Chapter 10
Mataas na ang sikat ng araw nang bumangon si Kara. Ginawa niya ang kanyang morning routine at pagkatapos ay saka pa lang siya lumabas ng kanyang kuwarto.
“Mabuti naman at gising ka na. Kanina ka pa hinihintay ni Dylan,” bungad na usal sa kanya ng kanyang ama. Nagugulat niya itong tiningnan.
“Po? Bakit po?” tulala niyang tanong sa kanyang ama.
“Hmm. Samahan mo siyang magbenta ng kahoy. Kailangan din natin ng pagkain dito sa bahay. Hindi ka yata namalengke. Naubos na ang gatas at kape. Mga ulam, wala na rin tayong nakatagong pagkain.”
Napangiwi si Kara. Nakalimutan niya kasing mamalengke. Naalala na naman niya ang doktor dahil isa ito sa dahilan kung bakit nakalimutan niyang mamili. “Sige po, ‘Tay. Kakain lang po muna ako,” tipid na sagot ni Kara. Kinakabahan din siya. Hindi niya alam kung paano pakisamahan ang binatang si Dylan lalo pa at mukhang galit ito sa kanya kahapon.
Tinanguan siya ng kanyang ama at bumalik na ito sa ginagawa. Kagaya ng dati nitong ginagawa, kapag wala ito sa trabaho ay nakaharap ito sa isang malaking mapa kung saan naroon ang lugar ng La Trinidad. Pinag-aaralan ng kanyang ama ang mga posibleng pinagtataguan ng mga masasamang lobo at iba pang klase ng hayop na sumisira sa kanilang tahimik na pamumuhay.
“Hindi mo pa ba nabalitaan, Kara? May isang babae na binubuyo ng kanyang mga kaklase,” anunsyo ng kanyang ama dahilan upang mapabaling siya rito.
Nagtaas siya ng kilay. “Po? Sino raw po, ‘Tay?” nag-aalala na tanong ni Kara. “Wala po akong nalalaman,” dagdag niya pang sabi.
“Hmm. Nakalimutan ko ang pangalan. Magandang dalaga,” sagot nito habang nananatili ang paningin sa papel na nakalatag sa harapan nito.
“Talaga po? Sino kaya? Wala kasi akong nasasagap na balita,” nagtataka niyang sabi. Napailing na lamang si Kara. “Ang dami po talaga ang masama ang budhi, ‘Tay, ’no? Kawawa naman siya,” komento niya pa.
Tumango ito. “Kaya ikaw, magpakabait ka palagi. Huwag kang sumali sa mga grupo-grupo na nakakasira lang ng pamilya. Mag-aral ka nang mabuti,” payo nito sa kanya.
“Opo,” tipid niyang sagot. Tinapos na ni Kara ang kanyang pagkain at tahimik siyang tumayo. Niligpit niya ang kanyang mga pinagkainan at naglakad ulit papasok sa kanyang kuwarto. Pagkatapos niyang magsipilyo ay kinuha na niya ang bag na kanyang dadalhin.
“Aalis na po ako, ‘Tay,” paalam ni Kara sa kanyang ama. Tumingin lang ito sa kanya bago tumango. Seryosong tinahak ni Kara ang daan papunta sa bahay ni Dylan.
Hindi siya mapakali. Pinagkukuskos niya ang kanyang mga palad. “Tama kaya yung sinabi ni Camilla? Hmp! Imposible! Saka bakit ako?” natutuliro niya ng tanong. Bumuntong hininga siya.
Nag-angat siya ng paningin at naroon na ang binata. Nakatayo sa isang karo kung saan nakakarga ang mga kahoy nitong paninda. Ang iba naman ay gumagamit na ng mga gas sa pagluluto pero ang karamihan ay kahoy pa rin ang gamit. Tiningnan lang siya ng binata sa paraan na parang tinatamad.
“A-Aalis na ba tayo?” tanong niya kay Dylan. Bigla tuloy siyang na-conscious sa kanyang sarili. Wala sa sarili niyang inayos ang kanyang buhok na humaharang sa kanyang mga mata. Mataman lang siyang tiningnan ng binata.
Sinenyasan siya nitong sumakay na kaya naman ay aligaga siyang sumunod. Hindi man lang ito nagsasalita.
“Dylan,” tawag niya sa pangalan ng binata. Hindi siya nito pinansin. Seryoso lang nitong pinaandar ang motor at nagmaneho na paalis.
“Bakit hindi ka namamansin?” nagtataka niyang tanong sa kasama.
