Nagmamadali si Delsin na maglakad papasok sa trabaho. Pagpasok niya ay nakita siya ni Beverly, seryoso siyang tiningnan nito at tumingin naman siya pabalik na para bang humihingi siya ng paumanhin dahil hindi siya maagang nakapasok.
Hindi muna kinausap ni Beverly si Delsin tungkol doon. Hinayaan niya muna na makapagtrabaho ito. Tinulungan siya ni Tonyo sa mga customers at sumunod naman siya rito.
Ilang oras ang nakalipas ay dumating na ang hinihintay ni Delsin. Hindi siya mapakali, para bang gusto na lang niyang magpakain sa lupa dahil sa sobrang hiya niya kay Beverly.
“Pinapapunta ka ni Ma’am Beverly sa loob ng opisina niya, bilisan mo. Mukhang importante iyon,” sabi ni Tonyo sa kanya.
“A-Ah, ganoon ba? Sige, salamat.”
Nagmabilis siyang mag-ayos ng kanyang sarili at kumatok na sa loob ng opisina ni Beverly.
Pagbukas niya ng pinto ay ngumiti si Beverly sa kanya. Natunaw siya dahil doon, ang takot ay napuno ng tuwa at kilig.
“Delsin, pasok ka,” utos ni Beverly sa kanya.
“Maraming salamat po, Ma’am Beverly,” sagot naman ni Delsin at umupo na. Bumalik ang kaba sa kanya dahil sumeryoso na ulit ang mukha ni Beverly.
“B-Bakit niyo po ako pinatawag?” tanong ni Delsin, pero alam naman na niya kung bakit. Iyon ay dahil late siya kaninang umaga.
“Alam mo naman siguro kung bakit, Delsin. Alam kong maayos ka naman sa trabaho mo, pero gusto ko lang naman ipaalala sa iyo na pangalawang araw mo pa lang sa trabaho. Late ka na agad,” sabi ni Beverly, halatang dismayado siya kay Delsin.
“A-Ah, opo. Tungkol po roon, pasensya na po, Ma’am. Hindi nap o mauulit,” nahihiyang sagot ni Delsin kay Beverly.
“Pwede ko bang malaman kung bakit late ka, Delsin?” tanong ni Beverly, nagtagpo ang kanilang mga mata at napahinto na naman ang mundo ni Delsin dahil doon.
“Ah, kasi po Ma’am, tinanghali po ako ng gising kanina. Bukas, Ma’am maglalagay nap o ako ng alarm sa cellphone ko,” sabi ni Delsin, nahihiya pa rin.
“A-Ah, ganoon ba? Delsin, hindi ang alarm clock o kung ano man ang mag-aadjust sa iyo ah. Agahan mo ang tulog mo para maaga rin ang gising. Sana ay hindi na maulit ito. Sayang kasi, bago ka pa lang. Hindi naman pwedeng lagi kitang bigyan ng pagkakataon sa mga ganitong bagay. Baka masilip tayo ng iba mo pang mg aka-trabaho,” bilin ni Beverly sa kanya, lalo tuloy siyang nahiya.
“Opo, Ma’am. Hindi nap o mauulit ito, pasensya na po kayo sa inasal ko,” paumanhin niya.
Ngumiti ulit si Beverly sa kanya at tumango.
“Oh, sige na. Trabaho ka na ulit para makarami tayo ng customer, ha.”
Tumayo si Delsin, tumango at ngumiti kay Beverly bago siya tuluyan na umalis sa opisina nito.
Pagbalik niya sa labas ay tumingin agad sa kanya si Tonyo. Para bang gustong makibalita kung anong nangyari sa loob.
Hindi naman ito pinansin ni Delsin, sa halip ay nag-focus na lang siya sa trabaho. Hiyang-hiya pa rin kasi siya kay Beverly dahil pangalawang araw pa nga lang niya ay ganoon na ang nangyari.
Pagdating ng lunch break ay sumabay naman sa pagkain ni Delsin si Tonyo. Hindi alam ni Delsin kung bakit laging ginagawa iyon ni Delsin pero hinayaan niya na lang din dahil ka-trabaho naman niya iyon. Wala naman pating ginagawa sa kanya iyong tao. Isa pa, mabuti rin naman na marunong siyang makipag-kapwa tao kahit na baguhan lang siya sa Maynila.
