Natanggap ako bilang part-time cashier sa supermarket sa isang mall. Si Magdalino nama'y merchandiser ng isang brand ng toothpaste. Lumipat kami sa isang simple at murang bording house na malapit lang sa unibersidad na aming pinapasukan nang saganun lalakarin na lang namin para tipid sa pamasahe. Maliban sa TV, ipinadala ko ang aking mga gamit sa kanilang bahay sa probinsiya dahil hindi naman iyon magkasya sa bago naming nilipatan gaya na lamang sa ref at ng sofa. Inililihim namin ng una ang aming relasyon para kahit papapaano mapangalagaan namin ang aming pagkasino subalit dahil halos lahat ng mga kaboardmate namin ay mga lantarang bading at silahis rin, nabulgar din ang aming pinakatagong sekreto subalit tanggap naman nila iyon at kinikilig pa sa amin. Pareho kasi kaming gwapo at astig kong kumilos.
Kadalasan, nauunang mag-out si Magdalino sa trabaho niya kaya naman siya rin iyong madalas na naghihintay sa akin sa labas ng supermarket kung saan ako nakaasign. Minsan, sinasabihan ko siyang mauuna na lamang na umuwi para makapaghanda ng hapunan ngunit ayaw naman niya. Katwiran niya, bahala ng mamatay siya sa gutom sa kahihintay sa akin basta masiguro lang niyang walang ibang lalaking umaaligid sa akin. Siyempre, kinilig ako doon. Kaya naman hinahayaan ko na lamang siya sa kanyang gusto. Tutal, siya din naman ang magluluto pagkauwi namin sa tinutuluyan naming bording house. Ramdam na ramdam ko ang kanyang pagmamahal. Ginawa niya akong parang babae sa kanyang piling kaya naman mas lalo pa akong napamahal sa kanya ng lubusan.
Sabay kami niyan na magreview ng aming mga lessons bago matulog. Pinagtutulungan naming sagutin ang may kahirapan naming mga homeworks. At kapag nabuburyo na kami sa karereview, lalabas kami ng bording house para kumain ng lugaw o kaya'y balut. Pagkatapos magkahawak-kamay kaming maglalakad-lakad sa gilid ng daan. Minsan nama'y magkarerahan kami niyan sa pagtakbo at kung sino ang matatalo, isang linggong incharge sa paghuhugas at paglalaba. Kadalasan ako iyong talo, pero ang ending siya parin iyong maglalaba dahil hindi naman ako marunong. Hanggang sa paghuhugas lang kasi ng pinggan ang alam ko. Kay Magdalino ko naramdaman na maging kuntento sa mga maliliit na bagay na natatamo. Napagtanto kong pwede ka naman palang maligaya sa kabila ng hirap ng buhay. Namuhay ako ng simple. Matigas na kama ang hinihigaan ko tuwing gabi. Walang aircon. Walang mamahaling sasakyan at walang hightech na mga gadget subalit sa kanya pa lang ay solve na ako at parang kaya ko ng mabuhay na wala ang mga luhong iyon nasa tabi ko lang ang lalaking pinakamamahal ko.
Kapag sahod namin ay di namin makakalimutan dalhan ng pagkain sina Tatay Fermin at ang asawa nito doon sa parke. Itinuring narin kasi namin silang kabahagi ng aming buhay. Nagpapadala rin kami ng kunting pera sa probinsiya para sa gastusin ng mga kapatid niyang nag-aaral at sa anak niyang si Ejay.
Lumipas ang isang taon na ganoon ang naging siste namin at wala akong pinagsisihan. Sa kanya ko natagpuan ang isang pagmamahal na hindi ko kailanman narasan sa piling ng aking mga magulang. Subalit habang patuloy sa paglikwad ng panahon ay napansin ko ang bahagyang pagpayat ni Magdalino at ang walang kamatayan niyang pag-uubo gayung may mga gamot naman siyang iniinum.
"Magpacheck-up kana kaya, Dong!" Minsang sabi ko.
"Saka na. May gamot naman akong iniinum, Dong. Mawawala din ito" Ang tugon naman niya.
