanong. Tumango si Kara bago nagpaumunang naglakad. Mabilis na tumabi sa kanya ang binata at kinuha nito ang kanyang kamay. Pinagsalikop ito ng binata at wala na itong pakialam sa mga matang nakatingin sa kanila. Biglang uminit ang mukha ni Kara dahil sa sobrang hiya. Gustuhin man niyang bawiin ang sinabi ay hindi na niya magawa lalo na at mukhang tuwang-tuwa ang kanyang kasama. Napabuntonghininga na lamang siya. Halos lahat ng kanyang ituro ay binili ng binata dahilan upang mahirapan siyang umuwi. Nagpresinta pa ito na ihatid siya ngunit kaagad siyang tumanggi dahil ayaw niyang malaman ng kanyang ama na may kasama siyang lalaki. Baka magalit ito sa kanya. Hindi pa naman siya sigurado sa binata ngunit dahil sa kanyang matabil na dila ay pinasok niya ang kanyang sarili sa isang sitwasyon na hirap siyang makalabas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD