Nakasimangot ako habang naglalakad pabalik sa pwesto namin. Halata din ang disappointment nila Mariel at Melody. Malamang ay nakita din nila ang babaeng tumabi kay Luke.
“My gosh! Who’s that girl?” tanong ni Mariel sa akin.
“I don’t know!” inis na sagot ko. Muli kong nilingon ang pwesto nila Luke. Masaya na silang nagkukwentuhan noong babae na katabi niya. Padabog akong naupo. Call me insane, but I am deeply hurt. Hindi ko matanggap na may ibang babae siyang pinagtutuunan ng atensyon samantalang ako ay parang ni ayaw niyang nakikita man lang.
“Ikaw naman kasi! Ano bang bagal mo maglakad? Naunahan ka tuloy!” paninisi pa sa akin ni Mariel.
“Mabuti na ‘yon! Kesa naman maupo itong si Jade doon sa tabi ni Green pagkatapos ay paalisin lang din siya dahil naka-reserve na pala ‘yon sa iba!” pagtatanggol naman sa akin ni Melody.
Dumampot ako ng alak at mabilis na inubos ang laman niyon. Napamulagat sa akin si Melody at nananaway ang tingin niya pero hindi ko siya pinansin.
“Alam n’yo, mabuti pa hindi na ako umuwi dito eh! Okay na ako eh! Nakakalimutan ko na siya at kung paano niya ako ni-reject noon! Ngayon na nandito ako at palagi ko siyang nakikita kaya bumabalik na naman ‘yong paghanga ko sa kaniya. Mabuti pa itigil na natin ang kalokohang ito ha!” mahabang litanya ko.
“So, pumapayag ka na? Talo ka na sa pustahan?” tanong sa akin ni Mariel.
“Oo! Pumapayag na ako! Talo na ako. Nakita mo naman ‘di ba? Oo! Talo ako!” asik ko sa kaniya saka muling kumuha ng alak.
I'm feeling so defeated. I think I've been in love with Lucas for a long time. And it hurts knowing he'll never be mine.
“Bakit parang sa akin ka nagagalit?” natatawang tanong ni Mariel.
“Kung hindi ba naman sa pustahan na ‘yan—”
“Gusto mo rin naman ‘yon eh! Aminin mo, gusto mo rin kaya ka pumayag,” pagtatanggol ni Mariel sa sarili niya.
“Of course not! Una pa lang sinabi ko nang huwag na magpus—”
“Mariel!”
Natigil ako sa pagsasalita sa paglapit sa amin ng tatlong lalaki na pulos mga hindi ko naman kilala. Nagtatanong ang tingin ko kay Melody na noon ay pasimpleng sumenyas sa akin ngunit hindi ko naman maintindihan.
“A-Andrei!” ganting bati ni Mariel sa lalaking tumawag sa kaniya. Napataas ang kilay ko pagkarinig sa pangalan ng lalaki. So, siya si Andrei? Ang manliligaw ni Mariel na binasted niya kamakailan lang.
“Hi Melody!” bati din noong si Andrei kay Melody pagkatapos ay ako ang sumunod niyang binalingan. Halos mangislap ang mga mata niya matapos niya akong pasadahan ng tingin. Bigla naman akong nag-alangan sa suot kong damit dahil sa naging reaction niya. “May bago kang kasama?” tanong niya kay Mariel.
“Yeah. Andrei, meet Jade. Siya ang kaibigan kong kababalik from US,” pagpapakilala sa akin ni Mariel.
“Hi! Andrei nga pala. Mariel’s…friend.” Inilahad sa akin ni Andrei ang kamay niya at tinanggap ko naman iyon. Napansin kong titig na titig siya sa akin at kahit pa nahuli ko siyang nakatitig ay hindi siya nag-abalang mag-iwas ng tingin. Nagpakilala din sa akin iyong dalawa pa niyang kasama. Nagulat pa ako nang maupo si Andrei sa tabi ko. He was so close that it made me feel uneasy. Kunway umayos ako ng pwesto. Pasimple kong itinulak ang upuan palapit kay Melody. Ngunit sa pagkadismaya ko ay sumunod si Andrei at mas lumapit pa siya sa akin.