"Mabuti kasi iyong mapasuri para malapatan ka ng mas mabisang gamot para sa ubo mo. Tsaka, medyo pumapayat ka, naku, baka nakumpromiso na iyang kalusugan mo!" Pagpumilit ko kaya naman noong magday-off siya ay nagpasuri siya sa duktor.
"Anong resulta?"
"Ayos naman. Wala namang nakita sa xray ko. Sabi ng duktor, baka over fatigue lang daw sa trabaho at pag-aaral. Niresitahan lang ako ng antibiotic at vitamins"
Nakahinga naman ako ng maluwag sa kanyang sinabi. Naghinala kasi akong baka nagka-TB siya at laking pasalamat kong hindi naman pala. Baka nga over fatigue lang dahil ako nga rin ay may nakakaramdam ng sobrang pagod. Hindi naman kasi ganoon kadali na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho.
Gumaling naman si Magdalino sa kanyang iniindang ubo subalit pagkalipas lang ng isang buwan ay muling bumalik iyon at sa tingin ko mas lumala pa. Patuloy parin sa pagbagsak ang kanyang timbang. Napansin ko rin na panay ang balik niya ng CR. Hindi mawala-wala ang kanyang diarrhea. Kaya naman kinulit ko ulit siya na nagpasuri sa duktor. Umayaw na naman siya ngunit dahil sa pangungulit ko pumayag din. Iyon nga lang hindi niya ako pinahihintulutan na sumasama. Nag-aalala na ako ng sobra sa kanyang kalagayan. Kaya naman pagkatapos ng duty ko isang gabi nagmamadali akong umuwi ng bording house para malaman ang resulta ng pagpapasuri niya.
Nakita ko mula sa labas na bukas ang ilaw ng aming silid. Ibig sabihin dumating na si Magdalino. Naratnan ko siyang nakahiga sa aming kama. Nakapikit ang kanyang mga mata at ang isang braso niya ay nakadantay sa kanyang noo. Mabigat ang paghugot niya ng hininga. Nakita ko ang maraming gamot sa ibabaw ng lamesita at isang bote ng gatorade. Binuksan ko ang ricecooker, may naluto ng pagkain ngunit wala pang ulam kaya naman bumaba muli ako para bumili sa malapit na karinderya. Ginising ko naman siya nang makabalik ako para sabay na kaming kumain. Nakadalawang subo lang ay umayaw na siya. Nagpaalam siyang lumabas dahil umano'y manonood siya ng paliga ng basketball sa may coveredcourt. Sobrang naninibago ako sa kanyang mga kinikilos. Parang wala siyang ganang kausapin ako. Parang may mali. Wala naman akong natatandaang may pinagtatalunan kami. At kahit meron man, hindi naman iyan makatiis na deadmahin ako.
Palihim ko siyang sinundan sa covered court. Nakita ko siyang nakaupo sa pinakasulok na bench. Blangko ang kanyang paningin. Mukhang wala naman sa nagbabasketball ang kanyang isip. Maya-maya lang, hinugot niya ang celphone sa bulsa. Napabuga siya ng hangin ng muling ibalik iyon. Hindi maipinta sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala kaya naman lumapit ako.
"May problema ba tayo, Dong?" Tumabi ako ng upo sa kanya. Umusog siya. Iba ang dating no'n sa akin. Iyon bang parang iniiwasan niyang magkadikit ang balat namin. Samatalang dati, kapag ganoong nanonood kami ng paliga, aakbayan niya ako. At wala siyang pakialam kung pagbubulongan man kami ng mga taong naroon.
"G-gaano mo ako kamahal, Dong?" Isang tanong din ang kanyang itinugon. Hindi ko iyon inaasahan kaya naman....
"A-anong klaseng tanong ba 'yan. Siyempre, mahal na mahal. Ikamamatay ko kung mawawala ka"
"Iyan ang huwag mong gagawin..."
