Nang nasa tabi na siya ng kalsada ay naghanap siya ng taxi. Biyaya ng langit na may dumaan naman kaagad. Pinara niya iyon at halos ihagis na niya ang sarili sa backseat para makapasok siya agad sa loob. “Patakbuhin mo na po ang taxi, Manong, pakiusap,” samo niya sa driver. “Wala ka naman sigurong hinold-up o ginawan ng masama, ’no, Neng?” Pasimple itong sumulyap sa dala niyang itim na bag. Napaungol siya nang mapansin kung saan ito nakatingin. Mukha ba siyang gagawa ng masama? Mukha bang hindi siya mapagkakatiwalaan? Walang seremonya na lang niyang binuksan ang zipper ng bag at ipinakita sa driver na puro damit at personal na gamit niya lang ang laman niyon. Napakamot sa batok ang driver. “Naninigurado lang ako, Neng. Ang dami na kasing durugista, manggagantyo, at masasamang tao ngayon

