~Lucy~
Narito ako ngayon sa sementeryo. Mag-isang nagluluksa sa dalawang taong iniwan ako. Maaga na ngang kinuha si papa sa amin pati ba naman si ate at mama kinuha na rin sa akin. Sobra-sobra na ito! Buong buhay ko naging mabait naman ako bakit kailangan ko magdusa at maiwan mag-isa ngayon? Bakit ako pa ang naiwan? Ano na ang gagawin ko ngayong walang-wala na ako? Si mama hindi na ako inisip. Hindi na niya inisip na nandito pa ako at pagkamatay lang ni ate ang inisip niya! Hindi na niya ako inisip!
Halos buong maghapon akong nanatili sa semeteryo hanggang sa inabot na ako dilim dito. Para ngang ayoko ng umuwi dahil wala na rin naman akong uuwian. Pero mukhang wala akong choice ngayon kundi umuwi dahil nagtext si Bennie na mukhang hinahanap ako sa amin. Pinagmasdan ko muna ng ilang minuto ang lapida ni mama at ate bago ako naglakad paalis ng sementeryo. Bago pa man ako makasakay ay biglang may tumawag sa cellphone ko.
“Hello Ron napatawag ka?” tanong ko ng sagutin ko ang tawag niya.
“Gusto ko lang tanungin kung nakauwi ka na ba?” tanong ni Ron sa kabilang linya.
“Pauwi pa lang ako ngayon,” sagot ko habang nag-aabang ng tricycle, “Napasarap ang pag-stay ko rito kaya ngayon pa lang ako makakauwi.” dagdag ko.
“Gusto mo ba puntahan kita ngayon sa inyo?”
“Ano naman gagawin mo sa bahay?”
“Gusto lang kitang damayan baka gusto mo ng kausap at ng maiiyakan,” sagot nito.
“Hindi na Ron. Tama na iyong mga luha na iniyak ko sa buong araw. Gusto ko mapag-isa at magpahinga naman ngayon,” tanggi ko sa kanya, “Sige na ibababa ko na ito. Salamat sa pagtawag.” pinutol ko na ang linya namin at pumara na ng tricycle.
Nang makauwi ako sa amin ay naabutan ko si Bennie na nakatayo sa harap ng bahay namin. Tila hinihintay niya ako na makabalik. Wala rin kasi akong load kaya hindi ko mareplyan ang mga message niya. Nagbayad na ako at bumaba nan ng tricycle para lapitan siya.
“Anong ginagawa mo riyan? Bakit hindi ka pumasok sa loob?” tanong ko sa kanya.
“Bakit ngayon ka lang, babae? Kanina pa ako naghihintay rito!” natataranta niyang sagot.
“May problema ba?” Nakakunot ang noo kong tanong sa kanya.
“Oo! Merong problema. I mean ikaw ang mayroong problema.” Nasapo niya ang sariling noo.
“Ano ang ibig mong sabihin?” Naguguluhan kong tanong sa kanya.
“Eh, kasi naman, girl, pumunta rito ung matabang mukhang bumbay at naniningil na ng mga utang niyo,” paliwanag niya at may kinuha sa bulsa niya, “Ilang taon na raw kayong hindi nagbabayad at ito iyong listahan ng mga utang niyo na hindi pa nababayaran.” ibinigay niya sa akin ang pagkahaba-habang listahan na akala mo bill na ng kuryente.
Nang tingnan ko kung magkano ang lahat ng utang namin ay halos lumuwa ang mata ko sa sobrang laki na kailangan bayaran. Overall ng lahat ng utang na mayroon kami ay three hundred thousand pesos at hindi ko inaasahan na ganito kalaki ang utang na mayroon kami. Tatlong taon na namin hindi nababayaran ito at ang laki pa ng tubong ipinatong ng babaeng pinagkakautangan ni mama.
“Ang laki naman nito. Saan ako kukuha ng ganito kalaking pera?”
“Grabe naman iyang utang niyo at sa iyo pa naiwan lahat. Naloloka ako!” sambit ni Bennie, “At alam mo ba ang sinabi ng matabang bumbay kanina? Ipapakulong ka raw niya kapag hindi mo pa nabayaran iyan sa loob ng isang buwan.” dagdag nito na ikinalaki ng mata ko.
“Eh, paano ko babayaran ang lahat ng ito kung nag-aaral pa lang ako? Mabuti sana kung napupulot lang itong one hundred thousand sa daan baka mabayaran ko ng isang araw lang ito.”
“Ang laki ng problema mo, bakla!”
Napairap na lamang ako sa hangin. “Huwag mo ng ipaalala at lalo akong nai-stress kung saan ko kukuhain ang ganitong kalaking pera.”
“Oh, siya! Magpahinga ka muna sa loob at bukas mo na lang isipin iyan. Mukha ka ng wasted sa itsura mo, oh!” sambit niya na tiningnan pa ako mula ulo hanggang paa, “Daig mo pa ang batang yagit sa itsura mo kaloka!”