Bumili na lang sila ng ulam sa labas ng spa salon. May tip naman sila sa mga customer kanina kaya ayos lang iyon. Habang inaayos ni Desin ang kanyang kakainin ay nagsalita si Tonyo.
“Anong nangyari kanina? Pinagalitan k aba ni Ma’am Beverly kasi late ka kaninang umaga?” pag-uusisa nito kay Delsin.
“A-Ah, hindi naman sa pinagalitan pero pinagsabihan niya lang ako na huwag ko na raw gawin iyon sa susunod. Akala ko nga, magagalit talaga siya sa akin eh,” sagot naman ni Delsin.
“Ano? Kalmado ka lang kinausap ni Ma’am Beverly?” gulat na tanong ni Tonyo kaya agad namang nagtaka si Delsin tungkol dito.
“Oo, bakit? Magagalitin ba dati sa inyo si Ma’am Beverly?” tanong naman ni Delsin, gusto rin naman niya kasing makilala si Beverly kahit paano dahil may crush nga siya rito.
“Ah, kung kilala mo lang talaga iyan. Diyos ko po, ang daling uminit ng ulo ng babae na iyan. Noong bago nga ako, may mali lang akong kilos eh grabe na akong sigawan niyan, e. Sigurado ka bang hindi talaga nagalit sa iyo si Ma’am Beverly? Kasi, nakakapanibago eh,” kwento pa ni Tonyo.
“Ah, baka naman pagod lang sa trabaho niya kaya ganoon? Alam mo na, ganoon naman talaga ang mga may ari ng mga ganitong establishmento,” pagtatanggol pa ni Delsin kay Beverly dahil nga may gusto siya rito.
“Naku, hindi naman talaga mabait ‘yan eh. Swerte na nga lang talaga kung tumagal ka rito. Kaya nga daming bago na masahista kasi umalis na ‘yong mga luma dahil sa ugali niya,” pagkwento pa ulit ni Tonyo.
Ang totoo niyan, may pagka-malambot si Tonyo kaya ganoon na lang kumulo ang dugo niya kay Beverly pero dahil nagta-trabaho siya rito ay hindi naman niya mapakita ang totoong galit niya sa kanyang amo.
Habang nakain sila ay napa-isip si Delsin, dahil mukha namang matagal na sa trabahong iyon si Tonyo ay ginamit na niya iyong oportunidad para makapagtanong tungkol kay Beverly.
“Tonyo, may gusto sana akong itanong sa iyo kung ayos lang?” sabi ni Delsin.
“Ano iyon? Sige, nagtanong ka na lang rin naman. Ituloy mo na,” sabi naman ni Tonyo sa kanya.
“Gusto ko lang sanang malaman kung may boyfriend o asawa si Ma’am Beverly? Alam mo na, ang ganda naman kasi niya di ba?” hindi maiwasan ni Delsin na mapangiti nang masulyapan niya si Beverly sa di kalayuan.
“Bakit? Type mo si Ma’am? Naku! Hindi ka pasok dyan, hindi ka papatulan niyan dahil mayayaman lang naman ang gusto niya, e. Sa ganda niyang iyan, marami siyang manliligaw. Minsan nga, napunta pa rito ‘yong iba eh. Haynaku, napaka-swerte ng babaeng iyan pero napaka-sama rin naman ng ugali. Ewan ko ba,” sabi ni Tonyo.
Dahil sa nalaman ay medyo nalungkot si Delsin pero hindi naman nawala ang kanyang paghanga sa amo. Masaya pa nga siya dahil kahit paano ay nakakuha siya ng impormasyon tungkol dito.
“Huy, kumain ka na. Baka matunaw si Ma’am Beverly sa kakatitig mo sa kanya. Isa pa, baka lumamig na ang ulam natin kaya kumain ka na dyan. May oras pa tayong hinahabol. Dali! Kain na,” sabi ni Tonyo.
“Oo na, ito na nga kakain na ako oh,” sabi ni Delsin at sumubo ng kanin at ulam niya.
Napangiti naman si Delsin doon at nagpatuloy na lang siya sa pagkain.