"Huh?—"
"—Wala...kalimutan mo na ang sinabi ko"
"Ano ba talagang problema? Naninibago na ako sa mga ikinikilos mo, parang hindi ikaw iyang kausap ko"
Hinawakan niya ang kamay ko. Pinisil niya iyon. "Anuman ang mangyari, huwag mo sana akong iiwan, Dong. Sa'yo ako ngayon humugot ng lakas. Hindi ko alam ang gagawin sakali mang talikuran mo ako"
Masyado na akong naweirdohan sa kanyang pinagsasabi. Kinutoban akong may hindi magandang nangyari na ayaw niyang ipagtapat sa akin.Kinuha niya ang celphone sa bulsa. Pinatugtog niya ang awiting isa sa mga paborito niya, ang JUST WHEN I NEEDED YOU MOST.
YOU PACKED IN THE MORNING I
STARED AT THE WINDOW AND I
STRUGGLE FOR SOMETHING TO SAY
YOU LEFT IN RAIN WITHOUT CLOSING THE DOOR
I DIDN'T STAND IN YOUR WAY...
"Sana hindi ka dumagdag sa listahan na pagahahandugan ko ng kantang iyan, Dong"
"My God, Lino. May hindi ka ba sinasabi sa akin. Masyado ka ng weird, alam mo ba?"
Bumuntong-hininga ulit siya. Ngumiti siya sa akin. "Okey lang ako. Siyensiya ka na, gusto ko lang kasing manigurado"
"Nagdadrama ka pa eh. Tara na nga, di pa ako tapos kumain eh..." Kunway sinapak ko ang kanyang balikat saka hinila ko ang kanyang braso. Masaya kaming bumalik ng bording house ngunit sa loob ko, naroon parin ang matinding agam-agam.
Nagdaan pa ang mga araw at napansin ko ang malaking pagbabago hindi lang sa kanyang pisikal kundi pati narin sa kanyang mga ikinikilos. Kung dati, hinahayaan lang niyang nakabalandra ang kanyang celphone sa kung saan, ngayon, parang isang krimen na kung ito ay mahiwalay sa kanya. Minu-minuto ay palagi niya itong kinukutingting at laging abala sa katetext. Kung may tatawag man, kinailangan pa niyang dumistansiya sa akin bago sagutin iyon. Doon na ako labis na kinutobaban na baka may kinalolokohan na siyang iba ngunit hindi ko lang pinapahalata. Hangga't maari ayokong pumutak na walang sapat na ebidensiya. Kailangan ko siyang mahuli sa akto. Ngayon pa lang ay parang sasabog na ang dibdib ko sa galit at selos na isiping sinimulan na niya akong lokohin. Ganoon ba talaga ang relasyong ng mga kasariang nasa gitna? Hindi nakukuntento at madaling magsasawa?"
Nang maligo siya sa banyo ay nalimutan niyang itago ang kanyang celphone na siyang lagi niyang ginagawa. Dali-dali kong tiningnan ang nasa inbox niya. Subalit wala iyong laman. Mukhang binura niya iyon lahat. Nang ibinalik ko ang celphone sa pinaglagyan niya ay nag-vibrate iyon. Nanginginig ang kamay ko nang muli kong sinilip ang inbox.
"Kumusta ka na? Just asking lang kung inopen mo na sa partner mo ang totoo. Kung hindi mo pa talaga kaya, pwede akong tumulong para maipaliwanag sa kanya ang lahat. Anyway, kita tayo mamaya matapos ang klase mo. May ibibigay ako sa'yo"
Mistulang sinabogan ako ng bomba sa nabasa. Sapat ng katibayan ang mensaheng iyon para makumpirma ang ginawang pagtataksil sa akin ni Magdalino. Naninikip ang aking dibdib at hirap akong makahinga. Saan ba ako nagkulang? Anong meroon sa baklang iyon na wala ako? Bakit niya ako nagawang lokohin? Mga katanungan ko sa isip. Napaupo ako sa kama na may nangilid na mga luha sa aking mga mata. Kaagad ko din naman iyong pinahid nang marinig ko ang mga yabag niya papasok sa aming silid. Nagkunwari akong walang nangyari. Nakita kong kaagad niyang dinampot ang kanyang celphone at binasa ang nilalaman. Tiningnan niya ako na may halong inis.