“Sige na. Lumayas ka na rito kung lalaitin mo lang ako,” pantataboy ko na sa kanya at binuksan ang pintuan, “Salamat pala.”
“Anytime! Mauuna na ako!”
Hinintay ko muna na makaalis si Bennie bago ako tuluyan na pumasok sa loob. Dumiretso ako sa kwarto ko at ang akala ko na wala na akong luha na mailalabas ay nagkamali ako. Muli na namang bumuhos ang luha ko lalo na dumagdag pa itong namin sa nararamdaman ko. Wala na ngang naiwan sa akin, naiwan naman lahat ng utang sa akin na kailangan ako ang magbayad. Saan ako kukuha nang ganoon kalaking pera? Wala pa akong trabaho and kung magtrabaho man ako ngayon, hindi kakayanin ng isang buwan ang kikitain ko sa utang namin.
“Ahh! Bwiset na buhay ito!” sigaw ko ng wala na akong maisip na ibang pwedi kong gawin.
Nakakapagod na. Parang gusto ko na lang din sumunod sa kanila total ako na lang ang mag-isa. Baka hinihintay na nila akong tatlo sa itaas. Tama! Agad kong tumakbo papunta sa kusina. Alam kong katangahan ito pero nakakapagod itong sitwasyon ko. Mabuti ng mawala na lang din ako kesa makulong ng dahil sa utang namin.
Agad kong kinuha ang kutsilyo na ginagamit namin sa paghiwa nang mga kasangkapan sa niluluto naming pagkain. Mahigpit kong hinawakan ang hawakan nito at itinapat ang matalim na katawan nito sa palapulsuhan ko. Nanginginig ang kamay ko at ilang beses pa akong napalunok dahil kinakabahan ako sa gagawin ko. Huminga ako nang malalim at ipinikit ang pagod kong mga mata. Sa gagawin ko siguradong wala na ako problema bukas.
“Bakla!”
Nang marinig ko ang boses ni Bennie ay bigla akong napadilat. Hindi pa man ako nakakapag-react ay nagulat ako ng kunin niya ang kutsilyo na hawak ko.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, Lucy?!” bulyaw nito sa akin na lalo ko pang ikinagulat dahil sa tanang buhay na kasama ko siya ay ngayon niya lang ako tinawag sa pangalan ko.
Umirap ako. “Hindi ba obvious? Susunod na ako sa kanila kaya akin na iyan!” Sinubukan kong bawiin sa kanya ang kutsilyo pero hindi niya ito ibinigay. “Bennie, akin na iyan!”
“Tigil-tigilan mo ako, babae, at baka sabunutan kita riyan.” Tiningnan niya ako nang masama at ibinalik ang kutsilyo kung saan ko ito kinuha.
Napangiwi ako. “Teka nga, ano bang ginagawa mo rito, bakla? Umuwi ka na kanina hindi ba? Bakit bumalik ka?”
“Iyon na nga! May good news ako sa iyo, bakla!” Hinila niya ako papunta sa luma naming sofa.
“Good news?”
“Oo! Hindi mo na poproblemahin pa ang utang niyo sa good news na ito!”
Tila nabuhayan ako ng kaunting pag-asa sa sinabi niya. “Anong good news ba iyan, huh? May maipapautang ka ba sa aki—aray!”
“Gaga! Anong tingin mo sa akin mayaman?” tanong niya matapos akong batukan.
“Eh, ano ba kasing good news iyan? Sabihin mo na at pinapatay mo ako sa curiosity!”
“Ito na nga, ito kasing si Bebang nakasalubong ko kanina habang pauwi ako at may sinabi siya sa akin kaya agad akong bumalik dito. Naaalala mo ba iyong matandang hapones na nakatira sa subdivision malapit dito? Iyong sinasabi nila na isang bilyonaryo raw?”
“Oo, bakit?”
“Eh, kasi ganito iyan. Ang sabi kasi ni Bebang, uuwi raw ito sa susunod na linggo para maghanap nang mapapangasawa and girl! Ito na ang chance mo para maging instant billionaire wife!” tuwang-tuwa na sambit nito.
Napaawang na lang ang bibig ko sa nalaman ko na good news na sinasabi niya. “Seryoso ka ba?”
“Oo! At mukhang pasok ka naman sa standard ni Mr. Hann. Maganda ka, maputi, makinis, at bata ka pa, iyan ang hinahanap na standard ng matandang iyon sabi ni Bebang.”
“Nahihibang ka na! Parang binebenta mo naman ako roon.” Isinandal ko ang likuran ko sa inuupuan namin habang magka-cross ang mga braso ko.