“Huwag kang makulit at nagmamaneho ako,” saway nito sa kanya gamit ang malamig na boses.
Napalunok si Kara. “Sorry naman,” paasik niyang hingi ng paumanhin sa binata. “Ang sungit-sungit,” pabulong niyang usal sa kanyang sarili.
“Narinig kita,” anunsyo nito.
“Nyeh-nyeh!” pang-iinis ni Kara kay Dylan. Narinig niya itong bumuntong hininga.
“Hindi ako galit. Wala lang akong maisip na sasabihin sa ’yo,” seryoso nitong sagot sa kanya.
“Ah, talaga ba? Magpaliwanag ka!”
“Eh? Tungkol saan?” nagugulat nitong tanong sa kanya. Nanatili sa daan ang pokus nito.
“Tungkol kahapon. Bakit bigla ka na lang umalis? Bakit parang galit ka? Nagseselos ka ba?” sunod-sunod na tanong niya sa binata.
Narinig niya itong napaubo. “Ha? Ano ba ’yang mga pinagsasabi mo? Saan mo ba ’yan napulot?” inis nitong tanong sa kanya.
Natawa si Kara. “Si Camilla kasi, ang sabi niya nagseselos ka raw dahil sa namita mong bulaklak na hawak ko kahapon,” mahabang paliwanag ni Kara. Pansin niya na natigilan ang binata. Matagal bago ito nakapagsalita.
“Wala akong pakialam.”
Tumikhim si Kara. “Weh?” nanunukso niyang tanong sa kasama.
Napangiwi ito kaya naman ay napahagalpak siya ng tawa. “Tigilan mo ako, ha!” inis nitong singhal sa kanya.
“Wow, ha! Sinisigawan mo na ako,” nagtatampong wika ni Kara. Napanguso siya. “Isusumbong kita kay Tatay Tonio pag-uwi,” dagdag niya pang sabi.
Mabilis na lumingon sa kanya ang binata. Nakaupo siya sa likod ng lalaki kaya hindi niya rin masyadong marinig ang sinasabi nito.
“What the hell!” malakas nitong singhal. Ramdam niyang naguguluhan ito sa kanyang inaasta. “Hindi kita inaaway, ha!” angil pa ng binata.
“Sinisigawan mo ako, eh,” nakangusong reklamo ni Kara.
“Dahil bingi ka,” katwiran ni Dylan.
Biglang natigilan si Kara dahil sa narinig. Nagugulat niyang tinitigan ang likuran ng binata. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig. “Grabe ka naman,” angil ni Kara. “Ang sama ng ugali.” Hindi na siya nagsalita pa at baka masabihan na naman siya ng binata na makulit siya.
Lumipas ang kalahating oras ay narating nila ang bayan. Dumiretso sila sa isang malaking tindahan. Tahimik na bumaba si Kara at inayos ang kanyang suot. Malaking t-shirt at short ang kanyang naisipang suoting dahil palengke lang naman ang pupuntahan niya. Nilingon siya ng binata.
“Dumiretso ka na sa bilihan ng mga karne. Susunod na lang ako sa 'yo,” utos nito.
“Pinagtataboy mo yata ako, eh,” nakangiwi niyang sabi.
Nagugulat na bumaling sa kanya si Dylan. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata nito. Pati ang butas ng ilong ng binata ay lumaki na rin. Kung totoo lang na umuusok ang ilong ng tao dahil sa inis ay baka nakakita na si Kara sa totoong buhay.
“Mahabaging langit!” sambit pa ng binata. Hindi na nito alam kung ano ang gagawin nito sa kanya. “Hindi kita pinagtataboy. Sinasabihan lang kita. Mag-ingat ka rin dahil lampa ka pa naman. Mamaya pa niyan ay maaksidente ka,” kunot-noo nitong usal sa kanya.
Lalong humaba ang nguso ni Kara. “Ito naman. Nagbibiro lang ako. Bakit ba ang sungit-sungit mo sa akin?” nagtataka niyang tanong.
Nasapo ni Dylan ang sariling noo. “Hindi kita pinagsusungitan. Ewan ko sa iyo, Kara. Gumayak ka na,” utos nito. Tinalikuran siya nito kaya naman ay wala siyang nagawa kundi ang umalis na. Nakanguso siyang naglalakad hanggang sa marating niya ang tindahan ng mga karne. Nakahilera ang mga karne, iba't-ibang klase, at hiwa. Namili si Kara at bumili ng tig-dalawang kilo ng hita ng manok at pakpak.