"Kailan ka pa natutong mangialam ng gamit ng iba?"
"Bakit...takot kang mabuking ka?"
"Ano ba iyang pinagsasabi mo, Dong?"
"Huwag ka ng magmaang-maangan pa, Lino. Hindi ako pinanganak noong isang araw lang para hindi malaman ang pangloloko mo. Magkikita kayo mamaya ng kalaguyo mo. At tutulongan ka niyang ipagtapat sa akin ang totoo...iyon ba 'yong dahilan kung bakit nanlalamig na pakikitungo mo sa akin. Tutulongan ka niyang ipagtapat na ayaw mo na sa akin at siya na ang bagong baklang kinahuhumalingan mo?"
Hindi siya nakaimik.Nakagat niya ang pang-ibabang labi habang nag-iisip kung paano pagtakpan ang isang sekretong nabunyag.
"Mali iyang iniisip mo, Dong" Ang katagang lumabas sa kanyang bibig.
"At ano ang gusto mong isipin ko? Na kaklase mo iyon at may gagawin lang kayong project kaya kayo magkikita mamaya? At ano iyong sinasabi niyang tutulong siya sa'yo na magpaliwanag sa akin...iyon ba yong tungkol sa kataksilan ninyong dalawa ha?" Mahina ngunit may diin ang bawat salitang aking binitiwan. Ayoko ko kasing may makarinig sa pagtatalo naming iyon.
"Mahal kita, alam mo iyan. Kailanman hindi kita magawang lokohin"
"Huwag mo ng bilugin pa ang ulo ko dahil bistado na kita, Magdalino. Alam mong ikaw lang ang lalaking una kong minahal. Natuto akong nagpakababa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa'yo. Tapos, ito lang pala ang maging kapalit ng iyon? Magkano ba ang inaabuno niya sa'yo ha?"
"Mali ang pagkakaala mo sa amin ni Jarred...siya iyong...siya iyong....ahhhh" Nagkandautal-utal na siya. Litong-lito sa kung ano ang sasabihin. Hanggang sa, "Mangako kang hindi mo ako iiwan kapag nalaman mo ang totoo, Dong"
Tumango ako.
Nakita kong may kinuha siyang papel sa loob ng kanyang bag. Nanginginig siyang iabot iyon sa akin.
"A-ano ito?"
Hindi siya sumagot. Nakita kong hindi siya mapakali habang nagsisimula ng tumulo ang kanyang luha. Ngunit hindi ko siya pinansin. Itinuon ko ang mga mata sa papel na ibinigay niya. Bago ko tuluyang nabuklat ang papel ay pinangunahan na niya sa kung ano ang nakasaad sa papel na hawak ko.
"Confirmatory result ko iyan, nagpositive ako sa HIV, Dong"
Hindi kaagad ako nakapagsalita. Napaawang ang aking bibig. Agad kong tiningnan ang papel at nakumpirma kong totoo ang kanyang sinabi. Mistulang nagdilim ang aking paningin. Napapapikit ako. Halo-halong emosyon ang lumukob sa buo kong pagkatao. Ewan, gusto kong mamayani ang pagmamahal ko sa kanya subalit mas nanaig sa akin ang sobrang pandidiri.
Lumapit siya sa akin upang sana'y yumakap subalit kaagad ko siyang itinulak. Hinablot ko ang tuwalyang nakahanger at nagmamadali akong tumungong banyo. Doon ko pinakawalan ang masagana kong luha. Nagugulohan ako. Gusto ko siyang intindihin subalit hindi naman nakikiayon ang aking utak. Bagamat mahal ko siya ngunit hindi ko kaya ang makipagrelasyon ng taong kagaya niyang may HIV. Paano kong mahawa ako? Tatlumpong minuto rin ang itinagal ko sa banyo bago ako lumabas. Naratnan ko siyang nakahalukipkip sa sulok ng aming silid. Panay sa pagbulwak ang kanyang mga luha. Sa halip na maawa ay matinding pandidiri ang nararamdaman ko kay Magdalino at takot na mahawaan o baka nahawaan na niya ako gayung lagi kaming magkatabi sa pagtulog. Bagamat nagko-condum kami, pero panay naman ang pagsubo ko sa kanya na minsan nilulunok ko.