“Anong binebenta? Wala naman akong makukuhang commission doon. Iniisip ko lang ang kalagayan mo and be practical na lang, bakla! Kung may pepe lang ako kagaya mo ay baka kunin ko na iyong opportunity na iyon ng makalayas na ako sa bahay namin!”
“Pero kasi naman—”
“May ilang araw pa naman, bakla. Sa isang linggo pa naman iyon lalanding pabalik dito. Pag-isipan mong mabuti ang sinabi ko hindi iyong maglalaslas ka na lang dahil sa sitwasyon mo!” sermon nito, “May magaganap dito na parang beauty pageant ng mga babae and doon pipili si Mr. Hann at sinasabi ko girl ikaw pa lang panalo ka na! Ganda ng lahi niyo, eh! Ate mo pa nga lang hinahabol na ng mga mukhang aso sa paligid niya, ikaw pa kaya na kapatid?”
“Oo na! Oo na! Pag-iisipan ko. Huwag mo na banggitin ang pangalan ni ate dahil hindi pa ako nakakamove-on. Baka dila mo laslasin ko riyan.” Nakasimangot kong tugon.
Bigla ay tumayo ito at tiningnan ako nang masama. “Hay naku! Baka iyang brutal mong dila ang laslasin ko kapag hindi ka nagtigil sa kagaganyan mo sa akin, huh!”
“Ano ka ba nagbiibiro lang naman ako, eh. Alam mo namang mahal kita—”
“Yuck! Kadiri ka, bakla. Hindi tayo talo!” Nag-flip hair ito na akala mo naman napakahaba ng buhok sa ulo.
“So, hindi mo pala ako mahal? Pinaplastic mo lang ako, ganun?” Nakataas ang kilay na tanong ko.
“Gaga! Oo na, mahal din kita!” singhal nito at umarte pa na nasuka sa sinabi niya, “Oh, siya! Uuwi na talaga ako at baka mabugbog na ako ng tatay ko.”
“Sige, bakla, mag-iingat ka.” Tumayo na rin ako para ihatid siya sa labas.
“Iyong sinabi ko sa iyo, huh? Pag-isipan mong mabuti,” paalala niya ng makalabas kami.
“Oo na! Oo na! Huwag mo ng ulit-ulitin at sumasakit ulo ko.”
“Babalik na lang ako rito bukas at baka naman pagbalik ko rito, bakla, matagpuan kitang naglaslas na, huh? Mumultuhin kita sa impyerno sinasabi ko sayo!”
“Oo na! Huwag ka mag-alala hindi ako maglalaslas baka madepress ka pang bakla ka. Konsensya ko pa,” pagbibiro ko, “Sige na umuwi ka na. Magpapahinga na rin ako.”
Pagkaalis ni Bennie ay pumasok na rin ako sa loob para magpahinga. Ang sinabi niya sa akin ngayon ay walang sawang tumatakbo sa isip ko. Pero hindi ko muna pinagtuunan ito ng pansin dahil sobrang pagod na ako at kailangan ko ng pahinga. Pahinga na hindi ko mararamdaman iyong sakit ng sitwasyon ko.
Kinabukasan ay nagising na lamang ako ng marinig ang cellphone ko na nagriring sa tabi ko. Akala ko panaginip lamang na may naririnig ako pero hindi pala. Nang tingnan ko ang caller ID ay si Ron ito na malaki ang ngiti sa wallpaper na inilagay ko sa contact niya.
“Oh, ang aga-aga nambubulabog ka,” sambit ko ng sagutin ang tawag niya.
“What? Anong maaga? Eh, late ka na nga. Nasaan ka na ba? Papasok ka ba ngayon? Katatapos lang ng first subject natin, Lucy,” sagot niya sa kabilang linya.
Agad akong napabangon sa sinabi niya at tiningnan ko kung anong oras na sa cellphone ko at s**t! Late na nga ako! “On the way na ako!” Naisambit ko na lamang at mabilis na nagtungo sa banyo para maligo.
Halos maging kasing bilis ko si Flash sa sobrang bilis ng kilos ko at hindi ko na pinansin pa kung tama ang mga pinanggagawa ko sa sarili ko. Kailangan ko pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral ko kahit na ganito ang sitwasyon ko. Laking pasasalamat ko na lamang dahil may scholarship ako na hawak kaya kahit papaano ay may magagamit pa rin ako.
Mabilis akong tumakbo palabas ng bahay, bitbit ang bag ko mula sa likuran. Hindi na ako nakapag-almusal dahil wala rin naman akong kakainin sa loob. Hindi rin naman ako nagugutom kaya okay na ito. Huwag lang sana ako maging lutang mamaya. Ngayon pa lang ako ulit papasok dahil nadagdagan ng tatlong araw na hindi ako pumasok ng isang linggo simula ng matagpuang bangkay si ate. Kaya kailangan ko ng habulin ang mga naiwanan kong mga lessons bago mawala sa akin ang scholarship ko.