“Dito ka na ulit maninirahan? O nandito ka lang para magbakasyon?” tanong ni Andrei sa akin. Para bang hindi na niya pansin ang iba pa naming kasama sa table. Nagsimulang magkwentuhan ang dalawa niyang kasamang lalaki samantalang si Melody at Mariel naman ay nakikiramdam sa amin. Alam kong napansin nila ang kakaibang atensyon na itinutuon sa akin ni Andrei.
“So, Andrei, how’s life? Hindi mo man lang ba ako kukumustahin?” hindi na nakatiis na biro ni Mariel sa lalaki.
“Nah! Hindi mo man lang binabasa ang messages ko sa ‘yo! Paano kita kukumustahin?” sagot naman ni Andrei.
“Tsk! Kaw naman pala Mariel eh!” kantiyaw sa kaniya noong mga kasama ni Andrei. Maging si Melody ay tila nakahanap ng pang-asar sa kaibigan namin. Nakangisi niyang sinulyapan si Mariel.
“Kaya si Jade na lang ang pagtutuunan mo ng pansin?” diretsang tanong ni Mariel.
“Whoooaa! Ano daw tol? Bakit kasi si Jade na ang binabakuran mo?” kantiyaw ng dalawang lalaki kay Andrei. Napalakas ang sigaw nila dahilan para makakuha sila ng atensyon ng ilang katabi naming table. Wala sa loob na dumako ang tingin ko sa pwesto nila Luke. Nakita ko nang mapatingin din siya sa pwesto namin. His eyes locked with mine. Nahuli niya akong nakatingin. So what? Nahuli ko din siyang tumitingin! Kahit pa nga wala akong mabasang reaction buhat sa kaniya. Saglit na nanatili ang mga mata niya sa akin pagkuway muli na niyang itinuon ang atensyon sa babaeng katabi. Nalaglag ang balikat ko. Seeing his reaction makes my heart ache a little.
Wala talaga. Malinaw pa sa sikat ng araw na wala akong epekto sa kaniya. Dahil doon ay muli akong kumuha ng inumin. Hindi ko na naintindihan kung anong isinagot ni Andrei sa tanong ni Mariel. Basta ang atensyon ko lang ay nasa puso kong unti-unti na namang winawasak ni Luke.
“Kaya pala halos bakuran mo na ‘yang kaibigan ko ha!” kantiyaw ni Mariel. Sinulyapan ko siya. Nang-aasar na ang tingin niya sa akin. Pihadong sa Andrei na naman na ito niya ako irereto. Kunot noo ko siyang sinulyapan pagkuway umiling ako para ipaalam sa kaniya na hindi ko type ang lalaki. Dahil doon ay natawa siya.
Mabilis na lumipas ang oras. Nagtungo sa pwesto namin si Kyle ngunit nagpaalam din siya para puntahan ang grupo nila Luke. At sa bawat minutong lumilipas na pinagmamasdan ko si Luke at ang babaeng katabi niya ay lalong napupuno ng selos ang puso ko.
Stupid, Jade! saway ko sa sarili. Bakit ako magseselos eh hindi naman kami ng Luke na ‘yon?!
Tinitigan ko si Luke at ang bruhang babaeng katabi niya. May ibinulong ang babae sa kaniya at tipid na ngumiti si Luke sa kaniya. Ang bruha naman ay tumawa. I noticed how she held his arms and rested her head on his shoulder. Napahigpit ang hawak ko sa bag at alam kong napansin ako ni Melody.
“Hey? Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong ni Melody sa akin.
“E-Excuse me! I’ll just go to the restroom,” sa halip ay paalam ko. Parang bigla akong masusuka sa nasaksihan.
“Samahan na kita,” mabilis na alok ni Andrei. Tumayo siya para alalayan ako. Halos manindig naman ang mga balahibo ko sa katawan nang lumapat ang palad niya sa braso at balikat ko.
“N-No need,” tanggi ko. Mabulis akong lumayo sa kaniya ngunit para bang hindi siya nakakahalata sa pag-iwas ko.
“Nah! Nakikita mo ba ang mga tao na ‘yan? Baka mahirapan kang hanapin ang CR,” natatawang sabi niya. “Tara na! Alalayan na kita.”