"Iyan ang dahilan, Dong kung bakit nag-aatubili na akong yakapin ka at halikan ka. Alam kong hind naman nakakahawa ang sakit ko sa pamamagitan ng halik at yakap ngunit dahil sa nawalan na ako ng confidence sa sarili ko at sa sobrang guilt kaya nakitaan mo ako ng panlalamig. Pero mahal na mahal kita. Huwag mo sana akong iwan. Kailangan na kailangan kita. Umaasa akong mahalin mo parin ako kagaya ng dati" Pakiusap niya subalit naging bingi na ako sa kanyang mga sinasabi. Para lang siyang nakikipag-usap sa akin habang ako'y nagmamadaling magsuot ng uniporme.
Sa pangalawang pagkakataon, tinangka niya akong yakapin ngunit umiwas ako sa takot na mahawa sa kanya. Wala mang namutawi sa aking bibig ngunit sapat na ang mga ipinakita ko para ipabatid na ayaw ko na sa kanya. Ayaw kong isugal ang aking buhay dahil lamang sa isang pag-ibig na alam kong hindi makakatulong para malunasan ang kanyang karamdaman. Dinampot ko ang aking bag at walang lingon na tinumbok ang pintuan. Papasok parin ako ng paaralan at sanayin ang sariling mag-isa. Sana lang nakuha niya ang ibig kong iparating.
Plano kong hindi uuwi ng bording house matapos ang aking klase. Makikitulog muna ako sa isa kong kaibigan. Ngunit ng papalabas na ako ng university ay nakita kong nag-aabang sa akin si Magdalino kasama ang isang lalaki.
"Dong, sandali!" Habol niya sa akin nang sinimulan ko ang pag-iwas. Naabutan naman niya ako. Hinawakan niya ako sa braso.
"Huwag mo nga akong hawakan. Baka mahawa pa ako sa sakit mo" Bulyaw ko sa kanya.
"Hindi mo na ba ako mahal? Ayaw mo na ba sa akin?"
"Mahal? Aaminin kong oo. Pero hindi ko kayang mananatili sa tabi mo. At alam mo naman siguro ang dahilan"
"A-akala ko ba'y hindi mo ako kayang iwan. Akala ko ba'y nakahanda kang damayan anuman ang mangyari sa akin"
"Tama ka, Lino. Pero iba naman ang kaso mo. Hindi ko kayang ilagay sa peligro ang aking kalusugan. Gusto ko pang mabuhay ng matagal. Kung sana lang kayang gamutin ng isang Paracetamol ang sakit na iyan pero hindi e, walang lunas 'yan. And I don't want to put myself in risk. Ngayon pa lang turuan mo na ang sarili mong kalimutan ako dahil iyon din ang sinisimulan kong gawin" Alam kong masasakit na salita ang aking binitawan subalit wala sa hinagap ko na bawiin iyon. Buo na ang pasya ko. Tutuldokan ko na ang relasyon namin.
"Excuse me, maari ba kitang makausap, Daniel?" Sumingit iyong lalaking kasama niya.
"At sino ka naman?"
"May name is Jarred. Isa akong nurse at ako iyong sumuri kay Lino!"
"Ngayon?"
"Alam ko ang lahat ng sa inyo. Naikwento niya sa akin ang inyong mga pinagsamahan. Gusto ko lang itama ang iyong mga paniniwala tungkol sa sakit niya—"
"I'm sorry Jarred, pero wala akong panahon na makipag-usap pa sa inyo. Narinig mo naman siguro ang mga sinabi ko diba? Ngayon, kung pinapakiusapan ka niyang si Magdalino para kumbinsehin ako, get lost. Buo na ang desisiyon ko..." Binalingan ko si Magdalino. "...tinatapos ko na ang relasyon natin, Lino. Kung talagang mahal mo ako, sana naman irespito mo ang gusto ko. Hindi ko kayang mamuhay kasama ka"
"Dong, naman. Huwag mo naman tong gawin oh. Nagmamakaawa ako sa'yo" Sabay luhod sa aking harapan subalit hindi nito natibag ang bato ko ng puso. Itinulak ko siya. Bumalandra ang katawan niya sa lupa. Kitang-kita ko ang mga luha niyang nagkislapan sa kanyang pisngi subalit hindi nito kinayang mapabago ang aking desisyon. Nagmamadali na akong umalis mula sa aming kinaroroonan.
