Naggising si Ahtisa sa tunog ng cellphone. Hindi pamilyar sa kanya ang tunog na iyon. Kabisado niya ang alarm, message notification, at ringing tone ng kanyang cellphone. At sigurado siyang hindi sa kanya ang aparatong nag-iingay ngayon. Pumihit siya ng higa pagilid at bahagyang iminulat ang mga mata, sumulyap sa mesitang nasa tabi lang ng kama. May nakapatong ngang cellphone roon at umiilaw ang screen na ang ibig sabihin lang ay doon talaga galing ang walang tigil na tunog. Kumunot ang noo niya at inabot niya ang aparato. Apollo calling… “Apollo?” Iyon talaga ang pangalang naka-rehistro sa screen. Napaupo siya at sinipat nang maigi ang hawak. Pinakabagong modelo iyon ng mamahaling brand ng cellphone. Bagung-bago iyon at nakapatong pa nga sa mesita ang paper bag na pinaglagyan niyon

