Nasilaw si Ahtisa sa sinag ng araw nang tingalain niya ang pinakadulo ng building ng Altieri Construction na kayang abutin ng paningin niya. Nakatayo siya sa harapan ng gusali at nasa tapat ng pinaka-entrada ng kompanya. Hindi niya alam kung bakit pumayag siyang dalhin doon ng sariling mga paa. Siguro dahil nalulungkot siya at naguguluhan. Siguro dahil halu-halo na ang mga isiping bumabagabag sa utak niya. O siguro dahil gusto lang talaga niyang makita at makausap si Apollo. Gusto niyang itanong dito kung bakit hindi nito sinasagot ang mga tawag niya, at kung bakit walang tugon sa mga text messages na pinapadala niya rito. Gusto niyang malaman kung bakit nabura ang mga litrato nilang magkasama, pati na ang mga palitan nila ng mensahe. Kumuyom ang kamay niya sa tapat ng kanyang dibdib.