Iyon na nga, bumukod na ako ng tirahan. Bumalik lang ako ng bording house para magpaalam sa aming landlady at para kunin ang ilan kong mahahalagang gamit. Masakit ngunit kailangan kong namnamin iyon para sa aking kaligtasan.
Makalipas ang ilang araw ay nalaman kong nagdrop-out na si Magdalino sa sa university. Marahil hindi na niya kinaya ang tsismis na kumakalat tungkol sa kanyang karamdaman. Nakatulong naman ang paglilihim namin sa aming relasyon para hindi ako mainvolve sa isyu. Kung nagkataong alam ng mga classmate namin ang aming relasyon, natitiyak kong pati ako ay kanilang itsi-tsismis na may HIV rin. Sobrang nakakahiya iyon para sa akin.
"Daniel, diba friend kayo ni Magdalino?" Ang tanong sa akin ng isa kong kaklaseng bading.
"Oo, pero di naman kami gano'n ka-close. Bakit ba?"
Inilapit niya ang kanyang bibig sa aking tainga. "Nagka-HIV raw kasi siya kaya huminto na sa pag-aaral"
"Ahhh, kaya pala. Katakot naman"
"Oo nga eh. Pero huwag mo iyang ipagkakalat ah. Confidential kasi at maari tayong makasuhan kapag kakalat iyan at maghahabla siya. Hay, sayang naman. Crush ko pa naman siya. Buti na lang nagpakademure ako nang inalok niya ako ng extra service nang minsang nagpamasage ako sa kanya. Kung hindi, naku, tiyak pasok ako sa banga. Ewww!"
May sundot sa akin ang sinabing iyon ng aking kaklase. Kung ganoon, palihim parin palang ginagawa ni Magdalino ang gawaing iyon kahit na nagsasama na kami.
Bagamat wala na sa university si Magdalino, palihim niya parin akong inaabangan sa aking pag-uwi para kausapin ako ngunit hindi ko siya pinagbinigyan ng pagkakataon. Halos lumuha na siya ng dugo para kausapin ko ngunit hindi na iyon umubra sa akin. Minsan, pinupuntohan niya ako sa bago kong tinutuluyan ngunit hindi ko siya pinapapasok.
"Hindi ako aalis rito hangga't hindi mo ako kinakausap" Ang text niya sa akin ngunit hindi ako nagpatinag. Palihim ko siyang sinilip mula sa bintana at nakita ko siyang nakaupo sa silong ng isang puno sa tapat ng aking silid. Nakasuot siya no'n ng hood para maitago ang kanyang lubhang pagpayat at paglaspag ng kanyang balat. Tinaggal ko ang sim sa aking celphone para ipalit iyong bagong nabili ko. Para saganun hindi na niya ako magawang kontakin. Binlock ko narin siya sa sss para tuluyan na kaming mawalan ng koneksiyon sa isa't isa. Sinara ko na ang bintana at pinatay ko ang ilaw sa aking silid. Humiga ako sa kama at pinilit na makatulog. Bumuhos ang malakas na ulan bago ako nakatulog ng tuluyan.
Nang lumabas na ako ng bording house para pumasok sa paaralan ay namataan ko si Magdalino na nandoon parin sa silong ng puno. Basa ang buong katawan niya dahil sa lakas ng ulan ng kagabi. Nanginginig siya sa lamig. Masyadong nakakaawa ang kanyang itsura. Parang pinunit ang puso ko sa nakikita subalit talagang pinangangatawan kong hinding-hindi na ako makikipag-usap pa sa kanya.