Nagbayad siya at naglakad papunta sa panrekado. May tanim na gulay ang kanyang ama kaya hindi na niya kailangan pang bumili. Pakanta-kanta siya habang namimili. Sa kanyang paglingon ay hindi niya inaasahan na may bubunggo sa kanya. Malakas siyang natulak ng lalaking tumakbo dahilan upang tumama ang kanyang likuran sa mesa na may mga paninda ng isang ale. Halos sabay silang sumigaw ng ale.
“Diyos ko po! Iha!” malakas na sigaw nito. Pati ang mga nakakita ay mabilis na lumapit sa kanila. Mabuti na lang at hindi natumba ang mesa ngunit may ilang nasira ni Kara. Nadaganan niya kasi ang ilang kamatis.
Napadaing siya dahil sa sakit. “Aray ko!” mangiyak-ngiyak niyang sambit habang nakahawak sa kanyang tagiliran. Hindi pa nga ito tuluyang gumaling ay nasaktan na naman siya. Nalukot ang kanyang mukha dahil sa sakit na naramdaman.
May lumapit sa kanya na lalaki. Hinawakan siya nito sa balikat at tinulungan siya nitong tumayo. Humahangos siyang nagpasalamat.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalala nitong tanong sa kanya.
Umiling si Kara. “Hindi. Masakit ang likod ko,” pag-amin niya. Hindi niya maitago ang sakit na naramdaman.
“Lokong ’yon, ah!” singhal nitong sambit habang nakatingin sa tinahak na daan ng lalaki na bumangga sa kanya. Bumalik ang paningin nito sa kanya. “Wala bang nakuha sa 'yo?” mabilis nitong tanong.
Nag-angat ng paningin si Kara. Naguluhan siya sa tanong ng binata. “Na-Nakuha? Ano ang ibig mong sabihin?” nalilito niyang tanong.
Mabilis itong tumingin sa tinahak na daan ng lalaki. “Dito ka lang,” utos nito sa kanya at bago pa man siya makapagsalita ay tumakbo na ito palayo. Umugong ang bulungan sa paligid ni Kara.
“May nanakawan.”
“Hala! Nasaktan siya!”
“Pansin ko rin. Malakas ang pagkakabangga niya,” rinig niyang komento ng isa.
“Sino ba yung lalaking 'yon?” tanonf ng ilan.
“Bago yata. Hindi ko kilala.”
Napabuntong hininga na lamang si Kara. Kinapa niya ang kanyang bulsa at bag. Wala na ang dala niyang pera. Pati ang kanyang wallet ay natangay ng lalaki. Kaya pala binunggo siya nito dahil may masama pala itong motibo.
Humahangos na lumapit sa kanya ang binatang si Dylan. Nanlulumo niya itong tiningnan.
“Narinig ko ang kaguluhan kaya tumakbo ako at hinanap kita,” hindi magkandaugaga nitong sabi. “Nasaktan ka ba?” tanong nito sa kanya. Puno ng pag-aalala ang mukha ng binata.
Tumango si Kara. “Medyo masakit ang katawan ko. Ayos lang naman ako,” tipid niyang sagot. Ang totoo ay gusto na niyang umiyak. Sobra siyang napahiya dahil sa katangahan niya. Wala kasi sa paligid ang kanyang atensyon. Nanlulumo siyang nag-iwas ng tingin kay Dylan. Nahihiya siyang harapin ito. Baka kantiyawan na naman siya nito kagaya ng dati nitong ginagawa kapag nasasangkot siya sa gulo.
“Ayos ka lang ba talaga?” ulit nitong tanong.
Tumango si Kara. “Ayos lang ako,” tipid niyang sagot. Wala ng pumansin sa kanila. Bumalik sa dati ang lahat. Kaunti na lang ang nag-uusap tungkol sa nangyari at mukhang naka-move on na ang mga ito. Maging ang ale ay ayos na at inaayos na rin nito ang nasirang paninda.
Napabuntong hininga si Kara. Gusto na niyang umalis. “Pahinga muna tayo. Halika na,” anunsyo ng binata ngunit hindi makagalaw si Kara. Para siyang naestatwa sa kanyang kinatatayuan.
Kaagad na hinawakan ng binata ang kanyang kamay at dahan-dahan siya nitong hinatak paalis. Nanginginig ang mga tuhod ni Kara. Nanghihinayang siya dahil nawala ang ilang buwan niyang pinaghirapan na pera at kasama pa roon ang pera ng kanyang ama.