“Hindi na sabi! Kaya ko na ang sarili ko,” tanggi ko. Hindi ko na itinago ang pagkainis. Inalis ko ang kamay niya sa pagkakahawak sa braso ko.
“Andrei! Andrei! Maupo ka nga! Hayaan mo ‘yang si Jade, kaya n’ya ang sarili nya! Malaki na ‘yan!” tawag sa kaniya ni Mariel. Alam kong nahalata na niya ang pagkairita ko kaya siya na ang umawat sa lalaki. Napipilitang bumalik sa pagkakaupo si Andrei. Ako naman ay nagmamadaling naglakad patungo sa CR.
Andrei is right. Getting to the restroom is a real challenge. Kinailangan ko pang makipagsiksikan sa mga tao na nagkakasiyahan. Perhaps it's the effects of the alcohol, the flashing lights hitting my face, and the crowd dancing and shouting that make me feel even more disoriented. Habang papalapit ako sa restroom ay saka tila lalong tumitindi ang pagnanais kong ilabas ang laman ng tiyan ko. Pawis na pawis ako nang marating ang restroom. Pagpasok sa loob ay agad akong nagsuka. Wala na akong pakialam sa mga kasama ko sa loob.
Oh gosh! I swear, hindi na ako iinom ng marami. Kung bakit kasi pakiramdam ko, for the second time ay ni-reject ako ng Luke na ‘yon?
Hmp! Ano bang ayaw niya sa akin? Hindi naman nalalayo ang hitsura ko sa babaeng kasama niya ah?
Naalala ko na noong huling beses akong nalasing ay dahil din sa kaniya. Noong naglakas-loob akong mag-confess pagkatapos ay tinanggihan lang niya ako na para bang biro lang ang ginawa kong pagtatapat sa kaniya ng damdamin.
Ilang minuto muna akong nanatili sa loob ng restroom at nang halos wala na akong mailabas ay saka ako ngapasyang umalis.
Sakto na sa paglabas ko ng CR ay si Luke agad ang bumungad sa akin. Marahil ay kakalabas lang din niya buhat sa CR ng mga lalaki. Gusto ko siyang iwasan ngunit napansin na niya ako. When I could have ignored him, I smiled playfully at him instead.
“Are you waiting for me?” hindi ko alam kung bakit iyon ang naisipan kong itanong. Obvious naman na hindi niya ako pag-aaksayahan ng oras. Agad naman na kumunot ang noo niya. Bumuka ang bibig niya para sagutin ang tanong ko ngunit maagap ako. Nilapitan ko siya at mabilis kong ipinulupot ang braso sa kaniya.
“J-Jade! What are you doing?” tanong niya. Kunot na kunot ang noo niya at halata ang matinding inis. Sa halip na matakot ay tumawa lang ako. Mas lalo namang gumuhit ang iritasyon sa gwapo niyang mukha. Hinawakan niya ako sa siko at pilit na inaalis ang braso kong nakayakap kaniya. Hindi ako nagpatalo at mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap sa kaniya. Hanggang sa nagtungo ang kamay ko sa kaniyang batok. I tried kissing him on the lips, but he quickly avoided me.
“What the f*uck, Jade?!” puno ng galit ang boses niya. Humigpit din ang pagkakahawak niya sa braso ko at nasasaktan na ako ngunit hindi ko iyon ipinahalata.
“Why? Bakla ka ba?” nanghahamon na tanong ko. Hindi siya sumagot kung kaya tumawa ako. “Do you hate me? Huh?! Do you hate me? Because I like you...Luke. I really like you.” Alam ko pa ang mga ginagawa at sinasabi ko. Ngunit nawalan na ako ng kakayahan na kontrolin ang bibig at mga kilos ko.
Hinintay ko ang sagot ni Luke ngunit sa halip ay boses ng babae ang narinig ko.
“Luke? What are you doing?”
Nang lingunin ko ang tumawag sa pangalan niya ay namataan ko ang babae na katabi niya kanina. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa, hanggang sa natuon iyon sa braso kong mahigpit na nakayakap sa lalaki.