"Ayoko na sa'yo, Lino. Hindi mo ba maintindihan iyon?" Bulyaw ko sa kanya ng lumapit siya sa akin.
"Dong, hindi na ba magbabago ang isip mo? Akala ko ba'y hindi mo ako iiwan gaya ng sinabi mo sa akin noon?" Nanginginig ang boses niya.
"Kalimutan mo na ang mga sinabi ko. Alam mo naman siguro ang dahilan. Kaya please lang, huwag na huwag ka ng lumapit sa akin at baka pati ako matsismis na nahawaan sa sakit na dala mo"
"Nagbago ka nga. Hindi ikaw ang DANIEL na nakilala ko. Naniwala pa ako sa mga sinabi mo...hindi mo naman pala kayang pangatawan. Katulad ka rin pala ng iba. Iiwan din ako sa huli kung sa tingin nila hindi na nila ako kailangan. Kung dahil sa sakit ko at sa unti-unting pagbabago ng aking itsura ang dahilan kung bakit umayaw ka ibig sabihin lang hindi mo talaga ako minahal. Ang pisikal ko lang iyong kailangan. Hindi ko ginusto na magkaroon ng ganitong sakit. Sana lang huwag mo akong husgahan. Matatanggap ko naman e kung ayaw mo na ako bilang kasintahan mo, kuntento na ako kung ituring mo ako bilang isang kaibigan mo subalit pati iyon ay iyo ng ipinagkait sa akin. Salamat sa minsang pagmamahal mo sa akin at sa anak ko. Hindi kita malilimutan, Dong"
Nagpapahid siya ng kanyang mga luha nang tunalikod sa akin. Ako man ay napapaluha din. May udyok sa akin na siya ay habulin at yakapin subalit namayani sa akin ang takot sa kanyang karamdaman. Matapos ang huling pag-uusap naming iyon ni Magdalino ay wala na akong narinig pa mula sa kanya. May mga gabing naalala ko siya at ang aming mga pinagsamahan at diko napipigilan ang biglaang patulo ng aking mga luha. Ipokrito ako kung hindi ko aamining hindi ko siya namimiss. Pero hanggang doon lang talaga iyon. Hindi na ako pupuwedeng makipagbalikan sa kanya. Ayaw kong ilagay sa alanganin ang buhay ko. Ayokong mahawa sa sakit niya. Minsan pa nga, tumatayo ang mga balahibo ko kapag naiisip ang mga panahon ng aming pagtatalik. Bagamat may proteksiyon iyon ngunit hindi ko rin maiwasan na mangamba na baka nahawaan na ako. Hindi naman kasi siya nagko-condom kapag sinusubo ko siya at minsan ipinuputok niya iyon sa bibig ko. Para akong mapapraning kapag isipin iyon. Hindi ako mapalagay. Parang masiraan ako ng bait sa kaiisip na baka may HIV na rin ako. Kaya naman, isang araw tumungo ako sa isang government clinic para magpa-test. Nakita ko doon si Jarred at siya ang unang nag-approach sa akin. Mukhang alam na niya ang pakay ko kaya dinala niya ako sa isang silid na kaming dalawa lang para mag-undergo ng pretest counselling. Iyon ay ang pagbibigay kaalaman sa mga taong gustong magpatest hinggil sa HIV/AIDS.
Bago kami nagsimula ay may inilagay siyang parang visual aid sa aming tabi. Nakita kong nakasaad doon ang mga kaalaman tungkol sa sakit na iyon.
"Kailangan pa ba talagang dumaan muna sa counselling na ito, Jarred? Hindi ba pwedeng itetest nyo na ako?" Sabi ko sa kanya.
"Ito talaga ang protocol. Kailangan munang maeducate ang isang kliyente bago at pagkatapos ng testing para malaman niya at mas maintindihan kung ano talaga ang sakit na ito. Kung paano makaiwas at maproteksiyonan ang sarili laban dito. So, you ready?"