Baka kapag sabihin niya rito na nanakawan siya ay magalit ito sa kanya. Dinala siya ni Dylan sa isang maliit na bench. Pinaupo siya ng binata.
“Kamusta na ang pakiramdam mo?” tanong kaagad nito sa kanya nang makaupo sila.
Bumuntonghininga si Kara. “Medyo gulat pa rin ako. Hindi ko alam kung paano ako magre-react,” seryoso niyang sagot habang dinadamba ang kanyang dibdib sa sobrang kaba.
Hindi niya masabi sa binata na muntik na rin siyang mawala sa mundo noong gabing ninakawan siya ng isang lalaki. Kung hindi pa dumating ang lalaking tumulong sa kanya ay baka hindi na siya nakauwi. Bigla siyang natigilan. Nagitla siya sa napansin.
“Oh, alis muna ako. Bibilhan kita ng ice cream,” paalam nito sa kanya. “Mag-ingat ka at huwag ka ng umalis,” paalala pa ni Dylan sa kanya.
Tumango siya. “Sige. Dito lang ako maghihintay,” matamlay na sagot ni Kara. Itinuon niya ang paningin sa kanyang paanan.
“Kara, bigyan mo ng pansin ang iyong paligid. Baka mamaya mapahamak ka na naman,” sermon pa ng binata.
Napanguso si Kara. “Oo na. Bilisan mo,” pagtataboy niya rito.
Bumuntong hininga itong naglakad palayo. Nalulungkot na ibinalik ni Kara ang kanyang paningin sa kanyang paanan. Nilaro-laro niya ang ilang piraso ng bato hanggang sa mawalan siya ng gana.
Nagtataka siyang nag-angat ng kanyang paningin nang may humintong isang pares ng sapatos sa kanyang harapan. Nagugulat siyang napasinghap. “Ano ang ginagawa mo rito?” utal niyang tanong sa binata.
“Here,” usal ng bagong dating. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ni Kara. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Sinalubong niya ang mga tingin ni Doc Vlaire.
“Bakit nasa iyo ito?” gulat na tanong ni Kara.
Nagkibit balikat ang lalaki. “I saw it on the road. Someone throw it,” seryoso nitong sagot sa kanya.
Hindi makapaniwala si Kara. Kaagad niyang hinablot ang pitaka mula sa kamay ng doktor at gulat siya dahil walang nawalang pera. Maging ang mga importanteng identification cards ay walang nawala. Nanganga niyang tiningnan ang lalaki. “Salamat,” pasasalamat niya. Kaagad siyang nakahinga ng maluwag. “Mabuti naman at nakita mo 'to. Paano yung kumuha nito? Nakita mo ba?” umaasa na tanong ni Kara. “Dapat siyang makulong,” dagdag niya pang ang sabi.
Umiling lang ang binata. “I did not see him,” sagot nito. “Well, maybe he’s punished now.”
Tumango si Kara. “Hmm. Karmahin sana siya. Ipagdadasal ko na sana, lumaki ang kanyang itlog hanggang sa hindi na siya makalakad. Ang sama ng ugali niya,” seryosong usal ni Kara dahilan upang mapaubo sa gulat si Vlaire.
“What?” hindi makapaghintay nitong tanong sa kanya.
Kumunot ang noo ni Kara. “Bakit? Ano ang masama roon sa sinabi ko? Basta, iyon ang gusto ko. Tingnan lang natin kung hindi la siya tumigil. Ang sama-sama ng ugali. Ang sakit ng katawan ko, ha! Bumangga ako roon sa mesa,” kuwento pa ni Kara kahit hindi naman nagtatanong si Vlaire.
Biglang natigilan si Kara. Aligaga niyang tiningnan ang binata na ngayon ay seryosong nakatingin sa kanya. “Doktor ka ba talaga?” naninigurado niyang tanong dito.
Tumango ito. “Why? What do you think of me?” tanong ni Vlaire.
“Hmm. Mukha kang mago,” nakangiwing sagot ni Kara.
Kumunot ang noo ni Vlaire. “What? What do you mean by mago?” tanong ulit nito sa kanya.
“Salamangkero!” mabilis na sagot ni Kara. “Tingnan mo nga iyang pananamit mo. Para kang sinaunang tao. Bakit ba puro itim ang suot mo?” nagtataka niyang tanong. Napapaisip din si Kara na baka kasali ito sa kulto kaya kapag nakikita niya ito ay puro itim ang suot ng binata.
