“Pangarapin at ilusyunin mo na ang lahat, huwag lang ang Sir Apollo natin," maigting na sabi ni Nina sa kanya. Hinawakan pa siya nito sa magkabilang balikat at niyugyog para gisingin siya sa akala nito ay kahibangan ng utak niya. Lihim lang na napangiti si Ahtisa. Sapul palang ay si Nina na ang tumatapik sa pisngi niya kapag nahuhuli siya nitong nakatitig sa binata noong nagtatrabaho pa siya sa malaking bahay ng mag-asawang Luther at Ruthie. Ito ang nagpapaalala sa kanya na masyadong malaki ang agwat ng estado sa buhay ng Pamilya Altieri kumpara sa payak na pamumuhay niya. “Isa pa, hindi puwedeng salawahan ka, Tisang. Kung may boyfriend ka na, lalo at ikakasal na kayo, dapat ay maging matapat ka sa taong iyon. Hindi puwedeng may nobyo ka, pero umaasa ka pa ring mapansin ng ibang lalaki