Tumango ako. Nagsimula na siya sa pagka-counsel sa akin kasabay ng pagbuklat-buklat niya doon sa visual aid. Medyo boring pero sa kalaunan nagkaroon narin ako ng interest sa kanyang diskusyon.
"Ang HIV o Human Immuno Virus ay isang uri ng mikrobyo na kapag makapasok sa katawan nating mga tao ay pupuntiryahin niya o sisirain ang natural na depensa ng ating katawan o immune system. Lahat ng tao ay maaring mahawaan nito. Wala itong pinipili, mapalalaki man o babae. Kadalasan itong nakukuha mula sa pakikipagtalik na walang proteksiyon through oral, anal or vaginal. Ito ay wala pang gamot. At kapag hindi maagapan, ito ay hahantong sa AIDS..."
"Eh, ano ba ang kaibahan ng HIV sa AIDS? Tsaka, diba sinabi mong wala pang gamot para diyan...so paano iyan maagapan para hindi hahantong sa AIDS?" Nagugulohan kong tanong sa kanya.
"Tama, wala pa ngang gamot na siyang tuluyang makakapuksa sa virus pero meron parin namang gamot na pinaiinom para masuppressed ang pagdami ng virus sa loob ng katawan ng isang tao. Ang gamot na iyon ay kayang i-freeze o iparalisa ang virus para mapigilan ito na sirain ang ating immune system. At kahit papaano, makakatulong iyon na mapahaba pa ang buhay ng isang taong nahawaan nito. At ang AIDS naman o Acquired Imununo Deficiency Syndrome ay isang KUNDISYON kung saan tuluyan ng bumagsak ang ating immune system at wala ng kakayahan na labanan ang mga sakit na papasok sa ating katawan. Kapag nagkagano'n, maari iyong ikamatay ng isang tao.
"Posible kayang mayroon na ako no'n? Nagko-condom naman kami ni Magdalino noon pero...pero kapag binoblowjob ko siya ay minsan pinuputok sa bibig ko at iyong iba ay nalunok ko!" Nahihiya man ngunit nagawa ko ring sabihin kay Jarred sa sobrang pangamba ko.
"It could be, pero hindi naman ganoon kataas ang risk niyan. Depende parin kung sa panahong iyong ay may mga lacerations ka sa iyong bibig or may sugat ka sa iyong gilagid. In that way, may possibility nga. Pero hindi ko pwedeng sabihing nahawaan kana no'n. Tanging ang HIV screening lang kasi ang makakapagsabi kung positibo ba o negatibo ang isang tao sa virus. Matanong ko lang, bukod kay Magdalino, nagkaroon ka pa ba ng ibang sexula partners...?"
Oo...bago naging kami, iba't-ibang lalaki na ang mga naikama ko. Pero lahat naman iyon ay may proteksiyon. Kahit naman kasi ay wala akong gaanong alam tungkol sa sakit na iyan ay maingat ako"
"Good to hear that..." Sabi niya at may iniabot ito sa akin na isang form para aking i-fill-up. Matapos kung magfill-up ay sinamahan niya ako sa laboratory para kuhanan ng blood sample. Sabi niya, isa hanggang dalawang oras ang aking hihintayin bago lumabas ang resulta. Kaya naman lumabas muna ako at nagtungo sa isang fastfood para kumain subalit hindi naman ako nakakain ng maayos. Ewan, pero kinakabahan talaga ako sa resulta ng aking test. Naisip ko rin si Magdalino. Pitong buwan narin ang lumipas mula no'ng huli kaming nagkita. Kumusta na kaya siya? At sa isang iglap, hindi ko namalayang tumulo na pala ang aking luha. Hindi ko maitatwang namimiss ko parin siya sa kabila ng aking pangtataboy sa kanya.
Pagkaraan ng isang oras, bumalik ako sa clinic. Nakita kong hawak na ni Jarred ang papel na naglalaman ng resulta. Pumasok muli kami sa counselling room.
"Handa ka na ba sa result?"
Isang pagtango ang aking tugon. Dinoble-check muna niya ang pangalan na nakasulat sa papel para tiyakin na sa akin talaga iyon.
"Base sa labtest mo...you are...."