“What!” hindi makapaniwala nitong singhal. “You think I am a magician? What the hell!” singhal ulit ni Vlaire.
“At saka, ano ba 'yong sinabi mo na gusto mo ako. Seryoso ka ba roon? Bakit parang palagi na kitang nakikita?” nagtataka niyang tanong. “Sinusundan mo yata ako, eh.”
Umiling si Vlaire. “Yes, I like you and no, I am not following you. I'm visiting some patients,” kaswal nitong sagot.
“Talaga? Ang sipag mo naman,” kibit ang balikat na komento ni Kara.
“Kara!”
Mabilis na umikot ang paningin ni Kara nang marinig ang boses ng binatang si Dylan. Masama ang tingin nito sa kanya. Seryoso ang binata at mukhang hindi nito nagustuhan na nakikipag-usap siya sa isang lalaki. Hindi man lang natinag ang binatang si Vlaire.
Seryosong naglakad palapit sa kanila si Dylan.
“Nandito ka pala,” kinakabahan na sabi ni Kara. “Akin ba ’yan?” tanong niya sa bagong dating. Ibinigay nito sa kanya ang isang cone ng ice cream na malapit na ring matunaw.
Wala man lang itong sinabi. Nasa lalaking nakatayo ang paningin ni Dylan.
“Salamat,” tipid na wika ni Kara. Hindi man lang sumagot ang binata sa kanya.
“Is he your brother?” baling na tanong kay Kara ng binatang si Vlaire. Kumunot ang noo ni Dylan dahil sa narinig. Kumuyom ang kanyang mga palad at hindi niya gusto ang binata.
Mabilis na umiling si Kara. “Hindi,” tanggi niya. “Magkapitbahay kami. Sinamahan ko lang siya,” paliwanag niya pa dahilan kung bakit nangunot ang noo sa kanya ni Dylan.
Inis siya nitong tiningnan. “Bakit ka ba nakikipag-usap sa lalaking ito, Kara? Kilala mo ba siya?” galit na tanong sa kanya ni Dylan.
Tumango si Kara. “Kilala ko siya, at hindi ako nakikipag-usap sa kanya, Dylan. Binalik lang niya sa akin ang wallet ko,” paliwanag ni Kara.
Umingos lang ang binata. “Oh, eh, bakit narito pa 'yan? Paalisin mo na,” utos pa nito sa kanya.
Kaagad na nalukot ang mukha ni Kara. “Huh? Bakit naman?” nagtataka niyang tanong. “Dylan, wala siyang ginagawang masama sa akin,” pilit na katwiran ni Kara.
“Kahit na! Hindi mo pa rin siya kinakausap,” bulong nitong sagot sa kanya. Napabuntong hininga na lamang si Kara.
“Well, my presence is not welcome, so, I think I need to go.”
Napalingon si Kara kay Vlaire. Ngumiti sa kanya ang lalaki at kaagad itong naglakad palayo. Nanlulumo si Kara habang pinanood niya ang likuran ng binata hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nawalan ng lakas. Para bang nalungkot siya dahil umalis ang binata.
Masama ng mukha na nilingon niya si Dylan. “Ang sama talaga ng ugali mo,” nakangiwi niyang komento.
“Bakit na naman?”
“Ewan ko sa iyo. Umuwi na tayo,” aniya.
Bumuntong hininga ito. “Bakit ba nagagalit ka?” tanong ni Dylan sa kanya.
“Bakit ba kasi pinagtabuyan mo yung tao? Hindi pa ako nakapagpasalamat sa kanya. Kainis ka naman,” reklamo ni Kara. Nagpapadyak siya dahil sa sobrang inis. Tumayo siya at nagpaumuna na naglakad palayo. Wala sa sarili siyang naglakad hanggang sa marating niya ang motor ng binata. Kaagad siyang sumakay kahit pa wala pa ito.
Bumuntong hininga si Kara. Bumaba siya ulit at doon na sumakay sa maliit na karo o karwahe. Ayaw niyang madikit sa binata. Nagtatampo pa rin siya rito at naiinis pa rin siya dahil sa ginawa nito.
Tahimik itong sumakay sa motor at hindi nagsasalita. Habang nasa biyahe sila ay panay ang pag-irap ni Kara. Ilang beses niyang inambaan ng suntok ang likuran ng binata.
“Nakikita ko ang ginagawa mo, Kara.”
Nagulat siya at nag-iwas ng tingin. “Ewan ko sa ’yo.”